Pagmamasid sa Daigdig
Tumutugon sa Musika ang mga Sanggol
“Bago pa man matutong magsalita ang mga sanggol, nagpapakita na sila ng kapansin-pansing kakayahan na tumugon sa musika,” ang sabi ng babasahing Scientific American. Ayon sa ulat, nakikilala ng mga sanggol ang pagkakaiba ng mga tono sa musika at mga pagbabago kapuwa sa bilis at indayog ng musika. Nakikilala rin nila ang himig kahit na patugtugin mo ito sa mababa o mataas na tono. Mas naiibigan ng mga sanggol, kahit na dalawang buwan pa lamang, ang mga tunog na may armonya kaysa sa walang armonya. “Nasumpungan ni Peter Hepper ng Queen’s University sa Belfast,” ang sabi ng ulat, “na mga dalawang linggo bago isilang, nakikilala na ng ipinagbubuntis na mga sanggol ang pagkakaiba ng temang musika sa [isang popular] na palabas sa TV, na araw-araw na naririnig ng kanilang mga ina mga ilang linggo bago sila isilang, at ng bagong awit na karirinig pa lamang nila.”
Mahalaga sa Kaligtasan ang Kapayapaan sa Loob ng Kotse
“Dapat iwasan ng mga nakasakay sa kotse ang mag-away,” ang babala ng samahan ng teknikal na pangangasiwa sa Alemanya na TÜV, gaya ng iniulat ng pahayagang Berliner Morgenpost. “Hindi namamalayan ng drayber na nagiging mas agresibo siya sa kaniyang pagmamaneho, sa gayon ay nadaragdagan ang panganib na maaksidente.” Ang “maigting na situwasyon” sa loob ng kotse ay maaaring mabilis na lumala, sabi ng artikulo, lalo na’t limitado ang lugar sa kotse anupat hindi ka maaaring umalis. Kaya, iminumungkahi na iwasan ng mga nakasakay sa kotse ang sensitibong mga paksa na maaaring humantong sa pagtatalo. Makabubuting ituring ng lahat ng nasa loob ng kotse na sila ay mga miyembro ng isang pangkat na may iisang tunguhin. Ganito ang payo ng artikulo: “Bago magsimula sa paglalakbay, dapat ipabatid sa nakaupo sa harapan kung paano siya makatutulong sa pagsasabi ng direksiyon, sa paghahanap ng istasyon sa radyo, o sa pagharap sa mahihirap na situwasyon.”
Bumubuti Na ang Kalagayan ng Dagat na Itim
Mas marami na ngayong lumbalumba, alimasag, at hipon—mga nilalang na karaniwang hindi nabubuhay sa maruruming katubigan—sa Dagat na Itim kaysa noon, ang sabi ng pahayagang Demokratychna Ukraina ng Ukraine. Kahit na sa daungan ng Odessa, na karaniwang itinuturing na pinakamaruming bahagi ng Dagat na Itim, ay muling dumami ang mga kabayong-dagat. “Unti-unting bumubuti ang kalagayan ng ekosistema sa mga dagat na Itim at Azov pagkaraan ng matagal na pagkakasakit,” ang sabi ni Borys Aleksandrov, direktor ng sangay ng South Seas Biology Institute sa Odessa. Bakit bumuti ang kalagayan? “Dahil sa pagbagsak ng Komunismo,” ang sabi ng Science News, “lubhang nabawasan ang gastos para sa mga pataba sa agrikultura bunga ng pagbagsak ng ekonomiya sa Russia, Ukraine, Moldova, Romania, at Bulgaria. Dahil dito, lubhang nabawasan noong dekada ng 1990 ang tubig-ulan na kontaminado ng nitrate na galing sa pataba, na siyang umaagos sa Dagat na Itim.” Bagaman nakinabang ang Dagat na Itim sa binawasang paggamit ng mga pataba, “ang pagbagsak ng ekonomiya o ang binawasang pagsasaka ay mahinang estratehiya naman sa pagkontrol sa mga sona ng patay na [dagat],” ang sabi ng Science News. Nagmungkahi naman ng ibang solusyon si Laurence Mee, propesor ng patakaran hinggil sa buhay-dagat at baybayin sa University of Plymouth, Inglatera. Sinabi niya: “Dapat tayong magkaroon ng higit na kabatiran sa kung paano natin isasagawa ang agrikultura, upang malimitahan natin ang pag-agos ng mga sangkap na ito sa dagat.”
