Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 1/8 p. 4-9
  • Ang Nauubos na Yaman ng Lupa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Nauubos na Yaman ng Lupa
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • May Sapat Pa Bang Likas-Yaman Para sa Lahat?
  • Naglalahong mga Kagubatan
  • Naglalahong Lupain
  • Ang Tubig​—Libre, Subalit Walang Kasinghalaga
  • Nanganganib ang Buhay ng Tao
  • Saan Napunta ang Lahat ng Tubig?
    Gumising!—2001
  • Ang Pagwasak sa Maulang Gubat
    Gumising!—1998
  • Kung Saan Mas Malala ang Krisis
    Gumising!—1997
  • Pagdurusa Dulot ng Salot ng Asin
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 1/8 p. 4-9

Ang Nauubos na Yaman ng Lupa

“Sa kalikasan, ang lahat ng bagay ay magkakaugnay, at pinagbabayaran na natin ngayon ang ating nakaraang mga pagkakamali.”​—Magasing African Wildlife.

ANG tawag ng ilan dito ay ecological footprint. Ito ang sukatan ng paggamit ng tao sa mga likas-yaman kung ihahambing sa kakayahan ng lupa na mapalitan ang mga ito. Ayon sa World Wildlife Fund, ang pangglobong ecological footprint ay hindi balanse mula pa noong dekada ng 1980.a Pero isa lamang itong indikasyon ng matinding pamiminsala sa ating kapaligiran.

Isa pang sukatan ang kalagayan ng mga ekosistema sa lupa. Ang salitang “ekosistema” ay tumutukoy sa masalimuot na pagtutulungan ng lahat ng organismo sa isang likas na kapaligiran, kasali na ang buháy at walang-buhay na materya. Ang kabuuan at mahusay na kalagayan ng mga ekosistemang ito​—ipinakikita sa dami ng gubat, tubig-tabang, at mga uri ng hayop at halaman sa dagat na tinutustusan ng mga ito​—ang bumubuo sa tinatawag na Living Planet Index ng World Wildlife Fund. Mula 1970 hanggang 2000, bumulusok ang index na ito nang mga 37 porsiyento.

May Sapat Pa Bang Likas-Yaman Para sa Lahat?

Kung nakatira ka sa isang lupain sa Kanluran kung saan punô ng laman ang mga istante ng mga tindahan at bukás ang ilan sa mga ito sa loob ng 24 na oras, mahirap isipin na may nagbabantang kakapusan sa mga likas-yaman. Gayunpaman, kakaunti lamang sa mga tao sa lupa ang nagtatamasa ng marangyang istilo ng pamumuhay. Ang karamihan ay isang kahig, isang tuka para lamang makaraos. Halimbawa, tinatayang mahigit sa dalawang bilyong tao ang nabubuhay sa halagang tatlong dolyar o mas mababa pa rito sa loob ng isang araw at na dalawang bilyon ang hindi makapagpakabit ng kuryente.

Ang kahirapan sa papaunlad na mga lupain ay isinisisi ng ilang tao sa pangangalakal ng mayayamang bansa. “Sa iba’t ibang paraan,” ang sabi ng Vital Signs 2003, “ang ekonomiya ng daigdig ay hindi pumapabor sa mga kapakanan ng mahihirap.” Habang dumarami ang mga taong nagkukumahog upang makakuha ng bahagi sa mga likas-yaman, na lalong umuunti at tumataas ang presyo, hindi makaya ng mahihirap na makipagkompetensiya para makuha ang kanilang kaukulang bahagi. Dahil dito, mas maraming likas-yaman ang nakukuha ng mga may pambayad para rito​—samakatuwid nga, ang mayayaman.

