Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Oktubre p. 6-11
  • Si Jehova ang “Labis na Nagpapasaya” sa Atin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Si Jehova ang “Labis na Nagpapasaya” sa Atin
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANG PINAGMUMULAN NG TUNAY NA KALIGAYAHAN
  • HUWAG HAYAANG MAWALA ANG KAGALAKAN MO
  • Kagalakan—Isang Katangian Mula sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Kung Paano Magiging Mas Masaya sa Ministeryo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Talagang Mas Masaya ang Nagbibigay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Oktubre p. 6-11

ARALING ARTIKULO 40

AWIT BLG. 111 Mga Dahilan ng Ating Kagalakan

Si Jehova ang “Labis na Nagpapasaya” sa Atin

“Pupunta ako . . . sa Diyos, na labis na nagpapasaya sa akin.”—AWIT 43:4.

MATUTUTUHAN

Kung ano ang mga posibleng magpalungkot sa atin at kung ano ang mga puwede nating gawin para maging masaya ulit.

1-2. (a) Ano ang nararamdaman ng mga tao sa ngayon? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

GINAGAWA ng mga tao ang lahat para maging masaya. Pero kahit ganoon, madalas pa rin silang nalulungkot at pakiramdam nila, may kulang pa rin sa buhay nila. Puwede rin nating maramdaman iyan kahit mga lingkod tayo ni Jehova. Alam nating makakaranas tayo ng mahihirap na sitwasyon dahil nasa “mga huling araw” na tayo.—2 Tim. 3:1.

2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga posibleng magpalungkot sa atin at ang mga makakapagpasaya ulit sa atin kapag nangyari iyon. Pero alamin muna natin ang Pinagmumulan ng tunay na kaligayahan.

ANG PINAGMUMULAN NG TUNAY NA KALIGAYAHAN

3. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova mula sa mga nilalang? (Tingnan din ang mga larawan.)

3 Laging masaya si Jehova. At gusto niyang maging masaya rin tayo, kaya lumalang siya ng mga bagay na magpapasaya sa atin. Manghang-mangha tayo sa napakagandang planeta natin at sa napakaraming kulay na nakikita natin. Tuwang-tuwa rin tayo kapag nakikita nating naglalaro ang mga hayop. At nag-e-enjoy tayo sa napakaraming masasarap na pagkain. Talagang mahal na mahal tayo ng Diyos, at gusto niyang maging masaya tayo!

Collage: Iba’t ibang hayop na naglalaro. 1. Isang baby elephant na nagtatampisaw sa tubig. 2. Mga batang penguin na naglalakad sa snow. 3. Mga batang kambing na nagtatalunan sa bukid. 4. Mga dolphin na tumatalon mula sa tubig.

Baby elephant: Image © Romi Gamit/Shutterstock; penguin chicks: Vladimir Seliverstov/500px via Getty Images; baby goats: Rita Kochmarjova/stock.adobe.com; two dolphins: georgeclerk/E+ via Getty Images

Kapag nakikita nating naglalaro ang mga hayop, naaalala nating masayahin si Jehova (Tingnan ang parapo 3)


4. (a) Paano nakakapanatiling masaya si Jehova kahit nakikita niya ang pagdurusa sa mundo? (b) Ano ang regalo ni Jehova sa atin? (Awit 16:11)

4 “Maligayang Diyos” si Jehova. (1 Tim. 1:11) Pero ibig bang sabihin niyan, hindi niya nakikita ang pagdurusa sa mundo? Hindi. Hindi lang niya hinahayaang mawala ang kagalakan niya dahil diyan. Alam kasi niyang pansamantala lang ang lahat ng pagdurusa. Ang totoo, siya mismo ang nagtakda kung kailan niya aalisin iyon. At habang hindi pa dumarating ang araw na iyon, matiyaga siyang nagtitiis. Alam din ni Jehova ang nararamdaman natin, at gusto niya tayong tulungan. Paano niya ginagawa iyan? Binigyan niya tayo ng regalo—ang kagalakan. (Basahin ang Awit 16:11.) Ibinigay rin niya kay Jesus ang regalong iyan. Tingnan natin kung paano.

