UNANG LIHAM KAY TIMOTEO
1 Akong si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Kristo Jesus, na ating pag-asa,+ 2 ay sumusulat kay Timoteo,*+ isang tunay na anak+ sa pananampalataya:
Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan, awa, at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula kay Kristo Jesus na ating Panginoon.
3 Kung paanong hinimok kitang manatili sa Efeso noong papunta ako sa Macedonia, hinihimok ulit kita ngayon, para masabihan mo ang ilan doon na huwag magturo ng ibang doktrina 4 o magbigay-pansin sa mga kuwentong di-totoo+ at sa mga talaangkanan. Walang pakinabang ang gayong mga bagay+ at nagbabangon pa nga ng mga pag-aalinlangan. Hindi kasama ang mga iyon sa mga paglalaan ng Diyos para mapatibay ang ating pananampalataya. 5 Ibinigay ko ang tagubiling* ito para mahalin natin ang isa’t isa+ nang may malinis na puso at konsensiya* at may pananampalatayang+ walang pagkukunwari. 6 May ilang hindi sumunod dito kaya naging abala sila sa walang-saysay na usapan.+ 7 Gusto nilang maging guro+ ng kautusan, pero hindi nila naiintindihan ang mga sinasabi nila o ang mga bagay na pinagpipilitan nila.
8 Alam natin na mabuti ang Kautusan kung sinusunod ito nang tama 9 at kung kinikilala ng isang tao na ginawa ang kautusan, hindi para sa matuwid, kundi para sa masuwayin+ at rebelde, di-makadiyos at makasalanan, di-tapat* at lapastangan, pumapatay ng ama at ina, mamamatay-tao, 10 imoral,* lalaking nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal,* nandurukot ng tao, sinungaling, sumisira sa panata,* at iba pa na salungat sa kapaki-pakinabang* na turo+ 11 na batay sa maluwalhating mabuting balita ng maligayang Diyos, na ipinagkatiwala niya sa akin.+
12 Nagpapasalamat ako kay Kristo Jesus na ating Panginoon, na nagbigay ng lakas sa akin, dahil itinuring niya akong tapat nang atasan niya ako sa isang banal na gawain,+ 13 kahit na dati akong mamumusong,* mang-uusig, at walang galang.+ Pero pinagpakitaan ako ng awa dahil ginawa ko ang mga iyon sa kawalang-alam at kawalan ng pananampalataya. 14 At nag-uumapaw ang walang-kapantay na kabaitan na ipinakita sa akin ng ating Panginoon, at tumanggap din ako ng pananampalataya at pag-ibig mula kay Kristo Jesus. 15 Ang pananalitang ito ay mapananaligan at talagang dapat paniwalaan: Si Kristo Jesus ay dumating sa mundo para iligtas ang mga makasalanan.+ At ako ang pinakamakasalanan sa mga ito.+ 16 Gayunman, pinagpakitaan ako ng awa para sa pamamagitan ko, na pinakamakasalanan sa lahat, ay maipakita ni Kristo Jesus ang haba ng kaniyang pagtitiis at magsilbi akong halimbawa sa mga mananampalataya sa kaniya para sa buhay na walang hanggan.+
17 Maparangalan nawa at maluwalhati magpakailanman ang Haring walang hanggan,+ na nabubuhay magpakailanman+ at di-nakikita,+ ang nag-iisang Diyos.+ Amen.
18 Timoteo, anak ko, ipinagkakatiwala ko sa iyo ang tagubiling* ito, ayon sa mga hula tungkol sa iyo. Matutulungan ka ng mga ito na ipagpatuloy ang iyong mahusay na pakikipaglaban+ 19 habang pinananatili mo ang iyong pananampalataya at malinis na konsensiya,+ na itinakwil ng ilan kaya nawasak ang pananampalataya nila. 20 Kasama rito sina Himeneo+ at Alejandro, at ibinigay ko sila kay Satanas+ bilang disiplina para matuto silang huwag mamusong.
