Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 10/22 kab. 6 p. 24-27
  • Ang Daigdig na Pinuksa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Daigdig na Pinuksa
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • “HINDI NILA PINANSIN”
  • PAGLIGTAS SA MGA TAO NA MAY MAKA-DIYOS NA DEBOSYON
Gumising!—1986
g86 10/22 kab. 6 p. 24-27

Kabanata 6​—Pagkaligtas Tungo sa Isang Bagong Lupa

Ang Daigdig na Pinuksa

1. (a) Nakaharap na ba ng tao noon ang isang pandaigdig na pagkawasak? (b) Bakit tayo dapat magpasalamat na hindi nilibak ni Noe ang babala tungkol dito?

NOONG una, isang pandaigdig na pagkawasak ang namímintô. Ang mga tao sa lahat ng mga bansa ay makapagpapasalamat na kabilang sa kanilang mga ninuno mayroong isang tao na hindi nilibak ang babala ng Diyos tungkol sa isang pangglobong baha. Sapagkat si Noe ay nakinig at sumunod, siya at ang kaniyang asawa, ang kaniyang tatlong anak na lalaki at ang kani-kanilang asawa ay nakaligtas. Sa kanila, lahat tayo ay nagmula.​—Genesis 10:1, 32.

2. Bakit pinuksa ng Diyos ang sanlibutang iyon?

2 Pinuksa ng Diyos ang daigdig na iyon sapagkat nakita niya na ang lupa ay punô ng karahasan. “Ang kasamaan ng tao ay lubhang laganap sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 6:3, 5, 13) Ang mga kalagayan noon ay katulad na katulad niyaong sa ating ika-20 siglo.

3. Ano ang nagpangyari sa kalagayan na maging napakagrabe?

3 Ano ang nagpangyari na ang kalagayan noong kaarawan ni Noe ay maging napakagrabe? Isang mahalagang salik ay isinisiwalat sa Genesis 6:2, na nag-uulat: “At nakita ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda; at sila’y nagsikuha ng kani-kaniyang asawa para sa kanilang sarili, alalaong baga, lahat ng kanilang pinili.” Subalit anong masama roon? Bueno, ang mga ito ay hindi basta mga lalaking tao na nagpasiyang mag-asawa. Ang mga ito na “mga anak ng tunay na Diyos” ay mga anghel, mga espiritung nilikha, na namasdan ang magagandang babae sa lupa at ang mga kasiyahan ng pag-aasawa at nagkatawang-tao. (Ihambing ang Job 1:6.) Ang kanilang pagkakatawang-tao at pag-aasawa ay mga akto ng pagsuway sa Diyos. Binabanggit ng Kasulatan na kanilang “iniwan ang kanilang sariling tahanan” at na ang kanilang mga kaugnayan sa mga babae ay “di-likas,” lihis. (Judas 6, 7; 1 Pedro 3:19, 20) Ang kanilang mestisong mga anak ay di-karaniwang pagkalalaki. Ang mga ito ay tinawag na mga Nefilim, o “mga tagapagbagsak,” sapagkat sila’y mga maton.​—Genesis 6:4.

4. (a) Bakit si Noe ay pinagpakitaan ng biyaya ng Diyos? (b) Anong paghahanda ang ginawa para sa pagliligtas ng buhay?

4 Bagaman namumuhay sa gitna ng bulok na sanlibutang iyon, si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa paningin ni Jehova. Bakit? Sapagkat “si Noe ay lalaking matuwid.” Alam niya ang mga usapin o isyu na ibinangon sa Eden, at pinatunayan niyang siya’y walang kapintasan, “isang lalaking matapat.” (Genesis 6:8, 9; The Jerusalem Bible) Sa layunin na iligtas si Noe at ang kaniyang pamilya, gayundin ang iba’t ibang uri ng mga hayop sa lupa at lumilipad na mga kinapal, tinagubilinan siya ni Jehova na magtayo ng isang arka, isang pagkalaki-laking tulad-kahon na pagkakayari. Gaya ng ipinaliwanag ng Diyos: “Narito ako’y magpapadagsa ng isang baha ng tubig sa ibabaw ng lupa upang lipulin sa silong ng langit ang lahat ng laman na may puwersa ng buhay. Lahat ng nasa lupa ay mamamatay.” (Genesis 6:13-17) May katalinuhan, si Noe ay nakinig sa Diyos at sumunod.

