SIKOMORO
[sa Heb., shiq·mahʹ].
Ang punong ito na binanggit sa Hebreong Kasulatan ay hindi kamag-anak ng mga sikomoro ng Hilagang Amerika, na isang uri ng punong platano. Maliwanag na ito rin ang puno ng “igos-mulberi” sa Lucas 19:4. Ang bunga ng punong ito (Ficus sycomorus) ay katulad niyaong sa karaniwang igos, ngunit ang mga dahon nito ay kahawig ng mga dahon ng mulberi. Tumataas ito nang 10 hanggang 15 m (33 hanggang 50 piye), matibay ito, at maaaring mabuhay nang ilang daang taon. Di-gaya ng karaniwang igos, ang sikomoro (igos-mulberi) ay isang evergreen. Bagaman ang mga dahon nito na hugis-puso ay mas maliliit kaysa sa mga dahon ng puno ng igos, ang mga iyon ay makapal at tumutubo nang pakalát, at ang punong ito ay nakapaglalaan ng mainam na lilim. Dahil dito, malimit itong itinatanim sa mga tabi ng daan. Ang maikli at matabang katawan nito ay kaagad na nag-uusbong ng mga sanga at ang mabababang sanga nito ay tumutubong malapit sa lupa, kaya naman ang punungkahoy na ito na nasa kahabaan ng tabi ng daan ay madaling naakyat ng maliit na lalaking gaya ni Zaqueo upang makita niya si Jesus.—Luc 19:2-4.
Ang mga igos nito ay tumutubo nang kumpul-kumpol at mas maliliit kaysa sa mga bunga ng karaniwang puno ng igos at mas mababa ang uri kaysa sa mga iyon. Sa ngayon, kaugalian ng mga Ehipsiyo at ng mga taga-Ciprus na nag-aalaga ng mga puno ng sikomoro (igos-mulberi) na tusukin ng pako o ng iba pang matulis na instrumento ang hilaw na bunga nito upang ito ay makain. Ang pagsugat, o pagtusok, sa mga igos ng sikomoro habang manibalang ang mga ito ay nagpapabilis sa pagsingaw ng ethylene gas, na nagpapadali naman (nang tatlo hanggang walong ulit) sa paglaki at pagkahinog ng bunga. Mahalaga ito yamang kung hindi gagawin iyon ay mabububot ang bunga at mananatili itong matigas o kaya naman ay pipinsalain ito ng parasitikong mga putakti na pumapasok sa bunga at tumitira roon upang magparami. Binibigyang-linaw nito ang hanapbuhay ng propetang si Amos, na naglarawan sa kaniyang sarili bilang isang “tagapag-alaga ng kawan at tagaputi ng mga igos ng mga puno ng sikomoro.”—Am 7:14.
Bukod sa tumutubo ito sa Libis ng Jordan (Luc 19:1, 4) at sa palibot ng Tekoa (Am 1:1; 7:14), lalo nang maraming puno ng sikomoro sa mabababang lupain ng Sepela (1Ha 10:27; 2Cr 1:15; 9:27), at bagaman ang kalidad ng bunga ng mga ito ay hindi kapareho niyaong sa karaniwang puno ng igos, itinuring itong mahalaga ni Haring David anupat ang mga taniman sa Sepela ay inilagay niya sa ilalim ng pangangalaga ng isang punong administrador. (1Cr 27:28) Maliwanag na maraming puno ng sikomoro (igos-mulberi) sa Ehipto noong panahon ng Sampung Salot, at sa ngayon, ang mga ito ay patuloy na pinagkukunan ng pagkain. (Aw 78:47) Ang kahoy nito ay may kalambutan at hindi siksik at lubhang nakabababa kaysa sa kahoy ng sedro, ngunit napakatibay nito at nagamit nang husto sa pagtatayo. (Isa 9:10) May mga kabaong ng mga momya na gawa sa kahoy ng sikomoro na natagpuan sa mga libingan sa Ehipto at nasa mabuting kalagayan pa rin ang mga iyon pagkaraan ng mga 3,000 taon.