Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • wp17 Blg. 4 p. 4-7
  • Ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Buhay at Kamatayan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Buhay at Kamatayan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ITINUTUWID NG BIBLIYA ANG MGA BAGAY-BAGAY
  • LUMAGANAP ANG ISANG PAGANONG TURO
  • “ANG KATOTOHANAN AY MAGPAPALAYA SA INYO”
  • Gaano Katibay ang Inyong Paniniwala sa Pagkabuhay-Muli?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Ang Kaluluwa—Ikaw Ba? O Ito ba’y Nasa Loob Mo?
    Gumising!—1985
  • May Epekto sa Iyong Buhay ang Iyong Pagkakilala sa Kaluluwa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Naitanong Mo Na Ba?
    Gumising!—1994
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
wp17 Blg. 4 p. 4-7
Bangkay na nasa hukay

TAMPOK NA PAKSA | ANO ANG SINASABI NG BIBLIYA TUNGKOL SA BUHAY AT KAMATAYAN?

Ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Buhay at Kamatayan

Sa aklat ng Bibliya na Genesis, mababasa ang sinabi ng Diyos sa unang taong si Adan: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Malinaw na ipinakikita nito na kung sumunod si Adan sa utos ng Diyos, hindi sana siya mamamatay kundi patuloy siyang mabubuhay sa hardin ng Eden.

Ang matatanda nang sina Adan at Eva

Nakalulungkot, imbes na sumunod at mabuhay magpakailanman, sinuway ni Adan ang Diyos at kumain ng ipinagbabawal na bunga nang bigyan siya ng kaniyang asawa, si Eva. (Genesis 3:1-6) Dinaranas natin hanggang ngayon ang resulta ng pagsuway na iyon. Ganito ang paliwanag ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Si Adan ang “isang tao” na iyon. Pero ano ang kasalanan, at bakit ito humantong sa kamatayan?

Ang ginawa ni Adan—ang kaniyang sadyang pagsuway o paglabag sa utos ng Diyos—ay kasalanan. (1 Juan 3:4) At ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, gaya ng sinabi ng Diyos kay Adan. Kung naging masunurin si Adan sa Diyos pati na ang kaniyang mga inapo, hindi sana sila nagkakasala at namamatay. Hindi nilalang ng Diyos ang tao para mamatay kundi para mabuhay magpakailanman.

Hindi matututulang ang kamatayan ay “lumaganap sa lahat ng tao,” gaya ng sinabi ng Bibliya. Pero may bahagi ba ng tao na patuloy na nabubuhay kapag namatay ito? Marami ang magsasabing oo. Sinasabi nilang ang bahaging iyon ay ang imortal na kaluluwa. Kung totoo iyan, lalabas na nagsinungaling ang Diyos kay Adan. Bakit masasabing ganoon? Kung may bahagi natin na patuloy na nabubuhay sa ibang daigdig pagkamatay natin, hindi magiging kabayaran ng kasalanan ang kamatayan, gaya ng sinabi ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Imposibleng magsinungaling ang Diyos.” (Hebreo 6:18) Ang totoo, si Satanas ang nagsinungaling nang sabihin niya kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.”—Genesis 3:4.

Pero ang tanong, Kung isang kasinungalingan ang turo tungkol sa pagiging imortal ng kaluluwa, ano talaga ang nangyayari sa isang tao pagkamatay niya?

ITINUTUWID NG BIBLIYA ANG MGA BAGAY-BAGAY

Sinasabi ng ulat ng Genesis tungkol sa paglalang: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Ang pananalitang “isang kaluluwang buháy” ay mula sa salitang Hebreo na ne’phesh,a na literal na nangangahulugang “isang nilalang na humihinga.”—Genesis 2:7.

Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na ang bawat tao ay hindi nilalang na may imortal na kaluluwa. Sa halip, ang tao mismo ang “kaluluwang buháy.” Iyan ang dahilan kung bakit wala kang mababasa sa Bibliya na pananalitang “imortal na kaluluwa.”

Kung hindi itinuturo ng Bibliya na may imortal na kaluluwa ang tao, bakit itinuturo ito ng napakaraming relihiyon? Para masagot iyan, balikan natin ang sinaunang Ehipto.