5. Gaano kalawak ang Baha?

5 Ang Delubyo ay dumating ng taóng 2370 B.C.E., gaya ng ipinahihiwatig ng detalyadong kronolohiya ng Bibliya. Ito ang pinakamalaking kapahamakan sa kasaysayan ng tao, kahit na hanggang sa kasalukuyang panahon. Gayon na lamang ang kalipusan nito anupa’t “inapawan ang lahat ng mataas na bundok na nasa silong ng buong langit.” (Genesis 7:19) Sa pamamagitan ng Delubyo “ang sanlibutan noon ay napahamak.” (2 Pedro 3:6) Subalit maaaring may magtanong: ‘Kung pati na ang pinakamataas na mga bundok ay inapawan ng tubig, saan naroon ang lahat ng tubig na iyon ngayon?’ Maliwanag na narito mismo sa lupa.

6. Pagkatapos ng Baha, saan nagtungo ang lahat ng tubig?

6 Dapat mabatid na hindi sinasabi ng Bibliya na ang anumang mga bundok noong kaarawan ni Noe ay kasintaas ng Bundok Everest. Sinabi ng mga siyentipiko na noong una marami sa mga bundok ang mas mababa kaysa sa kasalukuyan at na ang ilan ay lumitaw mula sa ilalim ng mga dagat. Higit pa riyan, inaakalang may panahon na ang mga karagatan mismo ay mas maliit at ang mga kontinente ay mas malaki kaysa ngayon, gaya ng pinatutunayan ng mga dagat-lagusan na umabot hanggang sa kalaliman ng mga karagatan. Subalit tungkol sa kasalukuyang kalagayan, ang magasing National Geographic, sa labas nito noong Enero 1945, ay nag-uulat: “Mayroong sampung ulit na dami ng tubig sa karagatan kaysa mataas na lupa. Itambak mo ang lahat ng lupang ito nang pantay sa dagat, at tatakpan pa rin ng tubig ang buong lupa, isa at kalahating milya ang lalim.” Kaya, pagbagsak ng mga tubig ng baha, subalit bago pa pangyarihin ang pagtaas ng mga bundok at pagbaba ng pinaka-sapin ng dagat na maubos ang tubig sa lupain at bago magkaroon ng mga yelo sa polo, may sapat na tubig upang takpan ang “lahat ng matataas na bundok,” gaya ng binabanggit ng Bibliya.​—Genesis 7:17-20; 8:1-3; ihambing ang Awit 104:8, 9.

7, 8. Anong ulat tungkol sa Baha mayroon bukod sa Bibliya?

7 Ang gayong ganap na pangglobong delubyo ay tiyak na hindi-malilimutan niyaong mga nakaligtas dito. Ang hinaharap na mga salinlahi ay sasabihan tungkol dito. Yamang binabanggit ng ulat ng Bibliya na ang lahat ng mga bansa ay nagmula sa iisang pangkat ng mga nakaligtas sa Baha, makatuwirang asahan na sa lahat ng bahagi ng lupa magkakaroon ng ebidensiya ng ilang maagang alaala ng malaking kapahamakang iyon. Gayon nga ba? Oo, gayon nga!

8 Habang ang mga anak ng mga nakaligtas sa Baha ay nandayuhan sa malalayong lugar sa paglipas ng panahon, ang mga detalye ay nabago at ang ulat ay iniangkop sa lokal na relihiyosong mga ideya. Subalit mahirap sabihin na nagkataon lamang na sa sinaunang mga alamat sa buong daigdig may paggunita sa isang malaking baha na pumuksa sa sangkatauhan maliban sa ilan na sama-samang iningatang buhay. Ang mga alaalang gaya nito ay masusumpungan sa Mesopotamia at sa iba pang bahagi ng Asia, sa Australia at sa mga isla sa Pasipiko, sa gitna ng maraming mga tribong Indian sa Hilaga at Timog Amerika, sa mga kuwentong isinaysay sa gitna ng sinaunang mga Griego at mga Romano, sa Scandinavia, at sa gitna ng mga tribong Aprikano. Marami sa mga ulat na ito ang bumabanggit sa mga hayop na iniligtas sa isang bapor kasama ng mga tao. Nahahawig sa ulat ng Bibliya, isinasaysay ng ilan na ang mga ibon ay sinugo upang alamin kung humupa na ang tubig. (Ihambing ang Genesis 7:7-10; 8:6-12.) Walang ibang sinaunang pangyayari ang lubhang ginugunita.

