Ang Daigdig Mula Noong 1914
Bahagi 8—1970-1986 Habang Gumuguho ang Daigdig, Paningningin Pang Higit ang Iyong Pag-asa!
IKAW ba’y naguguluhan, nababalisa, marahil ay natatakot pa nga sa mga kalagayan sa daigdig? Kung gayon, magkaroon ng kaaliwan sa mga pananalita ni Henry Wadsworth Longfellow, isa sa pinakabantog na makata sa Estados Unidos noong ika-19 na siglo. Siya’y sumulat: “Mientras mas malapit sa bukang-liwayway ay mas madilim ang gabi.”
Inaakala ng mga tagapaglathala ng Gumising! na ang mga pananalitang ito ay kapit sa ating daigdig mula noong 1914. Batay sa kanilang pag-aaral ng Bibliya, naniniwala sila na ang dumidilim na kalagayan sa gabi ng daigdig na ito ay isa lamang pahiwatig ng dumarating na pagbubukang-liwayway ng isang maaliwalas na bagong araw. Ang nangyari mula noong 1970 ay nagpapatibay ng kanilang paniniwala. Isaalang-alang ang katibayan.
Pag-alis ng Kapayapaan sa Lupa
Noong 1970 ang digmaan ng mga gerilya ay sumiklab sa Pilipinas; noong 1976 ang labanan ay nagsimula sa pagitan ng Timog Aprika at Angola. Hindi pa natatagalan pagkatapos niyan sinimulan ng Vietnam at Kampuchea (Cambodia) ang ikatlong digmaan sa Indo-China sa loob ng wala pang 35 taon. Noong 1980 ang mga bansang Islamiko ng Iran at Iraq ay pumasok sa isang digmaan ng pagpatay sa kapatid. Pagkalipas ng isang taon, sumiklab ang digmaan ng mga gerilya sa Nicaragua. Ang Gran Britaniya at ang Argentina ay nagsagupaan noong 1982 sa Falkland Islands. Lahat-lahat, mahigit na 50 mga digmaan ang sumiklab na mula noong 1970.
Isa pang uri ng digmaan—ang terorismo—ang lumaganap noong 1970’s. Alalahanin ang ilan sa kilalang mga tao na pinatay ng pagsalakay ng terorista o ng bala ng pumapatay nang pataksil: Ang Pinunong Kastila na si Luis Carrero Blanco noong 1973; si Haring Faisal ng Saudi Arabia at si Presidente Mujibur Rahman ng Bangladesh noong 1975; ang estadistang Italyano na si Aldo Moro noong 1978; ang Presidente ng Timog Korea na si Park Chung Hee at ang pinsan ng Reyna ng Inglatera, si Lord Mountbatten, noong 1979; noong 1981 ang Ehipsiyong Presidente Anwar Sadat; at noong 1984 ang Punong Ministro ng India na si Indira Gandhi. Noong taon ding iyon, nagkaroon ng di-matagumpay na pagtatangka sa buhay ng mga pangulo ng E.U. na sina Gerald Ford at Ronald Reagan, Britanong Punong Ministro Margaret Thatcher, at Papa John Paul II.
O alalahanin ang mga pangkat na naging mga biktima ng terorismo. Noong 1972 Olympic Games sa Munich, isang drama tungkol sa bihag na panagot ang nag-iwan ng 17 kataong patay, pati na ang 11 mga atletang Israeli. Labing-isang mga ministro ng OPEC na nagtitipon sa Vienna, Austria, noong 1975 ay mas mapalad; bagaman sila’y dinalang bihag na panagot, sila ay nakaligtas nang buháy. Isang Amerikanong masamang panaginip ang nagsimula noong 1979 nang 52 mga mamamayan ng E.U. ang dinalang bihag na panagot sa Iran sa loob ng mahigit isang taon. Isang pagsabog ng bomba sa isang mausolyong Burmes ang pumatay ng 19 katao noong 1983, pati na ang 16 na dumadalaw na mga opisyal ng Timog Korea. Noong 1985 isang jet na Air India ang bumagsak sa Atlantiko malayo sa baybayin ng Ireland; 329 na mga tao ang naglaho.
Ang mga talaang ito ay bahagi lamang. Halimbawa, sa gawing Hilaga ng Ireland at Lebanon ang terorismo ay halos isang paraan ng buhay. Binanggit ng isang popular na ensayklopedia na “ang paggamit sa pag-hijack ng eruplano bilang isang akto ng pulitikal na terorismo ay naging isang internasyonal na suliranin noong 1970’s at nagpatuloy hanggang noong maagang 1980’s.” Kaya bagaman ang terorismo ay maaaring hindi pa personal na nakaapekto sa iyo, ang tsansa na maaapektuhan ka nito—dahilan sa iyong nasyonalidad o dahilan sa pagkanaroroon mo sa maling dako sa maling panahon—ay lumalago.
