Pinag-aalinlanganan Mo Ba ang Pag-iral ng Diyos? Alam Mo Ba Kung Bakit?
ANG iba ay tumutugon sa pamamagitan ng pagkikibit-balikat. Ang iba naman, sa pamamagitan ng prangkang pagtatatuwa. Ganiyan ang reaksiyon ng marami ngayon sa tanong tungkol sa pag-iral ng Diyos. Isa ka ba sa kanila? Kung gayon, hindi kataka-taka, sapagkat ang bilang ng mga tao na nag-aalinlangan sa pag-iral ng Diyos ay dumarami.
Kung Bakit Tinanggihan Nila ang Paniniwala sa Diyos
Ganito ipinaliliwanag ng isang kabataang babaing Aleman ang kaniyang kalagayan: “Ang aking mga magulang ay hindi naniniwala sa Diyos at hindi relihiyoso, kaya’t ako’y lumaki na walang relihiyon at walang Diyos. Tinatawanan ko ang pagbanggit ng relihiyon, at hindi ko maunawaan kung bakit ang ibang mga tao ay naniniwala sa Diyos. Kasabay nito, wala naman akong maibigay na dahilan sa aking hindi paniniwala.”
Isang 32-taóng-gulang na taga-Belgium, na ipinaliliwanag ang kaniyang kakulangan ng pananampalataya ay nagsasabi: “Kahit nang ako ay nag-aaral pa, ako ay pinalakas-loob ng aking mga magulang na magtrabaho at pagsumikapan ang materyal na mga bagay. Ang materyalistikong mga kaisipan ang humalili sa anumang kaisipan tungkol sa relihiyon at pananampalataya.”
Nag-aalinlangan ka ba sa pag-iral ng Diyos? Alam mo ba kung bakit? Maaari kayang ikaw ay nakikisama lamang sa karamihan? Kung gayon, talaga bang nalalaman mo ang “mga patotoo” na ibinibigay ng karamihan? Iyo bang sinubok ang pagkamaaasahan ng kanilang paliwanag nang buong katapatan at pagkaseryoso?
Ang Pangangailangan para sa Kasiya-siyang mga Kasagutan
Ang pagdating sa isang tiyak na konklusyon tungkol sa pag-iral ng Diyos ay higit pa sa pagpapasiya kung sino ang tama o mali. Ito ay isang pasiya na maaaring magkaroon ng malaking epekto sa buhay ng isa. Ito ang susing salik sa pagkasumpong natin ng kasiya-siyang mga kasagutan sa mga tanong na iyon tungkol sa kahulugan ng buhay.
Suriin natin ang dalawang “patotoo” na madalas banggitin ng mga tao sa pagpapaliwanag ng kanilang pagtanggi sa pag-iral ng Diyos.
“Pinaniniwalaan ko lamang ang aking nakikita, at hinding-hindi ko pa nakita ang Diyos”
Sa pasimula ng panahon ng kalawakan, mga dalawampung taon na ang nakalipas, iniulat ng The New York Times ang sumusunod na pananalita na binigkas sa isang programa sa radyo sa Moscow: “Ang bagay na hindi nakita ng mga satellite at mga rocket ang Kataas-taasan, ang mga anghel at iba pa, ay nagpapatunay laban sa mga paniniwalang relihiyoso at pinatitibay ang hindi paniniwala sa Diyos.”
Itinuturing mo ba itong isang patotoo? Kung gayon, handa ka bang tanggapin ang lahat ng mga konsikuwensiya ng gayong pangangatuwiran?
Ang distansiya na roon ang tao ay maaaring makarinig at makakita ay nakarating ng malayo sa sansinukob sa pamamagitan ng dambuhalang mga teleskopyo. Paliitin natin ito sa nauunawaang mga sukat. Ipagpalagay nang ang lupa ay kasinlaki ng isang mansanas. Sa kasukat na iyan, ang nakikitang sansinukob ay magiging 2.9 libong milyong milya (4.7 libong milyong kilometro) sa diyametro. At gaano kalayo ang narating ng mga sasakyang pangkalawakan na may tao at walang tao mula sa “mansanas” na ito? Naroon pa rin sila sa loob ng kahon ng mansanas!
