Kabanata 20—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
Isang Maligayang Sambahayan ng Tao sa Ilalim ng Isang Bagong Pagkaama
1. Bakit ang paksa tungkol sa isang bagong pagkaama ay mabuting balita sa sambahayan ng tao?
PAGKATAPOS ng Armagedon, isang pangalawang pagkaama ang naghihintay sa lahat ng sangkatauhan. Iyan nga ay mabuting balita! Ginagawang posible ng bagong pagkaama ang buhay na walang hanggan sa kasakdalan ng tao sa isang pambuong-lupang paraiso, sapagkat ang bagong Ama mismo ng sambahayan ng tao ay walang kamatayan. Mayroon siyang kapangyarihang magkaloob ng sakdal na buhay sa lahat niyaong inaampon niya bilang kaniyang mga anak sa lupa.
2. Bakit kinakailangan ang isang bagong pagkaama?
2 Ang bagong pagkaama ay kinakailangan sapagkat naiwala ng sangkatauhan ang orihinal na pagkaama nito, ang pagkaama ng Maylikha ng tao. Ang angkan o pamilya ng tao mula kay Jesus pabalik sa unang tao, si Adan, ay nagwawakas sa pagbibigay sa atin ng talaang ito: “Si Cainan, na anak ni Enos, na anak ni Seth, na anak ni Adan, na anak ng Diyos.”—Lucas 3:37, 38.
3. Gaano kalunus-lunos ang pagkawala ng pagkaama ng Diyos na Jehova sa lahat ng sangkatauhan?
3 Ang pagkawala ng pagkaama ng Diyos na Jehova ay napatunayang kalunus-lunos para sa lahat ng sangkatauhan. Minana ng mga inapo ni Adan ang kahatulan ng kamatayan. Ang bagay na ito ay maliwanag na binabanggit sa Roma 5:12: “Kung papaanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” Ang “isang tao” na iyon ay si Adan, at dahilan sa kaniyang kusang kasalanan, naiwala niya ang pagkaama ng kaniyang Maylikha, si Jehova.
4. Si Adan at ang sangkatauhan ay napailalim sa pagkaama nino?
4 Kaninong pagkaama napailalim si Adan? Sa pagkaama nino dinala niya ang daigdig ng sangkatauhan? Ito’y ang pagkaama ng isa na nanaig sa kaniya na lumabas sa sambahayan ng lahat ng masunuring mga anak ng Diyos sa langit at sa lupa. Ito ang pagkaama ng isa na nagsabi ng unang kasinungalingan, si Satanas na Diyablo. Paano ito pinangyari ng mananalansang na iyon kay Jehova?
5. (a) Anong ahensiya ang ginamit ni Satanas na Diyablo upang dayain ang asawa ni Adan sa pagsuway sa Diyos? (b) Bakit at papaano si Adan ay nagkaroon ng ganap na pananagutan sa kaniyang landasin ng pagkilos?
5 Sa 2 Corinto 11:3 inilalantad ni apostol Pablo ang bagay na ito, na ang sulat: “Nadaya si Eva ng ahas sa kaniyang katusuhan.” Sa tusong paraan, ginamit ni Satanas ang isang ahas sa Eden upang ihatid ang unang kasinungalingan sa hindi naghihinalang si Eva, may kamaliang pinararatangan ang Diyos na Jehova ng pagsisinungaling. (Genesis 3:1-7; Juan 8:44) Hindi itinuwid ni Adan ang kaniyang asawa. Hindi siya tumangging kumain na kasama niya at hindi niya iniligtas ang kalagayan. Ang kaniyang kusang maling gawa ay naglagay sa kaniya sa mga kamay ng Ahas. Inilalagay ang sisi kung saan ito nararapat, ang 1 Timoteo 2:14 ay nagsasabi: “Hindi nalinlang si Adan, kundi ang babae ang lubusang nalinlang at nahulog sa pagkakasala.”
Ang Isa na Karapat-dapat sa Pagkaama
6, 7. Sa Anong pagkaama ipinakita ni Jesus na maaari siyang mapagkatiwalaan, at paano tinukoy ito ng hula sa Bibliya?
6 Sa pagtangging sumamba sa “diyos ng sistemang ito,” pinatunayan ni Jesus na siya ang Isa na dapat pagkatiwalaan ng ikalawang pagkaama ng sambahayan ng tao. (2 Corinto 4:4; Mateo 4:1-11; Lucas 4:1-13) Mula sa kaniyang pagsilang bilang tao noong 2 B.C.E., siya ang Isa na kinakapitan ng hula sa Isaias 9:6:
7 “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang maharlikang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.” Kaya ang “Prinsipe ng Kapayapaan” ay may iba pang mahalagang bahaging gagampanan para sa sangkatauhan—yaong pagiging “Walang-hanggang Ama” nito.
8. Bakit si Jesus ay makakakilos upang maging ang “Walang-hanggang Ama” ng sangkatauhan, at paano ito pinatunayan ni apostol Pablo?