5-6. Bakit maligaya si Jesus?

5 Sa lahat ng nilalang ni Jehova, si Jesus ang pinakamasaya. Bakit? Tingnan ang dalawang dahilan. (1) “Siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos,” kaya maligaya siya gaya ng kaniyang Ama. (Col. 1:15; tingnan ang study note na “maligaya” sa 1 Timoteo 6:15.) (2) Si Jehova, na Pinagmumulan ng tunay na kaligayahan, ang pinakamatagal na nakasama ni Jesus.

6 Masaya rin si Jesus dahil lagi niyang ginagawa ang gusto ng kaniyang Ama. (Kaw. 8:30, 31; Juan 8:29) At dahil sa pananatili niyang tapat, masayang-masaya si Jehova sa kaniya at sinasang-ayunan Niya siya.—Mat. 3:17.

7. Paano tayo magiging tunay na maligaya?

7 Magiging tunay na maligaya tayo kapag malapít tayo kay Jehova, ang Pinagmumulan ng tunay na kaligayahan. Habang mas nakikilala kasi natin siya, mas matutularan natin siya. Magiging masaya rin tayo kapag ginagawa natin ang gusto niya kasi alam nating napapasaya natin siya.a (Awit 33:12) Pero kung minsan, baka malungkot o ma-depress pa rin tayo. Ibig bang sabihin niyan, wala sa atin ang pagsang-ayon ng Diyos? Hindi! Hindi tayo perpekto, at posible tayong masaktan, malungkot, o ma-depress pa nga. At alam iyan ni Jehova. (Awit 103:14) Tingnan natin ang tatlong bagay na posibleng magpalungkot sa atin at kung ano ang mga puwede nating gawin para maging masaya ulit.

Umasa kay Jehova Para Maging Masaya

Hilingin sa panalangin ang banal na espiritu ni Jehova. Kailangan nating umasa kay Jehova para maging masaya kasi kasama ang kagalakan sa mga katangian na bunga ng espiritu. (Gal. 5:22) Matutulungan tayo ng banal na espiritu ni Jehova para maging “masaya habang tinitiis” ang anumang problema.—Col. 1:11.

Magpokus sa pagsamba kay Jehova. Regular na pag-aralan ang Bibliya at ang mga publikasyon natin. Laging maghanap ng pagkakataon para masabi ang “magandang balita na magdudulot ng malaking kagalakan” sa iba. (Luc. 2:10) Tandaan na ang mga taong laging inuuna si Jehova ang mga taong pinakamasaya.—Awit 65:4.

Laging sundin si Jehova. Para sa ikabubuti mo ang lahat ng utos ni Jehova. Kaya huwag isiping hindi mo mae-enjoy ang buhay kapag sinusunod mo siya. Ang totoo, magiging mas masaya ka pa nga dahil diyan.—Luc. 11:28.

HUWAG HAYAANG MAWALA ANG KAGALAKAN MO

8. Ano ang posibleng maramdaman natin kapag may mga problema tayo?

8 Puwede tayong malungkot kapag may mga problema tayo. Pinag-uusig ka ba ngayon? Naapektuhan ka ba ng sakuna? May problema ka ba sa pinansiyal? May sakit ka ba? Nararamdaman mo na ba ang epekto ng pagtanda? Posible tayong malungkot kapag may mga ganiyan tayong problema, lalo na kung wala tayong magawa sa sitwasyon natin. Sinasabi ng Bibliya na “nakasisira ng loob ang kirot sa puso.” (Kaw. 15:13) Naramdaman iyan ni Babis, isang elder na namatayan ng kuya at mga magulang sa loob lang ng apat na taon. Ikinuwento niya: “Talagang napakalungkot ko noon, at pakiramdam ko, walang makakatulong sa akin. Noong buháy pa kasi sila, gustong-gusto ko sana silang makasama nang mas madalas. Pero hindi ko magawa.” Kapag napakabigat ng problema natin, baka panghinaan tayo ng loob at maramdaman nating pagod na pagod na tayo.

