Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 12/08 p. 23-25
  • Paua—Opal ng Dagat

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paua—Opal ng Dagat
  • Gumising!—2008
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pambihirang Nilalang
  • Maraming Gamit ng Paua
  • Perlas ng Paua
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2008
  • Ang Kayarian ng Isang Kabibi
    Gumising!—1991
  • Perlas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Pagpapatubo ng Perlas—Isang Magandang Ideya!
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—2008
g 12/08 p. 23-25

Paua​—Opal ng Dagat

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NEW ZEALAND

Sa sahig ng dagat, dahan-dahang gumagapang sa mga batuhan ang isang malaking kabibi habang kumakain ng mga damong-dagat na sumasayaw-sayaw sa alon. Ang shell nito ay nababalot ng apog at kinapitan na ng pagkaliliit na nilalang sa dagat kaya natatakpan ang makinang na mga kulay nito​—asul na malamig sa mata, mangasul-ngasul na berde, at matingkad na purpura na may kasalit na mapusyaw na dilaw at kulay rosas, at kislap ng kulay ginto at pilak.

ANG pambihirang nilalang na ito ay tinatawag na paua, isang uri ng abaloni na sa New Zealand lamang matatagpuan. Ito at ang iba pang uri ng abaloni ay nabubuhay sa ilalim ng tubig sa palibot ng mabatong mga baybayin. Bagaman ang habol ng mga tao sa paua ay ang shell nito na maningning ang kulay at puwedeng gawing magandang alahas, marami ang nagsasabing masarap ang laman nito. Bukod diyan, puwedeng magpatubo ng makikinang na perlas sa loob nito.

Ang paua ay isa sa mahigit 100 uri ng abaloni sa buong daigdig. May mga uring sa Timog Aprika at California, E.U.A., lamang matatagpuan. Ang abaloni ay tinatawag na awabi sa Hapon, muttonfish sa Australia, at ormer sa isla ng Guernsey, sa English Channel. Pero sa malamig na katubigan ng Timog Pasipiko lamang matatagpuan ang maningning at makulay na abaloni ng New Zealand na tinatawag na paua (Haliotis iris).

Pambihirang Nilalang

Sa shell ng paua, naiipon ang salit-salit na suson ng protina at kalsyum kung kaya napakaganda ng kulay nito na gaya ng mga opal. Iyan ang dahilan kung bakit tinawag na opal ng dagat ang paua. Natutulog ang mga abaloni kapag bumababa ang temperatura ng dagat. Kaya bumabagal ang pagkapal ng mga suson ng kanilang shell. Isang eksperto sa paua ang naniniwala na makulay ang mga ito dahil sa mga nutriyente sa tubig at sa kinakain nitong damong-dagat na sari-sari ang kulay.

Pihikan sa pagkain ang mga paua, at namimilì rin sila ng kapitbahay. Hindi sila tumitira sa tabi ng matinik na sea urchin, o kina, dahil kaagaw nila ito sa pagkain ng damong-dagat. Mapanganib ding kaaway ang mga starfish. Ilang starfish lang ay kayang umubos sa isang kolonya ng mga paua. Inilalagay ng tusong starfish ang galamay nito sa mga butas na hingahan ng paua, kaya hindi na nga ito makakahinga. Kapag nahulog na ang paua mula sa kinakapitan nitong bato, may ulam na ang starfish.

Maraming Gamit ng Paua

Bagaman hindi maganda ang maitim na panlabas na hitsura nito, matagal nang kinakain ng mga katutubong Maori ng New Zealand ang laman nito. Ang bahagi ng paua na nakakain ay ang malaking kalamnan, o paa, na ginagamit nito sa paggapang sa mga batuhan. Ginagamit din ng mga Maori ang shell nito bilang pain sa pangingisda at pandekorasyon, at ginagawa rin nila itong alahas o kaya’y ginagamit na pinakamata sa kanilang mga ukit.

Napakapopular na ngayon ng paua. Parang hindi kumpleto ang pagbisita sa New Zealand kung hindi ka bibili ng alahas na yari sa paua.

Sa ngayon, ang mga maninisid​—na walang anumang ginagamit na aparato sa paghinga​—ay nakakakuha ng maraming paua. Milyun-milyong dolyar ang kinikita sa pagbebenta nito sa ibang bansa. Para hindi maubos ang mga paua sa New Zealand, nilimitahan ng gobyerno ang dami ng paua na puwedeng hulihin. Ang laman ng paua ay karaniwan nang ginagawang de-lata at ibinebenta sa Asia, at ang ilan naman ay pinagyeyelo at iniluluwas sa Singapore at Hong Kong, kung saan mabenta ito sa mayayaman. Kadalasan nang hinihiwa-hiwa ito nang hilaw at inihahain na gaya ng sushi. Kahit maraming paua sa New Zealand, maraming tagaroon ang hindi pa nakatitikim nito dahil karamihan sa mga ito ay ibinebenta sa ibang bansa.

