Narito ang Brazilianong Gaucho!
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Brazil
“BRAZILIANONG gaucho?” baka itanong mo. “Ang buong akala ko’y galing sa Argentina ang mga gaucho.” Totoo iyan. Pero mayroon ding mga gaucho, o mga koboy ng Timog Amerika, sa Uruguay, ang bansang nasa gawing hilaga at silangan ng Argentina. At kung makarating ka sa Rio Grande do Sul, ang estadong nasa pinakatimugan ng Brazil, makakakita ka rin ng mga gaucho roon. Nakasuot man sila o hindi ng bombacha, ang pantalon ng gaucho, at nagtatrabaho man o hindi na kasama ng mga kabayo, baka, at tupa sa rantso, baka ibang-iba ang Brazilianong mga gaucho sa ngayon kaysa sa inaasahan mo. Ano ba ang alam natin hinggil sa kanilang pinagmulan?
Nakatulong ang pananakop sa paghubog sa pagkakakilanlan ng gaucho. Noong ika-19 at ika-20 siglo, dagsa-dagsang dayuhan mula sa Europa, na sabik makahanap ng matitirhan at mapagtatrabahuhan, ang namayan sa timugang Brazil. Dala-dala nila ang kanilang kaalaman sa mga gawang-kamay at paghahalaman. Maraming nandayuhan ang naging mga gaucho at nagkaroon ng sarili nilang kultura. Taglay pa rin ng kanilang mga inapo ang marami sa mga katangian ng mga gaucho, gaya ng kanilang pagkain, pananamit, libangan, at saloobin hinggil sa trabaho. Suriin muna natin ang isang bagay na interesado tayong lahat—pagkain.
Hindi Lamang Churrasco at Maté
Huwag mong asahang marami kang makikitang gaucho rito na ang kinakain ay gulay lamang! Tiyak na ang pangunahing putahe ng gaucho ay barbekyu, o churrasco, na tupa o baka. Ito ang orihinal na pangunahing pagkain sa mga parang (pampa), kung saan pinapastulan ang mga hayop. Malibang gulay lamang ang kinakain mo o napakataas ng antas ng iyong kolesterol, baka gusto mong matikman ang tradisyonal na rodizio, ang iba’t ibang putahe ng karne na sunud-sunod na inihahain, sa kainan ng steak o restawran ng mga gaucho. Baka gusto mo ring subukan ang café colonial, isang mesang punô ng espesyal na mga panghimagas at inumin, gaya ng alak, tsa, at kape, na mapagpipilian mo. Tiyak na ang pipiliing inumin ay ang chimarrão, o maté, isang tsa na gawa sa pinulbos na dahon ng punungkahoy na holly. Kahit mapait ito, baka makita mo ang isang gaucho na humihigop nito anumang oras ng araw, bagaman malamang na sa tuwing matapos silang kumain.
Baka hindi mo magustuhan ang matapang na lasa ng chimarrão. Gayunman, walang alinlangan na magugustuhan mo ang nakapagpaparelaks at palakaibigang kapaligiran habang nilalasap mo ang chimarrão at churrasco kasabay ng mabubuting kasama.
Ang Pananamit at Musika ng Gaucho
Ang tradisyonal na bombacha, pontso (isang uri ng balabal), mga bota, malapad na sinturon, sombrero, at bandana ay matatalunton noon pang mga araw na ang gaucho ay laging nasa labas sa mga parang, o damuhan. Ganito ang paliwanag ng Insight Guides—Brazil: “Ang naiibang kultura ng gaucho ay tatak ng Rio Grande do Sul kung saan gumagala sa timugang mga parang ang mga koboy na sunog ang balat at suot ang kanilang kakaibang mga sombrero na may mga istrap para sa baba, maluluwag na pantalon, pulang mga bandana at mga botang gawa sa katad.” Sa mga kapistahan, kadalasang makukulay at mahihinhin ang kasuutan ng mga babae sa rehiyong ito. Gustung-gusto kapuwa ng mga bisita at ng mga gaucho ang mga sayaw habang nakasuot ng tradisyonal na mga kostiyum. Magkagayunman, pagkain man ito, pananamit, o libangan, ang tradisyong gaucho ay kombinasyon ng mga kulturang dinala ng mga nandayuhan na hindi lamang mula sa mga lupaing gaya ng Alemanya, Espanya, Italya, at Portugal kundi mula rin naman sa Gresya, Hapon, Lebanon, Poland, Russia, Sirya, at Ukraine pati na sa mga bansa sa Aprika.
Sa pakikipanayam ng Gumising!, ipinaliwanag ni José Cláudio Paixão Côrtes, na 50 taóng nagsuri sa mga kostiyum at mga sayaw ng gaucho, na ang mapag-isang gaucho ay naging mahilig sa musika. Hindi nga nakapagtataka na ginawa ng gaucho, na madalas na kabayo lamang ang kasama, na bahagi ng kaniyang buhay ang pag-awit at musika. Ang mga instrumentong de-kuwerdas tulad ng bandyo at gitara ay sinabayan nang maglaon ng akordiyon. Di-tulad ng mga kabataang lalaki sa ibang bahagi ng daigdig, mas gusto pa rin ng maraming kabataang gaucho ang country music sa rehiyon kaysa sa modernong mga tugtugin.