Naglalahong mga Kagubatan

Tinatayang 80 porsiyento ng mga taga-Aprika ang gumagamit ng kahoy na panggatong sa pagluluto. Bukod dito, “ang Aprika ang may pinakamabilis lumaking populasyon [at] may pinakamabilis lumaking bilang ng mga naninirahan sa mga bayan at mga lunsod sa daigdig,” ang sabi ng magasing Getaway sa Timog Aprika. Bunga nito, ang teritoryo sa palibot ng malalaking bayan sa Sahel, isang malawak na lugar ng medyo tigang na lupain sa timugang hanggahan ng Disyerto ng Sahara, ay wala nang mga punungkahoy sa layong mahigit na 100 kilometro sa lahat ng direksiyon. Hindi naman pinutol nang walang dahilan ang mga punungkahoy na iyon. ‘Sinisira ng napakaraming mamamayan sa Aprika ang kanilang sariling kapaligiran para lamang mabuhay sila,’ ang sabi ni Propesor Samuel Nana-Sinkam.

Ibang-iba naman ang situwasyon sa Timog Amerika. Halimbawa, mayroong halos 7,600 rehistradong kompanya ng pagtotroso sa maulang gubat ng Brazil. Ang karamihan sa mga ito ay pagmamay-ari ng internasyonal na grupo ng mga kompanya na may malalaking pondo. Ang isang puno ng kamagong ay nagkakahalaga ng mga $30 sa isang kompanya ng pagtotroso. Subalit matapos kumita ang mga ahente, mangangalakal, at mga may-ari ng pabrika, ang puno ring iyon ay maaaring nagkakahalaga na ng mahigit sa $130,000 bago pa man makarating sa tindahan ng mga muwebles. Hindi nakapagtatakang ituring ang kamagong bilang mahalagang pinagmumulan ng yaman.

Marami nang nailathala tungkol sa pagkasira ng maulang gubat ng Brazil. Ipinakikita ng mga larawang kuha ng satelayt na mahigit sa 20,000 kilometro kuwadrado ng gubat sa Brazil ang nasira bawat taon mula 1995 hanggang 2000. “Ang nakapangingilabot na bilis na ito ng pagsira ay nangangahulugan na isang lugar sa gubat na kasinlaki ng palaruan ng soccer ang naglalaho tuwing ikawalong segundo,” ang ulat ng magasing Veja sa Brazil. Kapansin-pansin, iniuulat na ang Estados Unidos pa lamang ay umangkat na ng mahigit sa 70 porsiyento ng kamagong ng Brazil noong taóng 2000.

Ang pagkalbo sa kagubatan ay nagaganap din sa ibang bahagi ng daigdig. Halimbawa, kalahati ng kagubatan at kasukalan sa Mexico ang naglaho na sa nakalipas na 50 taon. Lalo pang matindi ang paglalaho ng kagubatan sa Pilipinas. Sa bansang iyan, mga 100,000 ektarya ng gubat ang naglalaho bawat taon, at noong 1999, tinatayang halos dalawang-katlo ng kagubatan ng bansa ang maglalaho sa loob ng isang dekada.

Mangangailangan ang isang punong may matigas na kahoy ng 60 hanggang 100 taon upang sumapit sa hustong gulang, subalit ilang minuto lamang ang kakailanganin upang ibuwal ito. Nakapagtataka pa ba kung bakit hindi nakaaalinsabay ang ating mga kagubatan?

Naglalahong Lupain

Kapag nawalan ng pananim ang lupa, madali nang matutuyo ang pang-ibabaw na lupa at tatangayin ito ng hangin o ng tubig. Erosyon ang tawag sa penomenong ito.

Ang erosyon ay likas na nagaganap at karaniwang hindi isang seryosong problema​—malibang pabilisin ng tao ang penomenong ito sa pamamagitan ng di-wastong paggamit sa lupa. Halimbawa, sinasabi ng magasing China Today na “bumilis ang paglawak” ng mga disyerto dahil sa mga bagyo ng buhangin, kasabay ng iba pang mga salik na tulad ng pagkalbo sa kagubatan at sobrang panginginain ng mga hayop. Dahil sa di-pangkaraniwan at tuyong mga kalagayan nitong nakaraang mga taon, matinding naapektuhan ng malamig na hanging galing sa Siberia ang mga lalawigan sa kanluran at hilagang-kanluran ng Tsina. Milyun-milyong tonelada ng dilaw na buhangin at alikabok ang kumalat, anupat umabot ito hanggang sa Korea at Hapon. Disyerto na ngayon ang mga 25 porsiyento ng malaking bahagi ng lupain sa Tsina.

