Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 6/22 p. 11-14
  • Karbon—Itim na mga Bato Mula sa Madilim na Hukay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Karbon—Itim na mga Bato Mula sa Madilim na Hukay
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mas Maraming Karbon sa Mas Kaunting Manggagawa
  • Pagbaba sa Madilim na Lagusan
  • Ang Makinang Ginagamit sa Longwall Mining
  • Sa Wakas, ang Liwanag ng Araw!
  • Karbón—Isa Pa Ring Mainit na Isyu
    Gumising!—1985
  • Baga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Karbón—Isang Mainit na Isyu Noong Una
    Gumising!—1985
  • Bakit Kailangan ang Bagong Pinagmumulan ng Enerhiya?
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 6/22 p. 11-14

Karbon​—Itim na mga Bato Mula sa Madilim na Hukay

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Australia

“ITIM​—hindi mo mauunawaan ang kahulugan ng salitang iyan hangga’t hindi ka nakabababa sa lagusan ng minahan,” ang sigaw ng aking kaibigang si Bernie habang maingay na umaandar ang makinarya. Nang masdan ko ang malalim na hukay sa harapan ko, nagdalawang-isip ako kung talaga nga bang gusto kong malaman ang ibig sabihin ni Bernie. Ang pupuntahan namin ay isang suson ng karbon na nakabaon nang kalahating kilometro sa ilalim ng lupang tinatapakan namin.

Nadaanan namin ang mahabang pila ng mga minero na pagód na naglalakad patungo sa mga paliguan. Ang mga lalaki ay may malalapad na balikat at matitigas na puntóng Australiano. Kapag ngumingiti sila, halos nagliliwanag ang kanilang mga mata at ngipin dahil itim na itim ang kanilang mga mukha sa alikabok ng karbon.

Di-nagtagal at sumakay na kami sa maliit na tren na nagdala sa amin pababa sa pinagkukunan ng karbon​—ang nakahantad na suson ng karbon. Gayon na lamang katarik ang bababaan namin anupat ang upuan ng drayber ay dinisenyo upang umugoy, na nakabiting gaya ng duyan mula sa kisame ng tren. Nakabigkis sa tagiliran ko ang batiryang hindi nagtitilamsik ng apoy, na nagsusuplay ng elektrisidad sa ilaw na nakakabit sa aking helmet, at isang kasangkapan sa paghinga na makapaglalaan ng dinalisay na hangin sa panahon ng kagipitan. Habang umuusad ang tren pababa sa dalisdis, lumiit nang lumiit ang kalangitan sa likuran namin hanggang sa maging bughaw na tuldok na lamang ito na napalilibutan ng itim.

Mas Maraming Karbon sa Mas Kaunting Manggagawa

Ang minahan ng karbon na dinadalaw ko ay isa sa maraming minahan sa timog-silangang Australia. Ang aking giya, si Bernie, ay isa sa 25,000 minero na kumukuha ng karbon na nagkakahalaga ng walong libong milyong dolyar [ng Australia] taun-taon mula sa mga minahan sa Australia. Sa buong daigdig, may sampung milyong minero ng karbon na nagtatrabaho sa madidilim na lagusan sa ilalim ng lupa o sa malalawak na minahan sa ibabaw ng lupa. Ngunit umuunti ang bilang nila. Sa United Kingdom, bumaba nang husto ang bilang ng unyon ng mga minero ng karbon mula 1.2 milyon noong 1978 tungo sa 13,000 manggagawa na lamang sa pagsisimula ng ika-21 siglo. Sa Estados Unidos, bumaba ang bilang ng mga minero mula 705,000 noong 1924 hanggang sa wala pang 82,000. Binawasan naman ng Tsina nang 870,000 ang mga manggagawa nito sa minahan ng karbon sa nakalipas na limang taon lamang.

Gayunman, ang bumababang bilang ng mga minero ay hindi nangangahulugang hindi na gaanong kailangan ang karbon. Sa katunayan, tinataya na tataas ng 11 porsiyento ang pangangailangan sa karbon sa industriyalisadong mga bansa pagsapit ng taóng 2020, at ang Tsina at India ay inaasahang magtatayo ng pinagsamang dami na mahigit 750 bagong planta ng kuryente na pinatatakbo ng karbon sa panahon ding iyon. Ang pagbaba ng bilang ng mga manggagawa ay pangunahin nang resulta ng bagong teknolohiya, na nakatutulong sa mga kompanya na makapagmina ng mas maraming karbon sa kakaunting manggagawa. Ang napakalaking makina na ipakikita sa akin ni Bernie ay isang halimbawa ng mas mahusay na teknolohiyang ito.

Pagbaba sa Madilim na Lagusan

“Ito ang pinakaibaba ng lagusan,” ang sabi ni Bernie habang pagitgit kaming bumababa sa tren. “Ang lahat ng tunel sa minahan ay nagmumula rito.” Nakahanay sa mababang kisame ang mga fluorescent na ilawan. May nakahilerang maliliit na troso, na nakakalang sa pagitan ng sahig at ng kisame, na sumusuhay sa makikitid at pahalang na mga biga. Libu-libong tornilyo ang nakabaon sa kisame. Ang mga expansion bolt (tornilyo) na ito ay ibinaon nang dalawang metro sa kisame at pinipigilan nito ang pagguho ng bato mula sa kisame.

