Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 2/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Habang-Buhay na Pagkabilanggo​—Sa Bahay-Pukyutan
  • Sinusubaybayan ng mga Hayop ang Polusyon
  • Mga Sundalong Bata
  • Bagong Rekord sa Pagsasalin ng Bibliya
  • Isang Bagong Mabigat na Kemikal
  • Mga Panganib sa Pagsasalin ng Dugo
  • Mabigat na Parusa Para sa Pornograpya sa Internet
  • Marihuwana at ang Puso
  • Isang Rosas sa Anong Pangalan?
  • Pag-aalaga ng Pukyutan—Isang “Matamis” na Kuwento
    Gumising!—1997
  • Kilalanin ang mga Pukyutan na Walang Tibo sa Australia
    Gumising!—2000
  • Bubuyog
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Pukyutan Laban sa Computer
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 2/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Habang-Buhay na Pagkabilanggo​—Sa Bahay-Pukyutan

“Ang mga pukyutan sa Aprika ay nakagawa ng isang kakatwa subalit lubhang mabisang taktika para pakitunguhan ang di-ninanais na mga mananalakay,” sabi ng magasing New Scientist. “Kinukulong nila ang mga ito sa mga seldang piitan sa loob ng kanilang mga bahay-pukyutan. Kinukulong ng patakarang ito ng pagpaparusa ang mga parasito at, kung kinakailangan, binibigyan nito ng panahon upang makatakas ang kolonya ng pukyutan.” “Pinag-aralan [ng mga mananaliksik] kung paano ipinagsasanggalang ng mga pukyutan sa Timog Aprika ang kanilang sarili laban sa Aethina tumida, isang maliit na uwang na pumapasok sa bahay-pukyutan at mga kalahati ng laki ng isang pukyutan.” Inilarawan ni Peter Neumann, isa sa mga mananaliksik, ang uwang na “parang tangke.” Kaya, ang tanging depensa ng pukyutan ay ikulong ang uwang. “Habang ang ilang pukyutan ay gumagawa ng piitan, ang iba ay patuloy na nagbabantay sa mga uwang upang hindi makatakas ang mga ito,” ang paliwanag ni Neumann. Ang likas na materyales ay ang resina ng punungkahoy, na tinitipon ng mga pukyutan, at ang paggawa ay tumatagal nang apat na araw. Hindi taglay ng mga pukyutang galing sa Europa, kabilang ang mga pukyutan sa Hilagang Amerika, ang estratehiyang ito. Kaya kapag ang isa sa kanilang bahay-pukyutan ay sinalakay ng uwang, na di-sinasadyang nadala sa Estados Unidos mga limang taon na ang nakalipas, ang bahay-pukyutan ay “nakatalagang mawasak.”

Sinusubaybayan ng mga Hayop ang Polusyon

Ang mga bulati ay bagay na bagay na mga organismo sa pagsukat ng polusyon sa hangin at sa lupa, sabi ng soologong si Steve Hopkin. Yamang sagana at mura, ang hamak na mga hayop na ito ay mas magaling sa paggawa nito kaysa sa masalimuot na artipisyal na mga aparato. Ang karaniwang tahong ay ginagamit upang sukatin ang kalidad ng tubig. Ang musselmonitor​—isang aparato na sinlaki ng isang timba at naglalaman ng walong buháy na tahong​—​ay napatunayan nang mabisa sa pagsukat ng polusyon sa mga ilog ng Rhine at Danube. “Kung biglang dumami ang isang bagay na nagdudulot ng polusyon, nalalaman ito ng mga tahong,” ang sabi ng nagdisenyo ng aparato, si Kees Kramer. Ang mga tahong ay tumutugon sa libu-libong magkakaibang nagpaparuming kemikal sa pamamagitan ng pagsasara ng mga kabibi nito, na naghuhudyat ng alarma sa musselmonitor. Ang pangunahing bentaha ng mga tagasubaybay na ito ay na sinusukat ng mga ito ang epekto ng kontaminasyon sa nabubuhay na mga organismo, ang ulat ng El País ng Espanya.