Pareho rin ang mga dahilan ng pagkasira ng mga lupain sa Aprika. “Dahil sa pagkakaingin,” ang sabi ng Africa Geographic, “permanente nang nasira ng mga magsasaka ang payat na lupa.” Tinatayang matapos mahawan ang mga palumpong sa isang lugar, 50 porsiyento ng pagiging mataba ng lupa ang nawawala sa loob lamang ng tatlong taon. Kaya naman idinagdag pa ng magasin: “Milyun-milyong ektarya na ang naglaho at milyun-milyon pa ang maglalaho habang paunti nang paunti ang ani bawat taon sa ilang lugar.”

Sinasabing 500 milyong tonelada ng lupa ang naglalaho sa Brazil bawat taon dahil sa erosyon. Sa Mexico, sinasabi ng Department of Environment and Natural Resources na 53 porsiyento ng mga palumpungan, 59 na porsiyento ng kasukalan, at 72 porsiyento ng kagubatan ang apektado ng erosyon. Lahat-lahat, ang sabi ng ulat ng United Nations Development Programme, “malamang na umaabot sa dalawang-katlo ng mga sakahan sa daigdig ang apektado ng erosyon. Bilang resulta, mabilis na bumababa ang produksiyon sa agrikultura, samantalang patuloy na dumarami ang mga bibig na kailangang pakainin.”

Ang Tubig​—Libre, Subalit Walang Kasinghalaga

Mabubuhay ang tao sa loob ng mga isang buwan nang walang pagkain, ngunit mamamatay siya sa loob ng mga isang linggo nang walang tubig. Kaya naman sinasabi ng mga eksperto na magdudulot ng matinding tensiyon ang papaunting suplay ng malinis na tubig sa darating na mga taon. Ayon sa isang ulat ng magasing Time noong 2002, mahigit na isang bilyon katao sa buong daigdig ang hindi nakaiinom ng malinis na tubig.

Iba-iba ang dahilan ng kakapusan sa tubig. Sa Pransiya, polusyon ang dahilan at ito ay isang lumalaking problema. “Napakarumi ng mga ilog sa Pransiya,” ang sabi ng Le Figaro. Natunton ng mga siyentipiko na ang ugat ng problemang ito ay ang dumadaloy na tubig na may mataas na konsentrasyon ng nitrate, pangunahin nang nagmula sa mga abonong ginagamit sa pagsasaka. “Ang mga ilog sa Pransiya ay nagpakawala ng 375,000 tonelada ng nitrate patungo sa Atlantiko noong 1999, halos doble ng dami noong 1985,” ang sabi ng babasahin.

Ganito rin ang situwasyon sa Hapon. Upang patuloy na makapagsuplay ng pagkain sa bansa, “walang mapagpilian ang mga magsasaka kundi ang gumamit ng mga kemikal na abono at pestisidyo matugunan lamang ang pangangailangan ng lipunan,” ang sabi ni Yutaka Une, pinuno ng isang walang-patubong organisasyon para sa kaligtasan ng sakahan. Nagparumi ito sa tubig sa ilalim ng lupa​—na tinukoy ng IHT Asahi Shimbun ng Tokyo na “isang pangunahing problema sa buong Hapon.”

