Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g17 Blg. 6 p. 8-9
  • Turuan ng Kapakumbabaan ang mga Anak

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Turuan ng Kapakumbabaan ang mga Anak
  • Gumising!—2017
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANG HAMON
  • ANG DAPAT MONG MALAMAN
  • ANG PUWEDE MONG GAWIN
  • Kung Paano Magiging Mapagpakumbaba
    Gumising!—2019
  • Bakit Dapat Maging Mapagpakumbaba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Linangin ang Tunay na Kapakumbabaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Kung Paano Magiging Matatag
    Gumising!—2019
Iba Pa
Gumising!—2017
g17 Blg. 6 p. 8-9
Batang umaasa na pagsisilbihan siya ng nanay niya

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Turuan ng Kapakumbabaan ang mga Anak

ANG HAMON

  • Ang yabang ng anak mo—at 10 taon pa lang siya!

  • Iniisip niyang dapat espesyal ang trato sa kaniya ng lahat.

Baka isipin mo, ‘Ano’ng problema sa kaniya?’ ‘Gusto kong maging maganda ang tingin niya sa sarili niya—pero hindi para isiping mas magaling siya kaysa sa iba!’

Posible kayang maturuan ng kapakumbabaan ang isang bata nang hindi naman siya nawawalan ng pagpapahalaga sa sarili?

Batang nakaupo na gaya ng isang prinsesa habang nakaluhod ang kaniyang mga magulang

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Nitong mga nagdaang dekada, pinayuhan ang mga magulang na sundin ang kagustuhan ng mga anak nila; purihin sila nang purihin, kahit wala naman silang ginagawang kapuri-puri; huwag silang ituwid at disiplinahin. Inaakala kasi noon na kapag nadarama ng mga anak na espesyal sila, lálakí silang may tiwala sa sarili. Pero ano ang naging resulta? Sinabi ng aklat na Generation Me: “Sa halip na makapagpalaki ng mga batang marunong makisama at masaya, ang mga tagapagtaguyod ng pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili ay nagpalaki ng mga batang sobra ang tingin sa sarili.”

Ang mga batang palaging pinupuri ay lumalaking di-marunong tumanggap ng kabiguan, kritisismo, at paminsan-minsang pagkatalo. Dahil palaging nasusunod ang gusto nila, nahihirapan silang makisama sa iba kapag malaki na sila. Bilang resulta, marami sa kanila ang dumaranas ng kabalisahan at depresyon.

Ang mga bata ay nagkakaroon ng tunay na pagpapahalaga sa sarili kapag may nagagawa silang magagandang bagay, at hindi kapag palaging ipinadarama sa kanila na espesyal sila. Kaya hindi sapat ang pagkakaroon lang ng kumpiyansa sa sarili. Kailangan nilang matuto, masanay, at maging mahusay sa napili nilang mga kasanayan. (Kawikaan 22:29) Kailangan din nilang isipin ang pangangailangan ng iba. (1 Corinto 10:24) Sa lahat ng ito, kailangan ang kapakumbabaan.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Purihin kung talagang karapat-dapat purihin. Kapag mataas ang marka ng iyong anak sa test, purihin mo siya. Kapag mababa ang grade niya, huwag agad isisi sa titser niya dahil hindi matututo ng kapakumbabaan ang anak mo. Sa halip, pasiglahin siyang pagbutihin pa ang pag-aaral niya. Purihin lang siya sa magagandang nagagawa niya.

Ituwid kung kailangan. Hindi naman ibig sabihing pupunahin mo ang bawat pagkakamali ng anak mo. (Colosas 3:21) Pero dapat ituwid ang malalaking pagkakamali, pati na ang masasamang ugali. Kung hindi, makakasanayan ng anak mo ang mga ito.

Halimbawa, ipagpalagay nang may tendensiyang magyabang ang anak mo. Kapag hindi siya itinuwid, magiging mayabang siya at lalayuan ng iba. Kaya ipaliwanag mo sa kaniya na ang pagyayabang ay hindi maganda at puwede siyang mapahiya. (Kawikaan 27:2) Ipaliwanag mo rin na kapag may tamang pananaw ang isang tao sa kaniyang sarili, hindi niya kailangang ipagsabi sa iba ang mga nagagawa niya. Kapag maibigin mong itinutuwid ang iyong anak, matuturuan mo siyang maging mapagpakumbaba nang hindi naman nawawalan ng paggalang sa sarili.—Simulain sa Bibliya: Mateo 23:12.

Ihanda ang anak mo sa realidad ng buhay. Kapag sinunod mo ang lahat ng gusto ng anak mo, lálakí ang ulo niya. Halimbawa, kapag gusto niya ng isang bagay na hindi mo kayang bilhin, ipaliwanag sa kaniya na hindi iyon kaya ng inyong badyet. Kung kailangan mong ikansela ang pamamasyal o bakasyon ninyo, puwede mong ipaliwanag na bahagi na ng buhay ang mabigo at kung paano mo nahaharap ang mga iyon. Sa halip na protektahan ang iyong mga anak sa bawat problema, ihanda sila sa mga hamon ng buhay na haharapin nila kapag malalaki na sila.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 29:21.

Pasiglahin siyang magbigay. Patunayan sa iyong anak na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Paano? Baka puwedeng magkasama ninyong ilista ang mga taong nangangailangan ng transportasyon, tulong sa pamimilí o pagkukumpuni. Isama mo ang iyong anak habang tumutulong ka sa kanila. Hayaan mong makita niyang masaya ka sa pag-aasikaso sa pangangailangan ng iba. Sa paggawa nito, natuturuan mo siya ng kapakumbabaan sa napakaepektibong paraan—ang pagpapakita ng halimbawa.—Simulain sa Bibliya: Lucas 6:38.

Para sa higit pang impormasyon, magpunta sa aming website na jw.org/tl, at hanapin ang “Pagpapalaki ng Mapagmalasakit na mga Anak sa Isang Makasariling Daigdig.”

MGA SUSING TEKSTO

  • “Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”—Mateo 23:12.

  • “Kung pinalalayaw ng isa ang kaniyang lingkod mula pa sa pagkabata, siya ay magiging walang utang na loob sa dakong huli ng kaniyang buhay.”—Kawikaan 29:21.

  • “Ugaliin ang pagbibigay.”—Lucas 6:38.

ITURING NA ANG IBA AY NAKATATAAS

Sinasabi ng Bibliya: “Hindi gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo, na itinutuon ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”—Filipos 2:3, 4.

Malamang na mapag-isip-isip ng isang batang pinalaki sa simulaing iyan na sa paanuman, nakahihigit sa kaniya ang ibang tao. Sa gayon, ang kapakumbabaan ay makatutulong sa iyong anak na hindi mahawa sa pagiging makasarili ng mga tao sa ngayon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share