PAUNANG SALITA
Saan Ako Makakakuha ng Pinakamabuting Payo?
Para sa mga Kabataang Babae
Hindi maalis-alis sa isip mo ang bago mong kaklase na napakaguwapo. ‘Hindi naman niya ako napapansin,’ ang sabi mo sa iyong sarili, ‘kaya wala naman sigurong masama kung mag-ilusyon ako tungkol sa kaniya.’ Tutal, hindi lang naman ikaw ang may gusto sa kaniya. Habulin siya ng mga babae. Alam mo ’yun, kasi lagi siyang pinagkukuwentuhan ng iba.
Pero heto at nakatingin siya ngayon sa iyo. Kinilig ka nang ngitian ka niya. Siyempre napangiti ka rin. Tapos, lumapit siya sa iyo.
“Hi,” ang pasimpleng sabi niya.
“Hi,” ang sagot mo.
“Ako nga pala si Jay.”
“Bago ka rito?” ang biglang sabi mo.
“Kalilipat lang namin dito, mga ilang linggo pa lang.”
Hindi ka pa rin makapaniwalang magkausap kayo ni Jay!
“Um,” ang sabi pa ni Jay, “mayroon nga palang parti sa bahay mamaya pagkatapos ng klase. Punta ka.”
Lalo pa siyang lumapit sa iyo.
“At alam mo,” ang sabi niya, “wala ang Mama at Papa ko sa bahay, at may nakatabing alak si Papa sa kabinet. Ano, sama ka?”
Hinihintay ni Jay ang sagot mo. Kung ibang babae ang tinanong niya, siguradong hindi sila magpapakipot!
Ano’ng sasabihin mo?
Para sa mga Kabataang Lalaki
Papalapit sa iyo ang dalawa sa mga kaeskuwela mo. Biglang kumabog ang dibdib mo sa nerbiyos. Sa linggong ito, dalawang beses ka na kasi nilang kinukumbinsing manigarilyo. Ito na ang ikatlo.
Ang sabi ng unang bata: “Uy, nagsosolo ka na naman ah! Ipapakilala kita sa kaibigan ko.” Pakindat-kindat siya habang dinudukot niya sa kaniyang bulsa ang sinasabi niyang “kaibigan” at iniaabot ito sa iyo.
Nakita mong sigarilyo ang hawak niya, kaya lalo pang lumakas ang kabog ng dibdib mo.
“Sori,” ang sabi mo. “Sinabi ko na sa inyong hindi . . .”
Pinutol ng ikalawang bata ang sinasabi mo: “Iyan kasing relihiyon n’yo eh, bawal sa inyong mag- enjoy!”
“Duwag ka siguro!” ang kantiyaw sa iyo ng unang bata.
“Hindi ako duwag!” ang lakas-loob mong sinabi.
Inakbayan ka ng ikalawang batang lalaki. “Sige na, kunin mo na lang kasi,” ang bulong niya sa iyo.
Lalo pang inilapit ng unang bata sa mukha mo ang sigarilyo at bumulong: “Hindi ka namin isusumbong. Walang makakaalam.”
Ano’ng gagawin mo?
GANITO ang nangyayari araw-araw sa halos bawat sulok ng daigdig. Ang totoo, may ibang kabataan na handa sa ganitong situwasyon. Pero may iba rin namang hindi alam ang gagawin. Kapag ginigipit ang isang kabataang lalaki na manigarilyo, maaaring maisip niya: ‘Ayoko naman talagang magpadala sa panggigipit nila, pero hindi ko na kaya. Gusto ko lang patunayan sa kanila na hindi ako kakaiba.’ O maaaring sabihin ng isang kabataang babae na niyayayang makipag-date: ‘Mabait naman siya. Puwede ko naman siguro siyang pagbigyan—kahit ngayon lang.’
Sa kabilang banda, maraming kabataan ang sinanay na manindigan sa kanilang paniniwala. Bilang resulta, mas kaya nilang harapin ang panggigipit at hindi sila madaling nadadala nito. Gusto mo bang maging katulad nila? Magagawa mo iyon! Paano?
Matutulungan ka ng Bibliya na mapagtagumpayan ang mga hamong nararanasan ng mga kabataan. Naglalaman ito ng pinakamahusay na payo dahil ito ang Salita ng Diyos. (2 Timoteo 3:16, 17) Anu-anong problema ang nararanasan mo? Matutulungan ka ng Bibliya na harapin ang mga ito. Tingnan ang listahan sa ibaba, at lagyan ng ✔ ang mga paksang gusto mo.
□ Mga pagbabago sa aking katawan
□ Kaugnayan sa aking mga magulang
□ Pagkontrol sa aking nadarama
□ Pagpapatibay ng aking kaugnayan sa Diyos
Gaya ng makikita mo sa pahina 4 at 5, ang mga paksa sa itaas ay kaugnay ng siyam na seksiyon ng aklat na ito. Alin-alin ang minarkahan mo? Puwede mong basahin muna ang mga seksiyong iyon. Ang mga pamantayan ng Bibliya ay makatutulong sa iyo sa mga bahaging iyon ng iyong buhay. Ipakikita ng aklat na binabasa mo ngayon kung paano mo iyon magagawa.a
Ang aklat na ito ay magbibigay rin sa iyo ng pagkakataong ipahayag ang laman ng iyong isip. Halimbawa, sa huling bahagi ng bawat kabanata, may kahon na pinamagatang “Ang Plano Kong Gawin!” Isusulat mo roon kung paano mo gagamitin ang iyong natutuhan. Mayroon ding pantanging mga pahina—gaya ng “Plano Ko Laban sa Panggigipit” sa pahina 132 at 133—na tutulong sa iyo na pag-isipan ang mga problemang nakakaharap mo at kung anong praktikal na solusyon ang magagawa mo. Bukod diyan, sa dulo ng bawat seksiyon ng aklat na ito ay may bahaging tinatawag na “Personal Kong Nota.” Dito mo naman isusulat kung paano mo magagamit sa iyong buhay ang ilang bagay na natutuhan mo. Mayroon ding siyam na pahina sa buong aklat na pinamagatang “Mabuting Halimbawa.” Dito naman tinatalakay ang ilang karakter sa Bibliya na dapat mong tularan.
Hinihimok ka ng Bibliya: “Magtamo ka ng karunungan, magtamo ka ng pagkaunawa.” (Kawikaan 4:5) Ang pagkakaroon ng “karunungan” at “pagkaunawa” ay hindi lamang nangangahulugan na alam mo ang pagkakaiba ng mabuti at masama. Dapat na alam mo rin ang mga bagay na nasasangkot sa isang situwasyon. Halimbawa, kung alam mo na ang magiging resulta ng isang maling gawain at ang pakinabang ng paggawa ng tama, mas lalakas ang loob mo na harapin ang panggigipit sa iyo.
Ito ang tiyak: Hindi na bago ang mga problema mo—gaano man ito kalaki. Naranasan na rin ito ng iba at napagtagumpayan nila ito. Magagawa mo rin iyon! Basahin at pag-aralan ang aklat na ito, Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2. Tutulungan ka nito na maging kumbinsido na sa Bibliya mo lamang makukuha ang pinakamabuting payo!
[Talababa]
a Ang karamihan sa nilalaman ng aklat na ito ay mula sa piling mga artikulo ng seryeng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong,” na regular na lumalabas sa magasing Gumising!, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.