2 Kaya nga una sa lahat, hinihimok ko kayo na magsumamo, manalangin, mamagitan, at magpasalamat para sa lahat ng uri ng tao, 2 sa mga hari at sa lahat ng may mataas na posisyon,*+ para patuloy tayong makapamuhay nang payapa, tahimik, seryoso, at may makadiyos na debosyon.+ 3 Mabuti ito at kalugod-lugod sa paningin ng ating Tagapagligtas, ang Diyos,+ 4 na gustong* maligtas ang lahat ng uri ng tao+ at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan. 5 Dahil may isang Diyos,+ at isang tagapamagitan+ sa Diyos at sa mga tao,+ isang tao, si Kristo Jesus,+ 6 na nagbigay ng sarili niya bilang pantubos* para sa lahat*+—ipangangaral ito sa takdang panahon para dito. 7 At para magpatotoo tungkol sa bagay na ito,+ inatasan ako ng Diyos bilang mángangarál at apostol,+ isang guro na magtuturo sa ibang mga bansa+ ng pananampalataya at katotohanan—sinasabi ko ang totoo, hindi ako nagsisinungaling.
8 Kaya nga gusto ko na sa lahat ng lugar na pinagtitipunan ninyo, ang mga lalaki ay magpatuloy sa pananalangin, na itinataas ang mga kamay nila nang may katapatan+ at walang halong poot+ at mga debate.+ 9 Gayundin, dapat pagandahin ng mga babae ang sarili nila sa pamamagitan ng maayos* na pananamit, na nagpapakita ng kahinhinan at matinong pag-iisip,* at hindi sa pamamagitan ng pagtitirintas* ng buhok o pagsusuot ng ginto o perlas o napakamahal na damit,+ 10 kundi sa paggawing angkop sa mga babaeng may debosyon sa Diyos,*+ ibig sabihin, sa pamamagitan ng mabubuting gawa.
11 Ang mga babae ay manatiling tahimik* at lubos na nagpapasakop habang tinuturuan.+ 12 Hindi ko pinapahintulutan ang babae na magturo o mamuno sa lalaki, kundi dapat siyang tumahimik.*+ 13 Dahil si Adan ang unang nilikha, pagkatapos ay si Eva.+ 14 Isa pa, hindi nalinlang si Adan; ang babae ang lubusang nalinlang+ at nagkasala. 15 Pero maiingatan siya sa pamamagitan ng pag-aanak,+ kung mananatili siyang* may pananampalataya, pag-ibig, kabanalan, at matinong pag-iisip.*+
3 Mapananaligan ito: Kung nagsisikap ang isang lalaki na maging tagapangasiwa,+ magandang tunguhin iyan. 2 Kaya dapat na ang tagapangasiwa ay di-mapupulaan, asawa ng isang babae, may kontrol sa kaniyang paggawi, may matinong pag-iisip,*+ maayos, mapagpatuloy,+ kuwalipikadong magturo,+ 3 hindi lasenggo,+ at hindi marahas,* kundi makatuwiran,+ hindi palaaway,+ hindi maibigin sa pera,+ 4 isang lalaking namumuno* sa sarili niyang pamilya* sa mahusay na paraan, na may mga anak na masunurin at mabuti ang asal+ 5 (dahil kung hindi kayang mamuno* ng isang lalaki sa sarili niyang pamilya, paano niya aalagaan ang kongregasyon ng Diyos?), 6 at hindi bagong kumberte,+ dahil baka magmalaki siya at tumanggap ng hatol na katulad ng sa Diyablo. 7 Dapat na maganda rin ang reputasyon niya sa mga di-kapananampalataya*+ para hindi siya magdala ng kahihiyan* at mahulog sa bitag ng Diyablo.
