Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 12/22 p. 12-14
  • Magna Carta at ang Paghahangad ng Tao sa Kalayaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magna Carta at ang Paghahangad ng Tao sa Kalayaan
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Artikulo ng mga Baron
  • Kalayaan sa Ilalim ng Batas
  • Nagpapatuloy ang Paghahangad
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2002
  • Isang Pagmamasid sa Bagong Konstitusyon ng Canada
    Gumising!—1985
  • Ang Makasaysayang Pagbabago ng Kalayaan sa Pananalita
    Gumising!—1996
  • Ang Tumitinding Problema ng Kalungkutan—Ang Sinasabi ng Bibliya
    Iba Pang Paksa
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 12/22 p. 12-14

Magna Carta at ang Paghahangad ng Tao sa Kalayaan

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

UMAAGOS sa kaakit-akit na tanawin sa rehiyon ng Surrey sa Inglatera ang ilog Thames. Sa isa sa mga parang sa gilid ng pampang nito ay nakatayo ang isang monumento na may inskripsiyong nagpapagunita sa isang pangyayari noong ika-13 siglo. Dito, sa Runnymede, nakipagkita si Haring John ng Inglatera (naghari noong 1199-1216) sa tumututol na mga baron, ang makapangyarihang mga may-ari ng lupa na inís na inís sa pagmamalabis ng hari. Hiniling ng mga baron na ibsan ng hari ang kanilang mga karaingan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng ilang karapatan. Sa ilalim ng matinding panggigipit, sa wakas ay tinatakan ng hari ang isang dokumento na nang maglaon ay nakilala bilang Magna Carta (ang Dakilang Karta).

Bakit inilarawan ang dokumentong ito bilang “ang pinakamahalagang legal na dokumento sa kasaysayan ng Kanluran”? Marami ang isinisiwalat ng kasagutan tungkol sa paghahangad ng tao sa kalayaan.

Ang mga Artikulo ng mga Baron

Nagkaproblema si Haring John sa Simbahang Romano Katoliko. Sinalansang niya si Pope Innocent III sa pamamagitan ng hindi pagkilala kay Stephen Langton bilang Arsobispo ng Canterbury. Dahil dito, inalis ng simbahan ang suporta nito at, sa katunayan, itiniwalag ng simbahan ang hari. Gayunman, sinikap ni John ang isang pakikipagkasundo. Sumang-ayon siyang isuko sa papa ang kaniyang mga kaharian sa Inglatera at Ireland. Ibinalik ng papa ang mga ito kay John dahil sa pagpapahayag ng hari ng katapatan sa simbahan at sa pagbabayad niya ng taunang tributo. Basalyo ngayon ng papa si John.

Ang pinansiyal na mga suliranin ay nakaragdag sa mga problema ng hari. Sa panahon ng kaniyang 17-taóng paghahari, 11 ulit ang ipinataw ni John na karagdagang buwis sa mga may-ari ng lupa. Pinaniniwalaan ng marami na hindi mapagkakatiwalaan ang hari dahil sa lahat ng alitan sa simbahan at sa pinansiyal na mga bagay. Maliwanag na walang nagawa ang personalidad ni John para masugpo ang gayong mga problema.

Sa dakong huli, hindi na makontrol ang kaguluhan nang tumangging magbayad ng higit pang mga buwis ang mga baron mula sa hilaga ng bansa. Nagmartsa sila patungo sa London at tinalikuran ang kanilang katapatan sa hari. Nagtalu-talo nang husto ang mga partido para magkaroon ng kasunduan, samantalang ang hari ay nasa kaniyang palasyo sa Windsor at ang mga baron naman ay nagkampo sa silangan sa kalapit na bayan ng Staines. Dahil sa palihim na mga negosasyon ay nagharap sila sa pagitan ng dalawang bayan, sa Runnymede. Lunes noon, Hunyo 15, 1215, nang tatakan ni John ang isang dokumento na nagtatala ng 49 na artikulo. Ganito ito nagsisimula: ‘Ito ang mga artikulo na hinihiling ng mga baron at ipinagkakaloob ito ng hari.’

Kalayaan sa Ilalim ng Batas

Gayunman, lumitaw kaagad ang kawalan ng tiwala sa mga intensiyon ni John. Bagaman maraming tao ang laban sa hari at sa papa, nagpadala ang hari ng mga sugo upang makipagkita sa papa sa Roma. Kaagad na nagpalabas ang papa ng mga utos na nagpapawalang-bisa sa kasunduan sa Runnymede. Biglang sumiklab ang digmaang sibil sa Inglatera. Subalit nang sumunod na taon, biglang namatay si John, at ang kaniyang siyam-na-taóng-gulang na anak, si Henry, ang lumuklok sa trono.