Mahilig ding sumayaw ang mga gaucho. Kahit umalis na sa kaniyang tinubuang estado ang isang gaucho, magiliw pa rin niyang naaalaala ang kaniyang minanang tradisyonal na mga sayaw. Bukod pa sa mga square dance, sumasali ang mga gaucho sa mga sayaw na tulad ng sword dance at sa sayaw na gumagamit ng tatlong bolang inihahagis. Ang mga ito ay gawa sa luwad, bato, o bakal, na pinagsama-sama ng mga tali na gawa sa katad. Kapag nagtatrabahong kasama ng mga alagang hayop, maaaring ihagis ng gaucho ang mga bolang ito sa mga paa ng hayop para puluputan ang mga ito ng mga tali at agad na pahintuin sa pagtakbo ang hayop.
Mahal Nila ang Kanilang Tinubuang-Lupa
Naingatan pa rin ang kultura at tradisyon ng gaucho sa rehiyon ng Brazil na nasa hangganan ng Argentina at Uruguay. Ayon sa isang aklat hinggil sa paglalakbay: “Sa buong lawak ng mga parang na ito na hantad na hantad sa hangin, ang mga parang na binabanggit sa mga alamat, ang koboy na gaucho ay nakakabayo pa ring nagpapastol sa mga baka at tupa na unang nagdala ng kayamanan sa Rio Grande do Sul.”
Gayunman, marami pang masasabi tungkol sa mga gaucho na ito bukod sa chimarrão at churrasco. Dahil ipinagmamalaki nila ang likas na kagandahan at pagkakasari-sari ng kanilang lupain, nagbibiro ang ilang gaucho na nang lalangin ng Diyos ang lupa sa loob ng anim na araw, limang araw rito ay ginugol niya sa Rio Grande do Sul!
Kahit sa lunsod na nakatira at nagtatrabaho ang gaucho, mahalaga pa rin sa kaniya ang pinagmulan niya. Ang kaniyang kasaysayan, bilang nandayuhan o inapo ng mga nandayuhan, ay nakatulong sa kaniya na malinang ang mga katangiang gaya ng pagsasarili, pagiging prangka, lakas ng loob, pagkamatulungin, at pagkamapagpatuloy.
Madalas pangarapin ng gaucho ang dating simpleng buhay bilang isang pastol. Pinalaki man siyang pamilyar sa mga baka, kabayo, suga, at mga bola o sa mga pananim, gaya ng mais, ubas, patatas, palay, balatong, at trigo, mahal ng gaucho ang kaniyang tinubuang-lupain. Mangyari pa, nakaaapekto sa kaniyang buhay ang malulungkot na katotohanang gaya ng kahirapan at pagtatangi. Gayunman, maraming gaucho na nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang lubos na naniniwalang malapit nang maging mapayapang paraiso ang buong lupa. Makapanghahawakan ka rin sa pag-asang iyan.—Lucas 23:43; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]
Paghahanda ng dalawang karaniwang pagkain ng gaucho
BINARBEKYUNG KARNE NG BAKA
2 kilong karne ng baka, 2 1⁄4 na tasang pickling salt
Tuhugin ang karne, at budburan ng asin. Ilagay sa ihawan ang karne. Ang panig na may taba ang idarang sa apoy hanggang sa pumula; saka ito baligtarin. Tiyaking may kaunting taba ang baka, sapagkat habang natutunaw ito, tumatagos ito sa karne, anupat ginagawa itong mas malasa at mas malambot. Ganiyan din ang gawin sa baboy, manok, o tupa.—Para sa apat katao.
CARRETEIRO RICE NA MAY TAPANG BAKA
500 gramo ng tapang baka, 1 3⁄4 na tasang tinadtad na sibuyas, 1⁄4 na tasang mantika, 2 1⁄2 tasang tubig, 2 1⁄2 tasang bigas, 2 piraso ng bawang na tinadtad
Hugasan ang tapa, at ibabad sa tubig sa loob ng walong oras o higit pa. Palitan nang maraming ulit ang tubig sa panahong ito. Hiwain nang maliliit ang baka, isangkutsa sa mantika, bawang, at sibuyas. Idagdag ang bigas sa isinangkutsang karne, at haluing mabuti. Ilagay ang tubig, at pakuluin. Hinaan ang apoy at hayaang kumulo, habang manaka-nakang hinahalo para maging pantay ang pagkakaluto. Kapag luto na ang bigas, haluin ito ng tinidor at ihain kasabay ng beans.—Para sa apat katao.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Rio Grande do Sul
[Credit Line]
Nakasingit na mga larawan: M.A. Decusati
[Larawan sa pahina 26]
Sumasayaw sa saliw ng tradisyonal na musika ng “gaucho”