8 Ang mga ministeryal na lingkod ay dapat ding maging seryoso, hindi mapanlinlang ang pananalita,* hindi malakas uminom ng alak, hindi sakim sa pakinabang,+ 9 at nanghahawakan sa sagradong lihim ng pananampalataya nang may malinis na konsensiya.+
10 Isa pa, subukin muna sila kung karapat-dapat* sila; at kung malaya sila sa akusasyon, hayaan silang maglingkod bilang ministeryal na lingkod.+
11 Ang mga babae ay dapat ding maging seryoso, hindi naninirang-puri,+ may kontrol sa kanilang paggawi,* at tapat sa lahat ng bagay.+
12 Ang mga ministeryal na lingkod ay dapat na asawa ng isang babae at namumuno sa kanilang pamilya sa mahusay na paraan, lalo na sa kanilang mga anak. 13 Dahil ang mga lalaking naglilingkod sa mahusay na paraan ay nagkakaroon ng magandang reputasyon at malaking kalayaan sa pagsasalita tungkol sa pananampalataya kay Kristo Jesus.
14 Isinusulat ko sa iyo ang mga bagay na ito kahit umaasa akong malapit na akong makapunta sa iyo, 15 para kung sakaling matagalan ako, malaman mo kung paano ka dapat gumawi sa sambahayan ng Diyos,+ na siyang kongregasyon ng buháy na Diyos, isang haligi at pundasyon* ng katotohanan. 16 Oo, talagang mahalaga ang sagradong lihim ng makadiyos na debosyon: ‘Siya ay naging tao,*+ ipinahayag na matuwid sa espiritu,+ nagpakita sa mga anghel,+ ipinangaral sa mga bansa,+ pinaniwalaan sa sanlibutan,+ at tinanggap sa langit at niluwalhati.’
4 Gayunman, malinaw na sinasabi ng espiritu ng Diyos na sa hinaharap, may ilan na tatalikod sa pananampalataya at magbibigay-pansin sa mapanlinlang na pananalita na mula sa masasamang espiritu*+ at sa mga turo ng mga demonyo 2 dahil sa kasinungalingan ng mga taong mapagkunwari,+ na ang konsensiya ay naging manhid, na para bang pinaso ng mainit na bakal.* 3 Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa+ at iniuutos sa mga tao na umiwas sa mga pagkaing+ ginawa ng Diyos para kainin+ nang may pasasalamat ng mga may pananampalataya+ at tumpak na kaalaman sa katotohanan. 4 Dahil ang lahat ng ginawa* ng Diyos ay mabuti,+ at walang anumang dapat itakwil+ kung ito ay kinain nang may pasasalamat, 5 dahil napababanal ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin para dito.
6 Kung ibibigay mo ang payong ito sa mga kapatid, magiging mahusay kang lingkod ni Kristo Jesus, isa na sumusulong at lumalakas sa pamamagitan ng mga salita ng pananampalataya at ng mahusay na turo na maingat mong sinundan.+ 7 Pero iwasan mo ang mga kuwentong di-totoo+ at lumalapastangan sa Diyos, gaya ng ikinukuwento ng matatandang babae. Sa halip, sanayin mo ang iyong sarili at gawing tunguhin na magpakita ng makadiyos na debosyon. 8 Dahil may kaunting pakinabang sa pisikal na pagsasanay,* pero ang makadiyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng bagay, dahil may kasama itong pangako na buhay sa ngayon at sa hinaharap.+ 9 Ang mga salitang ito ay mapananaligan at talagang dapat paniwalaan. 10 Kaya naman nagsisikap tayo nang husto at nagpapakapagod,+ dahil umaasa tayo sa isang buháy na Diyos, na Tagapagligtas+ ng lahat ng uri ng tao,+ lalo na ng mga tapat.
