Pagmamasid sa Daigdig
“Ang bilang ng nag-aasawa sa England at Wales ay bumagsak sa pinakamababang level mula nang pasimulan ang pagrerekord nito” noong 1862.—OFFICE FOR NATIONAL STATISTICS, BRITAIN.
Inaasahan ng mahigit 50 porsiyento ng mga executive ng maliliit na pribadong kompanya sa Estados Unidos na “ang mga empleado ay magnanakaw ng mahalagang bagay [mula sa kompanya] sa loob ng susunod na taon.”—REUTERS NEWS SERVICE, E.U.A.
Wala pang isang taon mula nang maglunsad ng “operasyon” sa Internet ang mga awtoridad sa China, sila’y “nakapagsara ng mahigit 60,000 pornograpikong website,” ang sabi ng National Office Against Pornographic and Illegal Publications.—CHINA DAILY, CHINA.
“Mahigit sa 215 milyon katao—o tatlong porsiyento ng populasyon ng daigdig—ang [nakatira] ngayon sa labas ng kanilang sariling bansa.”—UNITED NATIONS INTERNATIONAL FUND FOR AGRICULTURAL DEVELOPMENT, ITALY.
“Sa 19 na estudyanteng nagpapakamatay sa India bawat araw, anim [ang gumagawa nito] dahil sa takot na bumagsak sa exam.”—INDIA TODAY INTERNATIONAL, INDIA.
Strategy ng mga Pasugalan
Sa Germany, ang perang naipatatalo ng isang adik sa sugal, sa average, ay mas malaki nang mahigit sampung beses kaysa sa naipatatalo ng isang hindi adik. Kaya ang mga adik sa sugal ang “pinakaimportanteng kostumer ng negosyong ito,” ayon sa diyaryong Süddeutsche Zeitung. Para kumita nang husto, dinidisenyo ng industriya ng pagsusugal ang mga laro at machine nito para maadik ang mga nagsusugal at samantalahin ang pagkaadik nila. Miyentras mabilis ang machine, mabilis ding nawawalan ng kontrol ang naglalaro kaya naaadik siya. Epektibo ang ganitong strategy—56 na porsiyento ng kinikita sa mga slot machine ay sinasabing mula sa mga adik sa sugal. Sa mga casino, ang rate ay 38 porsiyento; at sa mga laro naman sa Internet, 60 porsiyento.
Kailan Magandang Humarap sa Judge?
Posible bang makaimpluwensiya sa desisyon ng judge ang mga bagay na walang kaugnayan sa kaso? Ayon sa isang pag-aaral, oo. Sinuri ng isang grupo ng mananaliksik ang mahigit 1,000 desisyon ng makaranasang mga judge sa Israel may kaugnayan sa pagbibigay ng parol. Ipinakikita ng pag-aaral na sa mga sesyon pagkatapos mananghali o magmeryenda ang mga judge, ang paborableng desisyon na mga 65 porsiyento ay unti-unting bumababa sa halos zero at biglang bumabalik sa 65 porsiyento pagkatapos ng susunod na break. Sa konklusyon ng mga mananaliksik, sinabi nilang ang mga desisyon ay hindi laging nakabatay sa katotohanan at batas kundi “maaaring maimpluwensiyahan ng ibang bagay na dapat ay walang kinalaman sa mga legal na desisyon.”