Isinaayos ng mga tagasuporta ng batang si Henry na muling pagtibayin ang kasunduan sa Runnymede. Ayon sa buklet na Magna Carta, ang rebisadong edisyong ito ay “dali-daling binago mula sa isang legal na dokumento para sa pagsupil sa paniniil na naging isang proklamasyon kung saan maaaring pagsama-samahin ang pangkaraniwang mga opinyon ng tao upang suportahan ang mga kapakanan [ng hari].” Ilang ulit na muling pinagtibay ang kasunduan noong panahon ng paghahari ni Henry. Nang minsan pang pagtibayin ng kaniyang kahalili, si Edward I, ang Magna Carta noong Oktubre 12, 1297, isang kopya sa wakas ang inilagay sa balumbon ng mga batas, isang talaan ng mga dokumento na may pantanging kahalagahan sa publiko.

Nilimitahan ng karta ang mga kapangyarihan ng hari. Itinakda nito na siya, tulad ng lahat ng kaniyang mga sakop, ay nasa ilalim ngayon ng kapangyarihan ng batas. Ayon kay Winston Churchill, isang kilaláng istoryador at punong ministro ng Inglatera noong ika-20 siglo, ang Magna Carta ay naglaan ng “isang sistema na nagtatakda sa kapangyarihan ng anumang sangay ng gobyerno na magkakaloob sa monarkiya ng kinakailangang awtoridad nito, subalit hahadlangan nito ang pag-abuso sa awtoridad ng isang mapaniil o hangal.” Mararangal ngang damdamin! Subalit ano ba ang kahulugan nito sa karaniwang tao? Noong panahong iyon, wala itong gaanong kahulugan. Ginawang detalyado lamang ng Magna Carta ang mga karapatan ng “mga taong laya”​—sa katunayan, isang eksklusibong grupo, na noon ay isang minorya.a

“Noong bagu-bago pa lamang sa kasaysayan nito,” sabi ng Encyclopædia Britannica, ang Magna Carta ay “naging sagisag at sawikaing isinisigaw laban sa paniniil, na binibigyang-kahulugan ng sunud-sunod na salinlahi na isang proteksiyon sa nanganganib nitong mga kalayaan.” Upang ipakita ang kahalagahan nito, ang bawat sesyon ng Parlamento sa Inglatera ay sinisimulan sa pamamagitan ng muling pagpapatibay sa Magna Carta.

Ginagamit ng mga abogado sa Inglatera noong ika-17 siglo ang mga artikulo sa Magna Carta bilang saligan para sa mga karapatang gaya ng paglilitis sa pamamagitan ng hurado, habeas corpus,b pagiging pantay-pantay sa harap ng batas, kalayaan mula sa di-makatuwirang pag-aresto, at pagkontrol ng parlamento sa buwis. Kaya, sa paningin ng estadistang taga-Britanya na si William Pitt, ang Magna Carta ay bahagi ng ‘Bibliya ng Konstitusyon ng Inglatera.’

Nagpapatuloy ang Paghahangad

“Ayon sa kasaysayan, ang konstitusyonal na kahalagahan ng Magna Carta ay higit na nakadepende sa inaakalang kahulugan nito, kaysa sa mismong sinasabi nito,” ang sabi ni Lord Bingham, punong hurado ng Inglatera at Wales mula 1996 hanggang 2000. Gayunpaman, ang mga mithiin hinggil sa kalayaan na nauugnay sa karta ay lumaganap nang maglaon sa lahat ng mga bansang nagsasalita ng Ingles.

Dinala ng mga Peregrino, na umalis ng Inglatera noong 1620 patungong Amerika, ang isang kopya ng Magna Carta. Noong 1775, nang maghimagsik ang mga kolonya ng Britanya sa Amerika laban sa pagpapatupad ng pagbubuwis nang hindi sila binibigyan ng kinatawan sa pamahalaan, ipinahayag ng kapulungan ng estado, na ngayo’y Massachusetts, na ang mga buwis na iyon ay labag sa Magna Carta. Oo, inilalarawan ng opisyal na tatak ng Massachusetts na ginamit noong panahong iyon ang isang lalaking may hawak na tabak sa isang kamay at Magna Carta naman sa kabilang kamay.

Nang magtipon ang mga kinatawan ng bagong bansa upang gumawa ng isang konstitusyon para sa Estados Unidos ng Amerika, itinaguyod nila ang simulain ng kalayaan sa ilalim ng batas. Ang Bill of Rights ng Estados Unidos ay salig sa simulaing ito. Kaya, noong 1957 at bilang pagkilala sa Magna Carta, itinayo ng American Bar Association sa Runnymede ang isang monumento na may inskripsiyon na, “Bilang Paggunita sa Magna Carta​—Sagisag ng Kalayaan sa Ilalim ng Batas.”

