Pagmamasid sa Daigdig
Mga Sweter Para sa mga Penguin
Mahigit na 1,000 sweter na ginawa ng mga boluntaryo mula sa buong daigdig ang ipinadala sa Tasmania, Australia. Sino ang magsusuot ng mga ito? Ang mga fairy penguin—maliliit na ibong tumitimbang ng mga isang kilo at namumuhay sa isang lugar na madalas salutin ng natapong langis. “Kapag inaayos nila ang kanilang mga balahibo,” ang paliwanag ng National Post ng Canada, “nalululon nila ang nakalalasong langis, na dumirikit sa kanilang mga balahibo. Isinusuot ng mga boluntaryo ang mga sweter sa mga ibong punô ng langis upang hindi nila makain ang langis [bago] malinisan ang mga ito.” Karagdagan pa, iniuulat ng Post na ang mga sweter ay nakatutulong upang panatilihing mainit ang mga penguin. Si Jo Castle, tagapagsalita para sa Tasmanian Conservation Trust, ay nagsasabi na ang mga sweter ay ginamit din para sa mga ibong-dagat sa Hilagang Hemispero, subalit ang padron, “ay muling dinisenyo para sa mumunting penguin na nasa timog hemispero.”
Kontrobersiya sa Matunog na Paghigop
Ang paghigop nang may tunog o walang tunog, iyan ang tanong—sa paano man para sa mga parokyano sa popular na mga restawran sa Hapon na nagsisilbi ng sopas na miki. Inaakala ng maraming Hapones na nasa katanghaliang gulang at mas may-edad pa na talagang mas masarap ang mahahabang miki kung matunog na hinihigop ito kasama ng sabaw at habang ito ay mainit pa. Itinuturing nila ang malakas-ang-tunog na paghigop na normal at isang paraan upang ipakita na ang isa ay talagang nasisiyahan sa pagkain. Subalit iba ang pangmalas ng mas nakababatang henerasyon ng mga Haponés tungkol sa magandang kaugalian may kaugnayan sa pagkain ng miki. Ang The Japan Times ay nag-uulat: “Ang mas nakababatang mga Haponés ay mas nababahala na huwag matuluan ng sopas ang kanilang mga kurbatang seda at [mamahaling] mga damit. Palibhasa’y pinalaki sa mga Kanluraning kaugalian at sa mas maraming pagkaing Kanluranin, mas malamang na mainis sila kapag yaong mga katabi nila ay matunog sa paghigop.” Ang isyung ito tungkol sa matunog na paghigop ay naging bahagi ng generation gap sa Hapón, anupat ang ilang nakatatanda ay naiilang na mag-ingay kapag kumakain ng miki sa publiko. Sa pagpanig sa mas nakatatandang henerasyon, isang pangunahing pahayagang Haponés ang naghinagpis: “Tunay na magiging malungkot nga kapag wala nang matunog na humihigop.”
Mga Panganib sa Inuming De-alkohol
“Nakababahala ang pagdami ng pinsala, kapansanan, at mga kamatayan na nauugnay sa inuming de-alkohol sa grupo ng mga kabataan sa Europa nitong kamakailang mga taon,” ang ulat ng babasahin sa medisina sa Britanya na The Lancet. Sa Europa, kung saan pinakamarami sa buong daigdig ang nakukunsumong inuming de-alkohol, ang alkohol ay pumapatay ng 55,000 kabataan taun-taon. Nang tanungin tungkol sa kanilang mga ugali sa pag-inom, sangkatlo ng mga estudyanteng tinanong sa Britanya, Denmark, Finland, Greenland, at Ireland ang umamin na sila’y nalasing nang di-kukulangin sa tatlong ulit noong nakaraang buwan. Ayon sa isang pagsusuri sa 100,000 estudyante na edad 15 hanggang 16 sa 30 bansa sa Europa, ang pinakamaraming pagkunsumo ng inuming de-alkohol ng mga kabataan ay nangyari sa Lithuania, Poland, Slovenia, at sa Slovak Republic. Gaya ng iniulat sa pahayagang Independent ng London, ang Royal College of Physicians ng Britanya ay nagbabala na ang “malalang sakit sa atay, na karaniwang nasusumpungan sa mga lalaking malakas uminom na nasa mga edad 40 at 50, ay nasusuri na ngayon” sa mga babae na wala pang edad 25. “Kinilala [ng kolehiyo] ang inuming de-alkohol bilang isa sa pinakamagastos na problema sa kalusugan ng bayan sa Britanya.”