Nagtaka ako nang makitang ang mga dingding ng tunel ay hindi itim kundi puti. “Ang mga dingding nito ay pinahiran ng pinulbos na batong-apog,” ang paliwanag ni Bernie. “Binabawasan ng batong-apog ang panganib na magkaroon ng pagsabog sanhi ng gas na methane at alikabok ng karbon. Ang di-sinasadyang pagtilamsik ng apoy ay makapagpapaliyab sa methane. Ang methane naman, gaya ng detonator, ay makapagbubunsod ng mas malaking pagsabog sa alikabok ng karbon na dala ng hangin. Bawat minuto, hinihigop palabas sa minahang ito ang mga 2,000 litro ng methane na ginagamit naman sa paggawa ng elektrisidad para sa minahan.” Upang maiwasan ang posibilidad ng pagtilamsik ng apoy na makapagpapaliyab sa anumang tumatagas na gas, kailangan kong iwanan sa itaas ang aking kamera, tape recorder, at maging ang aking de-batiryang relo bago ako pumasok sa lagusan.

Sa loob ng isa sa napakaraming pasukan ng tunel na nagmumula sa pinakaibaba ng lagusan, nakita namin ang isang mababa ngunit malakas na sasakyang pinaaandar ng krudo. Habang nakasakay rito at naririnig ang ingay ng motor nito, matulin kaming nakapasok sa isa sa mga tunel. Mabilis naming nalalampasan ang nadaraanan naming mga ilaw, at napansin kong ilang sentimetro lamang pala ang pagitan ng aking ulo at ng isang kisame nang masinagan ito ng ilaw sa aking helmet. Habang mabilis kaming dumaraan sa napakarami pang ibang tunel, nasusulyapan ko ang iba pang mga ilaw sa helmet na nagkikislapang tulad ng mga alitaptap sa karimlan. Sa kabilang tunel, hinahakot ng isang conveyor belt na may habang limang kilometro ang karga nitong karbon mula sa pinagkukunan ng karbon.

Ang Makinang Ginagamit sa Longwall Mining

Pagdating namin sa pinagkukunan ng karbon at habang nagsisikap na makakita sa naghalong singaw ng tubig at alikabok ng karbon, may naaninag akong tatlong tao na may pantanging mga kasuutan, talukbong, at maskara. Gumagawang magkakasama ang mga lalaking ito upang kontrolin ang makinang 275 metro ang lapad na kilala bilang longwall miner (tagapagmina sa tunel). Mayroon itong dalawang umiikot na tila malalaking bariles, bawat isa ay dalawang metro ang diyametro, na dahan-dahang umuusad sa pinagkukunan ng karbon anupat sinasaklaw ng mga ito ang buong lapad ng makina. Ang tila malalaking bariles na ito ay may matutulis na metal na kumakayod nang kalahating metro sa pinagkukunan ng karbon. Mayroon ding conveyor belt ang makinang ito na mabilis na humahakot sa karbon patungo sa isa pang tunel, kung saan dinudurog naman ang mga tipak para magkapare-pareho ang sukat at isinasakay sa pangunahing conveyor.

Ang kisameng bato ay napipigilang gumuho dahil sa hanay ng makakapal na de-gatong poste na sumusuhay sa malalaki at aserong mga plantsa (plate) na nasa uluhan ng opereytor. Matapos kayurin ng tila malalaking bariles na may matutulis na metal ang dingding na kasinlapad ng makina, saka uusad nang kalahating metro ang buong makinarya​—ang tila malalaking bariles, ang de-gatong mga poste, at ang aserong plantsa. Kapag umusad na ang makinarya, naiiwan nitong di-nasusuhayan ang bato sa kisame. Ang kisameng bato na ito ay mananatiling nakabitin sa sandaling panahon. Pagkatapos ay kalabog!​—babagsak ito nang may nakatatakot na paglagpak. “Nagmimina kami ng libu-libong tonelada ng karbon bawat oras sa ganitong paraan,” ang sigaw ni Bernie. “Kapag nakuha na ang isang seksiyon ng karbon, kinakalas ang makina at dinadala sa susunod na seksiyon.”

Sa Wakas, ang Liwanag ng Araw!

Muli kaming lumulan ni Bernie sa aming sasakyan at naglakbay pabalik nang limang kilometro sa baku-bakong mga tunel bago huminto sa isang malaking yungib. Isang patayong lagusan, na mga sampung metro ang diyametro, ang nag-uugnay sa yungib na ito papalabas tungo sa itaas. “Dito itinatambak ng pangunahing conveyor belt ang karga nito,” ang sigaw ni Bernie habang naririnig ang nakabibinging dagundong ng karbon na bumabagsak sa isang malaking sisidlang metal. “Ang sisidlan na nakikita mong pinupuno ay tinatawag na coal skip. Nakapaglalaman ito ng 18 tonelada ng karbon.” Habang nagsasalita si Bernie, mabilis na pumaimbulog ang kapupuno pa lamang na sisidlan, na hila ng isang kable. Pagkalipas lamang ng ilang segundo, inihulog na ang ikalawang sisidlan mula sa isang butas sa kisame at sinimulan na naman itong punuin.

