Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 7/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mahiwagang Pagkaligtas
  • Economy-Class Syndrome
  • Umiinit sa Tokyo
  • Pagbabalik ng Syphilis
  • Pag-iingat Para sa Matatandang Manlalakbay
  • Pulu-pulutong na “Nagsilikas sa Sariling Bayan”
  • Suction-Cup na Dila
  • Ang Lumalawak na Disyerto
  • Natukoy na ang Pinagmumulan ng Amazon
  • Ang Nauubos na Yaman ng Lupa
    Gumising!—2005
  • Bakit Nagbabalik ang “May Lunas” na mga Sakit?
    Gumising!—1993
  • Kapag ang Lupain ay Naging Disyerto
    Gumising!—1997
  • Nanganganib ba Talaga ang Planetang Lupa?
    Gumising!—2008
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 7/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Mahiwagang Pagkaligtas

Samantalang ang mga kagubatan ng Pransiya ay malubhang nasalanta ng malalakas na bagyo noong Disyembre 1999, ipinakikita ng mga obserbasyon kamakailan na ang malalaking hayop na pinangangaso ay hindi napinsala na gaya ng inaasahan, ang ulat ng pahayagang Le Monde ng Paris. Tanging 20 patay na hayop​—10 usa, 5 roe deer, at 5 baboy-ramo​—ang natagpuan sa isang lugar na may 10,000 ektarya sa mga nasalantang kagubatan ng silangang Pransiya. Sa pagsunod sa “mga mekanismo na mahiwaga pa rin,” ang mga hayop ay nakasumpong ng mga paraan ng pagtakas, marahil sa pamamagitan ng pagtatago sa ilalim ng mga puno na nakabuwal o pagsasama-sama sa hantad na lugar. Sinabi ni Jean-Paul Widmer ng French National Forest Office: “Mas kakaunti ang alam natin tungkol sa [paggawi ng] mga usa at baboy-ramo kaysa sa mga leon at iba pang maiilap na hayop sa malayo.”

Economy-Class Syndrome

Sa nakaraang walong taon, 25 pasahero na dumating sa Narita Airport ng Hapon ang “namatay dahil sa tinatawag na economy-class syndrome,” ang ulat ng pahayagang The Daily Yomiuri. Taliwas sa katawagan nito, ang “economy-class syndrome” ay maaari ring makaapekto sa mga pasahero sa first-class. Ang pag-upo sa loob ng ilang oras ay makapipigil sa sirkulasyon ng dugo sa mga binti at maaaring maging sanhi ng pamumuo ng dugo. Kapag ang namuong dugo ay nakarating sa baga, maaari itong magdulot ng hirap sa paghinga at maging ng kamatayan. Taun-taon, nasa pagitan ng 100 at 150 biyahero na dumarating sa Narita Airport ang dumaranas ng ganitong uri ng problema, ang sabi ni Toshiro Makino, pinuno ng Nippon Medical School’s New Tokyo International Airport Clinic. “Ang mga pasahero na tuluy-tuloy na nagbibiyahe nang mahigit sa pito o walong oras ay dapat na uminom ng mas maraming tubig kaysa karaniwan at gumawa ng mga pag-iingat, gaya ng pag-uunat at pagbabaluktot ng kanilang mga binti,” ang mungkahi niya.

Umiinit sa Tokyo

“Ang katamtamang bilang ng mga araw bawat taon na ang temperatura sa Tokyo ay mas mababa kaysa sa antas ng pagyeyelo ay dumalang nang 95 porsiyento sa paglipas ng ika-20 siglo,” ang ulat ng The Daily Yomiuri. Noong dekada ng 1990, sa katamtaman ay mayroon lamang 3.2 araw bawat taon kung kailan ang temperatura sa Tokyo ay mas mababa sa antas ng pagyeyelo, kung ihahambing sa 61.7 araw sa unang sampung taon ng siglong iyon. Isang beteranong meteorologo sa Meteorological Agency ng Hapon ang nagkomento na ang pag-init ng globo ay humahadlang sa pagbaba ng temperatura na kasimbaba ng dati, at nagpahayag siya ng pagkabahala na “ang isang talagang maginaw na taglamig” sa Tokyo ay maaaring maglaho na. Ayon sa ahensiya, kung ang pagbubuga ng gas na sanhi ng greenhouse effect ay magpapatuloy gaya ng antas sa kasalukuyan, ang pagtaas ng temperatura ng globo ng 1.0- hanggang 3.5-digri Celsius ay tinatayang mangyayari sa ika-21 siglo. Ang pagtaas ng 3.5 digri sa buong Hapon ay magbubunga ng pag-init ng Tokyo na gaya ng Nairobi sa kasalukuyan.

