May Nagdisenyo ba Nito?
Ang Likas na Galíng sa Inhinyeriya ng Putakti
● Ang putakti ay sinasabing dalubhasa sa inhinyeriya. Bakit kaya?
Pag-isipan ito: Ang putakti ay gumagawa at nag-aayos ng bahay nito gamit ang isang espesyal na klase ng papel, na siya rin mismo ang gumagawa.a Nangunguha ito ng mga hibla mula sa mga halaman at tuyong kahoy sa paligid gaya ng mga troso, bakod, poste ng telepono, at materyales sa konstruksiyon. Pagkatapos, nginunguya nito ang hiblang mayaman sa cellulose para mahaluan ng kaniyang malagkit na laway na mayaman sa protina. Kapag ipinahid, ang substansiyang ito ay natutuyo at nagiging papel na magaan pero matigas at matibay. Bukod diyan, dahil sa laway, ang papel ay nakapagpapainit at nag-a-absorb ng init, sa gayo’y nananatiling tamang-tama ang temperatura ng bahay nito kapag malamig ang panahon.
Ginagamit ng putakti ang bibig niya sa paggawa ng kaniyang bahay. Ang hugis-payong na bahay ay gawa sa papel pero hindi tinatablan ng tubig. Ito ay may mga kompartment na hugis-hexagon kaya matipid ito sa espasyo at matibay. Ang mga putakti na nakatira sa mga lugar na matubig ay nagpapahid ng mas maraming laway sa paggawa ng kanilang bahay. Bukod diyan, pumipili sila ng lugar na may silungan. Doon nila ibinibitin nang patiwarik ang kanilang bahay gamit ang isang tangkay ng halaman. Ang mga putakti ay hindi nakasisira sa kapaligiran—di-gaya ng ating proseso sa paggawa ng papel, na nagpaparumi sa hangin, tubig, at lupa!
Dahil sa mga nabanggit, pinag-aaralan ng mga arkitekto at mananaliksik ang bahay ng putakti para makapagdisenyo ng de-kalidad na mga materyales sa konstruksiyon na magaan, matibay, mas flexible, at biodegradable.
Ano sa palagay mo? Nagkataon lang ba na ang insektong ito, na sinlaki lang ng dalawang butil ng buhangin ang utak, ay nakagagawa ng papel at mahusay sa paggawa ng kanilang bahay? O may nagdisenyo ng likas na galíng nito sa chemical at mechanical engineering?
[Talababa]
a May ilang uri ng putakti na gumagawa ng bahay na papel. Ang mga kompartment nito ay nagsisilbing bahay ng mga itlog, na nagiging mga larva.