Sa Mexico, 35 porsiyento ng mga karamdaman ay “nag-ugat sa mga salik na may kinalaman sa kapaligiran,” ang ulat ng pahayagang Reforma. Bukod dito, isiniwalat ng isang pag-aaral na isinagawa ng kalihim ng kalusugan na “1 sa bawat 4 na naninirahan ay walang imburnal; mahigit sa 8 milyon ang kumukuha ng kanilang tubig sa mga balon, ilog, lawa, o mga batis; at mahigit sa isang milyon ang nakakakuha ng tubig mula sa mga trak na may tangke.” Hindi nakapagtataka na 90 porsiyento ng mga kaso ng pagtatae sa Mexico ay sanhi ng maruming tubig!

“Hindi lamang mainit na sikat ng araw, puting buhangin, at asul na dagat ang iniaalok ng mga dalampasigan ng Rio,” ang sabi ng magasing Veja sa Brazil. “Taglay rin ng mga ito ang matataas na antas ng baktirya mula sa dumi ng mga tao at hayop gayundin ang mga natapong langis paminsan-minsan.” Dahil ito sa duming nanggagaling sa mahigit na 50 porsiyento ng mga imburnal sa Brazil na hindi nalilinis bago tuwirang umagos patungo sa mga ilog, lawa, at sa karagatan. Nagbubunga ito ng malubhang kakapusan sa malinis na tubig. Napakarumi na ng mga ilog sa palibot ng pinakamalaking lunsod sa Brazil, ang São Paulo, anupat ang maiinom na tubig ay inihahatid pa roon mula sa layong 100 kilometro.

Sa kabilang panig naman ng globo, ang prosesong tinatawag na salinization (pag-alat ng lupa) ang pangunahing dahilan ng kakapusan sa tubig sa Australia. Sa loob ng maraming dekada, hinimok ang mga may-ari ng lupa na hawanin ang kanilang lupain upang bigyang-daan ang pagtatanim. Dahil sa kakaunti na lamang ang mga punungkahoy at mga palumpong na sumisipsip ng tubig sa ilalim ng lupa, ang antas ng tubig na ito ay nagsimulang tumaas, anupat kasabay nitong lumitaw ang libu-libong tonelada ng asin mula sa ilalim ng lupa. “Mga 2.5 milyong ektarya ng lupain ang naapektuhan na ng pag-alat ng lupa,” ang sabi ng Commonwealth Scientific and Industrial Research Organisation (CSIRO) ng Australia. “Ang malaking bahagi nito ay ang pinakamabungang mga sakahan sa Australia.”

Naniniwala ang ilan na kung naging mas interesado lamang ang mga mambabatas sa Australia sa kapakanan ng publiko kaysa sa kikitain, naiwasan sana ang mga problemang dulot ng pag-alat ng lupa. “Noon pa mang 1917 ay ipinabatid na sa gobyerno na lalo nang malaki ang posibilidad na umalat ang lupa sa Wheatbelt,” ang sabi ni Hugo Bekle ng Edith Cowan University sa Perth, sa Australia. “Malawakang ibinalita noong dekada ng 1920 ang epekto ng paghahawan sa pag-alat ng mga ilog, at ang epekto nito sa pagtaas ng antas ng tubig sa ilalim ng lupa ay kinilala ng Agricultural Department noong dekada ng 1930. Noong 1950, isang malawakang pag-aaral ang isinagawa ng CSIRO para sa Gobyerno [ng Australia], . . . subalit paulit-ulit na ipinagwalang-bahala ng mga gobyerno ang mga babalang ito, anupat itinuring na may pagtatangi ang mga siyentipiko.”

Nanganganib ang Buhay ng Tao

Walang alinlangan, ang karamihan sa mga ginagawa ng tao ay may mabuti namang layunin. Subalit gaya ng mas madalas na mangyari, hindi talaga sapat ang nalalaman natin tungkol sa kapaligiran upang matiyak nang patiuna ang kahihinatnan ng ating mga hakbang. Kapaha-pahamak ang mga resulta. “Lubha nating sinira ang pagkakatimbang ng buhay rito anupat isinapanganib natin ang mismong lupain na bumubuhay sa atin at, bunga nito, ang mismong buhay natin,” ang sabi ni Tim Flannery, direktor ng South Australian Museum.

