‘Isa Pa Nga Bago Magmaneho’
NARINIG namin ang mga sirena, subalit ang akala namin ito ay mula lamang sa mga trak ng bombero na sumusugod tungo sa sunog. Tinawagan ko ang aking kapitbahay sa kabilang kalye, yamang siya’y isang bombero. ‘Tiyak na alam niya kung ano ang nangyayari,’ naisip ko. Subalit ang kaniyang linya ng telepono ay busy. Saka ko naisip, ‘Tawagan ko na lamang ang aking anak na si Jeff. Baka nakita niya kung ano ang nangyari sa daan pag-uwi niya.’ Walang sumasagot. Ngayon ako nakadama ng nerbiyos.
Ang aking 29-taóng-gulang na anak na si Jeff ay naparito noong Linggo ng gabi upang maghapunan at magpaalam—siya ay magbabakasyon kinabukasan. Mga kalahating oras pa lamang ang nakakaraan, niyakap at hinagkan niya kami ng kaniyang tatay, at saka umalis. Ngunit bakit kaya wala pa siya sa bahay? Mga ilang bloke lamang ang layo ng kaniyang tinitirhan.
Muli kong tinawagan ang aking kapitbahay, at sa pagkakataong ito ang kaniyang asawang babae ang sumagot. Sinabi niya na tatawagin niya ang kaniyang mister at tatawagan na lamang ako; umalis ang kaniyang asawa upang tingnan kung ano ang nangyari. Samantalang ako ay nasa aking kuwarto at hinihintay ang kaniyang tawag, isang kotse ng pulisya ang pumarada sa harap ng aming bahay.
Ang sarhentong pulis ay nagtungo sa harap na pinto. Ang aking asawang si Steve, na kabadung-kabado, ang nagbukas ng pinto. Hindi malaman kung papaano sasabihin, sa wakas ay nasabi ng sarhento: “Ikinalulungkot kong sabihin ito, subalit nagkaroon ng isang malubhang aksidente at ang inyong anak . . . ang inyong anak ay . . . ay namatay.”
Saka ko narinig ang pagsigaw ni Steve, at ako’y tumakbo sa labas upang alamin kung ano ang nangyari. Hindi makapaniwalang nasabi ko: “Hindi ito totoo. Bakâ iyong isa ang namatay.”
“Hindi ho, ikinalulungkot kong ako pa ang magsabi nito sa inyo, Mrs. Ferrara,” paliwanag ng sarhento. “Napakabilis nito, biglang-bigla, subalit, oo, siya’y patay na.” Wala na akong naalaala pang anumang bagay na aking sinabi o ginawa nang gabing iyon.
Sa ika-9:50 n.g. nang gabing iyon, Pebrero 24, 1985, ang aming anak na si Jeff, isang masayahin, kulot ang buhok na binata, ay namatay karakaraka nang ang kaniyang sasakyang pickup ay bungguin ng isang kotse. At kumusta naman ang tsuper ng kotse? Sang-ayon sa mga report ng pahayagan na aking ginupit at iningatan, siya’y isang executive assistant district attorney. Kabilang sa iba pang mga bagay, siya ay ipinagsakdal dahilan sa pagmamaneho na lasing. Panahon lamang ang makapagsasabi kung siya ay mabibilanggo. Gayunman, ang aming si Jeff ay wala na.—Gaya ng isinaysay ni Shirley Ferrara sa Awake!
Pag-inom at Pagmamaneho—Isang Nakamamatay na Suliranin. Maliwanag ang mga estadistika. Halos tuwing 20 minuto isang eksena na gaya ng inilarawan sa itaas ang nauulit saanman sa Estados Unidos. Ang alkohol ang sanhi ng mahigit sa kalahati ng lahat ng mga namatay sa sakuna sa trapiko, na ikinasasawi ng mula 23,000 hanggang 28,000 mga buhay taun-taon sa mga lansangan sa Amerika. Tinatayang 40 porsiyento ng mga tsuper na namatay sa mga lansangan sa Canada taun-taon ang mayroong mga antas ng alkohol sa dugo na mataas sa legal na antas. Problema rin ito sa Alemanya—humigit-kumulang isa sa bawat apat na mga kamatayan sa lansangan ay dahilan sa pag-inom at pagmamaneho.
At gaya ng ipinakikita ng kalunus-lunos na karanasan ni Jeff, kahit na ikaw mismo ay hindi umiinom at nagmamaneho, hindi ka rin ligtas. Tinataya ng National Highway Traffic Safety Administration sa Estados Unidos na kung mga gabi ng Biyernes at Sabado, kung kailan ang kunsumo ng alkohol ay pinakamataas, sa ilang mga dako isa sa bawat sampung mga tsuper sa lansangan ay lasing! Kaya gaano ka kaligtas kung ang nagmamaneho sa susunod na kurbada ay lasing na lasing upang makontrol ang kaniyang kotse?
Subalit hindi sinasabi ng mga estadistika ang buong istorya. Hindi maaaring sabihin ng estadistika ang kalungkutan ng ina, gaya ni Shirley, na ang anak na lalaki o babae ay namatay sa isang aksidente sa kotse na nauugnay sa alkohol. Hindi rin mailalarawan ng estadistika ang pagkadama ng pagkakasala ng tsuper na, pagkaraang mawala ang kalasingan, ay mapag-alaman niya na siya ay nakapatay. Gaya ng pagdadalamhati ng isang kabataang lalaki: “Anuman ang pasiya ng hurado, kailangang tanggapin ko ang katotohanan na apat katao ang namatay dahil sa akin. Sapol nang mangyari ito walang sandali na hindi ko ito naaalaala. Lagi ko itong naaalaala, kapag ako’y gumigising sa umaga at kapag ako’y natutulog sa gabi.”
Mangyari pa, nasasa-iyo kung ikaw ay iinom nang katamtaman o hindi iinom. Subalit ang pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alkohol (o ng anumang ibang droga) ay hindi isang personal na bagay—hindi kung ang mga buhay ng iba ay nasasangkot! Gayunman, ilang beses mo nang narinig na may nagsabing ‘isa pa nga’ at saka mabilis na tutungga ng isang tagay ng inumin bago magmanehong pauwi?
Ang pag-inom at pagmamaneho ay isang suliranin, isang nakamamatay na suliranin. Ano ang gagawin mo upang pangalagaan ang iyong sarili at ang iyong pamilya mula sa nagmamaneho na labis-labis na nakainom? Bago sagutin iyan, makabubuting isaalang-alang kung paano nakakaapekto sa iyo at sa iyong kakayahang magmaneho ang alkohol.