Bakit Ipinahihintulot ng Diyos ang Paghihirap?
“Ang tao ay natatangi sa paggawa sa kaniyang sarili na masama, sapagkat sila ay natatangi sa pagkakaroon ng malay sa kung ano ang kanilang ginagawa at sa paggawa ng kusang mga pagpili.”—Arnold Toynbee, mananalaysay, Mankind and Mother Earth.
LAHAT tayo ay gumagawa ng kusang mga pagpili. Ginagawa natin ito araw-araw. Karamihan ng ating mga pasiya ay may kaugnayan sa hindi mahalagang mga bagay sa pang-araw-araw na buhay—kung ano ang kakanin, kung ano ang iinumin, kung ano ang daramtin, kung saan pupunta. Subalit ang ibang mga disisyon ay mayroong mas grabeng kahihinatnan na maaaring makaapekto sa atin sa buong buhay natin—o maaaring paikliin pa nga ang ating mga buhay.
Kapag inirirekomenda ng isang doktor ang isang operasyon, ang pangangailangan na magpasiya ay karakarakang bumabangon. Sulit ba ito sa panganib? Gaano kaeksperyensado at kamapagkakatiwalaan ang seruhano? Pahahabain o paiikliin ba nito ang aking buhay? Isang maselang pagpapasiya ang kinakailangang gawin.
Noong una, isinagawa ang kusang pagpili na nakaapekto sa sangkatauhan mula noon. At ang mga disisyon ay may tuwirang kaugnayan sa ating tanong, Bakit ipinahihintulot ng Diyos ang paghihirap?
Ang Tao—‘Natatangi sa Pagiging Masama’?
Ipinakikita ng ulat ng Bibliya sa maagang kasaysayan na ang tao ay hindi ang unang matalinong nilikha na may malayang kalooban at kakayahang pumili. Ni siya man, sa katunayan, ang una o “natatangi sa pagiging masama.” Isang mas nakatataas na anyo ng buhay ang umiiral na—“ang mga tulad-diyos,” na espiritung mga nilikha, na tinatawag ding mga anghel.—Awit 8:5.
Nakita nang isa sa “mga tulad-diyos” na ito, na mayroong angaw-angaw, ang kaniyang pagkakataon na maging isang tunay na pinuno-diyos para sa unang lalaki at babae, sa halip na si Jehova na kanilang Maylikha. Ginagamit ang kaniyang malayang kalooban, kusa siyang nagsinungaling sa babae upang hikayatin siya, at sa pamamagitan niya, ang kaniyang asawa na sumuway sa Diyos. Ipinahiwatig niya na ang Diyos ay isang sinungaling at magdaraya. Sinabi niya sa babae na ang mapagsariling pag-iisip at pagkilos ay hindi aakay sa kaniya sa kamatayan, gaya ng sabi ng Diyos, kundi sabi niya: “Kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”—Genesis 3:1-5.
Sa pamamagitan ng kaniyang ikinilos, sinimulan ng isang tulad-diyos na ito ang paghihimagsik laban sa pamamahala ng Diyos—isang paghihimagsik na nasaksihan ng angaw-angaw na mga anghel. Sa ganitong paraan ang pagsasagawa ng matuwid na pagkasoberano ay naging isang pansansinukob na isyu. Ang sumasalansang na anghel na iyon ay naging kaaway ng Diyos, na sa Hebreo ay isinaling “Satanas.” Sa pag-aalinlangan sa pagiging totoo ng Diyos, si Satanas din ay naging ang unang maninirang-puri, na sa Griego ay isinaling “Diyablo.” Sinimulan ng unang paghihimagsik na ito ang kawing-kawing na mga pangyayari na umakay sa paghihirap ng tao. ‘Paano nagkagayon?’ maitatanong mo.
“Ang Kapintasan ay Kanilang Kagagawan”
Taglay ng unang lalaki at babae sa harapan nila ang pag-asa sa sakdal at walang hanggang buhay sa isang paraisong kalagayan na sila, kasama ng kanilang mga anak, ay sa wakas kanilang palalaganapin sa lahat ng sulok ng lupa. Subalit ang pag-asang iyan ay kaugnay ng kanilang katapatan sa Diyos. Ang pagsuway ay magpapasok sa larawan ng isang bagong genetikong elemento—di-kasakdalan at kamatayan—na ipapasa sa hinaharap na mga salinlahi. Ano ang nangyari?—Genesis 2:15-17.
