Pera—Panginoon Mo ba o Alipin?
DUMARANAS ka ba ng “sakit dahil sa pera”? Ipinakikita ng ulat na malaking porsiyento ng populasyon sa daigdig ang dumaranas nito. Ano ba ito?
Binuo kamakailan ni Dr. Roger Henderson, isang mananaliksik sa kalusugan sa isip sa United Kingdom, ang terminong “sakit dahil sa pera” para tumukoy sa pisikal at sikolohikal na mga sintomas na dinaramdam ng mga taong dumaranas ng stress dahil sa pera. Kasama sa mga sintomas nito ang pangangapos ng hininga, sakit ng ulo, pagduduwal, butlig-butlig sa balat, kawalan ng gana sa pagkain, pagiging magagalitin, nerbiyoso, at negatibo. “Pangunahing sanhi ng stress ang pera,” ang iniulat ni Henderson.
Hindi nga kataka-taka na nitong nakalipas na mga buwan, parami nang parami ang apektado ng kabalisahan dahil sa pera. Dahil sa kasalukuyang krisis sa ekonomiya sa iba’t ibang bansa, maraming tao sa buong daigdig ang nawalan ng trabaho, tahanan, at ipon. Bumagsak ang malalaking pinansiyal na institusyon, at maging ang mayayamang bansa ay gumawa ng mga paraan para maiwasan ang tuluyang pagbagsak ng ekonomiya. Problemado rin ang mga tao sa papaunlad na mga bansa dahil sa pagtaas ng halaga ng pagkain at iba pang pangunahing mga bilihin.
Hindi nawawala ang kabalisahan sa pera kahit sa panahon ng kasaganaan. Sa nakalipas na mga taon na maganda ang takbo ng ekonomiya, maraming tao ang nababalisa dahil sa pera. Halimbawa, ang pahayagang The Witness sa Timog Aprika ay nag-ulat na “ang labis-labis na paggastos, komersiyalismo at materyalismo ay parang sakit na unti-unting kumakalat” sa Aprika. Sinabi ng pahayagan na kabilang sa mga sintomas ng “sakit” na ito ang “stress, pangungutang, pag-aaksaya, pagiging subsob sa trabaho, pagkakaroon ng pakiramdam na pinagkakaitan, inggit at panlulumo.” Isinisisi sa pera ang patuloy na pagbaba ng kalidad ng buhay sa Aprika.
Napakaganda ng ekonomiya sa India bago ito dumanas ng krisis kamakailan. Iniulat ng India Today International na noong 2007, “biglang naging napakagastos” ng mga tao sa India. Pero nang panahong iyon, nag-aalala ang mga opisyal doon na ang pag-unlad ng ekonomiya sa India ay posibleng magpalala sa kaguluhan at mauwi pa nga sa karahasan.
Nang panahon ding iyon, isang bagong henerasyon ng mga kabataang adulto sa Estados Unidos ang nagiging maluho. Pero kahit marami silang pambili, hindi naman sila maligaya. Sinabi ng mga mananaliksik na ang pagkakaroon ng maraming pera ay isa sa pangunahing dahilan ng alkoholismo, panlulumo, at pagpapatiwakal sa bansang iyon. Ipinakita ng isang pag-aaral na sa kabila ng kasaganaan at kayamanan, “wala pang isa sa tatlong Amerikano” ang nagsabing “napakasaya” nila.
Kung Bakit Hindi Problema ng Iba
Sa kabilang banda, sa panahon ng kasaganaan at kahirapan, maraming tao—kapuwa mayaman at mahirap—ang hindi gaanong nababalisa sa pera at materyal na ari-arian. Bakit?
Sa ulat na pinamagatang The Meaning of Money, napansin ng mga mananaliksik na ang ilang tao ay “masyadong naaakit sa pera at kontrolado ng pera. Maaari itong mauwi sa stress at sa problema sa isip at emosyon.” Samantala, sinabi pa nila: “Ang mga taong maingat na nagbabadyet ng kanilang pera ay nakadarama na kontrolado nila ang mga bagay-bagay at nasisiyahan sa kanilang buhay. Sila ay mga panginoon ng pera at hindi mga alipin ng pera . . . Masasabi namin na yaong mga maingat na nagbabadyet ng kanilang pera ay hindi masyadong dumaranas ng stress.”
Ano ang pananaw mo sa pera? Ano ang epekto sa iyo ng mabuway na kalagayan ng ekonomiya ng daigdig? Panginoon mo ba ang pera o alipin? Baka hindi ka naman dumaranas ng mga sintomas ng tinatawag na sakit dahil sa pera. Gayunman, mahirap man o mayaman, lahat tayo ay maaaring dumanas ng masasamang epekto ng kabalisahan dahil sa pera. Tingnan kung paanong ang ilang pagbabago sa paggastos ng pera ay posibleng makapagdulot sa iyo ng higit na kapayapaan ng isip at mas maligayang buhay.