Ano ba ang solusyon? Matututuhan pa kaya ng tao na mamuhay na kaagapay ng kapaligiran? Sa totoo lamang, maililigtas kaya ang planetang Lupa?

[Talababa]

a Halimbawa, tinataya na noong 1999, ang kakulangan ay umabot sa 20 porsiyento. Nangangahulugan ito na gumugol ng 14 na buwan upang mapalitan ang dami ng likas-yamang ginamit ng mga tao sa yugtong iyon na 12 buwan.

[Kahon sa pahina 6]

Mahalaga ang Bawat Patak

Maraming tubig ang matitipid sa pamamagitan ng ilang simpleng hakbang.

● Kumpunihin ang tumatagas na mga gripo.

● Huwag mag-aksaya ng tubig sa paliligo.

● Isara ang gripo habang nag-aahit o nagsisipilyo.

● Gamitin nang dalawa o tatlong beses ang tuwalya bago labhan.

● Ipunin muna ang hustong dami ng labahin bago ipasok sa washing machine. (Gayon din ang gawin kung gagamit ng mga automatic dishwasher.)

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Huwag Aksayahin, Nang Hindi Ka Kapusin

● Bagaman ang Australia ang pinakatuyong kontinente sa daigdig, mahigit sa 90 porsiyento ng tubig na pang-irigasyon dito ang “pinadadaloy patungo sa mga pananim sa pamamagitan ng mga kanal at mga hinukay na tudling,” ang ulat ng The Canberra Times. Ito rin ang “teknolohiyang ginagamit noong nagtatayo pa ng mga piramide ang mga paraon.”

● Sa buong daigdig, ang katamtamang dami ng tubig na ginagamit ng isang tao (kasali na ang tubig na ginagamit sa agrikultura at industriya) ay mga 550,000 litro sa isang taon. Gayunman, ang isang pangkaraniwang taga-Hilagang Amerika ay gumagamit ng halos 1,600,000 litro ng tubig sa isang taon. Isang dating republika sa Russia ang pinakamalakas gumamit, karaniwan nang mahigit sa 5.3 milyong litro bawat tao taun-taon.

● Ayon sa Africa Geographic, “sa katamtaman, bawat taga-Timog Aprika ay kumokonsumo ng 4.0 global hectare [sukat na tumutukoy sa pagiging mabunga ng lupa] bawat taon samantalang 2.4 global hectare lamang sa isang tao ang kayang gastusan ng bansa bawat taon.”

[Larawan sa pahina 5]

Ang kinalbong kagubatan sa lupain ng Sahel sa Burkina Faso. Makapal ang mga punungkahoy sa lugar na ito 15 taon na ang nakararaan

[Credit Line]

© Jeremy Hartley/Panos Pictures

[Larawan sa pahina 8]

Sinisira ng pagkakaingin ang maulang kagubatan sa Cameroon

[Credit Line]

© Fred Hoogervorst/Panos Pictures

[Larawan sa pahina 8]

Lubha pa ring ikinababahala sa Estados Unidos ang polusyong dulot ng mga sasakyan

[Larawan sa pahina 8, 9]

Mga 20,000 kilometro kuwadrado ng gubat sa Brazil ang nasira bawat taon mula 1995 hanggang 2000

[Credit Line]

© Ricardo Funari/SocialPhotos.com

[Larawan sa pahina 9]

Mahigit sa dalawang bilyong tao ang nabubuhay sa halagang tatlong dolyar o mas mababa pa rito sa loob ng isang araw

[Credit Line]

© Giacomo Pirozzi/Panos Pictures

[Larawan sa pahina 9]

Dinumhan ng lokal na mga “prawn farm” (lugar na pinag-aalagaan ng mga sugpo) ang tubig sa ilalim ng lupa na nagsusuplay ng tubig sa poso ng nayong ito sa India

[Credit Line]

© Caroline Penn/Panos Pictures

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share