Wika, Pagsasalita ng mga
Kahulugan: Isang pantanging kaloob ng banal na espiritu sa ilang mga alagad ng unang kongregasyong Kristiyano na nagpangyari sa kanilang mangaral o kaya’y lumuwalhati sa Diyos sa isang wikang hindi nila sarili.
Sinasabi ba ng Bibliya na lahat ng mga magtataglay ng espiritu ng Diyos ay “magsasalita ng mga wika”?
1 Cor. 12:13, 30: “Sa isang espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan . . . Hindi lahat ay may mga kaloob ng pagpapagaling, hindi ba? Hindi lahat ay nakapagsasalita ng mga wika, hindi ba?” (Gayundin ang 1 Corinto 14:26)
1 Cor. 14:5: “Ibig ko sanang kayong lahat ay magsalita ng mga wika, datapuwa’t lalo na ang kayo’y manghula. Ang totoo, lalong dakila ang nanghuhula kay sa nagsasalita ng mga wika, maliban na kung siya’y magsasalin, upang mapatibay ang kongregasyon.”
Ang pagsasalita ba na parang hibang sa isang wikang hindi dating pinag-aralan ay nagpapatunay na taglay ng isang tao ang banal na espiritu?
Ang kakayahan ba na “magsalita ng mga wika” ay maaaring hindi sa Diyos nagmumula?
1 Juan 4:1: “Mga minamahal, huwag kayong maniwala sa bawa’t kinasihang kapahayagan [“bawa’t espiritu,” KJ, RS], kundi subukin ninyo ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung sila’y mula sa Diyos.” (Tingnan din ang Mateo 7:21-23; 2 Corinto 11:14, 15.)
Kabilang sa mga ‘nagsasalita ng mga wika’ ngayon ay ang mga Pentekostal at Baptist, gayundin ang mga Romanong Katoliko, Episcopalian, Metodista, Luterano, at Presbiteryano. Sinabi ni Jesus na ang banal na espiritu ay ‘papatnubay sa kaniyang mga alagad sa buong katotohanan.’ (Juan 16:13) Ang mga miyembro ba ng mga relihiyong ito ay naniniwala na ang ibang “nagsasalita ng mga wika” ay pinapatnubayan sa “buong katotohanan”? Papaano mangyayari ito, yamang hindi sila nagkakasundo? Anong espiritu ang nagpapangyaring sila’y “magsalita ng mga wika”?
Inaamin ng isang pinagkaisang pahayag ng Fountain Trust at ng Church of England Evangelical Council: “Batid din namin na ang kahawig na kababalaghan ay maaaring mangyari bunga ng impluwensiya ng okulto/demonyo.” (Gospel and Spirit, Abril 1977, inilathala ng Fountain Trust at ng Church of England Evangelical Council, p. 12) Ang aklat na Religious Movements in Contemporary America (pinatnugutan ni Irving I. Zaretsky at Mark P. Leone, na ang sinisipi ay si L. P. Gerlach) ay nag-uulat na sa Haiti ang ‘pagsasalita ng mga wika’ ay isinasagawa kapuwa ng relihiyong Pentekostal at Voodoo.—(Princeton, N.J.; 1974), p. 693; tingnan din ang 2 Tesalonica 2:9, 10.
Yaon bang ‘pagsasalita ng mga wika’ na ginagawa ngayon ay pareho sa ginawa ng unang-siglong mga Kristiyano?
Noong unang siglo, ang kahima-himalang mga kaloob ng espiritu, kalakip na ang kakayahang “magsalita ng mga wika,” ay nagpatotoo na ang pagsang-ayon ng Diyos ay inilipat mula sa Judiong sistema ng pagsamba tungo sa bagong-tatag na Kristiyanong kongregasyon. (Heb. 2:2-4) Yamang naganap na ito noong unang siglo, kailangan pa bang paulit-ulit na patunayan ito sa ating kaarawan?
Noong unang siglo, ang kakayahang “magsalita ng mga wika” ay nagpasigla sa pandaigdig na gawaing pagpapatotoo na ipinag-utos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod. (Gawa 1:8; 2:1-11; Mat. 28:19) Ganiyan ba ginagamit ang kakayahang iyan ng mga “nagsasalita ng mga wika” sa ngayon?
