APENDISE
Paglutas sa mga Di-pagkakasundo sa Negosyo
Sa ulat ng 1 Corinto 6:1-8, tinalakay ni apostol Pablo ang mga hablahan sa pagitan ng magkakapananampalataya. Nagpahayag siya ng kalungkutan dahil ang ilang Kristiyano sa Corinto ay “nangangahas na magtungo sa hukuman sa harap ng mga taong di-matuwid.” (Talata 1) Nagbigay si Pablo ng makatuwirang mga dahilan kung bakit hindi dapat ihabla ng mga Kristiyano ang isa’t isa sa sekular na mga hukuman kundi sa halip ay ayusin ang mga di-pagkakasundo sa loob ng kongregasyon. Isaalang-alang natin ang ilang dahilan kung bakit ibinigay ang kinasihang payong ito at pagkatapos ay talakayin natin ang ilang situwasyon na hindi saklaw ng tagubiling ito.
Kung tayo at ang ating kapananampalataya ay may di-pagkakasundo sa negosyo, sikapin muna nating ayusin ang mga bagay-bagay sa paraan ni Jehova, at hindi sa paraan natin. (Kawikaan 14:12) Gaya ng ipinakita ni Jesus, pinakamabuting ayusin agad ang di-pagkakaunawaan bago pa ito lumaki. (Mateo 5:23-26) Subalit nakalulungkot, ang ilang Kristiyano ay mahilig makipagtalo anupat ipinaaabot pa nga ang mga di-pagkakasundo sa sekular na mga hukuman. Sinabi ni Pablo: “Nangangahulugan ng lubusan ninyong pagkatalo ang pagkakaroon ninyo ng mga hablahan sa isa’t isa.” Bakit? Pangunahin nang dahil sa ang gayong paglilitis ay magdudulot ng upasala sa mabuting pangalan ng kongregasyon at ng sinasamba nating Diyos. Kaya naman dapat nating pag-isipang mabuti ang tanong ni Pablo: “Bakit hindi na lamang ninyo hayaang gawan kayo ng mali?”—Talata 7.
Ikinatuwiran din ni Pablo na ang Diyos ay naglaan sa kongregasyon ng maiinam na kaayusan para lutasin ang maraming di-pagkakasundo. Ang matatanda ay mga Kristiyanong lalaki na naging marunong dahil sa kanilang kaalaman sa mga katotohanan sa Kasulatan, at sinasabi ni Pablo na sila ay “makahahatol sa pagitan ng . . . mga kapatid” pagdating sa “mga bagay-bagay sa buhay na ito.” (Talata 3-5) Ipinakita ni Jesus na ang di-pagkakasundo dahil sa malulubhang pagkakamali, gaya ng paninirang-puri at pandaraya, ay dapat ayusin ayon sa tatlong hakbang na ito: una, pagsikapang ayusin ito ng mga nasasangkot nang sila lamang; ikalawa, kung mabigo sa unang hakbang, magsama ng isa o dalawang saksi; at ikatlo, kung mabigo pa rin, dalhin na ang usapin sa kongregasyon na kinakatawanan ng matatanda.—Mateo 18:15-17.
Siyempre pa, hindi naman kailangang maging mga abogado o negosyante ang Kristiyanong matatanda at hindi nila kailangang kumilos na parang gayon. Hindi sila ang magtatakda ng mga kondisyon para ayusin ang di-pagkakasundo sa negosyo sa pagitan ng mga kapatid. Sa halip, sinisikap nilang tulungan ang magkabilang panig na maikapit ang sinasabi ng Kasulatan at sumang-ayon sa isang mapayapang solusyon. Kapag komplikado ang kaso, maaari nila itong isangguni sa tagapangasiwa ng sirkito o sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, may mga situwasyong hindi sakop ng payo ni Pablo. Ano ang ilan dito?
Sa ilang kalagayan, maaaring ang paglapit sa korte ay isang simpleng pormalidad o legal na hakbang para malutas ang problema nang payapa at walang lamangan. Halimbawa, baka ito lamang ang tanging paraan para makakuha ng diborsiyo, makuha ang karapatan sa pangangalaga ng anak, malaman ang dapat ibigay na sustento, makakolekta ng kabayaran mula sa seguro, mapabilang sa mga kreditor sa isang paglilitis may kinalaman sa pagkabangkarote, at mapagtibay ang huling habilin. May ilan ding kalagayan na maaaring naiisip ng isang Kristiyano na kailangan niyang magkontra-demanda para maprotektahan ang kaniyang sarili laban sa isang habla.a
Kung ang gayong mga hablahan ay wala namang espiritu ng pakikipagtalo, hindi naman nila nalalabag ang layunin ng kinasihang payo ni Pablo.b Gayunman, dapat maging pangunahin sa isang Kristiyano ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova at ang kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon. Ang mga tagasunod ni Kristo ay kilalang-kilala dahil sa kanilang pag-ibig, at ang “pag-ibig ay . . . hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.”—1 Corinto 13:4, 5; Juan 13:34, 35.
a Bagaman bihirang mangyari, baka makagawa ng malubhang krimen ang isang Kristiyano sa kaniyang kapananampalataya—gaya ng panghahalay, pananakit, pagpaslang, o pagnanakaw. Sa gayong mga kalagayan, hindi naman masama kung isusuplong ito sa mga awtoridad, kahit na mangahulugan pa ito ng pagkakaroon ng kaso sa korte o paglilitis.
b Para sa karagdagang impormasyon, tingnan Ang Bantayan, Marso 15, 1997, pahina 17-22, at Oktubre 15, 1991, pahina 25-8.