Pagmamasid sa Daigdig
“Nakakatawang isipin pero kapag presidente ka, mapipilitan kang magdasal.”—BARACK OBAMA, PRESIDENTE NG ESTADOS UNIDOS NG AMERIKA.
Nang papiliin kung paano nila ipakikitang ipinagmamalaki nila ang kanilang bansa, 56 na porsiyento ng mga taga-Argentina mula 10 hanggang 24 anyos ang nagsabing isusuot nila ang uniporme ng soccer team ng bansa.—LA NACIÓN, ARGENTINA.
Ipinakikita ng isang pag-aaral na “sa buong mundo, mga sangkatlo ng produksiyon ng pagkain para sa mga tao ang natatapon lang o nasasayang, anupat umaabot ito nang mga 1.3 bilyong tonelada bawat taon.”—FOOD AND AGRICULTURE ORGANIZATION NG UNITED NATIONS, ITALY.
“Sa ngayon, ang lupa ay punô ng digmaan at mga ulat ng digmaan, kaya dapat na laging handa ang hukbo ng ating Amang-Bayan para ipagtanggol ang mga mamamayan nito at ang lahat ng itinuturing nitong banal laban sa anumang pag-atake ng ibang bansa.”—PATRIARCH KIRILL, LIDER NG SIMBAHANG RUSO ORTODOKSO.
Ang karamihan sa mga aksidente sa daan na inireport sa isang insurance company sa Germany noong 2010 ay naganap sa pagitan ng 7:00 n.u. at 8:00 n.u. “Ang isa sa pinakaimportanteng magagawa para maiwasan ang aksidente ay ang maglaan ng sapat na oras sa umaga para sa pagpasok sa trabaho,” ang sabi ng isang opisyal ng kompanya.—PRESSEPORTAL, GERMANY.
Mga Kabataang Lider sa Malaysia
Ang pagpili ng isang mabuting imam, o relihiyosong lider ng Islam, ang paksa ng isang popular na kompetisyon na ipinalalabas sa TV sa Malaysia. Ang programang ito, na pinamagatang “Imam Muda,” o “Kabataang Lider,” ay kinukunan sa Kuala Lumpur. Ang mga kalahok, na edad 18 hanggang 27 at may iba’t ibang pinagmulan, ay isa-isang matatanggal hanggang sa isa na lang ang matira. Ang premyo ay pera, bagong kotse, trabaho bilang imam, scholarship sa Saudi Arabia, at libreng biyahe sa Mecca. Dapat na kabisado ng mga kalahok ang mga tungkulin ng isang imam, kayang makipagdebate sa iba’t ibang isyu at mga paksa sa relihiyon, at nakasisipi mula sa Koran. Sinabi ng prodyuser na tunguhin niyang “maakit ang mga kabataan” sa Islam.
Di-maingat sa Internet
Hindi nakikita ng maraming user ng mga social network ang posibleng kahinatnan ng pagbibigay ng pribadong impormasyon. Pero ang di-maingat na paggamit ng Internet ay puwedeng magdulot ng problema sa bandang huli. Ganito ang sinabi ng prinsipal ng paaralan na si Timothy Wright, na sinipi sa Sydney Morning Herald ng Australia: “Dahil sa modernong teknolohiya, ang padalus-dalos na pananalita, mapanirang komento, mahalay na larawan, o ang ipinost na pribadong impormasyon tungkol sa iba ay nagiging permanenteng rekord at puwedeng makita ng sinumang may access dito.” Nangangahulugan ito na “ang mga pagkakamali ng isa noong 15 anyos siya ay puwedeng makita ng isang employer pagkaraan ng 10 taon,” ang sabi ni Wright.