9. Ano ang makakatulong sa atin na maging masaya ulit? (Jeremias 29:4-7, 10)

9 Ano ang makakatulong sa atin na maging masaya ulit? Tanggapin natin ang sitwasyon natin, at maging mapagpasalamat pa rin tayo. Iniisip ng marami sa ngayon na magiging masaya lang tayo kapag wala tayong problema. Pero hindi iyan totoo. Pag-isipan ang mga Judiong ipinatapon sa Babilonya noon. Sinabi ni Jehova na tanggapin nila ang sitwasyon nila at gawin ang magagawa nila para maging masaya doon. (Basahin ang Jeremias 29:4-7, 10.) Ano ang aral? Hanapin natin ang mabubuting bagay sa buhay natin at ipagpasalamat ang mga iyon. Tandaan din na hindi tayo pababayaan ni Jehova. (Awit 63:7; 146:5) Ito ang sinabi ni Effie, isang sister na naging paralisado pagkatapos niyang maaksidente: “Tinulungan talaga ako ni Jehova, ng pamilya ko, at ng mga kapatid sa kongregasyon. Gusto kong ipakita sa kanila na nagpapasalamat ako sa mga ginagawa nila para sa akin. Kaya sinisikap ko talagang maging masaya.”

10. Bakit puwede pa rin tayong maging masaya kahit may mga problema tayo?

10 Puwede pa rin tayong maging masaya kahit may mga problema tayo o may masamang nangyari sa atin o sa pamilya natin.b (Awit 126:5) Bakit? Kasi hindi nakadepende sa sitwasyon natin ang kagalakan natin. Ito ang sinabi ng payunir na si Maria: “Kapag sinisikap nating maging masaya kahit may mga problema, hindi ibig sabihin n’on na binabale-wala na natin ang nararamdaman natin. Ipinapakita lang n’on na hindi natin kinakalimutan ang mga pangako ni Jehova. Tutulungan niya tayo na manatiling masaya.” Tandaan na kahit gaano kahirap ang buhay natin sa ngayon, pansamantala lang ang lahat ng problema. Para lang itong mga bakas ng paa sa buhangin kapag naglalakad tayo sa dalampasigan. Saglit lang nating nakikita ang mga iyon, kasi kapag humampas na ang alon, mawawala na ang mga bakas na iyon.

11. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni apostol Pablo?

11 Kapag may mga problema tayo, baka maisip natin na hindi na tayo sinasang-ayunan ni Jehova. Ano ang puwede nating gawin? Puwede nating pag-isipan ang mga tapat na mananamba ni Jehova noon na nakaranas din ng mga problema. Isa na diyan si apostol Pablo. Napakaganda ng pribilehiyo niya. Si Jesus mismo ang pumili sa kaniya para mangaral “sa mga bansa, gayundin sa mga hari at sa mga Israelita.” (Gawa 9:15) Pero nakaranas si Pablo ng napakaraming problema. (2 Cor. 11:23-27) Ibig bang sabihin niyan, wala na sa kaniya ang pagsang-ayon ni Jehova? Hindi. Ang totoo, natiis nga ni Pablo ang mga problemang iyon dahil tinutulungan siya ni Jehova. (Roma 5:3-5) Hindi ba ganiyan ka rin? Natitiis mo ang lahat ng problema at nakakapanatili kang tapat. Kaya ibig sabihin niyan, nasa iyo ang pagsang-ayon ni Jehova.