Pagtawid sa Pasipiko Sakay ng Isang Bangkang De-sagwan
Walang ginagamit na mga layag o makina, sinagwan ng isang lalaki ang ibayo ng Karagatang Pasipiko sakay ng isang maliit at bahagyang natatakpang bangka. Nilisan ng Britanong si Jim Shekhdar ang baybayin ng Peru noong Hunyo 2000, ang ulat ng pahayagang El Comercio ng Lima. Ang mapagsapalarang nabigante ay nagdala ng isang nabibitbit na tagaalis ng alat sa tubig, isang radyo, apat na satellite communication system, at isang solar panel upang tustusan ng enerhiya ang lahat ng ito. Noong Marso 2001, pagkalipas ng siyam na buwan at layong 15,000 kilometro, ang lalaking tinawag ng ilan bilang “ang baliw na marino” ay dumaong sa Australia. Noong panahon ng kaniyang paglalakbay ay naligtasan niya ang sampung pagsalakay ng pating at isang muntik-muntikang pagbangga sa isang tangker ng langis. Subalit ang kaniyang huling hamon ay dumating noong huling araw nang itaob ng alon ang kaniyang bangkang de-sagwan anupat kinailangan niyang languyin ang huling 100 metro patungo sa mga bisig ng kaniyang naghihintay na pamilya.
Nagpapabilis ng Paggaling ang Kaayaayang Pakikitungo sa mga Pasyente
“Ang isang palakaibigan at nagpapalakas-loob na doktor na may kaayaayang pakikitungo sa mga pasyente ay talagang nagkakaroon ng mas mabubuting resulta,” sabi ng The Times ng London. Pagkatapos suriin ang 25 inilathalang ulat ng pagsusuri tungkol sa isyung ito, ang mga mananaliksik mula sa mga pamantasan ng York, Exeter, at Leeds, sa Inglatera, ay naghinuha: “Ang mga manggagamot na sumubok na magkaroon ng isang magiliw at palakaibigang kaugnayan sa kanilang mga pasyente, at pinalalakas-loob sila na balang araw ay bubuti na sila, ay nasumpungang mas mabisa kaysa sa mga manggagamot na pinanatili ang kanilang mga konsultasyon na walang sigla, pormal at di-tiyak.” Ipinakita ng isang pag-aaral sa Sweden na ang mga pasyente ay “mas mabilis gumaling at mas nasisiyahan kapag sila’y ginagamot ng isang doktor na nagpapalakas-loob sa kanila na bubuti ang kanilang pakiramdam, humihimok sa kanila na magtanong at gumugugol ng ilang minuto na kasama nila.”
Ang Kahalagahan ng Regular na Ehersisyo
Sinisikap ng maraming tao na iwasan ang labis na katabaan, sakit sa puso, at iba pang problema sa kalusugan dahil sa isang palaupong rutina sa opisina sa pamamagitan ng puspusang pag-eehersisyo paminsan-minsan. Subalit, ipinakikita ng isang pag-aaral kamakailan na ang madalas na pag-eehersisyo nang katamtaman ay mas mabuti upang mapahusay ang metabolismo ng katawan kaysa sa puspusan subalit madalang na mga pag-eehersisyo, ang ulat ng Süddeutsche Zeitung ng Alemanya. Pinag-aralan ng Olandes na mananaliksik na si Dr. Klaas Westerterp ang enerhiyang ginugugol bawat minuto ng 30 boluntaryo. Ipinakikita ng mga resulta na mas mabisang magkaroon ng higit na pisikal na gawain sa araw-araw na buhay sa halip na sikapin ng isang tao na “punan ang mga yugto ng hindi pagkilos sa pamamagitan ng paminsan-minsang mga sesyon ng masidhing gawain.” Ganito ang mungkahi ng ulat: “Halinhan ang pag-upo at pagtayo ng katamtamang gawain gaya ng paglalakad o pagbibisikleta nang madalas hangga’t maaari.”