Pagbabalik ng Syphilis

Ang syphilis ay halos ganap na naglaho na sa Pransiya sa loob ng maraming dekada. Ngunit nitong nakaraang taon, napansin ng mga doktor ang isang bagong epidemya ng sakit na ito na naililipat sa pagtatalik, pangunahin na sa mga homoseksuwal, ulat ng diyaryong Pranses na Le Figaro. Ang katulad na pagkalat ng syphilis ay napansin din sa Britanya at Ireland noong 2000. Ang syphilis ay isang sakit na dulot ng baktirya na sa umpisa ay kakikitaan ng mga sugat at singaw sa balat at kung hindi magagamot ay nauuwi sa pinsala sa nerbiyo at puso. Nakababalisa ang pagbabalik ng syphilis, ang puna ng Le Figaro, sapagkat ito’y “lubusang di-kilala ng bagong mga henerasyon ng mga doktor na hindi pa nakasusuri ng isa man lamang kaso nito noong nagsasanay sila sa panggagamot.” Kaya maaaring magkamali ang doktor sa pagsusuri nito, anupat makahahadlang sa epektibong paggamot. Naghihinala ang mga espesyalista sa sakit na ang mapanganib na mga gawain sa pagtatalik ang dahilan ng pagbabalik ng syphilis. Dahil dito, natatakot sila na ang kaganapang ito ay maaaring palatandaan ng “isang bagong paglaganap sa epidemya ng AIDS.”

Pag-iingat Para sa Matatandang Manlalakbay

Ang bilang ng matatandang adulto na naglalakbay sa di-gaanong maunlad na mga lugar sa daigdig ay lumalaki, at marami ang nagkakasakit dahil nakakain sila ng pagkain o tubig na may baktirya, ang sabi ng Tufts University Health & Nutrition Letter. Ang resultang “traveler’s diarrhea” ay maaaring mauwi sa mas malulubhang suliranin sa kalusugan para sa mga tao na 60 taóng gulang o higit pa. Malibang kumakain ka sa isang primera-klaseng otel o restawran sa isang malaki at modernong lunsod, ang Health & Nutrition Letter ay nagbababala:

□ Huwag iinom ng tubig sa gripo o magsisipilyo ng ngipin dito. Gumamit lamang ng de-bote, pinakuluan, o dinisimpektang tubig. Huwag gagamit ng yelo sa mga inumin maliban lamang kung nakatitiyak kang nanggaling ito sa ligtas na tubig.

□ Huwag kakain ng isda o karne malibang ito ay nilutong mabuti.

□ Huwag kakain ng mga produktong galing sa gatas na hindi pastyurisado o ng hilaw na mga gulay.

□ Huwag kakain ng prutas malibang ikaw mismo ang nagtalop nito pagkatapos itong hugasan sa malinis na tubig. Matapos itong talupan, maghugas ng iyong mga kamay bago kumain.

□ Huwag kakain ng pagkaing ipinagbibili ng mga nagtitinda sa kalye, kahit ito’y inihahain nang mainit pa.

Pulu-pulutong na “Nagsilikas sa Sariling Bayan”

“Kasindami sila ng mga taong nahawahan ng HIV, doble ng dami ng mga refugee. Sila ang tinatawag sa komunidad ng internasyonal na pagtulong na mga ‘nagsilikas sa sariling bayan,’” ulat ng The Independent ng London. Bagaman napilitang lumisan sa kanilang tahanan dahil sa digmaan, nananatili sila sa kanilang sariling bansa. Tinataya ng UN na sa buong daigdig, may 25 hanggang 30 milyon ng gayong nagsilikas na mga tao. Ang karamihan ay nakatira, hindi sa mga kampo ng refugee, kundi kasama ng ibang pamilya o sa mga lansangan. Si Dennis McNamara, special coordinator ng UN para sa problema, ay nagsabi na sa halip na lumikas sa ibang lupain, “sinisikap ng marami na manatiling malapit sa kanilang tahanan hangga’t maaari: naroon ang lupain na sinasaka nila.” Kung minsan, ang mga ahensiyang nagbibigay ng tulong ay hindi pinahihintulutang makipag-ugnayan sa gayong mga tao. Hanggang 90 porsiyento ay mga babae at mga bata. “Ang mga lalaki ang lumilikha ng mga digmaan,” dagdag ni McNamara. “Ang mga babae at mga bata ang mga biktima. Ang mga babaing nagsisilikas ay laging nanganganib na magahasa ng mga hukbong umuusig sa kanila.”