Mga Sundalong Bata

“Mahigit sa 300,000 bata​—ang ilan ay kasimbata ng 7 taon​—ay nakikipagbaka bilang mga sundalo sa 41 bansa sa buong daigdig,” ang sabi ng isang ulat ng Associated Press. Ang karamihan ay nasa pagitan ng mga edad na 15 at 18. “Bukod sa paggamit sa kanila bilang mga mandirigma sa prontera, ang mga bata ay ginagamit din upang hanapin ang nakatanim na mga bomba at gayundin bilang mga espiya, kargador at mga patutot, ayon sa Coalition to Stop the Use of Child Soldiers.” Kadalasang binibigyan sila ng droga upang maging matapang ang mga bata. Yaong mga tumatanggi sa droga ay pinapatay, sabi ng isang 14-anyos na sundalong rebelde sa Sierra Leone. Tungkol sa kaniyang pakikipaglaban noong 1999 nang siya’y edad 15, isang kabataan na taga-Hilagang Aprika ang nag-ulat: “Inilagay nila ang lahat ng 15- at 16-anyos sa prontera habang umuurong ang hukbo. Kasama ko ang 40 iba pang mga bata. Ako’y nakikipagbaka sa loob ng 24 na oras. Nang makita ko na tatlo na lamang sa aking mga kaibigan ang buháy, tumakbo ako pabalik.” Binanggit ng ulat ng Coalition na kinakalap ng mga gobyerno ang mga bata dahil sa “kanilang mga katangian bilang mga bata​—maaari silang mababang pasuwelduhan, madaling palitan at ikondisyon sa walang-takot na pagpatay at gawing sunud-sunuran.”

Bagong Rekord sa Pagsasalin ng Bibliya

“Sa kumpleto o bahagi nito, ang Bibliya ay makukuha na ngayon sa kabuuang 2,261 wika, isang pagdami ng 28 wika mula noong nakalipas na 12 buwan,” ang ulat ng Bible Society ng Britanya. “Sa kumpletong anyo nito [ang Bibliya] ay makukuha na ngayon sa 383 wika, mahigit na 13 wika kaysa noong nakaraang taon.” Ang kumpletong mga tomo ng Hebreo o ng Griegong Kasulatan, na tinatawag ding Matanda at Bagong Tipan, ay makukuha na ngayon sa 987 wika.

Isang Bagong Mabigat na Kemikal

Ang mga kimiko ay may “bagong materyales sa pagbuo sa kanilang set sa pagtatayo ng mga bagay: ang hassium, isang mabigat na metal,” ulat ng pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung. Ang mga siyentipiko sa Gesellschaft für Schwerionenforschung (Heavy Ion Research Center) sa Darmstadt, Alemanya, ay nagtagumpay sa kauna-unahang pagkakataon sa pagsasama ng mga atomo ng hassium at oksiheno, anupat nabuo ang isang bagong kemikal na compound. Ipinangalan sa estado ng Hesse sa Alemanya, ang hassium ay hindi likas na lumilitaw. Ito’y unang nagawa ng mga nuclear physicist noong 1984. Kapuwa ang hassium at ang bagong compound nito ay radyaktibo, pabagu-bago, at panandalian at sa gayo’y wala pang kagyat na praktikal na kahalagahan.

Mga Panganib sa Pagsasalin ng Dugo

“Isa sa tatlong pagsasalin ng dugo ang isinasagawa kung kailan hindi dapat isagawa ang mga ito salig sa mga panuntunang Pangkalusugan [sa New South Wales],” ang ulat ng Sydney Morning Herald ng Australia. “Ang mga panuntunan ay humihiling ng pagsasalin ng dugo kung ang antas ng haemoglobin ng pasyente ay pito o mas mababa rito.” Si Dr. Ross Wilson, na nagsagawa ng pagsusuri sa paggamit ng dugo, ay nagpaliwanag na ang “pagbibigay ng di-kinakailangang pagsasalin ng dugo ay maaaring makamatay sa isang pasyente dahil sa maaari nitong patigilin ang pintig ng puso.” Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ni Dr. Wilson anim na taon bago nito, “mga 18,000 [Australiano] ang namamatay taun-taon bunga ng mga komplikasyong tuwirang natamo nila dahil sa medikal na paggamot na kanilang tinanggap.” Inirerekomenda ni Dr. Wilson na dapat paalalahanan ang mga doktor tungkol sa mga panuntunang pangkalusugan hinggil sa pagsasalin ng dugo sa tuwing hihiling sila ng pagsasalin at dapat din nilang ipaalam sa mga pasyente ang mga panuntunang ito upang maitanong nila ito mismo sa kanilang manggagamot.