Matutulin na Tren sa Pransiya
Noong 1867, ang biyahe ng tren mula sa Paris sa timog patungong Marseilles ay tumatagal ng mahigit na 16 na oras. Noong dekada ng 1960, tumatagal pa rin ito ng pito at kalahating oras. Subalit noong Hunyo 2001, ang French National Railways ay naglunsad ng isang bagong napakatulin na tren sa pagitan ng dalawang lunsod. Ngayon ang mga pasahero ay makapaglalakbay na sa bilis na mahigit na 300 kilometro bawat oras, at makapaglalakbay ng distansiyang 740 kilometro sa loob lamang ng tatlong oras. Sa 250-kilometrong biyahe sa timog ng Lyons, ang mga tren ay tumatawid sa mahigit na 500 tulay, na dumaraan sa mahigit na 17 kilometro ng magagandang tawiran, at matuling tumatakbo sa halos 8-kilometrong-haba na tunel. Kung kinakailangan, hanggang “20 tren sa bawat oras ang maaaring tumakbo sa dalawang direksiyon sa ilalim ng lubhang kanais-nais at tiwasay na mga kalagayan,” ang komento ng pahayagang Pranses na Le Monde. Iyan ay katumbas ng isang tren sa bawat tatlong minuto.
Mga Batang Dumaranas ng Kaigtingan
“Ang panahon ng pagkabata ay hindi na ang karaniwang panahon ng paglalaro sa labas ng bahay, ng paglilibang at katahimikan, na gaya noong nakalipas na mga taon,” sabi ng pahayagan sa Mexico City na El Universal. Ang mga mananaliksik ay naghinuha na ang isang batang 10 taóng gulang sa ngayon ay kailangang makitungo sa isang antas ng kaigtingan na kahawig niyaong naranasan ng isang 25-anyos noong 1950. Ang karamihan sa kaigtingang ito ay dahil sa mga klase sa paaralan at iba pang gawain na inaasahan ng mga magulang na tutulong sa kanilang anak na magkaroon ng mas magandang kinabukasan. Subalit ang ekstrang pasanin ay “nakaaapekto sa kaniyang kalusugan, sa kaniyang pahinga, at sa kaniya mismong paglaki,” ang sabi ng pahayagan. Iminumungkahi ng ulat na suriing muli ng mga magulang ang mga gawain ng kanilang mga anak upang ang mga bata ay makagugol nang higit na panahon sa tahanan. Subalit sa halip na walang anumang ginagawa o nakatutok sa TV o sa computer pagkatapos ng eskuwela, “ang ideya ay na lumabas sila at makipaglaro sa ibang mga bata, tumakbo, sumakay sa kanilang bisikleta, lumutas ng mga palaisipan, o gumuhit.”
Apektado ng Umiinit na Dagat ang Buhay-Iláng
Sa isang pagdalaw kamakailan sa liblib na Heard Island, na masusumpungan 4,600 kilometro sa timog-kanluran ng Australia, natuklasan ng mga siyentipiko ang malaking pagbabago sa bilang ng halaman at hayop doon. “Ang mga king penguin, fur seal at cormorant ay dumami at ang mga lugar na dating natatakpan ng mga malalaking tipak ng yelo ay sagana sa mga halaman,” ang ulat ng pahayagang West Australian. Sinabi ng biyologong si Eric Woehler na noong 1957 ay tatlong pares lamang ng nagpaparaming king penguin ang nalalamang nasa isla. “Ngayon,” ang sabi niya, “mayroon na kaming mahigit na 25,000.” Sinabi ni Woehler na ang temperatura sa ibabaw ng dagat ay tumaas ng mga tatlong sangkapat ng isang digri Celsius sa nakalipas na 50 taon. Sinabi pa niya: “Bagaman ang pagtaas ng temperatura ay tila hindi malaki, sapat na ito upang iugnay ito sa mga pagbabagong nakikita natin.” Ipinalalagay ni Woehler na ang klima ng isla ay maaaring maging napakainit sa dakong huli upang umiral doon ang mga halaman at mga hayop.