9. Anong mga gawain ang nagpapabanaag ng paggunita sa mga pangyayari ng “ikalawang buwan” sa kalendaryo ni Noe?

9 Ang makasaysayang mga detalye na nauugnay sa Baha ay nakaapekto sa mga kaugalian hanggang sa ating panahon. Paano? Bueno, inuulat ng Bibliya na ang Baha ay nagsimula “sa ikalawang buwan, ng ikalabimpitong araw ng buwan.” Ang “ikalawang buwan” ay tumutukoy sa huling bahagi ng Oktubre at unang bahagi ng Nobyembre sa ating kalendaryo. (Genesis 7:11) Kapansin-pansin na maraming tao sa buong daigdig ang ginugunita ang Araw ng mga Patay o Pista ng mga Ninuno sa panahong iyan. Bakit gayon? Sapagkat ipinababanaag ng mga kaugaliang ito ang pag-alaala sa pagkapuksa na dala ng Delubyo.a

10. Bakit ang ulat ng Bibliya tungkol sa Baha ang pinakamaaasahan at napakahalaga?

10 Gayunman, ang Bibliya mismo ang naglalaman ng makatotohanang patotoo tungkol sa kung ano ang nangyari. Kung ano ang nakita at naranasan ni Noe ay isinama sa Bibliya. Pagkalipas ng mga ilang siglo, tinukoy mismo ng Diyos, nang nagsasalita sa pamamagitan ng propetang si Isaias, “ang tubig ng panahon ni Noe.” (Isaias 54:9) Namasdan ng panganay na Anak ng Diyos ang mga pangyayari noong kaarawan ni Noe. Nang dakong huli, nang nasa lupa, ang Isang ito, si Jesu-Kristo ay bumanggit tungkol sa Baha bilang isang makasaysayang bagay at ipinaliwanag din niya kung bakit marami ang namatay nang panahong iyon.

“HINDI NILA PINANSIN”

11. Bakit napakaraming tao ang napuksa sa Baha?

11 Hindi sinabi ni Jesus na ang lahat maliban sa sambahayan ni Noe ay totoong marahas. Bagkus, sinabi niya: “Gaya ng mga araw bago bumaha, sila’y nagsisikain at nagsisiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at pinag-aasawa naman ang mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi nila pinansin hanggan sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, gayundin ang pagkanaririto ng Anak ng tao [si Jesu-Kristo].”​—Mateo 24:37-39.

12. Bakit napakalubha ng kanilang ‘hindi pagpansin’?

12 Hindi naman masama na sila ay kumain at uminom nang katamtaman o marangal na mag-asawa. Subalit nang babalaan tungkol sa pangglobong kapahamakan, ang kanilang patuloy na pagsisentro ng kanilang buhay sa gayong personal na mga paghahangad ay nagpapakita na hindi sila talaga naniniwala kay Noe o sa Diyos na Jehova, na ang mensahe ng pagbababala ay ipinahayag ni Noe. Kung naniwala sila, sana’y masikap na tinanong nila kung paano maaaring makaligtas at saka kumuha ng apurahang pagkilos upang matugunan ang mga kahilingan. Marahil may mga ibang tao na sumasang-ayon na mayroong dapat gawin upang ihinto ang malaganap na karahasan nang panahong iyon, subalit tiyak na hindi nila inaasahan ang isang pangglobong baha. Kaya, gaya ng sinabi ni Jesus, “hindi nila pinansin [ang mensahe ng Diyos sa pamamagitan ni Noe] hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.” Iyan ay napaulat bilang isang babala sa atin.

