Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 10/22 kab. 5 p. 21-24
  • Maaasahang mga Hula Tungkol sa Kinabukasan ng Tao

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maaasahang mga Hula Tungkol sa Kinabukasan ng Tao
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • KAHALI-HALINANG MAKAHULANG MGA PARISAN
  • ITO BANG LAHAT AY PATIUNANG ISINAAYOS?
Gumising!—1986
g86 10/22 kab. 5 p. 21-24

Kabanata 5​—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa

Maaasahang mga Hula Tungkol sa Kinabukasan ng Tao

1. Bakit ang hula ng Bibliya ay laging napapatunayang tamang-tama?

MAYROON tayong matibay na mga dahilan na magtiwala sa kung ano ang sinasabi sa atin ng Bibliya tungkol sa hinaharap. Ang mga hula nito ay hindi salig sa hula-hula ng mga tao na pinag-aralan ang mga kalakaran at saka gumawa ng mga hula. “Walang hula ng Kasulatan na buhat sa sariling pagpapakahulugan. Sapagkat ang hula’y hindi dumating kailanman dahil sa kalooban ng tao, kundi ang mga lalaki ay nagsalita mula sa Diyos habang kinakasihan sila ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:20, 21) Dahilan diyan, ang hula ng Bibliya ay napatunayang tamang-tama sa bawat detalye.

2. Magbigay ng mga halimbawa ng mga hula tungkol sa mga pangyayari sa daigdig.

2 Inihula nito ang pagbangon at pagbagsak ng mga pandaigdig na imperyo sa pangalan​—Babilonya, Medo-Persia at Gresya. Ipinaalam nito halos dalawang siglo patiuna kung paano babagsak ang Babilonya at ang pangalan ng mananakop nito. Ito ay detalyadong natupad. Inihula nito na ang lunsod ng Babilonya ay sa wakas magiging isang ilang na lupain, hindi kailanman tatahanan. Ang kalagayang iyan ay nagpapatuloy hanggang sa ating kaarawan. (Daniel 8:3-8, 20-22; Isaias 44:27–45:2; 13:1, 17-20) Ang iba pang mga bansa na hindi binabanggit ang pangalan sa Bibliya ay gayon na lamang kadetalye ang pagkakalarawan nang patiuna anupa’t ang may kaalamang mga tao ay agad na makikilala ang mga ito.

3. May mga hula ba na hindi ipinahahayag sa anyong panghuhula?

3 Gayunman, dapat mabatid na may higit pa kaysa isang uri ng makahulang impormasyon sa Bibliya. Napag-alaman na natin ito may kaugnayan sa mga himala ni Jesus, na nagsilbing kababalaghan sa kung ano ang mararanasan ng sangkatauhan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Ang iba pang mga bahagi ng Kasulatan na maaaring hindi ipinahahayag sa anyong panghuhula ay naglalaman din ng makahulang mga elemento.

KAHALI-HALINANG MAKAHULANG MGA PARISAN

4. Paano tayo pinagiging alisto sa makahulang kahulugan ng Kautusang Mosaiko?

4 Halimbawa, ipinauunawa sa atin ng aklat ng Bibliya na Hebreo ang makahulang kahulugan ng mga bagay na maaaring malasin ng isang nagbabasa na basta kasaysayan. Isinisiwalat nito na “ang Kautusan [Mosaiko] ay may anino ng mabubuting bagay na darating.”​—Hebreo 10:1.

5. Ano ang nagpapakita na ang mga bagay ay maaaring lumarawan sa isang bagay na mas dakila?

5 Kung minsan ang mga bagay ay ginagamit upang gumawa ng makahulang mga parisan. Halimbawa, kung tungkol sa banal na tolda, o tabernakulo, na itinayo ni Moises sa pamamatnubay ni Jehova, pati na ang mga paglilingkod na ginagawa rito, ipinaliliwanag ng kinasihan ng Diyos na manunulat ng Hebreo na ito ay “isang makasagisag na paglalarawan at anino ng mga bagay na makalangit.” Inilarawan nito ang dakilang espirituwal na templo ni Jehova, ang Kabanal-banalan na nasa mga langit. Kaya, “nang dumating si Kristo bilang mataas na saserdote ng mabubuting bagay na nangyari na, sa pamamagitan ng lalong malaki at lalong sakdal na tabernakulo na hindi ginawa ng mga kamay, samakatuwid baga, hindi sa paglalang na ito, hindi, hindi taglay ang dugo ng mga kambing at ng mga guyang baka, kundi taglay ang kaniyang sariling dugo, siya’y pumasok sa dakong banal at kinamtan ang walang hanggang katubusan para sa atin. . . . Si Kristo’y pumasok, hindi sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na isang kopya lamang ng tunay, kundi sa talagang langit, upang humarap ngayon sa Diyos mismo alang-alang sa atin.” (Hebreo 8:1-5; 9:1-14, 24-28) Dakilang mga pagpapala ang tinatamasa ng mga Kristiyano mula sa espirituwal na mga katotohanang inilarawan dito, at ang pagpapahalaga sa mga ito ay dapat na mabanaag sa ating landas ng pamumuhay.​—Hebreo 9:14; 10:19-29; 13:11-16.