Payak na payak na inilalarawan ni apostol Pablo ang kalagayan, sinasabi na “sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao [si Adan] ang marami ay naging mga makasalanan” at “naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isang iyon.” (Roma 5:17-19) Sa pagtanggi sa soberanya ng Diyos, sinimulan ni Adan at ni Eva ang sangkatauhan tungo sa daan ng paghihirap, sakit, at kamatayan. Kung paanong nasabi ni Moises sa Israel, masasabi rin ito sa sangkatauhan sa pangkalahatan: “Sila’y nagpakasamâ; sila’y hindi kaniyang mga anak, ang kapintasan ay kanilang kagagawan. Isang lahing tampalasan at liko!”—Deuteronomio 32:5.
Bunga nito, pinili ng mga tao na magsarili at lumayo sa pamamahala ng Diyos. Subalit ano ang kanilang kinahinatnan? May kabatiran o wala, sila ay napailalim sa soberanya ng “diyos ng sistemang ito ng mga bagay [na] bumulag sa mga isip ng mga di sumasampalataya.” (2 Corinto 4:4) Sila’y naging mga papet sa kamay ng Diyablo, “ang ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Nagawa nila ito sa pamamagitan ng pagpili sa gawang-taong pulitikal at relihiyosong mga pamamahala na umakay sa kapootan, sakuna, at paghihirap. Hindi kataka-taka na sinasabi ng Bibliya na si Satanas na Diyablo “ay dinadaya [nililinlang, Living Bible] ang buong tinatahanang lupa.”—Apocalipsis 12:9.
Bakit Ipinahintulot ang Paghihirap?
Bakit hindi sinugpo ni Jehova hangga’t maaga ang paghihimagsik sa pamamagitan ng pagpuksa kay Satanas noon sa Eden? Bilang ang Makapangyarihan-sa-lahat, tiyak na mayroon siyang kapangyarihan na gawin ito. Gayunman, hindi hinamon ni Satanas ang kapangyarihan ng Diyos kundi, bagkus, ang kaniyang paraan ng pagsasagawa nito. Sa pagsalansang sa nahayag na batas ng Diyos, para bang sinasabi ni Satanas na ang paraan ng pamamahala ng Diyos ay mali at hindi talaga kapaki-pakinabang sa kaniyang mga nilikha. Sinabi rin niya na sa ilalim ng pagsubok ang mga tao ay hindi maaaring manatiling tapat sa Diyos. (Job, mga kabanatang 1 at 2) Paano maaaring harapin ang hamon at lunasan ito minsan at magpakailanman?
Marahil maaari nating ihambing ang paraan ng pakikitungo ng Diyos sa masuwaying sangkatauhan sa alibugha, o bulagsak, na anak sa isa sa mga parabula ni Jesus. Binanggit ni Jesus ang tungkol sa isang tao na may dalawang anak na lalaki, hiningi ng nakababata ang kaniyang bahagi ng mana samantalang ang kaniyang ama ay nabubuhay pa. Nais niyang magsarili, umalis ng bahay at patunayan na maaari siyang mabuhay mag-isa. Maaari sanang gumawa ng mabilis na aksiyon ang ama sa pamamagitan ng pagtanggi sa hinihiling ng anak at pagkulong sa kaniya sa isang silid upang hindi siya makatakas. Subalit iyan ba ay may anumang nagtatagal na silbi? Wala, sapagkat ang anak ay mamamalagi sa bahay laban sa kaniyang kalooban. Isa pa, ipagkakait nito sa kaniya ang pagsasagawa ng kaniyang malayang kalooban. Kaya’t ano ang ginawa ng ama?
Ganito ang paliwanag ni Jesus: “At binahagi sa kanila ng ama ang kaniyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, tinipon ng bunso ang lahat ng kaniyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain at doo’y nilustay na lahat sa di-wastong pamumuhay.” Ang mga bagay-bagay ay hindi naging mabuti anupa’t ang Judiong anak na ito ay namasukan bilang isang tagapag-alaga ng baboy. Bagaman may pagkain para sa mga baboy, walang pagkain para sa kaniya. Si Jesus ay nagpapatuloy: “Saka niya napag-isip-isip ang kaniyang ginawa at nasabi, ‘Ilang mga alilang upahan ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, at ako rito’y namamatay ng gutom!’” Kaya, ano ang ginawa niya? Ipinasiya niyang umuwi ng bahay sa pagsisisi at ipinasakop ang kaniyang sarili sa kalooban at mga kagustuhan ng kaniyang ama.—Lucas 15:11-32, The Jerusalem Bible.
