Ang mga Hamon na Kinakaharap ng mga Ina
“Ang mahahalagang tungkulin ng sangkatauhan ay ang mga tungkuling may kaugnayan sa tahanan. . . . Kung hindi gagampanan ng ina ang kaniyang tungkulin, alinman sa hindi na magkaroon ng kasunod na henerasyon, o sundan ito ng mas masamang henerasyon na mabuti pang hindi na lumitaw.”—Theodore Roosevelt, ika-26 na presidente ng Estados Unidos.
MALIWANAG, mahalaga ang ina sa buhay ng tao, subalit hindi lamang pagsisilang ng mga anak ang tungkulin niya. May kinalaman sa tungkulin ng mga ina sa kalakhang bahagi ng daigdig sa ngayon, isang manunulat ang nagsabi: “Siya ang pangunahing nagmamalasakit sa kalusugan, edukasyon, pag-iisip, personalidad, pagkatao, at emosyonal na katatagan ng bawat anak niya.”
Ang isa sa maraming papel na ginagampanan ng isang ina ay ang pagiging tagapagturo ng kaniyang mga anak. Ang unang mga salita at paraan ng pagsasalita ng isang bata ay karaniwan nang natututuhan nito sa kaniyang ina. Sa gayon, ang unang lengguwahe ng isang tao ay madalas na tinutukoy bilang inang wika niya. Sa pangkalahatan, ang ina, kaysa ama, ang gumugugol ng mas maraming panahon sa mga anak, kaya siya ang kanilang nagiging pangunahing guro at tagapagdisiplina. Kaya naman, ang kasabihan ng mga Mexicano na “Mula sa suso ng ina ang edukasyon” ay nagpaparangal sa mahalagang tungkulin ng mga ina.
Ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay nagpaparangal din sa mga ina. Sa katunayan, ang isa sa Sampung Utos, na isinulat ng “daliri ng Diyos” sa mga tapyas ng bato, ay humihimok sa mga anak: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Exodo 20:12; 31:18; Deuteronomio 9:10) Bukod diyan, isang kawikaan sa Bibliya ang tumutukoy sa “kautusan ng iyong ina.” (Kawikaan 1:8) Ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga anak sa unang tatlong taon ng buhay nito—sa panahong ang karamihan ay nasa pangangalaga ng kanilang ina—ay malawakan nang kinikilala ngayon.
Ano ang Ilang Hamon?
Para sa maraming ina, ang isang hamon sa pagtuturo nila sa kanilang mga anak sa maselang panahon na nagkakaisip ang mga ito ay ang panggigipit na sila’y magtrabaho para makatulong sa pamilya. Ipinakikita ng estadistikang tinipon ng United Nations na sa maraming mauunlad na bansa, mahigit sa kalahati ng mga inang may mga anak na wala pang tatlong taon ang nagtatrabaho.
Karagdagan pa, madalas na ang mga ina lamang ang bumabalikat sa pananagutan ng pagpapalaki sa kanilang mga anak dahil sa ibang lunsod o bansa nagtrabaho ang kanilang asawa. Halimbawa, iniulat na sa ilang rehiyon sa Armenia, halos sangkatlo ng mga kalalakihan ang nasa ibang bansa upang magtrabaho. Ang ibang mga ina naman ay nagsosolo sa pagpapalaki sa kanilang mga anak dahil nilayasan sila ng kanilang asawa o dahil patay na ito.
Sa ilang bansa, isa pang hamon para sa maraming ina na sila ay hindi nakapag-aral. Tinataya ng UN Department of Economic and Social Affairs na dalawang-katlo sa 876 na milyong hindi marunong bumasa’t sumulat sa daigdig ay mga babae. Sa katunayan, mahigit 60 porsiyento ng mga babae sa Aprika, mga bansang Arabe, at sa Silangan at Timog Asia, ayon sa UNESCO, ang hindi marunong bumasa’t sumulat. Isa pa, naniniwala ang malaking bilang ng mga kalalakihan na ang pagpapaaral sa mga babae ay hindi na kailangan at hindi nababagay sa kanilang tungkuling manganak.
Sinasabi ng magasing Outlook na sa isang distrito sa estado ng Kerala sa India, kung saan ang mga batang babae na edad 15 ay kadalasang mga nanay na, walang sinuman ang gustong magpakasal sa edukadang babae. Sa kalapit na Pakistan, ang mga anak na lalaki ang binibigyan ng priyoridad. Pinalalaki sila at inihahanda upang makakuha ng trabahong malaki ang suweldo nang sa gayon ay masuportahan nila ang kanilang mga magulang sa pagtanda ng mga ito. Sa kabilang dako naman, ayon sa aklat na Women’s Education in Developing Countries, “hindi namumuhunan ang mga magulang sa kanilang mga anak na babae dahil hindi sila umaasang makapagbibigay ang mga ito ng pinansiyal na tulong sa pamilya.”
Nariyan din ang hamon ng pagharap sa lokal na mga kaugalian. Halimbawa, ang isang ina sa ilang bansa ay inaasahang magtataguyod ng mga kaugaliang gaya ng pagbebenta ng mga kabataang anak na babae sa pag-aasawa at ang female genital mutilation (pagsira sa ari ng babae). Pinagbabawalan din ang mga ina na turuan at disiplinahin ang kanilang mga anak na lalaki. Obligado bang sumunod ang isang ina sa gayong mga kaugalian at ipaubaya sa iba ang pagtuturo sa kaniyang mga anak na lalaki?
Sa susunod na mga artikulo, makikita natin kung paano hinaharap ng ilang ina ang gayong mga hamon. Sisikapin din nating higit na mapahalagahan ang mga ina at ang pagiging ina at magkaroon ng timbang na pangmalas sa tungkulin ng ina bilang tagapagturo sa kaniyang mga anak.
[Kahon/Larawan sa pahina 4]
“Pagdating sa pagpukaw sa talino at pagkamausisa ng isang bata, gayundin sa paglinang sa kaniyang pagkamalikhain, napakahalaga ng tungkulin ng isang ina.”—Regional Summit on Children’s Rights, Burkina Faso, 1997.
[Mga larawan sa pahina 3]
Napakalaki ng magagawa ng mga ina sa kalusugan, edukasyon, personalidad, at emosyonal na katatagan ng bawat anak niya