Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 6/22 p. 26-27
  • Determinadong Maabot ang Aking Tunguhin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Determinadong Maabot ang Aking Tunguhin
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Epekto sa Aking mga Tunguhin
  • Paglilingkod Bilang Payunir
  • Nasuri ang Aking Sakit
  • Naabot Ko ang Aking Tunguhin
  • Natutuhan Naming Mamuhay na May Epilepsiya
    Gumising!—1990
  • Ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Epilepsi
    Gumising!—2013
  • Ang mga Pagpapala sa Ministeryong Pagpapayunir
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Paglilingkurang Payunir—Ito ba’y Para sa Inyo?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1987
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 6/22 p. 26-27

Determinadong Maabot ang Aking Tunguhin

AYON SA SALAYSAY NI MARTHA CHÁVEZ SERNA

Isang araw noong ako’y 16 na taóng gulang, nawalan ako ng malay habang nagtatrabaho sa bahay. Nang magkamalay ako, nasa kama na ako. Dahil sa kalituhan at matinding sakit ng ulo, hindi ako makakita o makarinig sa loob ng ilang minuto. Natakot ako. Ano ang nangyari sa akin?

DINALA ako ng aking nag-aalalang mga magulang sa doktor, na nagreseta naman ng mga bitamina. Sinabi niyang ang atake ay dahil sa pagpupuyat. Pagkaraan ng ilang buwan, dumanas ako ng isa pang kumbulsiyon, at nasundan pa ito ng ikatlo. Kumonsulta kami sa ibang doktor, na nag-akala naman na may sakit ako sa nerbiyo at binigyan ako ng mga pampakalma.

Subalit lalong dumalas ang mga atake. Nawawalan ako ng malay at natutumba anupat nasasaktan ang aking sarili. Kung minsan ay nakakagat ko ang aking dila at ang loob ng bibig ko. Kapag nanauli ang aking malay, ang sakit-sakit ng ulo ko at ako’y nasusuka. Makirot ang aking buong katawan, at madalas na hindi ko maalaala ang nangyari bago ako atakihin. Upang makabawi, karaniwan nang kailangan kong magpahinga nang isa o dalawang araw. Magkagayunman, naniniwala akong panandalian lamang ang problemang ito​—at di-magtatagal ay gagaling din ako.

Epekto sa Aking mga Tunguhin

Noong bata-bata pa ako, nagsimulang makipag-aral ng Bibliya ang aming pamilya sa mga Saksi ni Jehova. Ang aming mga guro ay dalawang special pioneer, o buong-panahong mga ministro, na nag-uukol ng maraming oras bawat buwan upang magturo sa iba ng mga katotohanan sa Bibliya. Nakikita kong nagdudulot ng kagalakan sa mga payunir na ito ang kanilang ministeryo. Habang nakikipag-usap ako sa aking guro at mga kaeskuwela hinggil sa mga pangako ng Bibliya, nadama ko rin ang kagalakang iyon.

Di-nagtagal, marami sa aming pamilya ang naging mga Saksi ni Jehova. Labis-labis ang kasiyahang nadarama ko sa pangangaral ng mabuting balita! Sa gulang na pitong taon, nagtakda ako ng tunguhin na maging special pioneer din. Sa edad na 16, gumawa ako ng malaking pasiya upang matamo ang tunguhing iyon nang ako’y mabautismuhan. Pagkatapos ay nagsimula na ang mga pag-atake.

Paglilingkod Bilang Payunir

Sa kabila ng aking pisikal na mga karamdaman, nadarama ko pa rin na maaari akong maging buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Subalit dahil dalawang beses sa isang linggo akong inaatake, inaakala ng ilan sa kongregasyon na hindi ko dapat tanggapin ang gayong mabigat na pananagutan. Nalungkot ako at nasiraan ng loob. Subalit sa kalaunan, isang mag-asawang naglilingkod sa mga pasilidad ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico ang dumating sa aming kongregasyon. Nalaman nila ang hangarin kong magpayunir at pinalakas nila ang aking loob. Kinumbinsi nila ako na hindi dapat makahadlang sa pagpapayunir ko ang aking karamdaman.

Kaya, noong Setyembre 1, 1988, tinanggap ko ang aking atas bilang regular pioneer sa aming bayan ng San Andrés Chiautla, Mexico. Gumugugol ako ng maraming oras buwan-buwan sa pangangaral ng mabuting balita. Kapag hindi ako makapangaral sa madla dahil sa pag-atake, sumusulat ako ng mga liham para sa mga tao roon hinggil sa maka-Kasulatang mga paksa at sa gayo’y binibigyan sila ng nasusulat na pampatibay-loob na mag-aral ng Bibliya.