11 Patuloy mong iutos at ituro ang mga ito. 12 Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo. Kaya maging halimbawa ka sa mga tapat pagdating sa pagsasalita, paggawi, pag-ibig, pananampalataya, at kalinisan. 13 Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa,+ pagpapayo,* at pagtuturo hanggang sa makarating ako riyan. 14 Huwag mong pabayaan ang regalong ibinigay ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng isang hula nang ipatong sa iyo ng lupon ng matatandang lalaki ang kanilang mga kamay.+ 15 Pag-isipan mong mabuti* ang mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin dito para makita ng lahat ang pagsulong mo. 16 Laging bigyang-pansin ang sarili mo at ang itinuturo mo.+ Ibigay mo ang buong makakaya mo sa pagtupad sa mga bagay na ito, dahil sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.+
5 Huwag kang maging mabagsik sa pagsaway sa nakatatandang lalaki.+ Sa halip, makipag-usap* ka sa kaniya na gaya ng sa iyong ama, sa mga nakababatang lalaki na gaya ng sa kapatid mong lalaki, 2 sa matatandang babae na gaya ng sa iyong ina, at sa mga nakababatang babae na gaya ng sa kapatid mong babae nang may malinis na puso.
3 Alagaan* mo ang mga biyuda na talagang nangangailangan ng tulong.*+ 4 Pero kung ang isang biyuda ay may mga anak o apo, sila muna ang dapat mag-alaga sa kanilang kapamilya bilang pagpapakita ng makadiyos na debosyon+ at pagtanaw ng utang na loob sa kanilang mga magulang at lolo’t lola,+ dahil kalugod-lugod ito sa Diyos.+ 5 Ang biyuda na talagang nangangailangan at wala nang ibang maaasahan ay nagtitiwala sa Diyos+ at patuloy na nagsusumamo at nananalangin gabi’t araw.+ 6 Pero ang biyuda na nagpapakasasa sa kaniyang pagnanasa* ay patay na, kahit buháy pa siya. 7 Kaya patuloy mong ibigay ang mga tagubiling* ito para hindi sila mapintasan. 8 Oo, kung ang sinuman ay hindi naglalaan sa mga nasa pangangalaga niya, lalo na sa mga miyembro ng pamilya niya, itinakwil na niya ang pananampalataya at mas masahol pa sa walang pananampalataya.+
9 Isama sa listahan ang isang biyuda kung siya ay 60 taóng gulang pataas, naging tapat sa asawa niya,* 10 kilala sa paggawa ng mabubuting bagay,+ nagpalaki ng mga anak,+ naging mapagpatuloy,+ naghugas ng paa ng mga banal,+ tumulong sa mga nasa mahirap na kalagayan,+ masipag sa paggawa ng mabuti.
11 Pero huwag mong isama sa listahan ang mga nakababatang biyuda, dahil kapag ang kanilang seksuwal na pagnanasa ay naging hadlang sa paglilingkod nila sa Kristo, gugustuhin nilang mag-asawa. 12 At hahatulan sila dahil hindi sila tumupad sa nauna nilang pangako.* 13 At nakakasanayan din nila na walang ginagawa at nagpapalipat-lipat sa mga bahay; oo, hindi lang basta walang ginagawa, kundi nagiging mga tsismosa sila at mapanghimasok sa buhay ng iba,+ at nagsasalita sila ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin. 14 Kaya gusto ko sana na ang mga nakababatang biyuda ay mag-asawa,+ mag-anak,+ at mag-asikaso sa pamilya para hindi tayo mapintasan ng kaaway.* 15 Ang totoo, may ilan nang lumihis at sumunod kay Satanas. 16 Kung may mga kamag-anak na biyuda ang isang babaeng mananampalataya, tulungan niya ang mga ito para hindi mapabigatan ang kongregasyon, at matutulungan naman ng kongregasyon ang mga biyuda na talagang nangangailangan.*+
17 Ang matatandang lalaki na nangangasiwa sa mahusay na paraan+ ay dapat ituring na karapat-dapat sa dobleng karangalan,+ lalo na ang mga nagsisikap nang husto sa pagsasalita at pagtuturo tungkol sa salita ng Diyos.+ 18 Dahil sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang* toro habang gumigiik ito,”+ at, “Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran.”+ 19 Huwag mong pakikinggan ang akusasyon sa isang matandang lalaki maliban na lang kung may dalawa o tatlong testigo.+ 20 Sawayin mo+ sa harap ng lahat ang mga namimihasa sa kasalanan+ para magsilbing babala sa iba.* 21 Sa harap ng Diyos at ni Kristo Jesus at ng piniling mga anghel, inuutusan kita na sundin ang mga tagubiling ito nang patas at suriin mo munang mabuti ang lahat ng bagay bago magdesisyon.+
22 Huwag kang magmadali sa pagpapatong ng mga kamay mo sa sinuman;*+ huwag ka ring magkaroon ng bahagi sa kasalanan ng iba; panatilihin mong malinis ang sarili mo.