13. (a) Gaya ng inihula, ano ang reaksiyon ng maraming tao sa ngayon kapag sinasabihan na si Kristo ay di-nakikitang naririto na, at bakit? (b) Ano ang sinabi ni Pedro na niwawalang-bahala nila?

13 Ang kinasihang apostol Pedro ay nagbabala rin nang siya’y sumulat: “Sa mga huling araw [na kinabubuhayan natin ngayon] ay magsisiparito ang mga manunuya na may pagtuya, na nagsisilakad ayon sa kani-kanilang pita at magsasabi: ‘Nasaan ang kaniyang ipinangakong pagkanaririto? Aba, mula nang araw na makatulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, lahat ng bagay ay nagpapatuloy na kagayang-kagaya ng pasimula ng paglalang.’” Ayaw managot ng gayong mga tao sa kaninuman. Kaya inaalis nila sa kanilang isipan ang ideya ng pagkanaririto ni Kristo at kung ano ang magiging kahulugan nito para doon sa nagtataguyod ng masamang paraan ng pamumuhay. Subalit si Pedro ay nagpapatuloy: “Ayon sa ibig nila, hindi nila pansin, na may sangkalangitan mula noong unang panahon at isang lupang nakatindig nang masinsin buhat sa tubig na nasa gitna ng tubig sa pamamagitan ng salita ng Diyos; at sa pamamagitan din nito ang sanlibutan noon ay napahamak nang apawan ng tubig. Ngunit sa pamamagitan ng gayon ding salita ang mga langit at ang lupa ngayon ay iniingatan para sa apoy at inilalaan para sa araw ng paghuhukom at paglipol sa mga taong masasama.”​—2 Pedro 3:3-7.

14. Bakit ang katuparan ng “salita ng Diyos” noong panahon ng paglalang at noong kaarawan ni Noe ay dapat magpangyari sa atin na seryosong mag-isip ngayon?

14 Hindi pinapansin niyaong mga nanlilibak ang bagay na “ang salita ng Diyos” ay hindi magmimintis. Upang pasinungalingan ang kanilang punto de vista, ibinabalik tayo ni apostol Pedro sa panahon ng paglalang. Nang panahong iyon sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig at mahiwalay ang tubig sa kapuwa tubig.” Pagkasabi niyan, “Ginawa ng Diyos ang kalawakan at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan sa tubig na nasa itaas ng kalawakan.” At “ang salita ng Diyos,” ang kaniyang binanggit na layunin, ay natupad. (Genesis 1:6, 7) Natupad din ang kaniyang salita nang ipag-utos niya ang isang pangglobong baha noong kaarawan ni Noe at ginamit ang mga tubig na iyon upang puksain “ang sanlibutan ng panahong iyon.” At sa pamamagitan din ng hindi mapaglalabanang salita ng Diyos na ang pagkapuksa ay darating sa kasalukuyang masamang sistema ng mga bagay.

15. (a) Bakit hindi inihuhula ng 2 Pedro 3:7 ang pagsunog sa planetang Lupa? (b) Kaya ano ang “mga langit” at “ang lupa” na “inilalaan para sa apoy”?

15 Ang nangyari noong panahon ng Baha ay isang parisan ng mga bagay na darating. Ang lupa noon ay hindi napuksa, subalit napuksa ang masasamang tao. Ano, kung gayon, ang kahulugan ng pananalitang “ang mga langit at ang lupa ngayon ay iniingatan para sa apoy”? (2 Pedro 3:7; 2:5) Bueno, ano ang magiging epekto ng literal na apoy sa dati nang napakainit na araw at mga bituin sa pisikal na mga langit? At paano naaangkop ang pagsunog sa literal na lupa sa layunin ng Diyos na gawin itong isang Paraiso? Maliwanag, “ang mga langit at ang lupa ngayon,” na tinutukoy rito, ay makasagisag. (Ihambing ang Genesis 11:1; 1 Hari 2:1, 2; 1 Cronica 16:31.) “Ang mga langit” ay kumakatawan sa mga kapangyarihang pampamahalaan na pangkalahatang nakatataas sa tao, at “ang lupa” ay ang masamang lipunan ng tao. Sa dakilang araw ni Jehova ang mga ito ay ganap na pupuksain na para bang sinunog sa apoy. Isinasapanganib niyaong patuloy na manlilibak sa babala ng Diyos tungkol dito ang kanilang mga buhay.