6. Anong makahulang kahulugan ang ipinatutungkol ng mga tao sa (a) Galacia 4:21-31? (b) Mateo 17:10-13?

6 Ang mga tao na tinutukoy sa Kasulatan ay nagsisilbi rin bilang makahulang mga tipo. Sa Galacia 4:21-31 isang detalyadong halimbawa nito ang ipinaliwanag sa kaso ng asawa ni Abraham na si Sara (sinasabing tumutukoy sa “Jerusalem sa itaas”) at ng aliping babae na si Hagar (na tumutukoy sa makalupang “Jerusalem sa ngayon”) at ng kanilang mga anak. Sa isa pang kaso tinulungan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na maunawaan na si Elias na propeta ang katulad ni Juan Bautista, na, gaya ni Elias ay walang takot sa paglalantad sa mapagpaimbabaw na mga relihiyosong gawain.​—Mateo 17:10-13.

7. Sa anong mga bagay inilalarawan si Jesu-Kristo ni (a) Solomon? (b) Melquisedec?

7 Si Solomon, na kilala sa kaniyang karunungan at sa kasaganaan at kapayapaan ng kaniyang paghahari, ay angkop na lumalarawan kay Jesu-Kristo. (1 Hari 3:28; 4:25; Lucas 11:31; Colosas 2:3) Bagama’t ang ulat sa Genesis tungkol sa pagtatagpo ni Abraham at ni Melquisedec ay napakaikli, ipinakikita ng Awit 110:1-4 na ito man, ay punô ng kahulugan, sapagkat ang Mesiyas ay magiging “isang saserdote magpakailanman ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec,” yaon ay, tatanggapin niya ang kaniyang pagkasaserdote sa pamamagitan ng tuwirang paghirang ng Diyos, hindi dahilan sa pamilya na sinilangan niya. Nang dakong huli, pinalalawak pa ito ng liham sa mga Hebreo at iniuugnay ang pagpapahalaga sa gayong mga katotohanan sa Kristiyanong pagkamaygulang, isang mahalagang katangian para sa mga naghahangad na palugdan ang Diyos.​—Hebreo 5:10-14; 7:1-17.

8. (a) Anong halimbawa ang nagpapakita na ang mga karanasan sa buhay ay maaaring makahula? (b) Ang bawat aspekto ba ng gayong karanasan ay kinakailangang may kahawig sa katuparan?

8 Maliwanag na ang makahulang mga pagkakatulad ay nagsasangkot nang higit pa kaysa tungkulin o katayuan ng mga tao. Kasali rin dito ang kanilang mga karanasan sa buhay. Sa isang pagkakataon nang ipakita ng Judiong mga pinunong relihiyoso ang kanilang hindi pananampalataya, sinabi sa kanila ni Jesus: “Isang salinlahing balakyot at mangangalunya ay laging humahanap ng isang tanda, ngunit hindi iyon bibigyan ng anumang tanda kundi ang tanda ni Jonas na propeta. Sapagkat kung paanong si Jonas ay napasa-tiyan ng malaking isda tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din mapapasa-ilalim ng lupa tatlong araw at tatlong gabi ang Anak ng tao.” (Mateo 12:38-40; Jonas 1:17; 2:10) Gayunman, hindi binanggit ni Jesus na ang lahat sa buhay ni Jonas ay kumakatawan sa kung ano mismo ang kaniyang daranasin. Nang bigyan ng isang atas ni Jehova, si Jesus ay hindi tumakas, gaya ng pagtakas ni Jonas sa Tarsis. Subalit gaya ng ipinakita ni Jesus ang karanasan ni Jonas sa tiyan ng malaking isda ay napasali sa ulat ng Bibliya sapagkat ito ay naglaan ng makahulang mga detalye tungkol sa kamatayan at pagkabuhay-muli mismo ni Jesus.​—Mateo 16:4, 21.

