Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 1/22 p. 25-27
  • Pagiging Interesado sa Okulto—Ano ang Masama Rito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagiging Interesado sa Okulto—Ano ang Masama Rito?
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pang-akit ng Okulto
  • Ang Pangmalas ng Diyos sa Okulto
  • Pag-alpas Mula sa mga Gawain ng Okulto
  • Huwag Kang Lumaban Nang Mag-isa
  • Bakit Dapat Kong Iwasan ang Okulto?
    Gumising!—1990
  • Sino Talaga ang Nasa Likod ng Okultismo?
    Gumising!—2011
  • May Masama Ba sa Okultismo?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Totoo ba ang mga Demonyo?
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 1/22 p. 25-27

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Pagiging Interesado sa Okulto​—Ano ang Masama Rito?

TALAGA bang interesado ang mga tin-edyer sa okulto? Sinikap itong alamin ng isang grupo ng mga mananaliksik sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga estudyante sa 115 paaralan para sa ika-5 hanggang ika-8 baitang at sa haiskul. Isiniwalat ng surbey ang ganitong mga estadistika: Mahigit sa kalahati ng mga tinanong (54 na porsiyento) ang nagsabi na sila’y interesado sa okulto at sa sobrenatural, samantalang sangkapat naman (26 na porsiyento) ang nagsabi na sila’y “interesadung-interesado.”

Ang mga mananaliksik sa University of Alaska sa Anchorage ay sumulat: “Ang mga bali-balita sa pahayagan at magasin tungkol sa umano’y paglaganap ng gawain ng satanikong kulto . . . ay dumami nitong nakalipas na mga taon.” Sinasabi ng mga dalubhasa na may kakaunting matibay na ebidensiya na aalalay sa sinasabing malaganap na Satanismo sa gitna ng mga kabataan. Magkagayon man, walang alinlangan na maraming kabataan ang interesado sa mga aspekto ng Satanismo at ng okulto, kahit na ang gayong interes ay pansamantala lamang.

Kaya, ‘ano ang masama sa pagiging interesado sa okulto?’ ang maaaring itanong ng ilang kabataan. Bilang kasagutan, alamin muna natin ang ilang paraan kung paano nasasangkot ang mga kabataan sa okulto.

Ang Pang-akit ng Okulto

Sinasabi ng isang artikulo sa U.S.News & World Report na “ang mga bata at mga tin-edyer sa ngayon ay nakakakuha at nalalantad sa magugulo​—kadalasa’y nakalilito​—na hanay ng larawan at impormasyon na hindi man lamang maguguniguni mga 20 taon ang nakalipas.” Ang pagkamausisa ang nag-uudyok sa maraming kabataan na magbasa ng mga aklat at mga magasin, manood ng mga video, o manggalugad sa mga Web site sa Internet na nagtatampok ng materyal tungkol sa okulto.

Ayon sa BBC News Online, ang popular na mga programa sa TV na nagtatampok ng pangkukulam at paniniwala sa mga bampira “ay sinasabing nagpapasigla sa mga bata na magkaroon ng interes sa pangkukulam.” Ang ilang musikang heavy-metal ay nagtatampok din ng mararahas at makademonyong tema. Ang kolumnistang si Tom Harpur ay sumulat sa pahayagan sa Toronto na The Sunday Star: “Dapat akong magbigay ng pinakamatinding babala hangga’t maaari tungkol sa nangyayari [sa musika]. . . . Hindi pa ako kailanman nakakita ng anumang bagay na napakasama. Ang mga awit ay punung-puno ng kabaliwan, kasakiman, mga demonyo, pagbububo ng dugo, mga sumpa, lahat ng uri ng karahasan, pati ng panghahalay, pagpinsala-sa-sarili, pagpaslang, at pagpapatiwakal. Ang kamatayan at pagpuksa, mga hula ng pagkawasak, ang pagkakait ng lahat ng mabuti at ang pagtataguyod sa lahat ng nakapangingilabot at masama​—ito ang mga paksa.”

