Pagmamasid sa Daigdig
Masamang mga Palabas sa Video
Isang operasyon sa puso kung saan ang pasyente ay namamatay dahil sa atake sa puso, pagpatay sa mga rebolusyonaryo sa pamamagitan ng mga firing squad, isang bilanggo na namamatay sa silya elektrika, at isang tagapag-alaga ng parke na hinampas sa kamatayan ng isang buwaya ay ilan lamang sa aktuwal na mga eksena ng kamatayan na ngayo’y mapapanood sa inaarkilang mga videotape. Kakila-kilabot at malinaw na ipinakikita ng isang tatlong-tomong serye ng pelikulang pinamagatang Faces of Death ang mahabang rolyo ng pelikula na ginamit sa pagsasapelikula ng namamatay na tao. Ano ang reaksiyon ng mga tao sa seryeng ito ng video? “Mabiling-mabili ito,” sabi ng isang kawani sa isang tindahan ng video sa Virginia Beach, Virginia, sa The Virginian-Pilot and the Ledger-Star, isang pahayagan sa Virginia. “Pagdating na pagdating nito sa tindahan, mayroon kaagad hihiram nito.” Isang galit na manonood na tumututol sa nilalaman ng pelikula ay nag-organisa ng isang kampanya na ipaalis sa lokal na mga tindahan ang mga video na ito. Nagkukomento tungkol sa pelikula, sinabi niya: “Ito’y pornograpikong marahas.”
Magastos na Pananggalang
Sapagkat ang pangungumit sa tindahan ay nagkakahalaga sa mga magtitingì sa Estados Unidos ng mga $30 bilyon isang taon, hindi kataka-taka na may isang lumalagong industriya na gumagawa ng mga aparato na panlaban sa pangungumit sa tindahan. Kabilang sa mga ito ang mga produktong EAS (Electronic Article Surveillance) na tinatawag na mga target. Ang mga ito ay alin sa plastik na mga disk na ikinakabit sa mga bagay na gaya ng mga damit, isang hiblang magnetiko na “kasimpino ng isang buhok ng tao,” o “isang electronic circuit na nasa isang naitatapong etiketa.” Ang “mga target” ay maaaring alisin o hindi na paandarin ng mga empleado sa panahong binabayaran mo ang iyong mga pinamili. Ang mga parokyano ng mga tindahan na gumagamit ng mga aparatong ito ay kailangang lumabas o magdaan sa isang yunit na magbibigay ng hudyat kung ang “target” ay hindi wastong napawalang-bisa ang pag-andar. Ang benta ng mga aparatong ito ay umabot na ng $150 milyon.
Bagong Panlunas Para sa Sipon?
Bakit sinasabing ang Norwegong mga magtotroso ay bihirang sipunin? Sang-ayon kay Dr. Olav Braenden, ang kasagutan ay nakasalalay sa usok ng kahoy na kanilang nilalanghap, ulat ng The Times ng London. Ang isang virus ng sipon ay nangangailangan ng maraming panustos ng okseheno upang dumami. Gayunman, maaari itong hadlangan ng mga bitamina B at C at gayundin, inaakalang ito’y mahahadlangan din, ng mga polyphenol. Hinahadlangan ng mga materyal na ito, na masusumpungan sa Norwegong mga usok ng kahoy, ang panustos na oksiheno sa mucous membrane ng ilong. Iniulat na ang mga pampatak sa ilong na naglalaman ng tatlong sangkap na ito ay sinubok sa 300 Norwegong mga kawani ng hukbong panghimpapawid na sinasabing matagumpay na nalunasan ang sipon ng 82 porsiyento. “Ang mahalagang bagay ay maglagay ng mga pampatak sa unang tanda pa lamang ng sipon,” sabi ng direktor sa pananaliksik na si Dr. Anton Rodahl, “bago makagawa ng anumang pinsala ang virus sa mucous epithelium [sapin] sa ilong.” Ang komersiyal na pagbibili ng gamot ay nagsimula sa Norway sa taóng ito.
Paksímile na Pagsamba
Ang mga batang mag-aaral na Haponés, na gustung-gustong makapasok sa mahuhusay na paaralan, ay gumagamit ng teknolohiya sa paglapit sa kanilang mga diyos. Papaano? Sang-ayon sa Asahi Shimbun, isang pahayagan sa Tokyo, ipinapasok ng isang mag-aaral ang kaniyang pangalan, tirahan, taon sa paaralan, at pangalan ng minimithing paraalan sa isang paksímileng yunit na nakakabit sa isang telepono. Ang impormasyong ito ay inihahatid sa isang templong Shinto kung saan isang pari ang bumabasa nito at gumagawa ng pagsamo sa halagang 3,000 yen ($20, U.S.). Ang mga awtoridad sa templo ay nagsasabi na, “Siempre pa ang pagsamba ng isa mismo sa harap ng altar ay minamabuti.” Gayunman, isang pari ng Dazaifu Tenmangu sa Kyushu, ang pinakapopular na templong nakatalaga sa edukasyon, ay nagpaliwanag na ang tusong mga tao na nakatirang malapit sa templo ay sumisingil ng hanggang 20,000 yen ($140, U.S.) upang katawanin ang mga mananamba. Ang mga pari ay tumututol na inegosyo ng mga taong walang kaugnayan sa templo ang pagsamba. Sila’y nagpasiya: “Ang paksímileng pagsamba ay nagbabadya rin ng mga damdamin ng puso. Ang epekto ay pareho rin,” at sila’y nag-aalok ng serbisyo sa mas mababang halaga.
