Pagsisiwalat sa mga Pinagmumulan
“Karaniwan na, ang panlulumo ng mga tin-edyer ay hindi lamang iisa ang dahilan kundi pinagsama-samang pinagmumulan ng kaigtingan.”—Dr. Kathleen McCoy.
ANO ang sanhi ng panlulumo ng mga tin-edyer? Maraming salik ang maaaring kasangkot. Halimbawa, maaaring malipos ng kawalang-katiyakan at pagkatakot ang mga kabataan dahil sa pisikal at emosyonal na mga pagbabago na dulot ng pagbibinata at pagdadalaga, anupat mas madali silang magkaroon ng negatibong mga kaisipan. Gayundin, kadalasang mas madaling magkaroon ng negatibong damdamin ang mga tin-edyer kapag naramdaman nilang tinanggihan sila ng kanilang mga kaedad o ng isa na nagkaroon sila ng romantikong damdamin. Gayundin naman, gaya ng binanggit sa ating panimulang artikulo, ang mga tin-edyer sa ngayon ay lumalaki sa isang daigdig na nakapanlulumo sa ganang sarili. Tunay na tayo’y nabubuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.”—2 Timoteo 3:1.
Ang nagpapalala pa sa problema, ang mga kabataan ay napapaharap sa mga panggigipit sa buhay sa kauna-unahang pagkakataon, at hindi nila taglay ang mga kakayahan ni karanasan man ng mga nasa hustong gulang. Kaya naman, ang mga tin-edyer ay nagiging gaya ng mga turista na nangangapa sa isang teritoryong hindi nila kabisado—nadaraig ng kanilang kapaligiran at, sa maraming kaso, hindi sila humihingi ng tulong. Ang mga kalagayang ito ay nagiging tulad ng matabang lupa na handang sibulan ng binhi ng panlulumo.
Subalit maraming iba pang salik na maaaring maging sanhi ng panlulumo ng mga tin-edyer. Isaalang-alang natin ang ilan sa mga ito.
Panlulumo at Kawalan
Kung minsan ay nangyayari ang panlulumo dahil sa matinding pangungulila—marahil ay namatayan ng mahal sa buhay o nawalan ng isang magulang dahil sa diborsiyo. Maging ang pagkamatay ng isang alagang hayop ay makapagpapalugmok sa isang tin-edyer sa sobrang kalungkutan.
May iba ring uri ng kawalan na di-gaanong napapansin. Halimbawa, ang paglipat sa isang bagong lugar ay nangangahulugan ng pag-iwan sa kinasanayang lugar at mahal na mga kaibigan. Kahit na ang pagkakamit ng pinakamimithing layunin—gaya ng pagtatapos sa paaralan—ay maaaring pagmulan ng pagkadama ng kawalan. Kung sa bagay, ang pagpapasimula sa panibagong buhay ay nangangahulugan ng pagkawala ng kaaliwan at katiwasayan ng nagdaang panahon. Pagkatapos nariyan din ang mga kabataan na dapat magtiis ng ilang uri ng nagtatagal na sakit. Sa gayong kalagayan, ang pighati ng pagiging naiiba sa mga kaedad ng isa—baka ipinagwawalang-bahala pa nga sila—ay maaaring magpadama sa isang tin-edyer na naiwala niya sa paanuman ang pagiging normal.
Totoo, naharap ng maraming kabataan ang gayong kawalan nang hindi lubusang nadaraig ng mga ito. Nalulungkot sila, umiiyak sila, namimighati sila, nagdadalamhati sila—subalit nakakayanan na rin nila sa paglipas ng panahon. Kung gayon, bakit samantalang nakakayanan ng karamihan sa mga tin-edyer ang mga panggigipit sa buhay, sumusuko naman ang iba sa mga kahapisang dulot ng panlulumo? Walang madaling sagot, sapagkat ang panlulumo ay isang masalimuot na sakit. Subalit maaaring mas madaling manlumo ang ilang tin-edyer.