Ang pakikinig ba sa gayong musika ay talagang nagdudulot ng mapanirang paggawi? Maliwanag na gayon nga ang ginawa nito sa paano man sa isang kaso​—yaong kaso ng isang 14-anyos na kabataan sa Estados Unidos na pumatay sa kaniyang ina sa pamamagitan ng pagsaksak dito at pagkatapos ay nagpakamatay. Ang mga dingding sa kaniyang silid ay punô ng mga poster ng mga musikero ng heavy-metal rock. Pagkatapos, ang kaniyang ama ay nagsumamo: “Sabihin ninyo sa mga magulang na bantayan ang musikang pinakikinggan ng kanilang mga anak.” Sinabi niya na noong linggo bago pinatay ng kaniyang anak ang ina nito, palagi nitong inaawit ang isang awiting rock “tungkol sa dugo at pagpatay sa iyong ina.”

Nariyan din ang mga larong may ginagayang tauhan, na ang ilan ay nagpapahintulot sa mga kalahok na magkunwang mga mangkukulam at iba pang tauhan sa okulto. Marami sa mga larong ito ay nagtatampok ng makademonyong karahasan.a

Gayunpaman, ang organisasyon sa pananaliksik na Mediascope ay nag-uulat: “Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang pagpili sa musikang heavy-metal ay maaaring maging isang mahalagang tagapagpahiwatig para sa pag-iisa, pag-abuso sa droga o alak, pagkakasakit sa isip, mga panganib na magpatiwakal . . . o mga paggawi na nagsasapanganib ng buhay sa panahon ng pagkatin-edyer, subalit ang mga paggawing ito ay hindi dahil sa musika. Ipinalalagay na ang mga tin-edyer na nakikipagpunyagi na sa mga problemang ito ay maaaring maakit sa musikang heavy metal, sapagkat ipinahahayag ng mga liriko nito ang kanila mismong mga pagkabahala.”

Maaaring hindi sang-ayon ang lahat ng mananaliksik sa mga panganib ng pakikinig sa satanikong musika. Subalit hindi ba nakalalason ang palaging pakikinig at panonood sa mga video, musika, o mga laro na nagtatampok ng karahasan o pagpapatiwakal? Gayunman, para sa mga Kristiyano ang pagiging interesado sa okulto ay naghaharap ng mas malaking panganib.

Ang Pangmalas ng Diyos sa Okulto

Sa 1 Corinto 10:20, si apostol Pablo ay nagbabala sa mga Kristiyano: “Hindi ko nais na maging mga kabahagi kayo ng mga demonyo.” Sino nga ba ang mga demonyo, at bakit lubhang mapanganib na masangkot sa kanila? Sa simpleng pananalita, ang mga demonyo ay dating mga anghel, na nagpasiyang sumunod kay Satanas na Diyablo. Ang Satanas ay nangangahulugang “Mananalansang” at ang Diyablo naman ay nangangahulugang “Maninirang-puri.” Ayon sa Bibliya, ginawa ng dating anghel na anak ng Diyos na ito ang kaniyang sarili na isang mananalansang at isang maninirang-puri sa pamamagitan ng pagpiling maghimagsik laban sa Diyos. Nang maglaon, inakit niya ang iba pang mga anghel na sumama sa kaniya sa kaniyang mapaghimagsik na landasin. Sa gayon, ang mga sumamang ito sa kaniya ay naging mga demonyo.​—Genesis 3:1-15; 6:1-4; Judas 6.

Tinawag ni Jesus si Satanas na “ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31) Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay may “malaking galit” dahil sa kanilang nalalapit na pagkapuksa. (Apocalipsis 12:9-12) Hindi kataka-taka, nasumpungan niyaong mga nasangkot sa mga demonyo na napakamabalasik ng mga ito. Nakita mismo ng isang babae sa Suriname na lumaki sa isang pamilya na nagsasagawa ng espiritismo kung paanong ang mga demonyo ay “natutuwang pahirapan ang kanilang tumatangging mga biktima.”b Kaya ang pakikisangkot sa malulupit na espiritung mga nilalang na ito sa anumang paraan ay lubhang mapanganib!

Sa kadahilanang ito, iniutos ng Diyos sa kaniyang sinaunang bayan, ang mga Israelita, na iwasan ang lahat ng gawain ng okulto. “Ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova,” ang babala ng Deuteronomio 18:10-12. Ang mga Kristiyano ay binabalaan din na ang “mga nagsasagawa ng espiritismo” ay daranas ng pagkapuksa sa kamay ng Diyos. (Apocalipsis 21:8) Kahit na ang pagiging interesado sa okulto ay hinahatulan ng Diyos. “Tigilan ninyo ang paghipo sa maruming bagay,” ang utos ng Bibliya.​—2 Corinto 6:17.