Noong unang siglo, nang ‘nagsasalita ng mga wika’ ang mga Kristiyano, ang sinabi nila ay naunawaan ng mga taong nakakaalam ng mga wikang iyan. (Gawa 2:4, 8) Sa ngayon, hindi ba totoo na ang ‘pagsasalita ng mga wika’ ay karaniwan nang may kasamang pagbulalas ng di-maunawaang mga salita udyok ng bugso ng damdamin?
Ipinakikita ng Bibliya na, noong unang siglo, hindi pinahintulutang hihigit sa dalawa o tatlong tao na ‘magsalita ng mga wika’ sa isang partikular na pulong; dapat nilang gawin ito nang “halinhinan,” at kung walang naroroong tagapagsalin ay dapat tumahimik na lamang sila. (1 Cor. 14:27, 28, RS) Ito ba ang ginagawa sa ngayon?
Tingnan din ang mga pahinang 159, 160 sa paksang “Espiritu.”
Posible ba na ang mga karismatik ay inaakay ng banal na espiritu na gawin ang mga bagay na lumalagpas sa sinasabi ng mga Kasulatan?
2 Tim. 3:16, 17: “Lahat ng mga Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagsasanay sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay magkaroon ng ganap na kakayahan, lubusang nasasangkapan sa lahat ng gawang mabuti.” (Kung inaangkin ng isa na mayroon siyang kinasihang mensahe na salungat sa mga isiniwalat ng espiritu ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus at ng kaniyang mga apostol, maaari bang doon ding nagmula ito?)
Gal. 1:8: “Kahima’t kami, o isang anghel na mula sa langit, ang may ipahayag na mabuting balita sa inyo na higit [“iba,” NE] kaysa ipinahayag namin sa inyo, ay pakasumpain siya.”
Pinatutunayan ba ng pamumuhay ng mga miyembro ng mga organisasyong sumasang-ayon sa ‘pagsasalita ng mga wika’ na taglay nila ang espiritu ng Diyos?
Bilang isang grupo ipinamamalas ba nila ang mga bunga ng espiritu gaya ng kahinahunan at pagpipigil sa sarili? Ang mga katangian bang ito’y madaling mapapansin ng mga taong dumadalo upang sumamba sa kanilang mga pulong?—Gal. 5:22, 23.
Sila ba’y talagang “hindi bahagi ng sanlibutan”? Bunga nito, sila ba’y nag-uukol ng bukod-tanging debosyon sa Kaharian ng Diyos o sila ba’y nagsasangkot sa politika ng sanlibutan? Sa panahon ng digmaan, sila ba’y nananatiling malinis mula sa pagbububo ng dugo? Bilang isang grupo may mabuting reputasyon ba sila dahil sa pag-iwas sa mahalay na paggawi ng sanlibutan?—Juan 17:16; Isa. 2:4; 1 Tes. 4:3-8.
Ang mga tunay na Kristiyano ba sa ngayon ay makikilala dahil sa kakayahan nilang “magsalita ng mga wika”?
Juan 13:35: “Sa ganito’y makikilala ng lahat ng mga tao na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”
1 Cor. 13:1, 8: “Kung ako’y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel nguni’t wala akong pag-ibig, ay ako’y naging tansong tumutunog o batingaw na umaalingawngaw. Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman. Nguni’t maging ang mga kaloob ng panghuhula, ay mangawawala; maging ang mga wika, ay titigil.”
Sinabi ni Jesus na ang banal na espiritu ay mapapasa kaniyang mga tagasunod at na sila’y magiging saksi niya sa kaduluduluhan ng lupa. (Gawa 1:8) Inutusan niya sila na “gawing alagad ang mga tao sa lahat ng bansa.” (Mat. 28:19) Inihula din niya na ‘ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.’ (Mat. 24:14) Sino sa ngayon, maging bilang grupo o bilang indibiduwal, ang nagsasagawa ng gawaing ito? Kasuwato ng sinabi ni Jesus, hindi ba ito ang dapat asahan bilang patotoo na ang isang grupo ay nagtataglay ng banal na espiritu?
Magpapatuloy ba ang ‘pagsasalita ng mga wika’ hanggang sa dumating ang “sakdal”?