Isa pa, gaano man kalayo ang marating ng mga sasakyang pangkalawakan, hinding-hindi makikita ng mga tao ang Diyos, sa pamamagitan ng kanilang literal na mga mata o ng gawang-taong mga kamera. Nagsasalita sila na para bang ang Diyos ay isang tao, na may laman at dugo, subalit ang Bibliya ay nagsasabi, “Ang Diyos ay Espiritu.”—Juan 4:24.
Sa katunayan, ang mga bagay na pinapangyari ng mga puwersa na di-nakikita ng mata ng tao ay nagaganap sa paligid natin sa lahat ng panahon. Samantalang ikaw ay nag-iisip tungkol sa binabasa mo ngayon, masalimuot na mga pamamaraang pangkaisipan ang nagaganap sa mahigit na 10,000,000,000 mga selula ng nerbiyos sa iyong utak. Maaaring sukatin ng masulong na teknolohiya ang mga brain wave, ipinakikita pa nga ito sa mata ng tao sa isang screen o pilas ng papel. Subalit KUNG ANO ang iniisip mo ay hindi maaaring ipakita. Bawat salitang salitain mo, bawat may malay na pagkilos na gawin mo, ay bunga ng isang pamamaraan na hindi nakikita ng mata ng tao. Batay sa obserbasyong ito, ano ang magiging makatuwirang mga konsikuwensiya ng pananatili sa simulaing: “Pinaniniwalaan ko lamang ang aking nakikita”?
Subalit marami ang nagsasabi:
“Ang lahat ng bagay ay nagkataong umiral, nang walang Diyos”
Ang Schweizerische Akademiker- und Studentenzeitung (Akademikong Suiso at Pahayagan ng Estudyante) ay naglalaman ng pumupukaw-kaisipang artikulo tungkol sa teoriya ng ebolusyon. Sa ilalim ng pamagat na “Maaari bang Magkaroon ng Kaayusan nang Di-sinasadya?” sabi nito: “Upang ayusin ang isang aklatan o isang koleksiyon ng mga selyo nang maayos ay nangangailangan ng plano, katalinuhan, at pagsisikap. Kung basta natin ihahagis ang lahat ng bagay sa silid at ipipikit ang ating mga mata, inaasahang di-sinasadyang ‘maaayos ang mga bagay’ para sa atin, agad nating matutuklasan na hindi ganito ang paraan upang magkaroon ng kaayusan. Sa katunayan, kung wala ang ating patuloy na atensiyon, ang mga bagay-bagay ay maaaring magulo na muli, gaya ng kapag inilalabas ng mga bata ang mga bagay at ibinabalik ito sa maling mga dako, o kapag ‘inaayos’ ng biglang bugso ng hangin ang ating koleksiyon ng selyo. Itinuturo sa atin ng pang-araw-araw na karanasan na ang kaayusan ay hindi nagkataon lamang. . . . Sa kabilang dako, mula sa pag-iral ng kaayusan ating mahihinuha na may katalinuhang gumagawa. Ang isang maayos na aklatan, halimbawa, ay nagpapatotoo sa isang mabuting laybraryan. Sa simulain, kapit din ang gayong bagay sa bawat uri ng kaayusan.”
Bilang halimbawa, isaalang-alang ang utak. Isipin ang kagila-gilalas na mga bagay na maaaring gawin ng utak ng tao may kaugnayan sa wika. Sa tulong lamang ng 20 hanggang 30 iba’t ibang letra (na mula roon ang karamihan ng hindi nailalarawang mga abakada ay pinagsasama, ang ating utak ay may kakayahang bumuo ng walang katapusang bilang ng mga salita at mga ekspresyon at ng pag-unawa sa iba’t ibang kaisipan na inihahatid. Ang ibang mga wika ay may daan-daang libong mga salita. Karagdagan pa, mga bagong salita at mga kombinasyon ng mga salita ay patuloy na nabubuo. Lahat ng ito ay sa tulong lamang ng ilang titik sa abakada. Ang isang utak na sinanay sa paggawa ng musika ay maaari ring gumawa ng gayong bagay. Sino ang makabibilang sa dami ng iba’t ibang himig na nagawa mula sa pitong pangunahing tono lamang ng alpabeto sa musika?
