Isaias
28 Sa aba ng marilag na korona ng mga lasenggo ng Efraim,+ at ng lumilipas na bulaklak ng kagayakan nito ng kagandahan na nasa ulunan ng matabang libis niyaong mga pinananaigan ng alak! 2 Narito! Si Jehova ay may isa na malakas at puspos ng sigla.+ Gaya ng makulog na bagyo ng graniso,+ isang mapamuksang bagyo, gaya ng makulog na bagyo ng malakas at humuhugos na tubig,+ siya ay tiyak na buong lakas na magbubulid sa lupa. 3 Yuyurakan+ ng mga paa ang maririlag na korona ng mga lasenggo ng Efraim. 4 At ang lumilipas na bulaklak+ ng kagayakan nito ng kagandahan na nasa ulunan ng matabang libis ay magiging gaya ng unang igos+ bago ang tag-araw, na, kapag nakita iyon ng tumitingin, habang nasa kaniyang palad pa ay nilululon na niya iyon.
5 Sa araw na iyon si Jehova ng mga hukbo ay magiging gaya ng korona ng kagayakan+ at gaya ng putong ng kagandahan+ sa mga nalalabi+ sa kaniyang bayan, 6 at espiritu ng katarungan sa isa na nakaupo sa paghatol,+ at kalakasan niyaong mga nagtataboy ng pagbabaka mula sa pintuang-daan.+
7 At ang mga ito rin—dahil sa alak ay naliligaw sila at dahil sa nakalalangong inumin ay pagala-gala sila. Saserdote at propeta+—naliligaw sila dahil sa nakalalangong inumin, nalilito sila dahilan sa alak, pagala-gala+ sila dahilan sa nakalalangong inumin; naliligaw sila sa kanilang pagtingin, nabubuwal sila kung tungkol sa pagpapasiya. 8 Sapagkat ang lahat ng mesa ay punô ng maruming suka+—walang dakong wala nito.
9 Kanino ituturo ng isa ang kaalaman,+ at kanino ipauunawa ng isa ang bagay na narinig?+ Doon sa mga inawat na sa gatas, doon sa mga inihiwalay na sa suso?+ 10 Sapagkat “utos at utos, utos at utos, pising panukat at pising panukat, pising panukat at pising panukat, kaunti rito, kaunti roon.”+ 11 Sapagkat sa pamamagitan niyaong mga nauutal ang mga labi+ at sa pamamagitan ng ibang wika+ ay magsasalita siya sa bayang ito,+ 12 yaong mga sinabihan niya: “Ito ang pahingahang-dako. Pagpahingahin ninyo ang nanghihimagod. At ito ang dako ng kaginhawahan,” ngunit ayaw nilang makinig.+ 13 At sa kanila ang salita ni Jehova ay tiyak na magiging “utos at utos, utos at utos, pising panukat at pising panukat, pising panukat at pising panukat,+ kaunti rito, kaunti roon,” upang sila ay makayaon at mabuwal nga nang patalikod at talagang mawasak at masilo at mahuli.+
14 Kaya dinggin ninyo ang salita ni Jehova, kayong mayayabang, kayong mga tagapamahala+ ng bayang ito na nasa Jerusalem: 15 Sapagkat sinabi ninyo: “Gumawa kami ng pakikipagtipan sa Kamatayan;+ at pinangyari naming kasama ng Sheol ang isang pangitain;+ ang umaapaw na dumaragsang baha, sakaling dumaan ito, ay hindi darating sa amin, sapagkat ang isang kasinungalingan ay ginawa naming aming kanlungan+ at sa kabulaanan ay nagkubli kami”;+ 16 kaya ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Narito, inilalatag ko bilang pundasyon sa Sion+ ang isang bato,+ isang subok na bato,+ ang mahalagang panulukan+ ng isang matibay na pundasyon.+ Walang sinumang nananampalataya ang matatakot.+ 17 At katarungan ang gagawin kong pising panukat+ at katuwiran+ ang kasangkapang pangnibel; at papalisin ng graniso+ ang kanlungang kasinungalingan,+ at babahain ng tubig ang mismong dakong kublihan.+ 18 At ang inyong pakikipagtipan sa Kamatayan ay tiyak na matutunaw,+ at ang pangitain ninyong iyon ng Sheol ay hindi mananatili.+ Ang umaapaw na dumaragsang baha, kapag dumaan ito+—kayo rin ay magiging dakong yuyurakan nito.+ 19 Sa tuwing ito ay daraan, tatangayin kayo nito,+ sapagkat uma-umaga ay daraan ito, sa araw at sa gabi; at ito ay magiging walang iba kundi sanhi ng pangangatal+ upang ipaunawa sa iba ang bagay na narinig.”
20 Sapagkat ang higaan ay napakaikli upang mapag-unatan ng sarili, at ang hinabing kumot ay napakakitid kapag ibinabalot sa sarili. 21 Sapagkat si Jehova ay titindig na gaya noon sa Bundok Perazim,+ siya ay maliligalig na gaya noon sa mababang kapatagan malapit sa Gibeon,+ upang maisagawa niya ang kaniyang gawa—ang kaniyang gawa ay kakaiba—at upang magawa niya ang kaniyang gawain—ang kaniyang gawain ay pambihira.+ 22 At ngayon ay huwag kayong maging mga manunudyo,+ upang ang inyong mga panali ay hindi tumibay, sapagkat may paglipol, isa ngang bagay na naipasiya, na narinig ko mula sa Soberanong+ Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, para sa buong lupain.+
23 Makinig kayo at pakinggan ang aking tinig; magbigay-pansin kayo at pakinggan ang aking pananalita. 24 Buong araw+ bang nag-aararo ang tagapag-araro upang maghasik ng binhi, na kaniyang binubungkal at sinusuyod ang kaniyang lupa?+ 25 Hindi ba, kapag napatag na niya ang ibabaw nito, kaniya ngang ikakalat ang kominong itim at isasabog ang komino,+ at hindi ba siya maglalagay ng trigo, mijo,+ at sebada sa takdang dako,+ at ng espelta+ bilang kaniyang hangganan?+ 26 At may isang nagtutuwid+ sa kaniya ayon sa kung ano ang tama. Tinuturuan siya ng kaniyang Diyos.+ 27 Sapagkat hindi kasangkapang panggiik+ ang ipinanggigiik sa kominong itim; at sa komino ay hindi iginugulong ang gulong ng kariton. Sapagkat tungkod+ ang karaniwang ipinanghahampas sa kominong itim, at sa komino ay baston. 28 Ang pantinapay na binutil ba ay karaniwan nang dinudurog? Sapagkat hindi iyon ginigiik+ nang walang lubay.+ At patatakbuhin niya ang panggulong ng kaniyang kariton, at ang kaniyang mga kabayo, ngunit hindi niya iyon dudurugin.+ 29 Ito rin yaong nanggaling kay Jehova ng mga hukbo,+ na kamangha-mangha sa layunin, na gumagawa nang may kahusayan sa mabungang paggawa.+