Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 10/22 p. 3-4
  • Kanino Mapupunta ang Bata?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kanino Mapupunta ang Bata?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Labanan ng mga Magulang
  • Katarungan sa Loob ng Silid-Hukuman?
  • Karapatang Mangalaga sa Bata—Isang Timbang na Pangmalas
    Gumising!—1997
  • Pagkilos sa Pinakamabuting Kapakanan ng Inyong Anak
    Gumising!—1988
  • Karapatang Mangalaga sa Bata—Ang Relihiyon at ang Batas
    Gumising!—1997
  • Ano ang Pinakamabuti sa Bata?
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 10/22 p. 3-4

Kanino Mapupunta ang Bata?

HABANG naghihintay si Paul ng kaniyang turno sa mainit na silid-hukuman sa New Hampshire, E.U.A., siya ay sinikmura. Mga ilang linggo bago nito, puwersahang kinuha ng kaniyang asawa ang kanilang dalawang humihikbing mga anak sa bahay. Hindi isusuko ni Paul ang kaniyang 7- at 13-anyos na mga anak nang walang laban.

Sa wakas, matatapos na ang kaniyang kaso sa hukuman. “Ang lahat ay lubhang hindi makatarungan,” naisip ni Paul habang pinagpapasiyahan ng hukom ang sunud-sunod na kaso. “Ang hukom na ito, isang ganap na estranghero, ang magpapasiya kung kanino sasama ang aking mga anak.”

Si Paul at ang kaniyang asawa ay isa sa 1,187,000 mag-asawa sa E.U. na nagdiborsiyo noong 1985. Ito ay triple sa bilang noong 1960. Ang pagdami ng diborsiyo ay hindi limitado sa Estados Unidos kundi pambuong daigdig. Mga 15 hanggang 20 porsiyento ng mga diborsiyo ang nagsasangkot ng mga kaso sa hukuman tungkol sa pangangalaga sa mga bata. Sa kaso ni Paul, ang isang pagharap sa hukuman ay sinundan ng isa pa. Sumisidhi ang tensiyon. “Isang araw sa hukuman taglay ang lahat ng bagay na ito na umiikot sa aking isipan,” sabi ni Paul, “para bang gusto kong magwala at manghablot ng tao. Ako’y bigung-bigo.”

Mabuti na lamang, nasupil ni Paul ang kaniyang damdamin. Gayunman, iniuulat ng mga balita sa unang-pahina ng mga pahayagan ang detalyadong pagpatay at pamiminsalang dala ng mapait na mga labanan tungkol sa pangangalaga sa bata. Bakit kadalasang nagiging gayon kalupit na mga labanan ang mga kasong ito?

Labanan ng mga Magulang

Ang mga batas tungkol sa pagbibigay ng karapatan sa pangangalaga sa bata ay iba-iba sa buong. Sa karamihan ng mga bansa sa Kanluran ang ina at ama ay may parehong karapatan sa harap ng hukuman. Sa pagpapasiya kung kanino mapupunta ang bata, idiniin ng mga hukuman kamakailan “ang pinakamabuting kapakanan ng bata.” Ito’y nagpapangyari sa bawat magulang na igiit na siya ang pinakaangkop na mangalaga sa bata.

Bagaman pinaglalabanan ng ilang mga magulang ang kapakanan ng mga anak, ang iba ay nauudyukan ng pagtikís at galit sa dating kabiyak. Ang bata ay nagiging “sukdulang instrumento ng kirot” na ginagamit ng isang magulang upang ilabas ang kaniyang galit o kabiguan. Ang mga bata ay maaaring maging, gaya ng sabi ng isang hukom, “paroo’t parito upang bigyan-kasiyahan ang mga saloobing ‘makikita mo’ na kadalasang pumupunô sa nagkahiwalay na mag-asawa.”