Patubig Mula sa Dumi ng Imburnal
“Ikasampung bahagi ng lahat ng kapaki-pakinabang na halaman sa buong daigdig ay sinasaka gamit ang maruming tubig,” ang ulat ng pahayagang Der Standard ng Austria. Sinasaka sa gayong paraan ang mga pananim na gaya ng kamatis at niyog. “Ang karamihan sa maruming tubig ay hindi na nadadalisay, anupat dumederetso na mula sa malalaking lunsod tungo sa sistema ng patubig,” ang sabi ng pahayagan. Matapos banggitin bilang awtoridad si Chris Scott, mula sa International Water Management Institute sa Sri Lanka, ganito ang paliwanag ng pahayagan: “Sa maraming lugar na malapit sa ubod-laki at mabilis-lumawak na mga lunsod, ito ang tanging paraan upang malunasan ang kakapusan sa tubig.” Sa halos 20 milyong ektarya ng lupang sinasaka sa buong daigdig, iilan lamang ang mapagpipilian ng mga magsasaka—ang imburnal ay hindi lamang nagbibigay ng libreng pataba kundi ito lamang ang kadalasang pinagkukunan ng tubig o abot-kayang gamitin, ang sabi ng ulat.
Ilegal na Bentahan ng mga Tao
“Ang ilegal na bentahan ng mga tao ang naging ikatlong pinakamalaking pinagkakakitaan ng internasyonal na mga sindikato kasunod ng mga pangangalakal ng droga at armas, na kumikita ng tinatayang 6 na bilyon hanggang 9 na bilyong dolyar sa isang taon,” ang ulat ng internasyonal na edisyon ng The Miami Herald. Sa isang press conference kamakailan sa Lunsod ng Mexico, sinabi ni John Miller, direktor ng U.S. State Department’s Office to Monitor and Combat Trafficking in Persons, sa mga reporter na mga 17,500 tao sa isang taon ang ilegal na ipinagbibili sa Estados Unidos, sangkatlo sa mga ito ay galing sa Mexico o dumaraan doon. “Hindi ko tinutukoy ang ilegal na pandarayuhan, kundi ang pamimilit ng mga tao sa mga lalaki, babae at mga bata na masadlak sa kalagayang parang alipin,” ang sabi ni Miller. Ang ilegal na bentahan ng mga tao para sa seksuwal na pagsasamantala at puwersahang pagtatrabaho ay tinawag niya na “isa sa pangunahing mga usapin sa mga karapatang pantao sa ika-21 siglo.”
Ang Araw at ang mga Inang Nagdadalang-tao
“Nasumpungan sa isang pagsusuri ng antas ng bitamina D sa mga babaing nagdadalang-tao na napakarami sa kanila ang kulang na kulang sa bitaminang ito, anupat nagsasapanganib sa kanilang ipinagbubuntis na mga sanggol,” ang ulat ng pahayagang Sun-Herald ng Australia. Ang mga sanggol na kulang sa bitamina D ay maaaring maging sakang, kinukumbulsiyon, at maaaring magkaroon ng sakit sa buto na kilala bilang rickets. Nasumpungan sa isang pagsusuri sa 1,000 babaing nagdadalang-tao na isinagawa sa St. George Hospital sa Sydney, na “isa sa 10 babaing mapuputi, at isa sa limang babaing maiitim ang kulang sa bitamina D.” Waring simple lamang ang solusyon sa problemang ito. Mga 90 porsiyento ng kinakailangang bitamina D ang nakukuha ng mga tao sa pagbibilad ng kanilang balat sa banayad na sikat ng araw. “Ang karamihan sa mga babae ay [nangangailangan] lamang magbilad sa sikat ng araw nang 10 minuto sa bawat araw o mga isang oras sa isang linggo upang makakuha ng sapat na antas ng bitamina D,” ang sabi ng pahayagan.
Sakit ng mga Babaing Atletiko
Ang mga babaing regular na nagsasagawa ng puspusang ehersisyo ng katawan ay nanganganib na magkaroon ng osteoporosis, mga sakit na nauugnay sa pagkain, at amenorrhea—ang paghinto ng siklo ng pagreregla, iniulat ng pahayagang Folha ng Brazil. Ganito ang sinabi ni Turíbio Leite de Barros Neto, koordineytor ng Center of Physical and Sports Medicine sa University of São Paulo: “Karaniwan na, ang babae ay dapat na 10 porsiyentong mas maraming taba sa katawan kaysa sa lalaki. Sa ibang salita, ang kaniyang taba sa katawan ay hindi dapat bumaba sa 15 porsiyento.” Kung kulang kaysa sa ganiyang dami ng taba ang babae, baka mahirapan ang kaniyang katawan sa paggawa ng hormon na kinakailangan upang kontrolin ang kaniyang buwanang regla at malilimitahan ang kalsyum na naiipon niya sa kaniyang mga buto, na nauuwi sa osteoporosis, ang sabi ng Folha.