Dahilan sa mga bagay na ito, sino ang makapagkakaila na ‘inalis sa lupa ang kapayapaan,’ gaya ng inihula ng Apocalipsis 6:4 na mangyayari? Gayunman, hindi nito pinawawalang-bisa ang naunang pangako ng Bibliya: “Pinatitigil niya ang digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.” (Awit 46:9) Nakagawa na ba ng pagsulong sa direksiyong ito mula noong 1970?
Pag-abot sa Kapayapaan Samantalang Sinusunggaban ang Tabak
Noong 1970 ipinahayag ni Presidente Nixon ng E.U. ang intensiyon ng kaniyang pamahalaan na halinhan ang isang “panahon ng komprontasyon” ng isang “panahon ng negosasyon.” Ang mapayapang pamumuhay sa isa’t isa ay magbibigay-daan sa détente, isang pagluluwag ng mga tensiyon. Ang mga superpower ay sumang-ayon na magdaos ng Strategic Arms Limitation Talks (SALT), na umakay sa 1972 at 1979 sa bahagyang tagumpay. Ang maigting na kapaligiran ng Berlin ay nabawasan samantalang ang kaugnayan sa pagitan ng dalawang Alemanya ay bumuti. Noong 1973 isang 35-bansang Komperensiya tungkol sa Seguridad at Pakikipagtulungan sa Europa ay nagbukas sa Helsinki. Lumaki ang pag-asa.
Gayunman, ang pagsulong ay hindi limitado sa Europa. Pagkaraan ng dalawampung taon na walang pakikipag-ugnayan, ang Estados Unidos at ang People’s Republic of China ay nagkaroon ng kaugnayan sa isa’t isa. Ang kanilang negosasyon ay tinawag na diplomasyang Ping-Pong. Samantala, sa pabagu-bago ng isip na Gitnang Silangan, ang pagparoo’t parito ng mga kinatawan ng magkabilang panig o ang tinatawag na shuttle diplomacy ay waring gumagana. Sa wakas, noong Marso 1979, pagkatapos ng mga kasunduan sa Camp David, ang Israeli-Ehipsiyong kasunduan sa kapayapaan ay nilagdaan.
Ang mga pangyayaring ito, gayundin ang iba pang mga pangyayari, ay maliwanag na nagpapakita na sapol noong 1970 inaabot ng daigdig ang kapayapaan. Ang paghahayag ng UN noong 1982 na ang 1986 ay magiging isang Internasyonal na Taon ukol sa Kapayapaan ay nagpapatotoo rito. Mangyari pa, ang isa na “pinatitigil ang mga digmaan,” na binabanggit ng Bibliya, ay hindi isang tao kundi ang Diyos. Gayunman, inihuhula ng Bibliya na bago gawin ng Diyos ang gayon, ang mga tao ay magsasabi ng, “Kapayapaan at katiwasayan!”—1 Tesalonica 5:3.
Ngunit samantalang hinahangad o inaabot ng isang kamay ang kapayapaan, wari bang, ang daigdig ay sumusunggab sa isang malaking tabak sa kabilang kamay. (Ihambing ang Apocalipsis 6:4.) Sa kawalan ng tiwala at paghihinala, ang pagsasandata nito ay walang katulad. Si Mary Kaldor ng Science Policy Research Unit, University of Sussex, ay nagsasabi sa atin na “mula noong 1971 hanggang noong 1980, ang internasyonal na pagbibili ng mga armas ay dumoble”—at iyan ay hindi lamang dahil sa mga superpower. “Lalo pang dumami ang ipinagbiling mga armas sa mahihirap na bansa,” sabi niya.
Sa nakalipas na labinlimang taon, ang depensa ay naging napakahalaga anupa’t sa isang taon kamakailan lamang 77 mga bansa ang nagtalaga ng mahigit 10 porsiyento ng kanilang kabuuang badyet sa militar at depensang pagkakagastos. Sa katunayan, 20 mga bansa, halos kalahati sa kanila na nasa eksplosibo o maigting na Gitnang Silangan, ay gumastos ng mahigit sangkapat ng kanilang badyet sa depensa. Ito ay sa isang daigdig na mula noong 1945 ay sinasabing nasa kapayapaan!
