Tanong
◼ Anu-ano ang kailangang isaalang-alang sa paggamit ng telephone hookup para sa mga pulong ng kongregasyon?
May ilang kongregasyon na nagsasaayos ng telephone hookup para sa mga indibiduwal na kung minsan ay hindi makadalo sa Kingdom Hall dahil may sakit o may ibang di-maiiwasang dahilan. Kailangan ng mahusay na pagpapasiya at pag-oorganisa para matiyak na makikinabang sa kaayusang ito ang mga talagang nangangailangan nito. Kaya sisikapin ng mga naatasang elder na mamonitor ang paggamit nito para “maganap ang lahat ng bagay nang disente at ayon sa kaayusan.”—1 Cor. 14:40.
Titiyakin ng mga elder na unahin ang mga mamamahayag sa kanilang kongregasyon na may malubha o pabalik-balik na sakit, may kapansanan, o hindi makalabas ng bahay. Ang mamamahayag na kasalukuyang may sakit o baldado, o isang masulong na Bible study na hindi makalabas ng bahay ay puwede ring makinabang sa kaayusang ito at maisama sa bilang ng mga dumalo. Kung kulang ang linya ng telepono para mai-hookup ang lahat ng talagang nangangailangan, baka puwedeng gumawa ng ibang paraan, gaya ng pagrerekord ng pulong.
Siyempre, iba pa rin kung naroon tayo mismo sa pulong. Kung kasama natin ang mga kapatid sa Kingdom Hall, makakasali tayo sa “pagpapalitan ng pampatibay-loob” at matutulungan ang mga baguhan na pahalagahan ang pagdalo sa pulong. Mas makikinabang tayo sa mga pagtatanghal, personal tayong maaalalayan ng mga elder, at aktuwal nating mararanasan ang mainit na pag-ibig Kristiyano. Totoong-totoo ito para sa isang may-edad nang sister, na nagsabi matapos siyang yakapin ng isang kapatid bago lumabas ng Kingdom Hall: “Wala nito sa telepono!”—Roma 1:11, 12.
Tulad ni Ana na “hindi kailanman lumiliban sa templo,” marami sa mga may-edad nating kapatid ang regular na dumadalo sa mga pulong hangga’t ipinahihintulot ng kanilang kalusugan at kalagayan. (Luc. 2:36, 37) Bagaman paminsan-minsan ay kailangan nilang gumamit ng telephone hookup, hindi nila ito ginagawang dahilan para hindi na dumalo sa Kingdom Hall, kung kaya naman nila. Bilang pagtulad sa kanilang magandang halimbawa, patuloy nawa nating sikaping maging presente sa ating mga pagpupulong upang sambahin ang ating dakilang Diyos na si Jehova.—Awit 95:1-3, 6; 122:1.