Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 1/22 p. 14-17
  • Ang Sebra—Ang Mailap na Kabayo ng Aprika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Sebra—Ang Mailap na Kabayo ng Aprika
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Guhit-guhitan at Mahilig Makihalubilo
  • Ang Pakikipagpunyagi Upang Mabuhay
  • Pagpapalaki ng Pamilya
  • Mailap at Kamangha-mangha
  • Ang Kahulugan ng mga Balita
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Sebra
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Aking Ekspedisyon sa Aprika—Naroon Sila Noon Para sa Akin—Naroroon Pa Rin Kaya Sila Para sa Aking mga Anak?
    Gumising!—1987
  • Nakayayamot na mga Tagapagdalisay ng Tubig
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 1/22 p. 14-17

Ang Sebra​—Ang Mailap na Kabayo ng Aprika

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA APRIKA

SANLIBONG sebra ang malayang tumatakbo sa damuhan ng Aprika. Ang kanilang guhit-guhitang mga tagiliran ay umaalun-alon habang ang kanilang makakapal na kilíng ay pumapaling-paling sa ritmo ng kanilang mapupuwersang pagkilos. Ang yabag ng kanilang mga paa sa tigang na lupa ay dumadagundong sa kapatagan. Isang ulap ng pulang alikabok ang umaalimpuyo sa likuran nila at ito’y makikita sa layong maraming kilometro. Tumatakbo sila nang malaya at walang kontrol, nang walang anumang nadaramang hadlang.

Tila dahil sa isang di-nakikitang hudyat, unti-unti silang bumagal at pagkatapos ay huminto. Sa pamamagitan ng kanilang matitibay at makakapal na ngipin, nanginain sila ng tuyong damo. Alerto ang pangkat, na paminsan-minsan ay tumitingin-tingin sa palibot, nakikinig, at inaamoy ang hangin. Dala ng hangin, narinig nila ang ungal ng leon sa malayo, at naging maigting sila. Kabisadung-kabisado nila ang tunog. Habang nakatayo ang mga tainga at nakausli ang damo sa kanilang mga bibig nang hindi gumagalaw, tumingin ang mga sebra sa direksiyon ng ungal. Yamang walang nakikitang anumang kagyat na panganib, yumuko uli sila at nagpatuloy sa panginginain.

Kapag nagsimulang uminit ang araw, naglalakbay uli sila. Ngayon naman ay ang amoy ng tubig ang nakaakit sa maiilap na kabayo na magtungo sa isang ilog. Sa isang mataas na pampang, huminto sila at tinitigan ang mabagal-dumaloy at kulay-kapeng tubig, habang sumisinghal at kinakayod ang tuyong alikabok. Nag-atubili sila, na nababatid na posibleng may panganib sa ilalim ng tahimik na ibabaw ng ilog. Ngunit talagang uhaw na uhaw sila, at ang ilan ay nagsimulang makipaggitgitan nang pasulong. Sa isang huling pagdagsa sa iisang direksiyon, nagtakbuhan sila sa gilid ng ilog. Isa-isa silang uminom na mabuti, pagkatapos ay nagsibalik ang mga ito sa kapatagan.

Pagsapit ng gabi, tumungo ang kawan sa matataas na damo nang hindi nagmamadali. Palibhasa’y naaaninag ang kanilang hugis dahil sa matingkad na pulang sinag ng lumulubog na araw at napalilibutan ng kagandahan ng damuhan ng Aprika, napakaringal nilang tingnan.

Guhit-guhitan at Mahilig Makihalubilo

Ang pang-araw-araw na rutin ng sebra ay hindi nagbabago. Sila ay laging naglalakbay dahil sa kanilang palaging paghahanap ng pagkain at tubig. Habang nanginginain sa kapatagan, ang mga sebra ay mukhang malilinis at matataba, palibhasa’y banát na banát ang kanilang guhit-guhitang balat sa kanilang malaman na mga katawan. Walang katulad ang mga guhit ng sebra, at gaya ng sinasabi ng ilan, walang disenyo ang magkatulad na magkatulad. Ang kanilang kapansin-pansing puti at itim na mga guhit ay waring kakatwa sa ibang mga hayop sa kapatagan. Gayunman, ang kanilang hitsura ay kaakit-akit at bahagi ng pagiging mailap mismo ng Aprika.