Hindi kataka-taka na isang opisyal ng militar ang nagsabi kamakailan na tayo ay nabubuhay sa isang “panahon ng marahas na kapayapaan.” Iyan ang dahilan kung bakit ang United Nations na mayroon 159 na mga membro sa pagtatapos ng 1985—mula sa 127 noong 1970—ay gayon na lamang ang pagsisikap na panatilihin ang pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan. Ang mataas na inaasahan na inilagay rito sa pagkatatag nito ay hindi natupad. Ang peryudistang si Richard Ivor ay nagsasabi na ang isang dahilan ng kabiguan nito ay na “ito ay hindi pa nagtatagumpay sa pagbabago ng mga puso at isipan ng mga taong nangunguna sa mga bansa o ng mga taong bumubuo nito.” Ganito ang maikli at malinaw na pagkakasabi rito ni Hugh Caradon, dating embahador na Britano sa UN: “Wala namang diperensiya sa United Nations—maliban sa mga membro nito.”
Tanggapin mo man o hindi, ngayon higit kailanman, ang pangkabuhayan, relihiyoso, o pulitikal na mga pangyayari sa isang bansa ay maaaring kagyat na magsimula ng reaksiyon sa buong daigdig.
Mga Suliraning Pangkabuhayan
Halimbawa, natatandaan mo ba noong maagang 1970’s sinimulang itaas ng OPEC ang presyo ng langis mula sa halos $4 isang bariles tungo sa itinaas nito noong 1981 na $35? Ang resulta? Ang “sandatang langis” na ito, sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ay nagpatindi sa implasyon sa maunlad na industriyal na mga bansa at lumikha ng malubhang mga suliranin sa pagbabayad ng mga balanse o pagkakautang sa ilang mga bansa sa Europa; lumikha ito ng napakalaking kapinsalaan sa kabuhayan ng maraming hindi gaanong maunlad na mga bansa.”
Ang ekonomistang si R. N. Gardner ay nagbabala na “ang umiiral na sistema ng internasyonal na mga institusyong pangkabuhayan ay hindi gaanong mahusay at na walang isa man sa mga membro ng United Nations ang makakaasa na ligtas na makatatawid sa ika-21 siglo kung hindi babaguhin ang mga kaayusang ito.” Ngayon pa lang, ang mga bansang gaya ng Mexico, Brazil, at Nigeria ay mapanganib na nalalapit na sa pagkabangkarote. Ang katatagan ng pandaigdig na sistemang kabuhayan ay magkakaroon ng malubhang kahihinatnan sa malapit na hinaharap.
Relihiyon at Pulitika
Noong 1970’s mga bagong mukha sa daigdig ng relihiyon ang lumitaw sa pulitikal na eksena. Sa Estados Unidos ay lumitaw si Jerry Falwell at ang kaniyang Moral Majority; sa Iran, isang nagpapahayag-ng-teokrasya na ayatollah; sa Europa, mga klerigong Katoliko at Protestante na nagsama-sama sa mga martsa ukol sa kapayapaan at laban sa sandatang nuklear; sa Timog Aprika, ang laban sa pagtatangi ng lahi, nagwagi ng gantimpalang Nobel, ang Anglicanong Obispo Desmond Tutu. Subalit walang sinuman ang nakatawag-pansin na gaya ng Polakong Papa John Paul II, na tungkol sa kaniya isang opisyal sa Vaticano ang iniulat na minsa’y nagsabi: “Kahit na kapag siya’y nagmimisa wari bang ito’y may pulitikal na pahiwatig.”
Sa pagsisimula ng 1970’s, isang peryudista ang humula na “ang kaugnayan sa pagitan ng pulitika at relihiyon ay maaaring magkaroon ng isang bagong importansiya sa [Estados Unidos] na babago sa sosyal na kapaligiran.” Ito ay napatunayang totoo, subalit ang hilig na ito ay hindi natatakdaan sa alinmang isang bansa. “Ang mga salitang ‘relihiyon’ at ‘pulitika’ ay magkasama sa mga balita sa buong panahon noong 1984 sa lahat ng bahagi ng daigdig,” sabi ng 1985 Britannica Book of the Year. Subalit may lumalagong alitan sa pagitan ng dalawa, gaya ng inaamin nito: “Ang paglalabu-labo o pag-aaway sa pagitan ng mga awtoridad ng pamahalaan at ng relihiyon ay isang pambuong-daigdig na palatandaan.” Ang espirituwal na pangangalunyang ito sa pagitan ng relihiyon at ng pulitika ay malapit nang magwakas sa malaking kapahamakan.—Apocalipsis, kabanata 18.