PAGLIGTAS SA MGA TAO NA MAY MAKA-DIYOS NA DEBOSYON

16. Gaya ng ipinakikita sa 2 Pedro 2:9, ano ang susi sa kaligtasan?

16 Madulang inilalarawan ng ulat ng Baha ang isang punto na kailangan nating isapuso ngayon. Ano iyon? Pagkatapos banggitin kung ano ang ginawa ng Diyos noong kaarawan ni Noe, ganito ang konklusyon ni apostol Pedro: “Si Jehova ay marunong magligtas buhat sa tukso sa mga taong may kabanalan, ngunit ang mga taong masasama ay inilalaan sa araw ng paghuhukom upang lipulin.” (2 Pedro 2:9) Ang susi sa kaligtasan, kung gayon, ay ang pagiging isang tao na may maka-Diyos na debosyon o kabanalan.

17. Paano pinatunayan ni Noe ang kaniyang maka-Diyos na debosyon?

17 Ano ang kahulugan niyan? Maliwanag na si Noe ay isang tao na may maka-Diyos na debosyon. “Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:9) Itinaguyod niya ang isang landas ng pamumuhay na kasuwato ng nahayag na kalooban ni Jehova. Mayroon siyang malapit na personal na kaugnayan sa Diyos. Ang pagtatayo ng arka at ang pagtitipon sa lahat ng uri ng mga ibon at mga hayop ay isang pagkalaki-laking trabaho. Hindi siya nagkaroon ng saloobing maghintay-at-tingnan kung ano ang mangyayari. Mayroon siyang pananampalataya. “Gayon ang ginawa ni Noe ayon sa lahat ng iniutos sa kaniya ng Diyos. Gayon ang ginawa niya.” (Genesis 6:22; Hebreo 11:7) Ang mga tao ay kailangang paalalahanan tungkol sa matuwid na mga daan ni Jehova at babalaan tungkol sa dumarating na pagkapuksa ng mga masasama. Ginawa rin iyan ni Noe bilang “mangangaral ng katuwiran.”​—2 Pedro 2:5.

18. Bakit ang bawat isa na nakaligtas sa Baha ay dapat magtaglay ng gayong debosyon?

18 Kumusta naman ang asawa ni Noe, ang kaniyang mga anak na lalaki at ang kani-kanilang mga asawa​—ano ang hiniling sa kanila? Itinutuon ng ulat ng Bibliya ang pantanging pansin kay Noe sapagkat siya ang ulo ng pamilya, subalit ang iba pa ay tiyak na mayroon ding maka-Diyos na debosyon. Bakit gayon? Ang kalagayan ng mga anak ni Noe ay binanggit ni Jehova noong dakong huli sa kaniyang propetang si Ezekiel upang ipakita na, kung si Noe ay nabubuhay sa Israel nang panahong iyon, ang kaniyang mga anak ay hindi makakaasa ng kaligtasan dahil sa katuwiran ng kanilang ama. Sila ay may sapat nang gulang upang sumunod o sumuway, kaya personal na kinakailangang magbigay sila ng patotoo ng kanilang debosyon kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga daan.​—Ezekiel 14:19, 20.

19. Kaya, ano ang dapat na gawin natin, at papaano?

19 Dahilan sa katiyakan ng dumarating na pandaigdig na pagkapuksa, hinihimok tayo ng Bibliya na ingatan ito sa isipan at patunayan na tayo man, ay mga tao na may maka-Diyos na debosyon. (2 Pedro 3:11-13) Mula sa mga inapo ni Noe, may mga tao ngayon sa buong lupa na nakikinig sa matalinong payo na iyon at maliligtas tungo sa “bagong lupa.”

[Talababa]

a The Worship of the Dead (London; 1904), ni Koronel J. Garnier, pahina 3-8; Life and Work at the Great Pyramid (Edinburg; 1867), Tomo II, ni Propesor C. Piazzi Smyth, pahina 371-424.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share