Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 2/8 p. 25-27
  • Ang Great Artesian Basin—Ano ba Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Great Artesian Basin—Ano ba Ito?
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tuyô sa Ibabaw
  • Basâ sa Ilalim
  • Pagsipsip ng Isang Napakalaking Espongha
  • Pag-ubos sa Imbakan
  • Isang Maselang Higante
  • Pagdurusa Dulot ng Salot ng Asin
    Gumising!—2004
  • Saan Napunta ang Lahat ng Tubig?
    Gumising!—2001
  • Hugasan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Mangkok
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 2/8 p. 25-27

Ang Great Artesian Basin​—Ano ba Ito?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

HABANG kami’y nakasakay sa eroplano pakanluran sa ibabaw ng huling malawak na kabundukan na hugis-daliri ang pagkakalatag sa baybaying-dagat ng Australia, ang tanawing nakikita namin ay nakabibighani. Sa himpapawid, isang maaliwalas na kulay-bughaw na kalangitan ang waring kumukurba hanggang sa tanawin. Pantay at walang maitatampok na anuman ang napakalawak na lupain. Di-nagtagal, ang tagni-tagning tila-kubrekama na berdeng pananim at gintong kapatagan ay nahalinhan ng tigang na tanawin ng pulang lupa na may patse-patse ng kulay-kayumangging damo.

Bagaman waring di-kapani-paniwala, sa ilalim ng lupa ay may katubigan na dalawang-katlo ang laki sa Dagat Mediteraneo. Ang malaking imbakan ng tubig na ito sa ilalim ng lupa ay kilalá bilang ang Great Artesian Basin.

Ang pag-iral ng karagatang ito sa ilalim ng lupa ay mahalaga sa mga naghahanapbuhay sa mainit na bahagi ng bansa na malayo sa baybayin. Upang maunawaan kung bakit ang nakabaong kayamanang ito’y napakahalaga at kung paano ito nabuo, kailangan nating maunawaan kung paano nagawa ang Australia.

Tuyô sa Ibabaw

Ang Australia ay wastong matatawag na isang bansang sunóg sa araw. Ito ang pinakamaliit sa limang kontinente ng daigdig at masusumpungan dito ang ikalawang pinakamalawak na disyerto sa daigdig. Dito rin masusumpungan ang isa sa pinakamahahabang ilog sa daigdig, ang Ilog Darling. Gayunman, kaunting tubig lamang ang tinataglay ng mga ilog sa Australia. Sa Estados Unidos, ang dami ng tubig na umaagos mula sa Ilog Mississippi lamang patungo sa dagat bawat taon ay mas marami na ng 60 porsiyento kaysa sa lahat ng pinagsamang mga ilog at mga batis sa Australia. Bakit hindi pumapatak ang ulan sa lupaing ito?

Dahil sa posisyon ng kontinente sa globo​—na umaabot nang 30 digri sa timugang latitud​—ang panahon nito ay pinangingibabawan ng mataas na presyon. Ang mga dakong ito na may mainam na klima ay nagdadala ng mainit na hangin sa pinakasentro ng bansa. Habang dumaraan sa malawak na kapatagan, ang mga hanging ito ay walang tinatamaang matatayog na kabundukan upang makuha ang halumigmig mula sa hangin. Ang tanging kabundukan na malaki-laki ay malapit sa silangang baybayin ng kontinente. Ang pinakamataas na taluktok nito ay umaabot lamang ng 2,228 metro, napakababa kung ihahambing sa ibang mga kabundukan sa daigdig. Anumang hangin na may dalang ulan mula sa Dagat Pasipiko sa silangan patungo sa loobang bahagi ng bansa ay tumatama sa mga bundok na ito at ibinabagsak ang kanilang nagbibigay-buhay na tubig-ulan sa isang makitid na lupain sa baybaying-dagat. Ang kakulangan ng taas, ang matataas na katamtamang mga temperatura, at ang kinaroroonan ng mga bundok nito ay nagsama-sama upang ang Australia ay maging ang pinakatuyong kontinente sa lupa​—kahit man lamang sa ibabaw nito.