Nasuri ang Aking Sakit

Nang panahong iyon, kahit malaki ang gastos, dinala ako ng aking mga magulang sa isang neurologo. Nasuri ng doktor na ito na epilepsi ang sakit ko. Dahil sa paggamot na tinanggap ko, nakontrol ang aking karamdaman sa loob ng mga apat na taon. Samantala, nakadalo ako sa Pioneer Service School, kung saan tumanggap ako ng pampatibay-loob na nagpasidhi sa aking hangaring maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga ebanghelisador.

Alam ng mga magulang ko ang kagustuhan kong palawakin pa ang aking paglilingkod. Yamang medyo kontrolado naman ang aking epilepsi, pinayagan nila akong magtungo sa Zitácuaro, sa Estado ng Michoacán, mga 200 kilometro ang layo sa aming bahay. Ang pakikisama sa ibang mga payunir sa atas na iyon ay nakatulong sa akin na lalo pang pahalagahan ang buong-panahong paglilingkod.

Gayunman, pagkatapos ng dalawang taon sa Zitácuaro, muli akong inatake. Umuwi ako sa aking mga magulang na bigo at malungkot at nangangailangan ng medikal na pangangalaga. Nagpunta ako sa neurologo na nagsabing pinipinsala ng paggamot na ginagawa sa akin ang aking atay. Nagsimula akong humanap ng ibang paraan ng paggamot, yamang hindi na namin kayang bayaran ang pagkonsulta sa espesyalista. Lumalala ang aking kalagayan, at kailangan kong huminto sa pagpapayunir. Ang bawat atake ay hadlang. Subalit kapag binabasa ko ang Mga Awit at nananalangin kay Jehova, nadarama ko ang kaniyang ibinibigay na kaaliwan at lakas.​—Awit 94:17-19.

Naabot Ko ang Aking Tunguhin

Noong malala pa ang aking kalagayan, inaatake ako nang dalawang beses sa isang araw. Pagkatapos, nagkaroon ng malaking pagbabago. Isang doktor ang nagbigay sa akin ng espesipikong paggamot para sa epilepsi, at bumuti ang pakiramdam ko sa loob ng mas mahahabang yugto ng panahon. Kaya noong Setyembre 1, 1995, muli akong naglingkod bilang payunir. Nanatiling mabuti ang aking kalusugan, anupat pagkalipas ng dalawang taon na wala akong naranasang kahit isang atake ng epilepsi, nag-aplay ako bilang special pioneer. Nangangahulugan iyan ng paggugol ng mas maraming panahon sa ministeryo at paglilingkod kung saan may pangangailangan. Isip-isipin ang nadama ko nang matanggap ko ang aking atas bilang special pioneer! Naabot ko ang tunguhing itinakda ko noong bata pa ako.

Noong Abril 1, 2001, nagsimula ako sa aking bagong atas, sa isang pamayanan sa kabundukan sa Estado ng Hidalgo. Naglilingkod ako ngayon sa isang maliit na bayan sa Estado ng Guanajuato. Kailangang maging maingat ako sa pag-inom ng aking gamot at pagkakaroon ng sapat na pahinga. Maingat ako sa aking kinakain, lalo na kung tungkol sa mga taba, caffeine, at mga pagkaing de-lata. Sinisikap ko ring iwasan ang masisidhing damdamin, gaya ng galit o labis-labis na pag-aalala. Subalit ang pagsunod sa mahigpit na ruting ito ay nagdulot sa akin ng mga kapakinabangan. Noong naglilingkod ako bilang special pioneer, minsan lamang ako inatake.

Yamang dalaga ako at walang pananagutang pampamilya, nalulugod akong magpatuloy sa paglilingkod bilang special pioneer. Nakasusumpong ako ng kaaliwan sa pagkaalam na si ‘Jehova ay hindi liko upang limutin ang ating mga gawa at ang pag-ibig na ipinakita natin sa kaniyang pangalan.’ Talagang maibigin siya, sapagkat hindi niya hinihiling ang hindi natin kayang ibigay sa kaniya! Ang pagtanggap sa katotohanang iyan ay nakatulong sa akin na magkaroon ng timbang na pag-iisip, sapagkat kung kailangan kong humintong muli sa pagpapayunir dahil sa mahinang kalusugan, alam kong malulugod pa rin si Jehova sa aking buong-kaluluwang paglilingkod.​—Hebreo 6:10; Colosas 3:23.

Walang alinlangan, nagpapalakas sa akin ang pagbabahagi ng aking pananampalataya sa iba araw-araw. Pinananatili rin nitong pangunahin sa aking isipan ang mga pagpapalang inilalaan ng Diyos sa hinaharap. Nangangako ang Bibliya na sa bagong sanlibutan, hindi na magkakaroon ng sakit, “ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay [lilipas] na.”​—Apocalipsis 21:3, 4; Isaias 33:24; 2 Pedro 3:13.

[Mga larawan sa pahina 26]

Noong mga 7 taóng gulang ako (itaas); noong mga 16 anyos ako, pagkatapos kong mabautismuhan

[Larawan sa pahina 27]

Pangangaral na kasama ang isang kaibigan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share