12. Bakit puwede tayong malungkot kapag hindi nangyari ang inaasahan natin?

12 Puwede tayong malungkot kapag hindi nangyari ang inaasahan natin. (Kaw. 13:12) Mahal natin si Jehova at gusto nating ipakita na nagpapasalamat tayo sa kaniya. Kaya nagtatakda tayo ng mga goal. Pero kung pipili tayo ng mga goal na hindi natin kayang abutin dahil sa sitwasyon natin, masisiraan lang tayo ng loob. (Kaw. 17:22) Sinabi ng payunir na si Holly: “Noon, gusto kong mag-aral sa School for Kingdom Evangelizers, maglingkod sa ibang bansa, o mag-volunteer sa construction project sa Ramapo. Pero biglang nagbago ang kalagayan ko. At hindi ko na maabot ang kahit isa man lang sa mga iyon. Lungkot na lungkot ako. Ganito pala ang pakiramdam kapag may mga gusto kang gawin, pero hindi mo magawa.” Maraming lingkod ni Jehova ang nasa ganiyang sitwasyon. Ganiyan ka rin ba?

13. Kung limitado lang ang magagawa natin, ano ang mga puwede nating maging goal?

13 Ano ang makakatulong sa atin na maging masaya ulit? Tandaan na hindi inaasahan ni Jehova na gagawin natin ang mga bagay na hindi natin kaya. Mahalaga tayo kay Jehova kahit hindi natin nagagawa ang nagagawa ng iba. Ang importante sa kaniya, maging mapagpakumbaba tayo at tapat. (Mik. 6:8; 1 Cor. 4:2) Napapasaya pa rin natin siya kahit hindi natin naaabot ang lahat ng goal natin, kasi mas pinapahalagahan niya ang mga kaisipan at katangian natin kaysa sa mga nagagawa natin. Kaya huwag nating higitan ang inaasahan ni Jehova sa atin.c Kung limitado lang ang magagawa mo, magpokus sa kaya mong gawin. Baka puwede mong turuan ang isang mas bata sa iyo o tulungan ang isang may-edad nang kapatid. O baka puwede mong puntahan, tawagan, o itext ang isang kapatid para patibayin siya. Maganda at makatotohanan ang ganiyang mga goal. At siguradong tutulungan ka ni Jehova na maging masaya habang sinisikap mong abutin ang mga iyan. Tandaan din na sa hinaharap, magkakaroon tayo ng napakaraming pagkakataon para paglingkuran si Jehova sa mga paraang baka hindi pa natin maisip sa ngayon! Ganito ang sinabi ni Holly, na binanggit kanina: “Kapag nalulungkot ako, iniisip ko, ‘Di-bale, may buhay na walang hanggan naman. Doon ko na lang aabutin ang mga goal ko sa tulong ni Jehova.’”

14. Ano pa ang puwedeng magpalungkot sa atin?

14 Puwede tayong malungkot kapag nakapokus tayo sa pagpapakasaya. Marami tayong nakikita sa social media na mukhang masaya dahil sa mga bagay na mayroon sila o ginagawa nila. Kaya baka maisip natin na magiging masaya lang tayo kapag lagi nating nagagawa ang mga hilig natin, nabibili natin ang mga gusto natin, o nakakapasyal tayo saanman natin gusto. Wala namang masama sa mga bagay na iyan. Gusto ni Jehova na mag-enjoy tayo sa buhay. Pero nakita ng marami na kapag nakapokus sila sa pagpapakasaya, mas lalo lang silang nalulungkot. Sinabi ng payunir na si Eva, “Kapag puro pagpapakasaya pala ang ginagawa mo, hindi ka magiging kontento.” Kapag sinisikap nating maging masaya sa ganiyang paraan, malulungkot lang tayo at mararamdaman nating may kulang sa buhay natin.