Basâ sa Ilalim

Matatagpuan sa ilalim ng tigang at matigas na sapin ng lupa sa Australia ang 19 na pangunahing mga lunas ng tubig sa ilalim ng lupa. Ang pinakamalaki ay ang Great Artesian Basin na nasa ilalim ng sangkalimang bahagi ng kontinente. Ang lunas na ito ay 1.7 milyong kilometro kuwadrado ang lawak, na umaabot mula sa dulo ng Cape York sa hilaga hanggang sa Lawa ng Eyre sa Timog Australia. Ito’y naglalaman ng 8,700 kilometro kubiko ng tubig, sapat na upang punuin at paapawin ang mga lawa ng Michigan at Huron sa Hilagang Amerika.

Gayunman, di-tulad ng Great Lakes ng Hilagang Amerika, ang tubig sa Great Artesian Basin ay hindi madaling makuha. Ito’y pumapasok sa lunas kapag ang ulan ay sinisipsip ng lupa at ng mga suson ng batong-buhangin na nakapaglalaman ng tubig. Mga 300 milyong litro ng tubig sa isang araw ang pumapasok sa lunas sa ganitong paraan. Ano ang nangyayari sa lahat ng tubig na ito?

Pagsipsip ng Isang Napakalaking Espongha

Ang Great Artesian Basin ay parang isang dambuhalang espongha. Ang tulad-esponghang mga suson ng batong-buhangin, na ang kapal ay mula 100 metro hanggang halos tatlong kilometro, ay nasa pagitan ng mga suson ng bato na hindi tinatagusan ng tubig. Ang kurbadang mga plate na ito ay nakahilig pababa sa gawing kanluran, samantalang ang kabilang panig ng mga ito sa gawing silangan ay nakalantad sa kahabaan ng Great Dividing Range. Ang tumatagos na ulan sa panig na ito ay dumadaloy nang unti-unti pakanluran, na umaagos lamang ng limang metro sa isang taon.

Kapag bumutas pababa sa burol mula sa kabundukan hanggang sa pinakaibabaw na suson ng bato na hindi tinatagusan ng tubig at patungo sa batong-buhangin, itinutulak pataas ng grabidad ang naipong tubig. Dahil ang tubig ay tumataas dahil sa presyon, tinatawag ito na isang artesyanong butas, isang ekspresyon mula sa dating probinsiya ng Pransiya na Artois, kung saan hinukay ang unang balon na ganito ang uri. Nang matuklasan ang mahalagang artesyano ng Australia, libu-libong butas ang hinukay sa sinaunang daang-tubig.

Pag-ubos sa Imbakan

Noong mga huling taon ng 1800, ang mga naninirahan na desididong samantalahin ang malawak na kapatagan ng Queensland at New South Wales ay buong pananabik na kumuha ng tubig sa inaakala nilang suplay na di-nauubos. Pagsapit ng 1915, sa isang araw ay ibinubuga ng mga 1,500 butas ang dalawang bilyong litro ng tubig (1,000 swimming pool na sinlaki niyaong ginagamit sa Olimpiyada) mula sa Great Artesian Basin. Mas mabilis na inubos nito ang imbakan kaysa sa pagpuno rito; kaya maraming butas ang huminto sa pagbuga ng tubig.

Sa ngayon, sa 4,700 artesyanong butas na hinukay, 3,000 na lamang ang likas na bumubuga ng tubig. Dalawampung libong butas pa ang ginawa sa malaking esponghang ito upang kuhanan ng tubig, na dinadala sa ibabaw sa pamamagitan ng mga windmill na pambomba na makikita mong nagkalat sa tanawin sa ilalim namin nang kami’y nakasakay sa eroplano. Ang nababahalang mga pamahalaan ay kumikilos upang pag-ingatan ang imbakan sapagkat sa kasalukuyan, 95 porsiyento ng lahat ng tubig na dinadala sa ibabaw mula sa artesyano ay nasasayang, anupat nawala dahil sa pagkatuyô.