Sa 1 Corinto 13:8 ay iba’t ibang kahima-himalang mga kaloob ang binabanggit—hula, mga wika, at kaalaman. Muling tinutukoy ng 1Cor 13 talatang 9 ang dalawa sa mga kaloob na ito—kaalaman at hula—na sinasabi: “Sapagka’t nakikilala tayo ng bahagya, at nanghuhula tayo ng bahagya.” (KJ) O, ayon sa RS: “Sapagka’t ang kaalaman natin ay di-sakdal at ang ating hula ay di-sakdal.” Pagkatapos ay sinasabi ng 1Cor 13 talatang 10: “Datapuwa’t kung dumating ang sakdal, ang bahagya ay matatapos.” (KJ) Ang salitang “sakdal” ay isinalin mula sa Griyegong teʹlei·on, na may kahulugan na maygulang, ganap, o sakdal. Sa Ro, By, at NW, ito’y isinalin na “ganap.” Pansinin na hindi ang kaloob ng mga wika ang sinasabing “di-sakdal,” “bahagya,” o di-ganap. Sinasabi ito hinggil sa “hula” at “kaalaman.” Sa ibang pangungusap, kahit na taglay nila ang kahima-himalang mga kaloob na iyan, ang unang mga Kristiyano ay mayroon lamang di-sakdal o bahagyang pagkaunawa sa layunin ng Diyos. Nguni’t, kapag natupad na ang mga hula, kapag naganap na ang layunin ng Diyos, kung magkagayon “ang sakdal,” o ganap, ay darating. Maliwanag kung gayon na hindi pinag-uusapan dito kung gaanong katagal magpapatuloy ang ‘kaloob ng mga wika.’
Gayumpaman, ipinahihiwatig ng Bibliya kung hanggang kailan mararanasan ng mga Kristiyano ang ‘kaloob ng mga wika.’ Ayon sa ulat, ang kaloob na ito at ang iba pang mga kaloob ng espiritu ay laging ibinibigay sa mga tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol ni Jesu-Kristo o kapag sila’y naroroon. (Gawa 2:4, 14, 17; 10:44-46; 19:6; tingnan din ang Gawa 8:14-18.) Kaya, matapos silang mamatay at nang mamatay din ang mga tumanggap ng mga kaloob na ito sa paraang nabanggit, ang kahima-himalang mga kaloob ng espiritu ng Diyos ay maliwanag na nagwakas. Ang pangmalas na ito’y sumasang-ayon sa layunin ng mga kaloob na ito gaya ng binanggit sa Hebreo 2:2-4.
Hindi ba ipinakikita ng Marcos 16:17, 18 (KJ) na ang kakayahang “magsalita ng bagong mga wika” ay magsisilbing tanda na magpapakilala sa mga mananampalataya?
Dapat pansinin na ang mga talatang ito ay hindi lamang tumutukoy sa ‘pagsasalita ng bagong mga wika’ kundi gayundin naman sa paghawak sa mga ahas at sa pag-inom ng nakamamatay na lason. Ang mga ito rin ba’y itinuturo ng mga “nagsasalita ng mga wika”?
Ukol sa mga komento hinggil sa dahilan kung bakit ang mga talatang ito’y hindi tinatanggap ng lahat ng mga iskolar ng Bibliya, tingnan ang mga pahinang 297, 298, sa paksang “Pagpapagaling.”
Kung May Magsasabi—
‘Naniniwala ba kayo sa pagsasalita ng mga wika?’
Maaari kayong sumagot: ‘Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasalita ng maraming mga wika, nguni’t hindi kami makahimalang nagsasalita ng “di-alam na mga wika.” Nguni’t maitatanong ko, Naniniwala ba kayo na ang “pagsasalita ng mga wika” na ginagawa ngayon ay pareho sa ginawa ng unang-siglong mga Kristiyano?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Mayroon akong paghahambing na ginawa dito na nagustuhan ko. (Gamitin marahil ang materyal sa mga pahinang 435, 436.)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Naniniwala kami na ang unang-siglong mga Kristiyano ay “nagsalita ng mga wika” at na ito’y tumugon sa mga pangangailangan noon. Alam po ba ninyo kung ano ang mga pangangailangang iyon?’
Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Ito’y nagsilbing tanda na inilipat ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon mula sa Judiong sistema tungo sa bagong-tatag na Kristiyanong kongregasyon. (Heb. 2:2-4)’ (2) ‘Ito’y praktikal na paraan upang palaganapin ang mabuting balita sa buong daigdig sa isang maikling panahon. (Gawa 1:8)’