9. (a) Anong makahulang aspekto ang binanggit ni Jesus sa dalawang mga yugto ng kasaysayan? (b) Sa ilalim ng pagkasi, ano pang mahalagang mga detalye ang binanggit ni Pedro?

9 Ang ilang mga yugto ng kasaysayan ay naglaan din ng makahulang paglalarawan na partikular na kapaki-pakinabang sa atin. Nang banggitin ang tungkol sa panahon na humantong sa kaniya mismong paghahayag sa kapangyarihan ng Kaharian, binanggit ni Jesus ang dalawa pang magkatulad na mga okasyon nang igawad ng Diyos ang paghatol sa mga balakyot na tao. Binanggit niya ang tungkol sa “mga kaarawan ni Noe” at “mga kaarawan ni Lot” na angkop, pinatitingkad lalo na ang pag-aabala ng mga tao noon sa pang-araw-araw na mga pamumuhay. Hinihimok niya tayo na gumawa ng kaagad na pagkilos at huwag balikan na may pagnanasa ang mga bagay na iniwan, gaya ng ginawa ng asawa ni Lot. (Lucas 17:26-32) Sa ikalawang kinasihang sulat ni apostol Pedro higit pang mahalagang mga detalye ang binabanggit​—ang pagsuway ng mga anghel bago ang Baha, ang gawaing pangangaral ni Noe, ang panlulumong nadama ni Lot dahilan sa labag sa kautusang pagpapakalabis ng mga tao sa Sodoma, ang bagay na sa pamamagitan ng paglipol sa mga balakyot sa kaniyang takdang panahon, ang Diyos ay nagbibigay ng isang parisan ng mga bagay na darating, at ang katibayan na maaari at tiyak na ililigtas ng Diyos ang kaniyang tapat na mga lingkod.​—2 Pedro 2:4-9.

10. Sa paghahambing ng Jeremias sa Apocalipsis, ipakita na ang natupad na mga hula ay may higit pang makahulang halaga.

10 Nang matupad ang mga hula, hindi ito nangangahulugan na ang mga ito ay basta na lamang mga makasaysayang interes sa ngayon. Kapuwa ang patiunang pagpapaalam ng kung ano ang mangyayari at ang paraan ng pagkatupad nito ay kadalasang makahula nang higit pang mga pangyayari sa hinaharap. Totoo ito sa kung ano ang napaulat hinggil sa sinaunang Babilonya, isang imperyo na totoong relihiyoso at na ang impluwensiya ay nadarama pa rin sa buong daigdig sa ating panahon. Bagaman ang Babilonya ay bumagsak sa mga Medo at Persiano noong 539 B.C.E., sinipi ng aklat ng Apocalipsis, na isinulat sa pagtatapos ng unang siglo C.E., ang kahawig na pananalita ng propeta Jeremias at tumuturo sa hinaharap pang pagkakapit ng mga hula, may kaugnayan sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Bilang halimbawa nito, ihambing ang Apocalipsis 18:4 sa Jeremias 51:6, 45; Apocalipsis 17:1, 15 at 16:12 sa Jeremias 51:13 at 50:38; Apocalipsis 18:21 sa Jeremias 51:63, 64.

11. Anong makahulang kahulugan mayroon sa rekord ng mga pakikitungo ni Jehova sa apostatang Israel at sa Juda nang maging di-tapat? Bakit?

11 Sa gayunding paraan, ang mga pakikitungo ni Jehova sa apostatang sampung-tribong kaharian ng Israel at sa walang pananampalatayang mga hari at mga saserdote ng dalawang-tribong kaharian ng Juda ay makahula. Kapuwa ang mga hula na kumapit sa sinaunang mga kahariang iyon at ang kanilang katuparan, na iniulat sa Kasulatan, ay mainam na inilalarawan kung paano makikitungo ang Diyos sa makabagong-panahong Sangkakristiyanuhan, na nag-aangkin ring naglilingkod sa Diyos ng Bibliya subalit tahasang nilalabag ang kaniyang matuwid na mga kautusan.