Likas na talagang mahilig makihalubilo ang mga sebra. Ang indibiduwal na mga hayop ay nakabubuo ng matitibay na ugnayan na maaaring magtagal habang buhay. Bagaman ang isang malaking kawan ay maaaring may bilang na ilang libong hayop, ito’y nahahati sa maraming mas maliliit na yunit ng pamilya na binubuo ng isang barakong kabayo at ng mga babaing kabayo nito. Napananatili ng maliit na yunit na ito ng pamilya ang kaayusan sa pamamagitan ng mahigpit na pagbubukod sa mga miyembro nito ayon sa ranggo. Ang nangingibabaw na babae ang nagpapasiya sa pagkilos ng pamilya. Siya ang nangunguna, habang ang iba namang mga babaing kabayo at ang kanilang mga bisiro ay sumusunod sa iisang hanay ayon sa ranggo. Subalit sa lahat ng ito, ang barakong kabayo ang nangangasiwa. Kung nais niyang magbago ng daan ang pamilya, nilalapitan niya ang nangungunang babaing kabayo at marahang itinutulak ito sa bagong direksiyon.

Gustung-gusto ng mga sebra na linisin ng ibang kabayo ang kanilang balat, at karaniwan nang makikita sila na kinukuskos at dinidilaan ang mga tagiliran, balikat, at likuran ng ibang sebra. Tila ang paglilinis sa isa’t isa ay nagpapatibay sa ugnayan ng indibiduwal na mga hayop at nagsisimula ito kapag ang mga bisiro ay iilang araw pa lamang ang edad. Kung ang isang miyembro ng pamilya ay hindi maaaring makapaglinis sa iba, ang nangangating mga sebra ay nakasusumpong ng kaginhawahan sa pamamagitan ng pagpapagulung-gulong sa alikabok o pagkukuskos ng kanilang mga katawan sa isang puno, punso ng anay, o sa ibang nakapirming bagay.

Ang Pakikipagpunyagi Upang Mabuhay

Punô ng panganib ang buhay ng sebra. Pawang itinuturing ng mga leon, mababangis na aso, mga hyena, mga leopardo, at mga buwaya na isang angkop na puntirya ang 250-kilong hayop na ito. Maaaring makaalpas ang sebra sa bilis na hanggang 55 kilometro bawat oras, ngunit kung minsan ay nahuhuli ito ng mga maninila na gumagamit ng panggugulat at nakalalapit nang di-namamalayan. Nananambang ang mga leon, nag-aabang ang mga buwaya sa ilalim ng maputik na katubigan, at nagkukubli naman ang mga leopardo sa kadiliman.

Ang mga kakayahang dumipensa ng mga sebra ay nakasalalay sa pagiging alerto at pagtutulungan ng mga miyembro ng kawan. Habang natutulog ang karamihan sa gabi, laging may ilan na gising, na nakikinig at nagbabantay. Kapag nakakita ang isang sebra ng paparating na maninila, inaalerto nito ang buong kawan sa pamamagitan ng pagsinghal. Kadalasan, kapag ang isang miyembro ng kawan ay may sakit o matanda na at hindi na makaagapay, ang ibang sebra ay kusang magmamabagal o maghihintay hanggang sa muling makasabay ang mas mabagal na hayop sa kawan. Kapag nagbabanta ang panganib, walang-takot na pumupuwesto ang barakong kabayo sa pagitan ng maninila at ng mga babaing kabayo, habang kinakagat at sinisipa ang kalaban upang mabigyan ang kawan ng panahon upang makatakas.