Pag-alpas Mula sa mga Gawain ng Okulto

Nakagawa ka ba ng pagkakamali sa pamamagitan ng pagiging interesado sa okulto? Kung gayon ay isaalang-alang ang nangyari sa unang-siglong lunsod ng Efeso. Marami roon ang “nagsasagawa ng sining ng mahika.” Subalit ang ilan ay napakilos ng makapangyarihang mga gawa ni apostol Pablo sa tulong ng banal na espiritu. Ang naging mga resulta? “Tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng mahika ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat. At tinuos nila nang sama-sama ang halaga ng mga iyon at nasumpungang nagkakahalaga ng limampung libong piraso ng pilak. Kaya sa makapangyarihang paraan ay patuloy na lumago at nanaig ang salita ni Jehova.”​—Gawa 19:11-20.

Ano ang sinasabi nito sa atin? Na kung nais ng isang taong makaalpas sa mga kamay ng demonyo, dapat niyang sirain ang lahat ng bagay na nauugnay sa satanikong pagsamba! Kasali na rito ang lahat ng aklat, magasin, poster, komiks, video, anting-anting (mga bagay na isinusuot para sa “proteksiyon”), at makademonyong mga materyal na nakukuha sa Internet. (Deuteronomio 7:25, 26) Itapon ang anumang bagay na maaaring gamitin sa panghuhula, gaya ng mga bolang kristal o mga Ouija board. Itapon din ang musika o mga video na nagtatampok ng satanikong mga paksa.

Nangangailangan ng tibay ng loob at determinasyon upang gawin ang gayong matatapang na hakbang. Subalit malaki ang maaaring maging mga pakinabang. Isang babaing Kristiyano na nagngangalang Jeanc ang bumili ng isang laro sa computer na waring hindi naman mapanganib sa simula. Habang unti-unti niyang nilalampasan ang mga yugto ng laro, natuklasan niya na ang mga bahagi ng laro ay may espiritistikong mga pahiwatig. Di-nagtagal, nagsimula siyang magkaroon ng mararahas na bangungot! “Nagising ako sa kalagitnaan ng gabi,” ang sabi ni Jean, “at sinira ko ang mga CD na nagtataglay ng mga laro.” Ang resulta? “Hindi na ako nagkaroon ng anumang problema buhat noon.”

Kung ipakikita mo ang tunay na determinasyong makaalpas, magtatagumpay ka. Alalahanin ang determinasyong ipinakita ni Jesus nang sikapin ng Diyablo na akitin si Jesus na sambahin siya. “Sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” ’ Nang magkagayon ay iniwan siya ng Diyablo.”​—Mateo 4:8-11.

Huwag Kang Lumaban Nang Mag-isa

Ipinaaalaala sa atin ni apostol Pablo na ang lahat ng Kristiyano ay “may pakikipagbuno . . . laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efeso 6:12) Subalit huwag mong sikaping labanan si Satanas at ang kaniyang mga demonyo nang mag-isa. Humingi ng tulong mula sa iyong may-takot sa Diyos na mga magulang at sa matatanda sa lokal na kongregasyong Kristiyano. Maaaring nakahihiyang ipagtapat ang pagkasangkot mo sa okulto, subalit maaari itong magbunga ng pagtanggap mo ng lubhang kinakailangang tulong.​—Santiago 5:14, 15.

Tandaan din na sinasabi ng Bibliya: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo. Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:7, 8) Oo, aalalayan ka ng Diyos na Jehova! Tutulungan ka niyang makaalpas mula sa silo ng okulto.

[Mga talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . May Panganib ba sa mga Larong May Ginagayang Tauhan?,” sa Agosto 22, 1999, na labas ng Gumising!

b Tingnan ang artikulong “Pagwawaksi sa Pamatok ng Espiritismo” sa Setyembre 1, 1987, na labas ng aming kasamang magasin, Ang Bantayan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

c Binago ang pangalan.

[Larawan sa pahina 26]

Itapon ang lahat ng bagay na nauugnay sa satanikong pagsamba

[Larawan sa pahina 26]

Mag-ingat sa mga Web site na nagtataguyod ng espiritismo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share