Ang Malagintong Prutas ng Armenia
● Ang apricot ay malaon nang inaalagaan sa Asia at Europa. Naniniwala ang mga Europeo na ito’y nagmula sa Armenia kaya tinawag nila itong Armenian apple.
Sa ngayon, may mga 50 uri ng apricot sa Armenia. Namumunga ang mga ito mula sa kalagitnaan ng Hunyo hanggang sa pagtatapos ng Agosto. Dahil sa mainit na klima at matabang lupa mula sa bulkan, ang mga apricot sa Armenia ay may kakaibang tamis kung kaya para sa marami, kabilang ang mga ito sa pinakamasasarap na apricot sa buong mundo.
Ang karaniwang mga uri ng apricot ay halos sinlaki ng maliit na plum at magkakaiba ng kulay, mula dilaw hanggang matingkad na orange. Ang mga ito ay mabalahibo at matigas, hindi gaanong makatas, at magkakaiba ng lasa—mula matamis hanggang maasim. May nagsasabing ang lasa ng popular na mga uri ay nasa pagitan ng lasa ng peach at plum.
Ang mga nagtatanim ng apricot ay nakapagpabunga ng “itim” na apricot. Pero hindi ito tunay na apricot kundi hybrid ng apricot at plum. Ang mabalahibong balat nito ay matingkad na violet, na para nang itim, at dilaw naman ang laman. Ang prutas na ito ay tinatawag na pluot, plumcot, o aprium.
Bago magdahon, ang mga puno ng apricot ay namumulaklak ng mababangong puting bulaklak na nagsasagawa ng sariling polinisasyon. Ang mga bulaklak nito ay kahawig ng bulaklak ng peach, plum, at cherry. Mas hiyang ang puno ng apricot sa mga lugar na matindi ang taglamig at tag-init, dahil kailangan nilang malamigan nang husto para mamulaklak at mamunga nang maganda at sagana. At ganiyan ang klima sa Armenia!
Ang fresh na apricot ay masustansiya. Mayaman ito sa beta-carotene at vitamin C. Dahil madali itong malamog at mabulok, pinatutuyo ito sa ilang lugar sa daigdig, kaya naman mas pamilyar ang maraming tao sa pinatuyong apricot. Pero masustansiya pa rin ito at sagana sa fiber at iron. Ang apricot ay ginagamit din sa paggawa ng brandy, jam, at juice.
Nakagagawa rin ng magagandang inukit na bagay mula sa puno ng apricot, gaya ng duduk, isang popular na wind instrument sa Armenia na kung minsa’y tinatawag na apricot pipe. Sa mga tindahan at palengke sa paligid ng lunsod ng Yerevan, kabisera ng Armenia, ang mga turista ay makabibili ng magagandang inukit na subenir na gawa sa kahoy ng apricot.
Kung may fresh na apricot sa inyong lugar, bakit hindi mo ito tikman? Tiyak na masasarapan ka sa malagintong prutas na ito.