Ang gayong pagkakaisa ng pamilya ay inilalarawan ng isang kapansin-pansing insidente na nangyari sa Serengeti Plain sa Aprika, na nasaksihan ng naturalist na si Hugo van Lawick. Sa paglalahad kung paano sinimulang habulin ng isang pangkat ng mababangis na aso ang isang kawan ng mga sebra, sinabi niya na naibukod ng mga aso ang isang babaing sebra, at ang kaniyang dalawang bisiro, na ang isa ay isang taóng gulang lamang. Habang tumatakbong palayo ang ibang sebra, ang ina at ang bisiro nito na isang taóng gulang ay may-katapangang nakipaglaban sa mga aso. Di-nagtagal at ang mga aso ay naging mas agresibo, at ang babaing kabayo at ang bisiro nito na isang taóng gulang ay nagsimulang mapagod. Waring tiyak na ang kanilang katapusan. Naaalala ni Van Lawick ang tanawin na waring wala nang pag-asa: “Walang anu-ano, nadama kong yumanig ang lupa at, pagtingin ko sa palibot, nakita ko nang may pagkamangha ang sampung sebra na mabilis na dumarating. Pagkalipas ng isang sandali, nilapitan ng kawan na ito ang ina at ang dalawang bisiro nito at pagkatapos, habang pinalilibutan ang mag-iina, ang buong grupo ay magkakasamang tumakbo sa direksiyon na pinagmulan ng sampu. Hinabol sila ng mga aso hanggang sa layong 50 metro o higit pa ngunit hindi malusutan ng mga ito ang kawan at di-nagtagal, sumuko na ang mga ito.”

Pagpapalaki ng Pamilya

Talagang ingat na ingat ang babaing sebra sa kaniyang kapapanganak na bisiro at sa pasimula ay ibinubukod ito sa iba pang mga miyembro ng kawan. Sa matalik na yugtong ito ng pagiging bukod, ang bisiro ay nakabubuo ng isang malapit na ugnayan sa ina nito. Isinasaulo ng bisiro ang guhitang disenyo na puti at itim na siyang pagkakakilanlan ng ina nito. Pagkatapos niyan, kikilalanin nito ang tawag, amoy, at guhitang disenyo ng ina at hindi nito tatanggapin ang iba pang babaing sebra.

Ang kapapanganak na mga bisiro ay hindi isinilang na may pagkakakilanlang mga guhit na puti at itim na kagaya ng kanilang mga magulang. Ang kanilang mga guhit ay mamula-mulang kulay-kape at magiging itim lamang ang mga ito kapag tumanda na sila. Sa loob ng mas malaking kawan, ang mga bisiro na galing sa iba’t ibang grupo ng pamilya ay nagsasama-sama upang maglaro. Nagkakarerahan at naghahabulan sila, nagsisipaan at nagtatakbuhan kasama ng mga adulto, na kung minsan ay nakikisali sa kanila sa paglalaro. Habang tumatakbo sa pamamagitan ng kanilang payat at maliliit na binti, ang mga bisiro ay naglalaro sa pamamagitan ng paghabol sa mga ibon at iba pang maliliit na hayop. Ang mga bisiro, na may mahahaba’t payat na mga binti, malalaki at maiitim na mata, at makikintab at malalambot na balat, ay magaganda’t maliliit na hayop at kalugud-lugod na panoorin.

Mailap at Kamangha-mangha

Sa ngayon, ang malalaking kawan ng mga sebra ay makikita pa ring tumatakbo nang malaya at walang kontrol sa malawak at kulay-gintong damuhan ng Aprika. Ito’y isang kagila-gilalas na tanawin.

Sino ang magkakaila na ang sebra, na may kakaibang guhit-guhitang disenyo na puti at itim, may matinding katapatan sa pamilya, at may mailap at malayang espiritu, ay isang maringal at kamangha-manghang nilalang? Sinasagot ng pagkatuto hinggil sa gayong hayop ang tanong na ibinangon libu-libong taon na ang nakalipas: “Sino ang nagpalaya sa sebra?” (Job 39:5) Maliwanag ang sagot. Iyon ay ang Disenyador ng lahat ng nilalang na buháy, ang Diyos na Jehova.