Dahil lumalakas ang bentahan ng paua sa pandaigdig na pamilihan, gumagamit na ngayon ng modernong pamamaraan ng pagpaparami sa mga ito. Naging matagumpay ang pamamaraang ito sa iba pang abaloni sa Australia, Hapon, at Estados Unidos. Dahil sa gayong mga teknolohiya, puwede nang makapagparami ng mga paua sa mga tangke na hindi likas na tirahan ng mga paua basta kontrolado ang temperatura nito.

Ang mga paua na inaalagaan ay matakaw gaya rin ng mga kamag-anak nito sa dagat. Sa loob lamang ng isang linggo, kaya nilang kumain nang kalahati ng kanilang timbang. Pero nakapagtataka, maliksi pa rin ang mga paua. Kapag itinihaya mo ang mga ito, agad silang makababalik sa dati nilang posisyon. Madaling mag-alaga ng mga paua. Sinabi ng isang eksperto na “masarap mag-alaga ng mga paua dahil maamo at mabait ang mga ito​—at hinding-hindi sila lumalaban!”

Perlas ng Paua

Bukod sa masarap itong pagkain at puwedeng gawing alahas ang shell nito, posible ring makakuha ng makikinang na perlas sa paua. Bihirang makakuha ng perlas sa mga paua na nasa dagat. Pero puwedeng makagawa ng mga ito sa tulong ng pamamaraang unang dinebelop ng isang siyentipikong Pranses na si Louis Boutan noong dekada ng 1890. Ang resulta​—isang hiyas na hugis kalahating bilog na may makikinang na kulay gaya ng shell nito. Ano ang pamamaraang ito?

Ang paua ay tinatamnan ng anumang butil, karaniwan na ay sa tatlong lokasyon​—sa magkabilang gilid at sa likod. Ang mga butil na ito ay unti-unting babalutan ng paua ng mga suson ng nakar, o mother-of-pearl, na may calcium carbonate at conchiolin. Makalipas ang di-kukulangin sa 18 buwan​—at matapos mabuo ang libu-libong suson​—may isa nang maliit na perlas. (Tingnan ang kahon sa ibaba.) Inaabot nang anim na taon bago makabuo ng isang malaking hiyas. Mga 1 sa 50 paua ang nakagagawa ng halos perpektong perlas. Makinis ito, maningning ang kulay, at napakakintab.

Ang mga mananaliksik ay hindi pa rin nakagagawa ng bilog na perlas mula sa paua. Kasi ang paua, di-tulad ng talaba, ay may kalamnan sa tiyan na nagluluwa ng anumang butil na inilalagay sa loob nito. Balang-araw, baka may makatuklas din kung paano makagagawa ng bilog na mga perlas mula sa paua.

Samantala, nasisiyahan tayo ngayon sa iba’t ibang produkto mula sa kabibing ito​—makinang na alahas, masarap na pagkain, at shell na kaakit-akit ang mga kulay. Tiyak na ipinagpapasalamat natin sa Diyos na binigyan niya tayo ng gayong napakagandang regalo.​—Santiago 1:17.

[Kahon/Larawan sa pahina 24, 25]

ISANG NAPAKATIBAY NA BAHAY

Calcium carbonate ang pangunahing bumubuo sa shell ng paua. Ito rin ang elementong ginagamit sa paggawa ng chalk. Pero mga 30 ulit na mas matigas ang shell ng paua kaysa sa chalk!

Ang paua ay kumukuha sa tubig-dagat ng calcium carbonate para gawing pagkaninipis na suson ng nakar. Ito ang nagpapatigas nang husto, nagbibigay-kulay, at nagpapakinang sa shell nito. Ang mga suson na ito ay pinagdirikit ng magkahalong protina at asukal na tinatawag na conchiolin. Ang napakatibay na pandikit na ito ang lalo pang nagpapakintab sa shell.

Hindi magaya ng mga siyentipiko ang pandikit na ito at ang pamamaraang ginagawa ng paua sa pagbuo ng shell. Kayang ayusin ng paua ang anumang lamat sa shell nito at mayroon itong di-kukulangin sa limang paraan para hindi ito mabasag. Talagang kitang-kita sa paua ang husay ng Diyos sa inhinyeriya at pagdidisenyo.

[Credit Line]

© Humann/gt photo

[Picture Credit Lines sa pahina 23]

Top left: © K.L. Gowlett-Holmes; top right: Marcus Byrne/Photographers Direct

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Silverdale Marine Hatchery, New Zealand

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share