23 Huwag ka nang uminom ng tubig;* uminom ka ng kaunting alak para sa sikmura mo at dahil sa madalas mong pagkakasakit.
24 Ang mga kasalanan ng ilang tao ay hayag sa lahat, kaya nahahatulan sila agad, pero ang kasalanan ng ibang tao ay sa bandang huli pa nahahayag.+ 25 Sa katulad na paraan, may mabubuting gawa na hayag sa lahat,+ at ang mga nakatago ay hindi mananatiling nakatago.+
6 Para sa mga alipin,* dapat na patuloy nilang ituring ang may-ari sa kanila na karapat-dapat sa buong karangalan+ para hindi mapagsalitaan ng masama ang pangalan ng Diyos at ang mga turo niya.+ 2 Isa pa, hindi dapat mawala ang paggalang nila sa mga may-ari sa kanila kahit pa magkapatid sila sa pananampalataya. Sa halip, dapat na mas handa pa silang maglingkod, dahil ang tatanggap ng kanilang mahusay na serbisyo ay mga mananampalataya at minamahal.
Patuloy mong ituro ang mga ito at ibigay ang mga payong ito. 3 Kung may sinumang nagtuturo ng ibang doktrina at sumasalungat sa kapaki-pakinabang* na mga tagubilin+ mula sa ating Panginoong Jesu-Kristo o sa turo na kaayon ng makadiyos na debosyon,+ 4 mapagmalaki siya at hindi nakakaintindi.+ Gustong-gusto niyang makipagtalo at makipagdebate* tungkol sa mga salita.+ Dahil sa mga ito, nagkakaroon ng inggitan, pag-aaway, paninirang-puri,* masamang hinala, 5 walang-katapusang pagtatalo tungkol sa maliliit na bagay na pinasisimulan ng mga taong baluktot ang isip+ at hindi na nakauunawa sa katotohanan at nag-aakalang makakakuha sila ng pakinabang sa makadiyos na debosyon.+ 6 Totoo, may malaking pakinabang sa makadiyos na debosyon,+ pero dapat na may kasama itong pagkakontento. 7 Dahil wala tayong dinalang anuman sa mundo, at wala rin tayong anumang mailalabas.+ 8 Kaya maging kontento na tayo kung mayroon tayong pagkain at damit.*+
9 Pero ang mga determinadong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag+ at sa maraming walang-saysay at nakapipinsalang pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at kapahamakan.+ 10 Dahil ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang bagay, at dahil sa pagpapadala sa pag-ibig na ito, ang ilan ay nailihis sa pananampalataya at dumanas ng maraming kirot.*+
11 Pero, ikaw, O lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga ito. Itaguyod mo ang katuwiran, makadiyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan.+ 12 Ipagpatuloy mo ang marangal na pakikipaglaban para sa pananampalataya; manghawakan kang mahigpit sa buhay na walang hanggan, dahil tinawag ka ng Diyos para sa buhay na ito at nagbigay ka ng mahusay na patotoo tungkol dito sa harap ng maraming saksi.