Mga Kard na Pangkaligtasan
Malaon nang ikinababahala ng mga skier at mga umaakyat ng bundok ang paghanap sa mga biktima na natabunan ng mga pagguho. Bagaman mayroong sarisaring uri ng mga transmitter-receiver, bibihirang mga tao ang gumagamit nito dahilan sa halaga nito at dahilan sa bigat at kalakihan ng ilang modelo na pinaaandar ng batirya. Gayunman, isang pangkat ng mga mananaliksik na Pranses ang gumagawa ng isang bagong ideya—mga kard na pangkaligtasan. Isinasabit sa dibdib o sa likod ng bawat skier o umaakyat ng bundok, ang mga ito ay magkakahalaga lamang ng mga ilang dolyar, hindi na nangangailangan ng mga batirya, at halos kasinlaki ng isang credit card. Paano gumagana ang mga ito? Ang pahayagang Pranses na Le Figaro ay nag-uulat na ang mga ito ay kumikilos na parang salamin, ipinababanaag ang bahagi ng isang hudyat ng radyo na pabalik sa pangkat na sumasagip na nasasangkapan ng malakas na transmitter. Sa mga pagsubok na ginawa sa mga orihinal na modelo, ang mga mananaliksik ay nagtagumpay na sa pagtunton sa mga taong natabunan ng mga 30 piye (9 m) ng niyebe.
Pagnanakaw sa Gobyerno
Isinisiwalat ng isang pag-oodit kamakailan ng mga pag-aari ng gobyerno ng Canada ang kawalan na mula $3 milyon hanggang $4 milyon sa mga ari-arian ng gobyerno sa bawat taon. Bagaman ang mga ari-arian ay opisyal na sinasabing nawawala, inaamin na ang mga ito ay “malamang na ninakaw.” Iniulat ng The Toronto Star na kabilang sa mga nawawalang bagay ay alak, mga set ng color TV, mga makinilya, mga ilawang pangmesa, mga dictaphone, 35-mm na mga kamera, mga projector, mga calculator, isang outboard motor, at isang freezer. Isa pang uri ng pagnanakaw sa gobyerno ay nakita sa halos $60 milyon na kinuha mula sa seguro ng mga walang trabaho sa Canada ng mga taong nagsisikap na dayain ang sistema. “Mayroong 180,458 na mga insidente ng pandaraya,” sang-ayon sa pahayagang The Globe and Mail. Mabuti na lamang, sa kawalang iyon, “$32.3 milyon ang nakuhang muli.”
Pagkakakilanlang Pag-iyak
Makikilala ba ng isang ina ang pag-iyak ng kaniyang sanggol sa ibang mga sanggol? Oo, ulat ng The Sunday Times ng London. Subalit higit pa riyan ang pagkakilala ng ina, sang-ayon sa mga tuklas ni Dr. Alain Lazartigues, isang saykayatris ng bata sa La Pitié Salpetrière Hospital sa Paris. Sa tono ng pag-iyak, natitiyak rin niya ang dahilan nito, kung baga ang bata ay nagugutom, basa, nagagalit, o may sakit. Ang gutom, ang pinakakaraniwang dahilan ng pag-iyak ng sanggol, ay may mataas na tono sa pagitan ng 270 at 450 hertz at umaabot sa pagitan ng 80 at 85 na mga decibel. Ang mga pag-iyak dahil sa kirot, galit, kabiguan, at kagalakan, sabi ng doktor, ay mayroon ding kaniyang natatanging akostikong mga katangian. Napansin niya na sa ilang karamdaman, ang mga pag-iyak ng bata ay maaaring mapatunayang nakatutulong sa rikonosi.
Mga Beterano at ang Digmaan sa TV
Ang karahasan at digmaan ay regular na itinatampok sa telebisyon at mga balita. Ang mga pelikula, lalo na, ay waring inihaharap ang pakikidigma sa isang maluwalhating paraan. Gayunman, ang mga beterano ng digmaan na nakaranas ng mapait na mga kakilabutan nito ay hindi naaaliw ng gayong mga pangyayari na ipinalalabas sa telebisyon. Ganito ang sabi ni Stan Knorth, isang beterano noong Digmaang Pandaigdig I, ngayo’y 90 anyos na, sa St. Louis Magazine: “Kapag nakikita ko ang lahat ng pagbabarilan at digmaang iyon sa TV, pinapatay ko ito.” Ang dahilan? “Hindi ko ito kayang panoorin. Ayaw ko itong maalaala,” paliwanag ni Knorth.
Talamak na Insomniya
Isang lalaking dumaranas ng talamak na insomniya ang hindi nakatulog sa loob ng siyam na buwan at pagtapos siya’y namatay, ulat ng Evening Press ng Dublin, Ireland. Inilalarawan ang sanhi ng kamatayan, ipinaliwanag ni Propesor Elio Lugaresi, neurologo sa University of Bologna Medical School sa Italya, na apektado ng pambihirang sakit ang thalamus, isang sistema ng nerbiyos sa utak na nagpapasa ng mga mensahe sa utak at sa katawan. Kapag ang mga komunikasyon ay napuputol, “ang sentro sa utak ay kumikilos na parang motor na hindi mapatigil.” Bagaman sinisikap ng biktima na labanan ang sakit, siya ang naging ika-14 na membro ng kaniyang pamilya na namatay, mula noong 1822, dahil sa di pagkakatulog. Ang ulat ni Lugaresi tungkol sa kaso ay nagpaalisto sa iba pang mga siyentipiko sa maliwanag na bahagi na ginagampanan ng genetiko at ng thalamus sa grabeng mga kaso ng insomniya. Si Lugaresi ay nagpapaliwanag: “Nalalaman namin ang mekanismo ng karamdaman, subalit wala kaming paraan upang ihinto ito.”