Mabigat na Parusa Para sa Pornograpya sa Internet

“Ipinahayag ng nangungunang hukuman na naglilitis ng mga kasong kriminal sa Alemanya . . . na ang pamamahagi ng pornograpyang nagtatanghal ng mga bata sa Internet ay walang pinagkaiba sa pamamahagi ng gayong materyal sa mga babasahin at may parusang pagkabilanggo nang hanggang 15 taon,” ang ulat ng Associated Press. Ipinaliwanag ng artikulo na “ang pasiya ng Pederal na Hukuman ng Katarungan ay nagtakda ng isang pamarisan para sa Alemanya, na dati’y walang mahigpit na legal na patakaran sa pagpaparusa sa mga taong namamahagi ng pornograpikong mga larawan ng mga bata sa Internet.” Binaligtad ng mataas na hukuman ang pasiya ng hukuman ng estado na ang pamamahagi ng pornograpyang nagtatanghal ng mga bata sa Internet ay hindi malubhang paglabag sa batas may kaugnayan sa sekso na gaya ng pamamahagi ng gayong materyal sa mga babasahin.

Marihuwana at ang Puso

“Ang mga nasa katanghaliang gulang na gumagamit ng marihuwana ay limang ulit na nanganganib na atakihin sa puso sa loob ng oras na humitit sila ng droga,” sabi ng Globe and Mail ng Canada sa isang ulat sa isang bagong pagsusuri. “Ang paghitit ng marihuwana ay nagpapabilis sa tibok ng puso​—karaniwang dinodoble ito​—samantalang binabago ang presyon ng dugo . . . Maaari rin itong humantong sa isang atake sa puso sa pamamagitan ng pagpapangyari na mamuo ang dugo, anupat binabarahan ang daloy ng dugo sa kalamnan ng puso.” Si Dr. Harold Kalant ng University of Toronto ay nagsabi: “Para sa nakatatandang mga tao, ang karagdagang trabaho para sa puso ay magiging isang salik sa panganib na magkaroon ng isang atake sa puso.” Ang cocaine ay lalo pang mapanganib, sabi ng ulat, sapagkat pinalalaki nito ang panganib ng isang atake sa puso nang mga 25-ulit sa unang oras pagkatapos gamitin ito.

Isang Rosas sa Anong Pangalan?

Dahil sa napakaraming iba’t ibang halaman na pinararami, ang pagbibigay ng pangalan sa bagong mga uri ay nagiging isang malaking hamon. “Mayroon nang mga 100,000 day lily na may mga pangalan,” ang sabi ng The Wall Street Journal, “at di-kukulanging gayundin karaming rosas at mahigit sa 14,000 dalya. Lahat ng maliwanag na matulaing mga pangngalan at pang-uri, gaya ng beauty, blush, delight, dream, glory, queen, sunrise, sunset, velvet, fragrant, delight at magic, ay ginamit na​—at inirehistro na​—sa halos lahat ng posibleng kombinasyon. Sa ngayon, ang mga nagbibigay ng pangalan sa mga halaman ay napipilitang gumamit ng higit na imahinasyon at pagkamalikhain​—at pumapayag na sa mababang uri​—ng komersiyal na pangalan.” Halimbawa, “sa mga tindahan hinggil sa paghahalaman sa ngayon,” ang sabi ng Journal, “makabibili ka ng isang iris na Taco Supreme, isang rosas na Macho Man, isang hosta na Abba Dabba Do, isang day lily na Primal Scream o isang dalya na Kung Fu.” Maaari ka pa ngang magkaroon ng isang bulaklak na ipapangalan sa iyo​—sa malaking halaga. Isang kompanya na nagtatanim ng mga rosas sa California ang nagpapahintulot sa iyo na nganlan ang isang rosas sa halagang $10,000, basta ang pangalan ay magandang pakinggan. Ang iba pang kompanya ay sumisingil ng $75,000 subalit nag-aalok naman ito ng ilang ekstrang kapakinabangan, kalakip na ang isang pagbabakasyon sa dulong sanlinggo sa Los Angeles na sagot ang lahat ng gastos.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share