Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagdadalang-tao ng mga Tin-edyer Naantig ako sa seryeng “Pagdadalang-tao ng mga Tin-edyer—Isang Pangglobong Trahedya.” (Oktubre 8, 2004) Labing-anim na taóng gulang ako nang ako ay magdalang-tao. Nagpapasalamat ako dahil itinampok ninyo na mahalaga ang pagkalinga sa ina at na nagmamalasakit si Jehova sa sanggol, na wala namang nagawang kasalanan. Salamat sa gayong maibiging artikulo.
M. R., Estados Unidos
Ipinakita ko ang isyung ito ng Gumising! sa punong komadrona sa isang malapit na klinika. Sinabi niya na maraming nanganganak na dalagang edad 14 at 15, isang bagay na hindi naman nangyayari noon dito. Sinabi niyang kailangan niya agad ng 20 kopya ng magasin para maibigay sa mga kabataang nagdadalaga at sa kanilang mga magulang.
I. R., Benin
Nalaman kong nagdadalang-tao ako isang buwan bago ako sumapit sa edad na 17. Ang pagtatapat sa aking mga magulang ang pinakamahirap at pinakanakadudurog-pusong bagay na kinailangan kong gawin hanggang sa puntong iyon. Basahin at seryosohin sana ng mga kabataan ang artikulong ito. Hindi ko akalaing mangyayari ito sa akin!
D. C., Estados Unidos
Naging ina ako sa edad na 17. Pinilit akong pumasok sa pag-aasawa na kaagad namang nasira. Masakit para sa akin na isiping dahil sa padalus-dalos na pagpasok sa seksuwal na ugnayan nang hindi pinag-iisipan ang ibubunga nito, marami akong hindi nagawa sa buhay ko nang mga taóng iyon. Lagi kong sinisikap na payuhan ang mga kabataan na huwag gumawa ng ganitong malubhang pagkakamali. Taos-puso akong nagpapasalamat sa inyong artikulo!
N. C., Honduras
“Jehova, Natagpuan Mo Ako!” Ako po ay 15 taóng gulang, at wiling-wili akong basahin ang artikulong “Jehova, Natagpuan Mo Ako!” (Oktubre 8, 2004) Nakatulong sa akin ang karanasan ni Nelly upang higit na maunawaan ang mga salita sa Santiago 4:8: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” Salamat sa artikulong iyan na nakapagpapatibay ng pananampalataya!
K. P., Estados Unidos
Makukumbinsi tayo sa karanasan ni Nelly Lenz na si Jehova ay maibiging Diyos at na gagawa siya ng paraan upang masumpungan siya kung patuloy nating hahanapin siya.
M. K., Hapon
Nakaaaliw mabigyang-katiyakan sa pamamagitan ng mga artikulong gaya nito na napakahalaga kay Jehova ng lahat ng kaniyang tupa anupat saanman sila naroroon, naaalaala at aalalayan niya ang bawat isa sa kanila.
J. G., Canada
Naluha ako sa artikulong ito. Ang mga magulang ko ay hindi mga Saksi ni Jehova, at hindi maganda ang pakikitungo nila sa akin. Natutuwa ako dahil nanatiling matatag si Nelly sa kaniyang determinasyong paglingkuran si Jehova.
K. L., Jamaica
Ako po ay 12 taóng gulang. Nakapagpapatibay malaman na gaanuman karami ang iyong problema sa tahanan, lagi kang tinutulungan ni Jehova na mapagtagumpayan ang mga ito.
J. W., Estados Unidos
Mabuti at ibinahagi sa atin ni Nelly ang kaniyang karanasan. Makatutulong ito sa mga batang nasa gayunding kalagayan. At mahalagang alalahanin ng mga adulto ang ganitong mga bata. Kaydaling kaligtaan na may pantangi silang mga pangangailangan sa kongregasyon.
M. K., Denmark
Ngayon lamang ako lubhang naantig sa isang karanasan. Alam ko rin kung paano mag-isang manindigan para sa katotohanan bilang isang kabataan. Sa loob ng apat na taon, ako lamang sa aming tahanan ang naglilingkod kay Jehova. Naantig akong mabasa ang pangangalaga mismo ni Jehova kay Nelly. Salamat sa nakapagpapatibay na karanasan. Salamat, Nelly!
G. W., Alemanya