MIZRAIM
Nakatalang ikalawa sa mga anak ni Ham. (Gen 10:6) Si Mizraim ang pinagmulan ng mga tribong Ehipsiyo (gayundin ng ilang tribong di-Ehipsiyo), at ang kaniyang pangalan ay naging singkahulugan ng Ehipto. (Gen 10:13, 14; 50:11) Kaya ang salitang “Ehipto” sa mga saling Ingles ay aktuwal na salin ng Hebreong Mits·raʹyim (o Ma·tsohrʹ sa ilang kaso, 2Ha 19:24; Isa 19:6; 37:25; Mik 7:12). Sa Amarna Tablets, na nakasulat sa wikang Akkadiano, tinutukoy ng mga Canaanita ang Ehipto bilang Misri, katulad ng makabagong pangalang Arabe para sa lupaing iyon (Misr).
Pinaniniwalaan ng maraming iskolar na ang Mizraim ay isang doblihang anyo na kumakatawan sa dalawang bahagi ng Ehipto (samakatuwid nga, Mataas at Mababang Ehipto), ngunit ito ay pala-palagay lamang. (Tingnan ang EHIPTO, EHIPSIYO.) Lumilitaw na ang mga pangalan ng mga inapo ni Mizraim ay nasa mga anyong pangmaramihan: Ludim, Anamim, Lehabim, Naptuhim, Patrusim, Casluhim, at Captorim. (Gen 10:13, 14; 1Cr 1:11, 12) Dahil dito, kadalasang iminumungkahi na kumakatawan ang mga ito sa mga pangalan ng mga tribo sa halip na sa indibiduwal na mga anak. Bagaman posible ito, dapat pansinin na mayroon ding ibang mga pangalan na lumilitaw sa anyong doblihan o pangmaramihan, gaya ng Efraim, Apaim, at Diblaim (Gen 41:52; 1Cr 2:30, 31; Os 1:3), na ang bawat isa ay maliwanag na tumutukoy sa isang indibiduwal lamang.