[Kahon sa pahina 14]

Bakit May mga Guhit ang Sebra?

Yaong mga naniniwala sa ebolusyon ay nahihirapang ipaliwanag kung bakit may mga guhit ang sebra. Inaakala ng ilan na ang mga ito ay maaaring ginagamit na panakot sa ibang hayop. Gayunman, maliwanag na ang mga leon at iba pang malalaking maninila ay hindi man lamang natatakot sa mga guhit ng sebra.

Ipinahihiwatig naman ng iba na ang mga guhit ay ginagamit na pang-akit sa di-kasekso. Gayunman, yamang lahat ng sebra ay pare-parehong guhit-guhitan at ang kanilang mga guhit ay hindi espesipiko sa iisang kasarian, malamang na hindi ito ang dahilan.

Ang isa pang teoriya ay na ang puti at itim na disenyo ay lumitaw upang matulungan ang mga sebra na maibsan ang init na dulot ng mainit na araw sa Aprika. Ngunit bakit, kung gayon, walang mga guhit ang ibang mga hayop?

Ang isang karaniwang teoriya ay na ang mga guhit ng mga sebra ay lumitaw upang magsilbing isang paraan ng pagbabalatkayo. Natuklasan ng mga siyentipiko na ang sumisingaw na init mula sa mga kapatagan ng Aprika ay talaga ngang nakalalabo at nakababago sa hitsura ng sebra, anupat nagiging mahirap na makita ito sa malayo. Gayunman, ang gayong malayuang pagbabalatkayo ay di-gaanong kapaki-pakinabang, yamang ang mga leon, ang pangunahing kaaway ng sebra, ay sumasalakay lamang nang malapitan.

Ipinapalagay rin na sa isang tumatakbong pulutong, ang naggagalawang mga katawan ng guhit-guhitang sebra ay nakalilito sa mga naninilang leon, anupat naaapektuhan ang kanilang kakayahan na magtuon ng pansin sa indibiduwal na mga hayop. Pero sa katunayan, ipinakikita ng mga pag-aaral sa buhay-iláng na ang mga leon ay mahusay at matagumpay kapag naninila sila ng mga sebra gaya kapag naninila sila ng iba pang mga hayop.

Ang nakalilito pa riyan ay ang katotohanan na kung minsan, ang mga guhit ng sebra ay maaari pa ngang isang disbentaha para sa hayop na ito. Kung gabi, sa kapatagan na may sinag ng buwan, nagiging mas kapansin-pansin ang sebra dahil sa disenyo nito kaysa sa iba pang hayop na iisa ang kulay. Yamang madalas na manila ang mga leon sa gabi, waring inilalagay nito ang sebra sa isang tiyak na di-kaayaayang kalagayan.

Kaya saan galing ang mga guhit ng sebra? Ang susi sa pag-unawa rito ay masusumpungan sa simpleng pananalita: “Ang kamay ni Jehova ang gumawa nito.” (Job 12:9) Oo, ang Maylalang ang nagdisenyo sa mga nilalang sa lupa taglay ang bukod-tanging mga pagkakakilanlan at katangian na kamangha-manghang ipinagkaloob upang mabuhay ang mga ito na ang mga dahilan ay maaaring hindi lubusang maunawaan ng tao. Ang kagila-gilalas na disenyo sa mga bagay na buháy ay may isa pang layunin. Ito ay nagdudulot ng kaligayahan, kaluguran, at kasiyahan sa puso ng tao. Tunay, ang kagandahan ng paglalang ay nagpapakilos sa marami sa ngayon na madama ang kagaya ng nadama ni David noong sinauna, na sumulat: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.”​—Awit 104:24.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share