Maliwanag na mahalagang pangalagaan ang yamang ito, sapagkat tanging ang tubig sa ilalim ng lupa ang maaasahang pinagmumulan ng tubig sa 60 porsiyento ng Australia. Maraming bayan at mga industriya sa loobang bahagi ng bansa ang lubos na umaasa sa suplay na ito. Ano ba ang lasa ng tubig nito? Si Jason, na lumaki sa isang bukid sa Queensland na umaasa sa tubig mula sa artesyano, ay nagsabi: “Ito’y medyo maalat, at mas gusto ko ang tubig-ulan kapag mayroon; ngunit gustung-gusto ito ng mga baka.” Ang lasa ay nagmumula sa natunaw na mga mineral na naiipon sa tubig habang ito’y tumatagas sa mga suson ng bato. Sa gilid ng lunas, ang tubig ay halos puro, subalit pagdating sa kalagitnaan, ito’y maaaring maging napakaalat​—na maaari lamang inumin ng mga tupa at baka. Ang tubig na hindi nakuha at hindi nagamit ng tao ay patuloy na dumadaloy pakanluran tungo sa tuyong dako sa loob.

Isang Maselang Higante

Habang kami’y patuloy na lumilipad pakanluran, aming nakikita sa ilalim namin sa malayo ang maliliit at kumikislap-kislap na mga patse ng tubig, na nagkalat na tulad ng mga butones sa disyerto. Pagkatapos maglakbay ng daan-daang kilometro sa ilalim ng lupa, na umaabot ng libu-libong taon, umabot din sa wakas ang tubig-ulan sa gilid ng timog-kanluran ng Great Artesian Basin at tumatagos ito sa ibabaw, anupat lumilikha ng mga likas na bukál sa mga gulod sa ibaba namin. Ang sumisingaw na tubig mula sa bukál ay nagdudulot ng pag-iipon ng mga depositong mineral. Dumirikit ang mga buhangin na dala ng hangin sa mga depositong ito, anupat unti-unting tumataas ang bukál sa nakapalibot na tanawin.

Maging ang mga liblib na lugar na ito na nagsisilbing mga kanlungan para sa halaman at maraming ibon ay dumaranas ng pinsala dahil sa tao. Ang aklat na Discover Australia ay nagsabi: “Nasira ng pagdating ng mga baka, mga kuneho, at nitong kamakailan lamang, mga turista, ang karamihan sa maseselang bukal sa gulod. . . . Marahil, ang higit na nakapipinsala sa lahat ay ang dami ng tubig na kinukuha mula sa mga butas para sa mga hayop na maliwanag na nakabawas sa dami ng tubig na dumadaloy sa maraming bukal, anupat sa ilang kaso ay nagiging patak na lamang.”

Ang sinaunang daang-tubig na ito ay isang maselang higante​—napakalawak ngunit marupok sa gawa ng tao. Katulad ng lahat ng likas-yaman sa daigdig, kailangan ang maingat na pangangasiwa upang panatilihin ang napakalaking sistemang ito ng tubig sa ilalim ng lupa, ang Great Artesian Basin.

[Mapa sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

GREAT ARTESIAN BASIN

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 25]

Isang simbolo ng liblib na lugar ng Australia, ang windmill na pambomba ay nagdadala ng buhay sa disyerto

[Larawan sa pahina 26]

Gaya ng mga naninirahan sa liblib na bukid na ito, ang 60 porsiyento ng Australia ay lubos na umaasa sa tubig sa ilalim ng lupa

[Larawan sa pahina 26]

Likas na mga bukal sa gulod na bumubuga ng tubig na libu-libong taon na sa ilalim ng lupa

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng National Parks and Wildlife South Australia

[Larawan sa pahina 26]

Isang lawang asin sa timog-kanlurang gilid ng Great Artesian Basin

[Larawan sa pahina 26]

Tumataas ang mga bukal nang mga 15 metro dahil sa unti-unting pagdami ng mga depositong mineral sa paligid nito

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng National Parks and Wildlife South Australia

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share