Ang Kaugnayan ng Biyokemikal na Kayarian
Ipinapalagay ng maraming propesyonal sa mental na kalusugan na ang pagiging di-timbang ng biyokemikal na kayarian sa utak ay may malaking ginagampanan sa panlulumo.a Ang pagiging di-timbang ay maaaring maipamana sa henetikong paraan, yamang natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga tin-edyer na may magulang na nakararanas ng panlulumo ay mas malamang na magkaroon din ng sakit na ito. “Sa karamihan ng kaso ang nanlulumong mga bata ay may isang magulang na nakararanas din ng panlulumo,” ang sabi ng aklat na Lonely, Sad and Angry.
Nagbabangon ito ng katanungan, Talaga nga bang namamana ng mga bata ang panlulumo, o natututuhan na lamang nilang manlumo dahil kapisan nila ang isang magulang na may sakit nito? Mahirap sagutin ang tanong na ito, yamang ang utak ay totoong napakasalimuot, gaya ng maraming iba pang salik na maaaring may ginagampanan sa panlulumo ng mga tin-edyer.
Panlulumo at Kalagayan sa Pamilya
Ang panlulumo ay tinaguriang pampamilyang bagay, at makatuwiran naman. Gaya ng naunang nabanggit, maaaring may henetikong kayarian na nagpapangyaring maging madaling manlumo ang isa at ito’y naipamamana sa sali’t saling lahi. Subalit ang kalagayan sa pamilya ay maaaring may papel din na ginagampanan. “Ang mga bata na inaabuso ng mga magulang ay lubhang nanganganib na manlumo,” ang sulat ni Dr. Mark S. Gold. “Gayundin ang mga bata na may mga magulang na labis na mapamuna at nakatuon lamang sa mga pagkukulang ng kanilang anak.” Maaari ring magdulot ng panlulumo kapag ang mga magulang ay nakasasakal at labis-labis na mapagkalinga. Gayunman, kapansin-pansin na natuklasan ng isang mananaliksik na ang mga bata ay mas malamang na manlumo kapag ang mga magulang ay hindi nagpapakita ng interes sa kanila.
Subalit hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng nanlulumong mga tin-edyer ay biktima ng hindi magandang pagpapalaki ng mga magulang. Naisasaisang-tabi ng gayong panlahatan at tiyakang kapahayagan ang maraming iba pang salik na maaaring sanhi ng problema. Subalit, sa ilang kaso ang kalagayan ng pamilya ay isang mahalagang bahagi sa suliraning ito. “Ang mga bata na nasa mga tahanan na laging may igtingan ang mga magulang ay mas nanganganib na manlumo kaysa mga batang nasa di-gaanong maligalig na kapaligiran,” ang sulat ni Dr. David G. Fassler. “Ang isang dahilan ay na masyadong nakatuon ang nag-aaway na mga magulang sa kanilang alitan anupat nakakaligtaan na nila ang pangangailangan ng kanilang mga anak. Ang isa pa ay na kadalasang ginagawa ng mga magulang na tampulan ng kanilang pag-aaway ang mga anak, na maaaring magpadama sa mga kabataan ng pagkakasala, galit, at paghihinanakit.”
Ilan lamang ito sa mga salik na maaaring may ginagampanan sa panlulumo ng mga tin-edyer. Mayroon pang iba. Halimbawa, sinasabi ng ilang dalubhasa na ang mga pangkapaligirang salik (gaya ng di-mabuting pagkain, mga nakalalasong bagay, at nakasusugapang sangkap) ay maaaring pagmulan ng panlulumo. Sinasabi naman ng iba na ang ilang gamot (gaya ng ilang antihistamine at pampakalma ng kirot) ay maaaring salik din sa panlulumo. Tila rin naman na ang mga batang may kapansanan sa pagkatuto ay lalong mas madaling makaranas ng panlulumo, maaaring dahilan sa bumababa ang kanilang paggalang sa sarili kapag natatanto nila na hindi sila makaalinsabay sa kanilang mga kaklase.
Gayunman, anuman ang sanhi, mahalaga na isaalang-alang ang katanungang, Paano matutulungan ang nanlulumong mga tin-edyer?
[Talababa]
a Naghihinala ang ilan na bagaman marami ang isinilang na di-timbang ang biyokemikal na kayarian sa utak, ang iba ay malusog sa pasimula subalit nagiging mas madaling manlumo kapag nabago ng traumatikong pangyayari ang kemikal na kayarian sa utak.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Ang igtingan sa pamilya ay kadalasang pinagmumulan ng panlulumo