Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Nang isulat ni David ang mga salita sa Awit 61:8, sinabi niya na pupurihin niya ang Diyos “magpakailanman.” Ibig bang sabihin nito, inisip ni David na hindi siya mamamatay?
Hindi. Ang isinulat ni David ay makatotohanan at tumpak.
Pansinin ang isinulat niya sa talatang ito at sa katulad na mga talata: “Aawit ako ng mga papuri sa pangalan mo magpakailanman habang tinutupad ko ang mga panata ko araw-araw.” “Pinupuri kita, O Jehova na aking Diyos, nang buong puso ko, at luluwalhatiin ko ang pangalan mo magpakailanman.” “Pupurihin ko ang pangalan mo magpakailanman.”—Awit 61:8; 86:12; 145:1, 2.
Nang isulat ni David ang mga salitang ito, hindi niya iniisip na hindi na siya mamamatay. Alam niya na sinabi ni Jehova na mamamatay ang mga tao dahil sa kasalanan, at inamin ni David na makasalanan siya. (Gen. 3:3, 17-19; Awit 51:4, 5) Alam niya na namatay rin kahit ang mga lalaking naging tapat sa Diyos, gaya nina Abraham, Isaac, at Jacob. At alam ni David na mamamatay rin siya. (Awit 37:25; 39:4) Pero makikita sa mga sinabi niya sa Awit 61:8 na gustong-gusto niyang purihin si Jehova magpakailanman, ibig sabihin, habang nabubuhay siya.—2 Sam. 7:12.
Kung minsan, isinusulat ni David ang tungkol sa mga naranasan niya noon, katulad ng makikita sa mga superskripsiyon ng Awit 18, 51, at 52. Sa Awit 23, inilarawan ni David si Jehova bilang isang pastol na nagbibigay ng patnubay, kaginhawahan, at proteksiyon. Ganiyang pastol si David. At gusto niyang paglingkuran ang Diyos “sa buong buhay [niya].”—Awit 23:6.
Tandaan din na pinatnubayan ni Jehova si David sa lahat ng isinulat niya. Kasama sa mga isinulat niya ang mga hula tungkol sa mangyayari sa hinaharap. Halimbawa, sa Awit 110, isinulat ni David ang tungkol sa isang panahon kapag ang Panginoon niya ay ‘umupo na sa kanan ng Diyos’ sa langit at tumanggap ng kapangyarihan. Para gawin ang ano? Para humayo at sakupin ang mga kaaway ng Diyos at ‘maglapat ng hatol laban sa mga bansa’ rito sa lupa. Si David ay ninuno ni Jesus, ang Mesiyas, na mamamahala mula sa langit at maglilingkod bilang “saserdote magpakailanman.” (Awit 110:1-6) Sinabi ni Jesus na ang hula sa Awit 110 ay tungkol sa kaniya at na magkakaroon ito ng katuparan sa hinaharap.—Mat. 22:41-45.
Oo, pinatnubayan si David na isulat ang tungkol sa panahon niya at sa hinaharap kung saan bubuhayin siyang muli at masisiyahan sa pagpuri kay Jehova magpakailanman. Kaya ang Awit 37:10, 11, 29 ay angkop na lumalarawan sa kalagayan ng sinaunang Israel, pati na sa magiging kalagayan ng buong mundo kapag tinupad na ng Diyos ang mga pangako niya.—Tingnan ang parapo 8 ng artikulong “Makakasama Kita sa Paraiso” sa isyung ito.
Kaya ipinapakita ng Awit 61:8 at ng katulad na mga talata na gustong purihin ni David si Jehova sa panahon ng sinaunang Israel hanggang sa mamatay siya. At ipinapakita rin ng mga ito na magagawa iyan ni David magpakailanman kapag binuhay na siyang muli ni Jehova sa hinaharap.