BAAL-SALISA
[May-ari ng Salisa].
Ang lugar na pinanggalingan ng isang lalaking nagdala ng 20 tinapay na sebada mula sa mga unang bunga ng kaniyang ani at ilang bagong butil upang iharap sa propetang si Eliseo. (2Ha 4:42-44) Panahon noon ng taggutom, at si Eliseo ay nasa Gilgal. Ang kakaunting panustos na iyon ay naging sapat para sa isang daang “anak ng mga propeta” na naroon at mayroon pa ngang natira.—2Ha 4:38, 43; ihambing ang Mat 14:20; Mar 8:8.
Ang Baal-salisa ay ipinapalagay na malapit sa Gilgal at malamang na nasa “lupain ng Salisa,” na dinaanan ni Saul noong hinahanap niya ang mga asnong babae ng kaniyang ama. (1Sa 9:4) Tinukoy sa Babilonyong Talmud ang Baal-salisa at inilarawan ito bilang isang lugar kung saan ang mga bunga ay nahihinog nang napakaaga. (Sanhedrin 12a) Ang isang iminumungkahing lokasyon ay yaong sa Kafr Thulth na nasa mabuburol na paanan ng Efraim, yamang ang pangalang Thulth ang eksaktong katumbas sa Arabe ng Hebreong Salisa. Ang Kafr Thulth ay mga 46 na km (29 na mi) sa HHK ng Jerusalem.