JUDA, ILANG NG
Silanganing dalisdis ng kabundukan ng Juda. Ang kalakhang bahagi nito ay di-tinitirahan at kalbo. (Huk 1:16) Ang pook na ilang na ito, na may lapad na mga 16 hanggang 24 na km (10 hanggang 15 mi), ay nagsisimula di-kalayuan sa S ng Bundok ng mga Olibo at umaabot nang mga 80 km (50 mi) sa kahabaan ng K baybayin ng Dagat na Patay. Ang kalakhang bahagi nito ay makikinis at pabilog na kalbong mga burol ng malambot na yeso, na pinaghihiwa-hiwalay ng mga agusang libis at mga bangin. (MGA LARAWAN, Tomo 1, p. 335, 747) Sa gawing Dagat na Patay, ang pabilog na mga burol ay unti-unting nagiging mabatong mga bangin, at ang dagat mismo ay nakaharap sa malapader at baku-bakong mga dalisdis. Dahil palusong nang mga 1,200 m (3,900 piye) sa distansiyang 24 na km (15 mi), nahaharangan ang ilang na ito mula sa hanging K na nagdadala ng ulan at sa gayo’y tumatanggap lamang ng limitadong ulan. Kasabay nito, hinahampas ito ng tuyong hangin na humihihip mula sa S. Ngunit kapag umulan naman, humuhugos ang tubig patungo sa tuyong mga agusang libis, at sa loob ng ilang linggo kapag tag-ulan, ang ilang ay sinisibulan ng kaunting pananim.
Ayon kay David, ang Ilang ng Juda ay “isang lupaing tuyo at lupaypay, na walang tubig.” (Aw 63:Sup, 1) Walang tubig na bumubukal sa tigang na rehiyong ito, at walang katubigan sa ibabaw nito. Kabaligtaran naman nito, sa pangitain ni Ezekiel, ang ilog na lumalabas mula sa templo ay umagos sa ilang na ito at tinustusan niyaon ang napakaraming punungkahoy na nasa kahabaan ng mga pampang nito.—Eze 47:1-10.
Walang alinlangan na sa tigang na Ilang ng Juda pinakakawalan ang ‘kambing para kay Azazel’ kapag taunang Araw ng Pagbabayad-Sala matapos itong akayin doon mula sa templo sa Jerusalem. (Lev 16:21, 22) Noong unang siglo C.E., sinimulan ni Juan na Tagapagbautismo ang kaniyang ministeryo sa isang seksiyon ng rehiyong ito sa H ng Dagat na Patay. (Mat 3:1-6) Lumilitaw na sa ilang din na ito tinukso ng Diyablo si Kristo Jesus.—Mat 4:1.