Suction-Cup na Dila

Paano nahuhuli ng hunyango ang ibang butiki at maging ang mga ibon na tumitimbang ng hanggang 10 porsiyento ng sariling bigat nito? Hanggang ngayon, pinaniniwalaan na ang nasila ay dumidikit sa magaspang at malagkit na ibabaw ng dila ng hunyango. Ngunit hindi ipinaliliwanag niyan kung paano nakahuhuli ang hayop na ito ng maituturing na mabigat na huli. Upang matuklasan ito, ang mga siyentipiko sa Antwerp, Belgium, ay gumawa ng high-speed na pagrerekord sa video ng malakidlat na galaw ng dila ng hunyango, ulat ng Bild der Wissenschaft-Online na serbisyo sa pagbabalita ukol sa siyensiya sa Alemanya. Natuklasan ng mga siyentipiko na kapag inilalabas ng hunyango ang kaniyang dila, ito’y nagiging parang bola sa pinakadulo. Bago pa tumama, dalawang kalamnan sa dila ang umuurong, anupat nagiging mistulang suction cup ang pinakadulo na siyang dumidikit sa sisilain.

Ang Lumalawak na Disyerto

“Ang Sahara ay tumawid na sa Mediteraneo,” ulat ng The Guardian ng London, “habang binabago ng isang mapaminsalang kombinasyon ng pagkasira ng lupa at ng pagbabago ng klima ang ilang bahagi ng timugang Europa tungo sa pagiging disyerto.” Sa isang komperensiya ng United Nations hinggil sa paglaban sa disyertipikasyon na idinaos noong Disyembre 2000, ang isa sa sinisisi ng isang eksperto ay ang pangglobong pagsasaka, na nagpapahirap sa maraming karaniwang magsasaka na makipagkompetensiya. Kaya iniiwan ng mga magsasaka ang lupain na naingatan na nang libu-libong taon sa pamamagitan ng hagdan-hagdang pagtatanim at maingat na pagpapatubig, at ang lupa ay naaagnas sa kalaunan. Malubha ang situwasyon sa timugang Italya, Espanya, at Gresya. Ang Bulgaria, Hungary, Romania, Moldova, Russia, at Tsina ay napapaharap din sa lumalawak na disyertipikasyon. Si Klaus Töpfer, direktor na tagapagpatupad ng UN Environment Programme, ay nagsabi: “Ang lupa ay isang likas na yaman na mahalaga rin sa kapakanan ng tao at ng kapaligiran na tulad ng malinis na tubig at malinis na hangin.”

Natukoy na ang Pinagmumulan ng Amazon

Natiyak na ng isang pangkat na binubuo ng 22 manggagalugad “ang pinagmumulan ng pinakamalaking ilog sa daigdig, anupat winawakasan ang maraming dekada ng paghihinuha at nagsasalungatang mga tuklas,” ulat ng The Times ng London. Ang Amazon ay nagsisimula bilang isang maliit na agos mula sa Nevado Mismi, isang taluktok na 5,000 metro ang taas sa timugang Andes ng Peru. Mula roon ay dumadaloy ito sa isang libis ng damo at lumot, kung saan ito sinasalubong ng iba pang mga batis at ilog bago magpatuloy sa paglalakbay nito nang 6,000 kilometro hanggang sa Karagatang Atlantiko. Sa paglalarawan sa pinagmumulan ng ilog, si Andrew Pietowski, ang lider ng pangkat, ay nagsabi: “Iyon ay isang magandang lugar. Nakatayo ka sa isang luntiang libis sa pinakaibaba ng isang kahanga-hanga at halos itim na gilid ng bangin na mga 40 metro ang taas. Doo’y napakatahimik at napakapayapa.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share