Dumaraming Problema, Gayunman ang Pag-asa
“Ang nangyari . . . noong 1970s at 1980s,” sulat ng kolumnistang may pitak sa iba’t ibang pahayagan na si Georgie Anne Geyer, “ay na ang daigdig ay tahimik subalit walang lubag na hinahati ng isang mabagal na pagguho.” Bukod sa mga sanhi ng pagguhong ito na nabanggit na, mayroon ka pa bang naiisip? Polusyon? Pag-abuso sa droga? Maling paggawi ng mga opisyal ng bayan? Ang suliranin tungkol sa mga takas o refugee? Gutom? Bagong tuklas na mga sakit na gaya ng Legionnaires’ disease, toxic shock syndrome, at ang nakatatakot sa lahat ng mga ito, ang AIDS?
Nakikita ng mga Saksi ni Jehova sa lahat ng mga pangyayaring ito ang katibayan na ang kadiliman ng gabi ng daigdig na ito ay nagiging pusikit, gaya ng inihula ng Bibliya. Gayunman, ang mahigit na 3,000,000 sa kanila sa buong daigdig—mula sa 1,483,430 noong 1970—ay punô ng pag-asa. Ito’y dahilan sa isa na lalong dakila kaysa kay Longfellow ang umaaliw sa atin taglay ang pag-asa na “mientras lumalapit ang pagbubukang-liwayway ay lalong dumidilim ang gabi.” Ang Anak ng Diyos mismo na, pagkatapos banggitin ang lumalalang mga kalagayan sa inihulang mga huling araw, ay nagsabi: “Pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”—Lucas 21:28.
Walang sinuman sa atin ang makapagpapabago o makapag-aalis ng paghihirap at pagdurusa na naranasan ng mga tao sa DAIGDIG MULA NOONG 1914. Subalit maaari tayong kumilos taglay ang karunungan mula sa Diyos at maghanda sa isang maligayang hinaharap. Ang unang hakbang sa paggawa nito ay kilalanin na ang lumulubhang mga kalagayan sa daigdig ay di-mapabubulaanang katibayan na ang madilim na gabi ng pamamahala ni Satanas ay malapit nang magwakas at na malapit nang sumikat ang ganap na araw ng natatag na Kaharian ng Diyos.
“Ang masama ay walang kinabukasan,” babala ng matalinong Haring Solomon. Gayunman, gaya ng sabi niya, “magkakaroon ng magandang kinabukasan” yaong mga makasusumpong ng karunungan. (Kawikaan 24:14, 20, The Jerusalem Bible) Kawili-wili ring pansinin ang pananalita ng dating Pangulong Lyndon B. Johnson ng E.U.: “Ang kahapon ay hindi atin upang bawiin, ngunit ang bukas ay nasa sa atin upang ating makamit o maiwala.” “Bukas”—isang walang katapusang kinabukasan sa isang lupang paraiso sa ilalim ng Kaharian ng Diyos—ay indibiduwal na nasa sa atin “upang ating makamit o maiwala.” Ano ang iyong pipiliin?
[Kahon sa pahina 13]
Iba Pang mga Bagay na Napabalita
1970—Ang People’s Republic of China ay naging ikatlong
kapangyarihang pangkalawakan ng daigdig sa paggamit ng mga
satelayt
1973—Ibinagsak ng kudetang militar ang sosyalistang pamahalaan ng
Chile at nagbunga ng kamatayan ni Presidente Allende
1974—Ang iskandalo ng Watergate, na nagsimula noong 1972, ay
umabot sa sukdulan nang kahiya-hiyang magbitiw si Presidente
Nixon ng E.U.
1976—Sunud-sunod na malalakas na lindol, pati na ang isa sa Tsina
na tinawag na marahil ay siyang pinakakapaha-pahamak sa
kasaysayan ng tao, ay sumawi ng daan-daang libo
1978—Kauna-unahang test-tube baby; ipinanganak sa Britaniya
1979—Malubhang aksidente sa nuclear reactor ng E.U. sa Three Mile
Island, Pennsylvania
1980—Pumutok ang bulkang Mount St. Helens ng E.U.
1981—Unang paglipad ng space shuttle ng E.U. na Columbia
1983—Ang computer ay napiling “Tao ng Taon” ng Time
1984—Ang mga Sobyet ay nakapagtatag ng rekord na 237 mga araw sa
kalawakan
1985—Ang bulkan sa Columbia na Nevado del Ruiz ay pumutok,
pinapatay ang 25,000
Ang lindol sa Mexico City ay sumawi ng libu-libo
1986—Ang space shuttle ng E.U. na Challenger ay sumabog, na
ikinasawi ng pitong astronót
Ang kapahamakan ng Sobyet na plantang nuklear sa Chernobyl ay kumalat at nakahawa sa ibayo ng Europa
[Mga larawan sa pahina 15]
Harinawang ang mabilis na pagguho ng daigdig ay magpangyari sa iyo na itaas ang iyong ulo at magalak sa pag-asa ng isang mas mabuting buhay sa isang bagong sanlibutan