Inilalagay pa nga ng ilang mga magulang ang batas sa kanilang sariling kamay. Ang pag-agaw sa anak ng mga magulang ay naging isang internasyonal na problema. Sang-ayon sa mga tantiya, may kasindami ng isang daang libong kaso sa Estados Unidos taun-taon! Nasumpungan ng isang ahensiya na ang dami ng mga kaso ay dumoble sa loob ng limang taon hanggang noong 1983. Ang emosyonal na trauma sa mga bata ay kadalasang napakasidhi. Sa kaniyang aklat na Children in the Crossfire, si Sally Abrahms ay nagsasabi: “Ang pagnanakaw ng anak ay dalamhati ng mga taóng Otsenta.”

Katarungan sa Loob ng Silid-Hukuman?

Mula noong sinaunang panahon, ang mga magulang ay umapela sa pamahalaan upang mamagitan sa gayong mga pagtatalo tungkol sa pangangalaga sa bata. Ang pantas na si Haring Solomon ay nagugunita sa kaniyang bantog na disisyon sa paglutas sa isang pagtatalo ng dalawang ina tungkol sa pangangalaga sa isang bata. (1 Hari 3:16-28) Subalit ang paggawad ng makasawikaing “tabak ni Solomon” ay hindi madali para sa mga hukom sa ngayon.

Kapag ang isang pamilya ay nawasak ng diborsiyo at kapuwa mga magulang ay nagnanais ng pangangalaga sa anak, ang hukuman ay dapat magpasiya. Isinasaalang-alang ng mga hukom ang mga salik na gaya ng mental na katatagan ng bawat magulang, ang kagustuhan ng bata, ang katangian ng kaugnayan sa pagitan ng bawat magulang at ng bata, ang kani-kanilang kakayahang maglaan ng isang tiwasay na kapaligiran.

Gayunman, sa karamihan ng mga kaso nais at kailangan ng bata ang isang mainit na kaugnayan sa kapuwa mga magulang. Kaya, ang tunguhin ng karamihan ng mga hukuman ay “tiyakin sa minor de edad na mga bata ang madalas at patuloy na pakikipagkita sa kapuwa mga magulang.” Sa kasong nabanggit kanina, isinaalang-alang ng hukom na ang “buhay [ni Paul] ay nakapalibot sa kaniyang mga anak,” samantalang pinipili naman ng kaniyang asawa na “gugulin ang kaniyang malayang panahon sa isang lokal na restauran na nakikipagkuwentuhan sa kaniyang ina at mga kaibigan.” Ang pisikal na pangangalaga sa mga bata ay ibinigay kay Paul. Gayunman, kinilala rin ang pangangailangan ng mga bata sa kanilang ina sa bagay na ang ina ay binigyan ng “karapatang dumalaw.”

Gayunman, kamakailan ay nagkaroon ng masamang hilig. Upang manalo sa isang kaso, ibinaling ng ilang abugado ang pagtatalo sa pangangalaga sa bata tungo sa relihiyosong mga pagtatalo. Ang walang etikang gawaing ito ay naglilihis sa ilang mga hukuman mula sa kanilang tunay na gawain na pagtutuon ng pansin sa pinakamabuting kapakanan ng bata. Sa halip, isinangkot ng mga hukom ang kanilang sarili sa isang relihiyosong pagtatasa na higit pa sa atas ng sekular na hukuman. Subalit ano ba ang mga resulta?

Ang ilang umiibig sa kalayaang sibil ay naniniwala na isinasapanganib ng panghihimasok sa relihiyosong mga usapin sa mga pagtatalo tungkol sa pangangalaga sa anak ang karapatan ng bawat bata at magulang. Yamang napakaraming pamilya ang mawawasak ng diborsiyo o paghihiwalay sa mga taóng darating, baka maapektuhan ang iyong buhay.

[Kahon sa pahina 4]

Sa Estados Unidos, kasindami ng 40 porsiyento ng lahat ng pamilyang may mga anak ay maaaring maapektuhan ng diborsiyo o paghihiwalay sa susunod na dekada

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share