LUMAGANAP ANG ISANG PAGANONG TURO

Sinabi ng Griegong istoryador na si Herodotus noong ikalimang siglo B.C.E. na ang mga Ehipsiyo “ang unang nagtaguyod sa pagiging imortal ng kaluluwa.” Naniwala rin ang sinaunang mga Babilonyo sa ideya na ang kaluluwa ay imortal. Nang masakop ni Alejandrong Dakila ang Gitnang Silangan noong 332 B.C.E., ipinalaganap ng mga Griegong pilosopo ang turong ito, at di-nagtagal, lumaganap ito sa buong Imperyo ng Gresya.

Wala kang mababasa sa Bibliya na pananalitang “imortal na kaluluwa”

Noong unang siglo C.E., itinuro ng dalawang prominenteng sekta ng mga Judio, ang mga Essene at mga Pariseo, ang tungkol sa kaluluwa na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng tao. Sinasabi ng The Jewish Encyclopedia: “Ang paniniwalang imortal ang kaluluwa ay nakuha ng mga Judio sa turo ng mga Griego, pangunahin na sa pilosopiya ni Plato.” Ayon pa sa unang-siglong Judiong istoryador na si Josephus, hindi mula sa Banal na Kasulatan ang turong ito kundi mula sa “paniniwala ng mga anak ng Gresya,” na para sa kaniya ay koleksiyon ng kuwento ng kanilang mga mitologo.

Habang lumalaganap ang kulturang Griego, tinanggap din ng nag-aangking mga Kristiyano ang paganong turong ito. Sinabi ng istoryador na si Jona Lendering: “Dahil sa teoriya ni Plato na ang ating kaluluwa ay dating nasa mas magandang lugar at ngayon ay nasa isang magulong daigdig, madaling napagsama ang platonikong pilosopiya at Kristiyanismo.” Kaya ang paganong doktrina na imortal ang kaluluwa ay madaling tinanggap ng simbahang “Kristiyano” at naging pangunahing bahagi ng kanilang paniniwala.

“ANG KATOTOHANAN AY MAGPAPALAYA SA INYO”

Nagbigay ng babala si apostol Pablo noong unang siglo: “Ang kinasihang pananalita ay tiyakang nagsasabi na sa mga huling yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Totoong-totoo ang mga pananalitang ito! Ang doktrinang imortal ang kaluluwa ay isang “turo ng mga demonyo.” Hindi ito itinuturo ng Bibliya kundi ng mga sinaunang paganong relihiyon at pilosopiya.

Sinabi ni Jesus: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Dahil may tumpak na kaalaman tayo sa katotohanan sa Bibliya, hindi tayo naililigaw ng mga turong nakasisirang-puri sa Diyos at ng mga gawaing itinataguyod ng maraming relihiyon sa daigdig. Bukod diyan, dahil sa katotohanan ng Salita ng Diyos, napalaya tayo sa mga tradisyon at pamahiing nauugnay sa kamatayan.—Tingnan ang kahong “Nasaan ang mga Patay?”

Hindi nilayon ng ating Maylalang na mabuhay lang tayo nang 70 o 80 taon sa lupa at pagkatapos ay mabuhay nang walang hanggan sa ibang daigdig. Ang kaniyang orihinal na layunin nang lalangin niya ang mga tao ay mabuhay sila magpakailanman dito mismo sa lupa bilang kaniyang masunuring mga anak. Katunayan ito ng pag-ibig ng Diyos sa mga tao, at hindi ito magbabago. (Malakias 3:6) Sinabi ng salmista: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.

Para sa higit pang impormasyon tungkol sa sinasabi ng Bibliya sa buhay at kamatayan, tingnan ang kabanata 6 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Available din ito sa www.jw.org/tl.

a Sa ilang salin ng Bibliya, gaya ng Ang Bibliya, Bagong Salin sa Pilipino, isinalin ang ne’phesh bilang “kaluluwang may buhay,” at sa Magandang Balita Biblia naman ay “nagkaroon ito ng buhay.”

Puwede Bang Mabuhay Magpakailanman ang mga Tao?

Ilang taon na ang nakararaan, iniulat ng mga mananaliksik na may natuklasan silang ilang halaman sa ilalim ng tubig na pinaniniwalaang libo-libong taon nang nabubuhay—marahil ang pinakamatagal na nabubuhay sa lupa. Kabilang ang mga halamang ito sa Posidonia oceanica, isang uri ng damong-dagat na matatagpuan sa ilalim ng Dagat Mediteraneo sa pagitan ng Spain at Cyprus.