13 Sa harap ng Diyos, na nagpapanatiling buháy sa lahat ng bagay, at ni Kristo Jesus, na nagbigay ng mahusay na patotoo sa harap ni Poncio Pilato,+ inuutusan kita 14 na sundin ang mga utos sa malinis at di-mapipintasang paraan hanggang sa pagkakahayag ng ating Panginoong Jesu-Kristo,+ 15 na ipapakita sa takdang panahon ng maligaya at tanging Makapangyarihang Tagapamahala. Siya ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,+ 16 ang nag-iisang imortal,+ na naninirahan sa di-malapitang liwanag,+ na hindi pa nakita at hindi makikita ng sinumang tao.+ Sumakaniya nawa ang karangalan at kalakasan na walang hanggan. Amen.
17 Sabihan* mo ang mayayaman sa sistemang* ito na huwag maging mayabang* at huwag umasa sa kayamanan na walang katiyakan+ kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng bagay na nagpapasaya sa atin.+ 18 Sabihan mo silang gumawa ng mabuti, oo, ng maraming mabubuting bagay, at maging mapagbigay at handang mamahagi.+ 19 Sa paggawa nito, makapag-iipon sila ng kayamanan na magsisilbing mahusay na pundasyon para sa hinaharap,+ nang sa gayon ay makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.+
20 Timoteo, bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo,+ at iwasan mo ang walang-saysay na mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at ang nagkakasalungatang mga ideya ng tinatawag na “kaalaman.”+ 21 Dahil sa pagyayabang sa kaalamang ito, ang ilan ay lumihis sa pananampalataya.
Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan.
Ibig sabihin, “Isa na Nagpaparangal sa Diyos.”
O “utos na.”
O “budhi.”
O “walang tapat na pag-ibig.”
Tingnan sa Glosari, “Seksuwal na imoralidad.”
O “lalaking nakikipagtalik sa lalaki.”
O “sumusumpa nang may kasinungalingan.”
Lit., “nakapagpapalusog.”
Tingnan sa Glosari, “Pamumusong.”
O “utos na.”
O “may awtoridad.”
O “na ang kalooban ay.”
Halaga na katumbas ng naiwala.
O “para sa lahat ng uri ng tao.”
O “kagalang-galang; disente.”
O “at mahusay na pagpapasiya.”
O “espesyal na pagtitirintas.”
O “babaeng nagsasabing may debosyon sila sa Diyos.”
O “kalmado.”
O “manatiling kalmado.”
Lit., “silang.”
O “at kakayahang gumawa ng mahuhusay na pasiya.”
O “mahusay magpasiya.”
Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring tumukoy sa paggamit ng masasakit na salita.
O “nangangasiwa.”
O “sambahayan.”
O “mangasiwa.”
O “mga tao sa labas.”
O “upasala.”
Lit., “hindi dalawang-dila.”
O “kuwalipikado.”
O “katamtaman ang pag-uugali.”
O “suhay.”
Lit., “nahayag sa laman.”
Lit., “magbibigay-pansin sa mapanlinlang na mga espiritu.”
O “ng pangherong bakal.”
O “nilikha.”
O “sa pag-eehersisyo.”
O “pagpapatibay.”
O “Bulay-bulayin mo.”
O “makiusap.”
Lit., “Parangalan.”
Mga biyuda na wala nang ibang maaasahan.
Posibleng tumutukoy sa seksuwal na pagnanasa.
O “utos na.”
O “naging asawa ng isang lalaki.”
O “dahil tinalikuran nila ang kanilang unang kapahayagan ng pananampalataya.”
O “mananalansang.”
Mga biyuda na wala nang ibang maaasahan.
O “tatakpan ang bibig ng.”
Lit., “para matakot ang iba.”
Huwag magpadalos-dalos sa paghirang sa isang tao.
O “Huwag lang tubig ang inumin mo.”
O “mga nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin.”
Lit., “nakapagpapalusog.”
O “Nahihibang siya sa pakikipagtalo at pakikipagdebate.”
O “mapang-abusong pananalita.”
O posibleng “tirahan.” Lit., “panakip.”
Lit., “at napagsasaksak ng maraming kirot ang sarili nila.”
O “Utusan.”
O “panahong.” Tingnan sa Glosari, “Sistema.”
O “mapagmataas.”