Noong 1948, ang Amerikanang estadista na si Eleanor Roosevelt ay tumulong sa paggawa ng United Nations Universal Declaration of Human Rights, na umaasang ito ay magiging “ang internasyonal na Magna Carta ng lahat ng tao saanman.” Tunay, ipinakikita ng kasaysayan ng Magna Carta kung gaano lubhang pinakamimithi ng sambahayan ng tao ang kalayaan. Sa kabila ng mararangal na hangarin, ang saligang mga karapatang pantao sa maraming bansa sa ngayon ay patuloy na nanganganib. Paulit-ulit na ipinakikita ng mga pamahalaan ng tao na hindi nila kayang garantiyahan ang kalayaan para sa lahat. Iyan ang isang dahilan kung bakit lubhang pinakahahangad ng milyun-milyong Saksi ni Jehova sa ngayon ang mas mataas pang anyo ng kalayaan sa ilalim ng batas ng isang naiibang pamahalaan, ang Kaharian ng Diyos.

Ang Bibliya ay may sinasabing kapansin-pansin tungkol sa Diyos: “Kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” (2 Corinto 3:17) Kung interesado kang malaman kung anong uri ng kalayaan ang iniaalok ng Kaharian ng Diyos para sa sangkatauhan, bakit hindi tanungin ang mga Saksi ni Jehova tungkol dito sa susunod na pagkakataong dumalaw sila sa inyo? Maaari mong masumpungang kawili-wili at nakapagpapalaya ang kanilang kasagutan.

[Mga talababa]

a “Bagaman noong 1215 ang salitang ‘taong laya’ ay may limitadong kahulugan, sinaklaw na nito ang lahat pagsapit ng ikalabimpitong siglo.”​—History of Western Civilization.

b Mula sa Latin na “ilabas mo ang katawan,” ang nasusulat na utos ng habeas corpus ay isang legal na dokumento na nag-uutos na tanungin kung naaayon sa batas ang pagkakaditini ng isang tao.

[Kahon/Larawan sa pahina 13]

ANG DAKILANG KARTA

Ang Magna Carta (Latin para sa “ang dakilang karta”) ay nagsimula bilang “Ang mga Artikulo ng mga Baron.” Tinatakan ni Haring John ang 49 na artikulo ng dokumentong ito. Nang sumunod na ilang araw, dumami ang kasunduan hanggang sa 63 artikulo, at tinatakang muli ng hari ang dokumento. Kasama sa muling pinagtibay noong 1217 ang ikalawa at mas maliit na karta na may kinalaman sa batas tungkol sa pangangasiwa at paggamit ng kagubatan. Mula noon, ang mga artikulo ay tinawag na Magna Carta.

Ang 63 artikulo ay itinala sa ilalim ng siyam na grupo, kabilang dito yaong may kinalaman sa mga karaingan ng mga baron, ang reporma ng kautusan at katarungan, at ang kalayaan ng simbahan. Ang Artikulo 39, ang makasaysayang saligan para sa mga kalayaang sibil ng Inglatera, ay kababasahan ng ganito: “Walang taong laya ang dapat dakpin o ibilanggo, o alisan ng kaniyang mga karapatan o mga pag-aari, o tugisin o ipatapon, o pagkaitan ng kaniyang katayuan sa anumang paraan, ni gamitan man siya ng dahas, o magsugo ng iba upang gawin iyon, maliban sa pamamagitan ng paghatol ng kaniyang mga kapantay salig sa batas o sa pamamagitan ng batas ng lupain.”

[Larawan]

Likuran: Ikatlong rebisyon ng Magna Carta

[Credit Line]

By permission of the British Library, 46144 Exemplification of King Henry III’s reissue of Magna Carta 1225

[Larawan sa pahina 12]

Haring John

[Credit Line]

Mula sa aklat na Illustrated Notes on English Church History (Tomo I at II)

[Larawan sa pahina 12]

Isinuko ni Haring John ang kaniyang korona sa mga kinatawan ng papa

[Credit Line]

Mula sa aklat na The History of Protestantism (Tomo I)

[Larawan sa pahina 13]

Nakipagkita si Haring John sa kaniyang mga baron at sumang-ayong tatakan ang Magna Carta, 1215

[Credit Line]

Mula sa aklat na The Story of Liberty, 1878

[Larawan sa pahina 14]

Magna Carta Memorial sa Runnymede, Inglatera

[Credit Line]

ABAJ/Stephen Hyde

[Picture Credit Lines sa pahina 12]

Top background: By permission of the British Library, Cotton Augustus II 106 Exemplification of King John’s Magna Carta 1215; King John’s Seal: Public Record Office, London

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share