Ngayon, ano ang nagpangyari sa binata na mag-isip-isip? Ang panahon at karanasan. Ang ama ay hindi kumuha ng marahas na pagkilos kundi nagpahintulot ng panahon upang makita ng anak ang kamangmangan ng kaniyang mga daan. Totoo, ang bata ay dumanas ng hirap, subalit dahilan dito siya ay nakapag-isip-isip at natauhan.
Isang Pamarisan ang Nailagay
Katulad ng anak sa parabula, pinili ng ating unang mga magulang ang landas ng pagsasarili mula sa Diyos. Mangyari pa, di-gaya ng alibughang anak, sina Adan at Eva ay hindi nagbalik sa kanilang Ama, kundi dahilan sa kanilang mapaghimagsik na landasin, ang sangkatauhan ay nadala sa isang isyu na maaari lamang malutas sa mga paningin ng matalinong nilalang, nakikita at di nakikita, sa pagpapahintulot ng ilang panahon. Ngayon, pagkaraan ng 6,000 mga taon ng pagsasarili mula sa Diyos at sa kaniyang pamamahala, ano ang napatunayan? Gaya ng pagkakasabi rito ni Jeremias na propeta: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang mga hakbang.” (Jeremias 10:23) Pinatunayan ng kasaysayan ng tao na “sinupil ng tao ang kaniyang kapuwa-tao sa kaniyang ikapapahamak.” Gaya ng alibughang anak, ang marami na napag-alaman ito ay nagbabalik sa kanilang makalangit na Ama para sa patnubay, pinatutunayang si Satanas ay isang sinungaling sa kaniyang pag-aangkin na maaari niyang italikod ang lahat sa paglilingkod sa Diyos.—Eclesiastes 8:9.
Hindi na magtatagal si Jehova ay kikilos laban sa hindi nagsisising si Satanas at yaong mga tumatangkilik sa kaniyang malasariling landasin, sa gayo’y winawakasan ang paghihimagsik at ang lahat ng mga bunga nito. Sapat na panahon ang lumipas upang ang isang pamarisan ay maitatag para sa lahat ng hinaharap na panahon. Taglay ang pamarisang ito hindi na muling kakailanganin pa ni Jehova na ipahintulot ang anumang paghihimagsik sa hinaharap, sa nakikita o di nakikitang dako. Ipinakita ng panahon at karanasan na si Satanas o ang tao, na hiwalay sa Diyos, ay hindi maaaring mamahala sa matuwid na paraan.—Apocalipsis 16:14-16; 20:1-3.
Totoo, sa kasalukuyan kailangang pagtiisan ng sangkatauhan ang matinding paghihirap at kadalasan na’y di napapanahong kamatayan. Subalit si Jehova ay nangako rin na pupunan ito. Papaano? Gaya ng binabanggit ni apostol Pablo: “Nananalig ako sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli ng mga matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) Ang pagkabuhay-muli ng mga patay sa isang pagkakataon sa sakdal na buhay sa lupa ay magiging isang dakilang pagpapamalas ng awa. Pagkatapos ang bawat isa’y maaaring magpakita ng pagpapahalaga sa kaloob na tunay na buhay.
Sa ilalim ng kaayusan ng “bagong mga langit at isang bagong lupa,” ang dating mga paghihirap ay unti-unting malilimutan, hinahalinhan ng mga pagpapala ng isang mabunga, maligaya, at walang hanggang buhay. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa-puso man.” (Isaias 65:17; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4) Subalit paano tayo makatitiyak na posible nga ito? Anong mga pagbabago ang gagawa sa walang hanggang kapayapaan na isang katunayan?
[Blurb sa pahina 9]
Ang tao ay hindi ang unang matalinong nilalang ng Diyos na may malayang kalooban at kakayahang pumili
[Blurb sa pahina 9]
Ang pagsuway ay magpapasok ng isang bagong elemento sa larawan
[Larawan sa pahina 10]
Kung paanong ang panahon at karanasan ay nagpangyari sa alibughang anak na makilala ang kaniyang pagkaumaasa sa kaniyang ama, gayundin sa ngayon nakilala ng marami ang kanilang pangangailangan sa Diyos