Nasa Bingit ng Pagkalipol
SI Sam, ang tatlong-taóng-gulang na gorilya na nasa larawan, ay talagang mukhang malungkot. Ngunit marahil ay hindi natin dapat pagtakhan iyan. Pinatay ng mga mangangaso ang kaniyang ina, anupat naulila siya at wala nang posibilidad na makabalik pa sa ilang. Nakalulungkot, ilang buwan lamang matapos kunin ang larawang ito, namatay si Sam sa isang sakit sa palahingahan. Ngunit hindi lamang siya ang gorilya na may katiting na pag-asang manatiling buháy.
Ang walang-puknat na pagsira sa kanilang likas na tirahan ay naging dahilan upang mapabilang ang mga nilalang na ito sa listahan ng nanganganib na mga uri. At yamang ang mga gorilya ay aktuwal na kinakatay sa ilang lugar para gawing pagkain, ang mga mangangaso na may makabagong mga riple ay malaking banta rin sa pangmatagalang pag-iral ng mga hayop na ito. Bagaman ang kinabukasan para sa mga gorilya ay waring malabo, mas malubha pa ang kalagayan ng maraming iba pang uri.
Inilalarawan ng isang ulat na inihanda ng International Union for Conservation of Nature and Natural Resources (IUCN) ang nakapanlulumong kalagayan ng karamihan sa buhay-ilang sa daigdig. Sa nakalipas na ilang taon, dumami ang nanganganib na mga uri, at nakababahala ang bilis ng pag-unti ng mga ito. Inilathala kamakailan ng IUCN, isang organisasyon na nagbabantay sa kalagayan ng libu-libong uri, ang Red List nito, na dinisenyo upang palawakin ang kabatiran sa kalagayan ng nanganganib na mga buhay-ilang.
Halos sangkapat ng lahat ng mamalya sa daigdig at mga ikawalong bahagi ng mga ibon ang nanganganib ngayong malipol. At ang mga ito’y mga uri lamang na dokumentado na. Ang kalagayan ng konserbasyon ng karamihan sa mga uri sa ating planeta ay nananatiling di-alam.
Kung ang kalunus-lunos na kalagayang ito ay pumipighati sa iyo, ano kaya ang nadarama ng ating Maylalang hinggil dito? Sinasabi niya sa kaniyang Salita, ang Bibliya: “Lahat ng mga hayop sa kagubatan ay akin.” (Awit 50:10, Today’s English Version) Kaya tiyak na hindi niya ipagwawalang-bahala ang lansakang pagsira sa sariling gawa ng kaniyang mga kamay. Sa aklat ng Apocalipsis, tinitiyak ng Diyos sa atin na kaniyang ‘ipapahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.’—Apocalipsis 11:18.
Ang pagsasanggalang kapuwa sa buhay-ilang ng planeta at sa maselang kapaligiran nito, na dito ay umaasa tayong lahat, ay dalawa lamang sa mga importanteng gawain na aasikasuhin ng Kaharian ng Diyos kapag ‘ginawang bago ng Diyos ang lahat ng bagay.’—Apocalipsis 21:5; Mateo 6:10.
[Kahon/Larawan sa pahina 16, 17]
Tigre (Panthera tigris)
◼ Tinatayang populasyon sa ilang: mga 5,000 hanggang 7,500 (bumaba mula sa mga 100,000 isang siglo ang nakalilipas)
◼ Mga pangunahing banta: ilegal na pangangaso, paglason, pagkawala ng tirahan, at pagkakabukod-bukod ng mga populasyon ng tigre
[Kahon/Larawan sa pahina 17]
Higanteng Panda (Ailuropoda melanoleuca)
◼ Tinatayang populasyon sa ilang: 1,000—na nagpapangyaring maging isa ito sa pinakabihirang mamalya sa lupa
◼ Mga pangunahing banta: mababang antas ng pagpaparami at pagkasira ng mga kagubatan ng kawayan sa bundok kung saan ito ay umaasa ng pagkain
[Credit Line]
Foto: Zoo de la Casa de Campo, Madrid
[Kahon/Larawan sa pahina 17]
Oranggutang (Pongo pygmaeus)
◼ Tinatayang populasyon sa ilang: mga 20,000
◼ Mga pangunahing banta: mga sunog sa kagubatan, pagtotroso, ilegal na pangangaso, at pagpupuslit para sa kalakalan ng alagang hayop
[Credit Line]
Foto: Zoo, Santillana del Mar, Cantabria, España
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
Lesser (Red) Panda (Ailurus fulgens)
◼ Tinatayang populasyon sa ilang: di-alam, ngunit waring kumakaunti na ito sa kinaroroonan nito bunga ng unti-unting pakikialam ng tao at mababang antas ng pagpaparami
◼ Mga pangunahing banta: ilegal na pangangaso, pagkasira ng mga kagubatan ng kawayan sa bundok, at panginginain ng hayupan
[Credit Line]
Foto: Zoo de la Casa de Campo, Madrid
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
Goeldi’s Monkey (Callimico goeldii)
◼ Tinatayang populasyon sa ilang: di-alam (ang primate na ito ay natuklasan lamang noong 1904)
◼ Mga pangunahing banta: pagkasira ng maulang kagubatan ng Amazon at pagiging madalang ng populasyon, na dahilan upang mapabukod ang mga ito.
[Credit Line]
Foto: Zoo, Santillana del Mar, Cantabria, España
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
May Pulang-Koronang Tagak (Grus japonensis)
◼ Tinatayang populasyon sa ilang: mga 2,000
◼ Mga pangunahing banta: mga pagkabangga sa mga kable ng kuryente, pagkasira ng mga dakong pinagpapalahian, at polusyon.
[Credit Line]
© 1986 Steve Kaufman