Kung nabubuhay nang ganito kahaba ang mga halaman, kumusta naman ang mga tao? Pinag-aaralan ng ilang siyentipiko ang tungkol sa haba ng buhay ng tao, at umaasa sila na puwede pa itong pahabain. Halimbawa, isang aklat tungkol sa paksang ito ang sinasabing tumatalakay sa “napakaraming pagsulong ng siyensiya” sa larangang ito. Hindi pa natin alam kung mapapahaba nga ng pagsulong ng siyensiya ang buhay ng tao.

Pero ang totoo, ang pag-asang mabuhay magpakailanman ay hindi nakadepende sa modernong siyensiya. Tinutukoy ng Bibliya ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, nang sabihin nito: “Nasa iyo ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang panalangin sa Diyos: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang pagsisikap nating makilala at mapasaya ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay magdudulot ng walang-hanggang pagpapala.

Damong-dagat

Naniniwala ang mga mananaliksik na ang ilan sa uri ng damong-dagat na ito ay nabubuhay na ng libo-libong taon

NASAAN ANG MGA PATAY?

Binuhay-muli ni Jesus si Lazaro

Sinasabi ng Bibliya na nasa libingan ang mga patay at naghihintay ng pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Hindi sila nagdurusa o nakadarama ng kirot dahil ang mga patay ay “walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Itinulad ni Jesus ang kamatayan sa mahimbing na pagtulog. (Juan 11:11-14) Kaya hindi tayo dapat matakot sa mga patay o maghandog para maging payapa sila. Hindi nila tayo matutulungan o masasaktan dahil “walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol.” (Eclesiastes 9:10) Pero sa pagkabuhay-muli, aalisin ng Diyos ang kamatayan magpakailanman.—1 Corinto 15:26, 55; Apocalipsis 21:4.

Kung Bakit Ka Makapagtitiwala sa Sinasabi ng Bibliya

Makapagtitiwala tayo sa sinasabi ng Bibliya. Bakit? Tingnan ang sumusunod:

  • Pakpak na panulat at lalagyan ng tinta

    Natatanging Awtor: Ang Bibliya ay binubuo ng 66 na aklat na isinulat ng mga 40 katao sa loob ng mahigit 1,600 taon, mula 1513 B.C.E. hanggang mga 98 C.E. Pero magkakaugnay at hindi nagkakasalungatan ang nilalaman nito. Ipinakikita nito na ang tunay na Awtor ng Bibliya ay ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Isiniwalat niya ang mga impormasyon sa mga manunulat ng Bibliya.

  • Haligi

    Tumpak Pagdating sa Kasaysayan: Ang naiulat na mga pangyayari sa Bibliya ay napatunayang nangyari. Sinasabi ng aklat na A Lawyer Examines the Bible: “Sa mga kuwento ng pag-ibig, alamat, at bulaang testimonya, hindi tinitiyak kung saan o kung kailan nangyari ang mga kaganapan, . . . samantalang sa mga kuwento sa Bibliya, tumpak na binabanggit ang petsa at lugar ng mga pangyayari.”

  • Atomo

    Tumpak Pagdating sa Siyensiya: Hindi aklat-aralin sa siyensiya ang Bibliya, pero kapag may binabanggit ito tungkol sa siyensiya, tumpak ito kahit hindi pa ito natutuklasan ng mga tao. Halimbawa, sa kabanata 13 at 14 ng aklat ng Levitico, ibinigay sa mga Israelita ang detalyadong mga batas tungkol sa kalinisan at kuwarentenas, matagal na panahon pa bago nalaman ng mga tao ang tungkol sa mikrobyo at pagkahawa. Sinasabi rin ng Bibliya na bilog ang hugis ng lupa at nakabitin ito sa wala, isang katotohanang nadiskubre lang ng mga siyentipiko pagkalipas ng maraming siglo.—Job 26:7; Isaias 40:22.

Ilan lang ito sa mga halimbawang nagpapatunay na mapagkakatiwalaan ang Bibliya nang sabihin nito: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.”—2 Timoteo 3:16.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share