15. Ano ang matututuhan natin kay Haring Solomon?

15 Napakaraming sinubukan ni Haring Solomon para maging masaya. Kumain siya ng masasarap na pagkain, nakinig ng musika, at binili niya ang lahat ng gusto niya. Pero hindi pa rin siya naging masaya. Sinabi niya: “Ang mata ay hindi nasisiyahan sa nakikita nito; ang tainga ay hindi rin nasisiyahan sa naririnig nito.” (Ecles. 1:8; 2:1-11) Ang pagpopokus sa pagpapakasaya ay parang pekeng pera. Akala ng mga tao, makakatulong iyon sa kanila. Pero malayo iyan sa katotohanan.

16. Bakit magiging masaya tayo kapag tumutulong tayo sa iba? (Tingnan din ang mga larawan.)

16 Ano ang makakatulong sa atin na maging masaya ulit? Itinuro ni Jesus na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Sinabi ng elder na si Alekos: “Sinusubukan kong tulungan ang iba, kahit sa simpleng mga bagay. Kapag ginagawa ko iyan, hindi na ako masyadong nakapokus sa sarili ko, kaya nagiging masaya ako.” Ano ang magagawa mo para sa iba? Kapag napansin mong may problema ang isang tao, patibayin siya. Kahit hindi mo masolusyunan ang problema niya, mapapagaan mo naman ang loob niya kung makikinig kang mabuti sa kaniya, iintindihin mo ang nararamdaman niya, at ipapaalala mo sa kaniya na puwede niyang sabihin iyon kay Jehova. (Awit 55:22; 68:19) Puwede mo ring tiyakin sa kaniya na laging nandiyan si Jehova para sa kaniya. (Awit 37:28; Isa. 59:1) Baka may iba ka pang magagawa para tulungan siya. Halimbawa, puwede mo siyang ipagluto o samahang maglakad-lakad. Puwede mo rin siyang yayaing mangaral. Siguradong mapapasigla siya niyan. Tandaan na magagamit ka ni Jehova para patibayin ang iba. Kapag nakapokus tayo sa iba imbes na sa sarili natin, talagang magiging masaya tayo.—Kaw. 11:25.

Collage: 1. Isang sister na mag-isang nakaupo sa coffee shop habang nagba-browse sa phone niya. Maraming shopping bag sa tabi niya. 2. Masaya siya habang dinadalaw ang isang may-edad nang sister sa bahay nito. Dinalhan niya ito ng mga bulaklak.

Imbes na magpokus sa mga gusto mo, magpokus sa pagtulong sa iba (Tingnan ang parapo 16)d


17. Ano ang dapat nating gawin para maging tunay na maligaya? (Awit 43:4)

17 Magiging tunay na maligaya lang tayo kung gagawin natin ang lahat para manatiling malapít sa Ama natin sa langit. Sinasabi ng Bibliya na si Jehova ang “labis na nagpapasaya” sa atin. (Basahin ang Awit 43:4.) Kaya kahit magkaproblema tayo, hindi tayo dapat mag-alala. Magpokus lang tayo kay Jehova—ang Pinagmumulan ng tunay na kaligayahan—at magiging masaya tayo magpakailanman!—Awit 144:15.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit masaya si Jehova at si Jesus?

  • Ano ang mga posibleng magpalungkot sa atin?

  • Ano ang mga puwede nating gawin para maging masaya ulit?

AWIT BLG. 155 Kagalakan Magpakailanman

a Tingnan ang kahong “Umasa kay Jehova Para Maging Masaya.”

b Halimbawa, panoorin ang interview kina Dennis at Irina Christensen sa 2023 Ikalimang Update ng Lupong Tagapamahala sa jw.org.

c Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Maging Makatuwiran sa Iyong mga Tunguhin, at Maging Maligaya” sa Bantayan, isyu ng Hulyo 15, 2008.

d LARAWAN: Nag-shopping ang isang sister at marami siyang binili para sa sarili niya. Pero naging mas masaya siya nang bilhan niya ng mga bulaklak ang isang may-edad nang sister na nangangailangan ng pampatibay.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share