Kung tungkol sa ibang kahanga-hangang mga gawain ng utak ng tao, binabanggit ng isang aklat ang tungkol sa “10 bilyong mga selula ng nerbiyos, na ang bawat isa sa mga ito ay maaaring maugnay sa kasindami ng 25,000 iba pang mga selula ng nerbiyos. Ang bilang ng mga pagkakaugnay-ugnay na ito ay maaaring makalito sa isipan kahit na ng isang astronomo—at ang mga astronomo ay sanay sa paggamit ng pagkalalaking mga bilang.” Ang publikasyong Aleman na Architektur der Schöpfung (Arkitektura ng Paglalang) ay nagsasabi pa: “Ang mga mananaliksik sa kakayahan ng utak ng tao ay itinulad ito sa gawain ng libu-libong mga sentro ng telepono sa isang malaking lunsod na gumagawa nang lubusan. . . . Tinataya na sa buong buhay na 70 mga taon ang memorya ng tao ay maaaring mag-imbak ng kasindami ng 15,000,000,000,000 indibiduwal na mga karanasan.”
Ang mga bagay bang ito ay sumasang-ayon sa pag-aangkin na “ang lahat ng bagay ay nagkataong umiral, nang walang Diyos”? O ito ba’y angkop sa argumento ng Bibliya na “ang bawat bahay ay may nagtayo, datapuwat ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Diyos”?—Hebreo 3:4.
Ang Karunungan ng Pagdating sa Isang Disisyon
Noong 1981 si Hans-Jochen Vogel, ang lider ng oposisyon sa parlamento ng Federal Republic of Germany, ay nagsabi: “Inaakala ko na higit at higit na mga tao ang nagiging matatakutin sa kasalukuyang mga kalagayan na maaaring biglang magbago tungo sa pinakámasamâ, oo, anupa’t maging ang mga sakuna na dati’y hindi alam ang katindihan ay hindi na imposible. At kakaunti lamang ang nag-aakala na ang ebolusyon ng mga bagay sa direksiyong ito ay di maiiwasan na gaya ng isang pagguho na mabilis na bumubulusok sa libis.” Iyan ba ang inilalaan ng kinabukasan sa iyo?
Ang mga taong kumbinsido tungkol sa pag-iral ng Diyos, at na maingat na nag-aaral ng kaniyang Salita, ay sang-ayon na iniimpluwensiyahan ng Diyos ang mga bagay-bagay sa positibong paraan. Batay sa Bibliya, nakikita nila ang isang napakaliwanag na hinaharap na nakalaan sa nananampalatayang sangkatauhan sa kabila ng kasalukuyang mga kalagayan sa daigdig.
Dahilan sa kahulugan nito sa iyo mismong buhay, kung pinag-aalinlanganan mo ang pag-iral ng Diyos, hinihimok ka namin na tanungin ang iyong sarili, ‘Anong mga dahilan mayroon ako?’ Subukang isulat ang mga ito. Gaano karami ang mga ito? Gaano kakasiya-siya ang mga ito?
Hindi kaya napapanahon na upang isaalang-alang ang kabaligtarang tanong: Anong katibayan mayroon na may Diyos?
[Blurb sa pahina 9]
“Pinaniniwalaan ko lamang ang aking nakikita, at hinding-hindi ko pa nakita ang Diyos”
[Blurb sa pahina 10]
“Ang lahat ng bagay ay nagkataong umiral, nang walang Diyos”
[Mga larawan sa pahina 11]
Ang kaayusan ay nangangailangan ng talino, gaya ng ipinakikita ng isang aklatan na sistematikong inayos
Isip-isipin ang sarisaring musika na magagawa mo mula lamang sa ilang pangunahing mga nota