Ngayong tapos na ang paglilibot namin, sumakay na kami sa tren, na dahan-dahang nagdala sa amin pabalik sa pasukan ng minahan at tungo sa kaayaayang sikat ng araw​—na siyang inakala ko. Gayunman, napakatagal ng aming inilagi sa minahan anupat lumubog na ang araw at itim na itim na ang walang buwan na kalangitan. Bagaman napakadilim ng gabing iyon, naiintindihan ko na ngayon ang sinabi ni Bernie​—‘Hindi mo mauunawaan kung ano ang kahulugan ng itim hangga’t hindi ka nakabababa sa lagusan ng minahan.’

[Kahon sa pahina 13]

Ang Kinabukasan ng Karbon​—Isang Mainit na Isyu

◼ Karbon at Polusyon: “Ang usok at maliliit na butil mula sa nasusunog na karbon ay nagiging sanhi ng maagang kamatayan ng mahigit na 50 000 katao at ng 400 000 bagong mga kaso ng pabalik-balik na brongkitis taun-taon sa 11 malalaking lunsod [sa Tsina],” ang sabi ng ulat ng United Nations Environment Programme. Sinasabi ng Worldwatch Institute na ang polusyong nagmumula sa karbon ang dahilan ng kamatayan ng isa’t kalahating milyon katao sa buong daigdig bawat taon. May teknolohiyang magagamit upang alisin ang karamihan sa mga polusyong ito ngunit sinasabing napakamahal nito para bilhin ng maraming bansang lubhang nangangailangan ng elektrisidad.

◼ Ang Karbon at ang Pagbabago ng Klima: Ang pagsusunog ng karbon ay lumilikha na ng mahigit dalawang libong milyong tonelada ng gas na carbon dioxide taun-taon. At tinataya na ang karbon ay mananatiling ikalawa sa pinakamalaking pinagmumulan ng gas na carbon dioxide, mga 34 na porsiyento sa 2020. Ikinababahala ng marami ang ganitong mga estadistika.

“Kailangang pabilisin ang pagbawas sa sinusunog na karbon para mapabagal ang pagbabago ng klima sa susunod na siglo,” ang sabi ni Seth Dunn, kasamang mananaliksik sa Worldwatch Institute.

[Kahon sa pahina 14]

Nakadepende Na sa Karbon

◼ Mahigit 70 porsiyento ng asero na ginagawa sa buong daigdig ay pinoproseso gamit ang hurnong pinagsusunugan ng karbon. Karagdagan pa, ang mga manggagawa ng laryo, baldosa, semento, plastik, tina, at pampasabog ay gumagamit ng mga kemikal na hinango sa karbon.

◼ Gayunman, ang pinakamalakas gumamit ng karbon ay ang industriya ng elektrisidad. Kinukuha ng Australia ang 84 na porsiyento ng elektrisidad nito mula sa mga planta ng kuryente na pinaaandar ng karbon. Sa Tsina, Timog Aprika, at Denmark, humigit-kumulang tatlong-kapat ng elektrisidad ay kinukuha sa karbon. Ang mahigit kalahati ng elektrisidad na ginagamit ng Estados Unidos ay nakadepende sa karbon. Sa buong daigdig, mahigit sangkatlo ng ginagamit na elektrisidad ay mula sa karbon.

◼ Sa ibang salita, kung mayroon kang de-kuryenteng kalan, umuubos ka ng humigit-kumulang kalahating tonelada ng karbon taun-taon. Dalawang tonelada naman ng karbon ang kailangan upang paandarin ang iyong de-kuryenteng painitan ng tubig sa loob din ng isang taon, at uubos din ng kalahati pang tonelada taun-taon ang iyong de-kuryenteng repridyeretor.

◼ Tinataya ng mga siyentipiko na isang milyong milyon na tonelada ng karbon ang nakaimbak pa rin sa ilalim ng lupa​—sapat para may magamit pa sa susunod na daan-daang taon kung ibabatay sa kasalukuyang dami ng kinokonsumong karbon.

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 12, 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Minahan ng Karbon sa Ilalim ng Lupa

Nakaimbak na karbon

Daanan pababa sa minahan

[Larawan]

“Longwall miner”

[Larawan]

Sasakyan

Drenahe ng gas

“Coal skip”

Pinakaibaba ng lagusan

[Larawan]

Bahagi ng “conveyor belt” na may habang limang kilometro

[Larawan sa pahina 13]

Ginagawang ligtas na dako ang mas lumang mga tunel sa pamamagitan ng mga troso at pahalang na biga

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share