12. Paano tayo personal na nakikinabang sa gayong mga ulat?

12 Samakatuwid, lahat ng mga ulat na ito ay mahalaga sa ngayon. Tinutulungan tayo nito na maunawaan kung paano minamalas ng Diyos ang mga kalagayan sa ating panahon at kung ano ang personal na dapat nating gawin upang makaligtas sa dumarating na malaking kapighatian. Tayo sa gayon ay natutulungan na pahalagayan nang higit ang bagay na “ang lahat ng Kasulatan . . . ay mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran.”​—2 Timoteo 3:16, 17.

ITO BANG LAHAT AY PATIUNANG ISINAAYOS?

13. Paano natin nalalaman na hindi hinihikayat ng Diyos ang mga tao na magkasala upang magkaroon ng makahulang mga parisan?

13 Dapat ba nating unawain mula sa lahat ng ito na ang paggawi ng mga tao at mga bansa na naulat sa Bibliya ay patiunang isinaayos na lahat ng Diyos upang ito ay magkaroon ng makahulang kahulugan? Maliwanag na ang Diyos mismo ang nakitungo sa kaniyang mga lingkod noong una sa isang tiyak na paraan upang maglaan ng isang parisan o huwaran ng mas dakilang mga bagay na nasa isip niya para sa hinaharap. Subalit kumusta naman ang tungkol sa mga pagkilos ng mga tao? Ang ilan sa kanila ay nakagawa ng malubhang mga kasalanan. Hinikayat ba sila ng Diyos na gawin ito upang mapaulat sa Bibliya? Ang Kristiyanong manunulat ng Bibliya na si Santiago ay sumasagot: “Sa masasamang bagay ay hindi matutukso ang Diyos ni tinutukso man naman niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Hindi pinangyari ng Diyos na gawin nila ang mali upang magkaroon ng makahulang mga parisan.

14. (a) Paano nalalaman ni Jehova kung ano ang gagawin ng mga tao, o kahit na ni Satanas, sa hinaharap? (b) Sa anong mga paraan pumapasok ang kaalaman ni Jehova tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga layunin sa hula ng Bibliya?

14 Huwag kaligtaan na si Jehova ang Maylikha ng sangkatauhan. Alam niya ang kayarian natin at kung ano ang nagpapangyari sa mga tao na kumilos na gaya ng kanilang ikinikilos. (Genesis 6:5; Deuteronomio 31:21) Maaari rin niyang mahulaan nang tamang-tama ang kalalabasan ng mga taong namumuhay na kasuwato ng kaniyang matuwid na mga simulain at kung ano ang magiging resulta niyaong mga niwawalang-bahala ang kanilang pangangailangan sa Diyos o lumilihis sa kaniyang mga daan. (Galacia 6:7, 8) Alam niya na patuloy na gagamitin ng Diyablo ang mga taktika na kahawig niyaong ginamit noon. Alam din ni Jehova kung ano ang kaniyang gagawin sa ilalim ng ilang kalagayan, na siya ay kikilos kasuwato ng mataas na mga katangian ng katarungan, pagkawalang kinikilingan, pag-ibig at awa, na lagi niyang ipinakikita. (Malakias 3:6) Yamang ang mga layunin ni Jehova ay tiyak na matutupad, maaari niyang hulaan ang mga resulta at mga hakbang na kukunin niya upang isagawa ang mga ito. (Isaias 14:24, 27) Kaya mapipili niya ang mga pangyayari sa mga buhay ng mga indibiduwal at mga bansa at ilakip ito sa Bibliya upang maglaan ng mga hula ng kung ano ang mangyayari sa hinaharap.

15. Paano idiniin ni apostol Pablo na ang mga ulat ng Bibliya ay higit pa kaysa basta kasaysayan?

15 Samakatuwid, angkop lamang na pagkatapos ilahad ang mga pangyayari mula sa kasaysayan ng Israel, sinabi ni apostol Pablo sa kapuwa mga Kristiyano: “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at nasulat upang maging babala sa atin na dinatnan ng mga katapusan ng mga sistema ng mga bagay.” (1 Corinto 10:11) At sa Kristiyanong kongregasyon sa Roma siya ay sumulat: “Lahat ng bagay na isinulat noong una ay nasulat upang magturo sa atin, na sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Sa gayon mapahahalagahan natin na ang mga ulat ng Bibliya ay higit pa kaysa kasaysayan lamang, maaari nating halawin mula rito ang kahanga-hangang mga hula tungkol sa kinabukasan ng tao.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share