8 Ang Anak ng Diyos ay magiging ang “Walang-hanggang Ama” ng sambahayang ito ng tao, kung saan ibinigay niya ang kaniyang sakdal buhay tao bilang hain. Ito’y gaya ng isinulat ni Pablo: “Sapagkat kung sa pagsuway ng isa ay nangamatay ang marami, lubha pang sumagana sa marami ang di-sana nararapat na awa ng Diyos at ang kaniyang walang bayad na kaloob dahil sa di-sana nararapat na awa sa pamamagitan ng isang lalaki na si Jesu-Kristo. Kaya, kung papaanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang hatol sa lahat ng tao sa ipagdurusa, gayundin naman sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran dumating sa lahat ng mga tao ang pag-aaring matuwid sa kanila sa buhay.”—Roma 5:15, 18.
9. Paano naging pangalawang Adan si Jesus sa sangkatauhan, subalit mula sa anong dako siya kumikilos bilang Ama ng sangkatauhan?
9 Kaya, may sakdal na pagkakatimbang ng mahalagang mga bagay na ito. Ang isa na nakagawa ng “isang pagsuway” ay ang unang tao sa lupa, si Adan. Ang “isang gawa ng katuwiran” ay isinagawa ng isa pang sakdal na tao, si Jesus. Ito’y nagpahintulot sa kaniya na maging ang “Walang-hanggang Ama” ng mga inapo ng nagkasalang si Adan. Sa ganitong paraan siya ang nagiging ikalawang Adan sa sambahayan ng tao. Ang hain ng kaniyang sakdal buhay tao at ang paghaharap ng karapatan-sa-buhay na iyan ng tao sa Dakilang Hukom sa langit ang gumawang imposible para sa kaniya na maglingkod dito sa lupa bilang isang walang-hanggang ama ng sangkatauhan. Nang siya’y buhaying-muli mula sa mga patay, siya ay nagbalik sa espiritung dako at itinaas sa kanang kamay ng Tagabuhay na mag-uli. Kaya ganito ang sinasabi: “Gaya ng nasusulat: ‘Ang unang taong si Adan ay naging isang kaluluwang buháy.’ Ang huling Adan ay naging isang espiritung nagbibigay-buhay.” (1 Corinto 15:45) Bibigyan ito ng bago, mapagkupkop na Ama ng sangkatauhan ng posibleng pinakamabuting pasimula sa buhay.
Ang Unang mga Nilikhang Tao na Magiging mga Anak
10. Sino ang unang mga nilikhang tao na magiging anak ng mapagkupkop na Amang ito?
10 Ipakikita ng “Walang-hanggang Ama,” si Jesu-Kristo na Hari, kung sino ang magiging unang mga anak niya. Papaano? Sa pamamagitan ng pagliligtas sa “malaking kapighatian” ng nag-alay na mga buhay ng angaw-angaw na ngayo’y nabubuhay. Sila ang “malaking pulutong” ng “ibang tupa.”—Apocalipsis 7:9, 14.
11. Anong makalupang mga pagkakataon ang nasa unahan ng tulad-tupang makaliligtas sa “malaking kapighatian”?
11 Walang kaparis ang makalupang pagkakataon na nasa harapan ng “malaking pulutong” pagkaraan ng “malaking kapighatian.” Inilarawan bilang bahagi ng “tanda” ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” na ito, ang makasagisag na mga kambing sa talinghaga ni Jesus ay lilipulin sa lupang ito, na mangangahulugan ng walang-hanggang pagkapuksa para sa kanila. Subalit hindi gayon kung tungkol sa “malaking pulutong” ng tulad-tupang mga tao na maibigin at matapat na gumawa ng mabuti sa nalabi ng espirituwal na “mga kapatid” ni Kristo na nasa lupa pa. (Mateo 25:31-46) Gagawing posible ng pagkaligtas na iyon ng mga “tupa” sa kabilang panig ng “malaking kapighatian” at hanggang sa Milenyong Paghahari ng inihulang “Prinsipe ng Kapayapaan” para sa mga makaliligtas na pumasok sa mga pagpapala ng Kaharian. Sila ang magiging makalupang mga sakop ng “Prinsipe ng Kapayapaan.”
12. Anong mga salita ni Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli ang nagpapahiwatig na ang walang-hanggang buhay ay nakalaan doon sa papasok sa makalupang sakop ng Kaharian?
12 Sa panahong iyon ang mga salita na binanggit ni Jesus bago niya binuhay si Lazaro mula sa mga patay ay matutupad doon sa mga papasok sa makalupang sakop ng Kaharian. Sabi niya: “Ako ang pagkabuhay na muli at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagaman siya’y mamatay, ay mabubuhay; at ang bawat nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman.” (Juan 11:25, 26) Dahilan sa kanilang pagsunod sa kaniya, tatamuhin nila ang sakdal na buhay tao sa makalupang sakop ng Hari. Kahit na ang may simpatiyang manggagawa ng masama na namatay katabi ni Jesus sa Kalbaryo ay bibigyan ng pagkakataon na pumasok sa Paraiso. (Lucas 23:43) Pangangatawanan ni Jesus ang lahat ng ipinahihiwatig ng kaniyang pangalang “Walang-hanggang Ama.”
Ang Maligayang Hinaharap Para sa mga Patay
13. Sinong tanyag na mga tao noong sinaunang panahon ang makikita sa makalupang sakop ng Kaharian na gagawing posible ng pagkabuhay-muli ng mga patay na tao?
13 Sinabi ni Jesus, ang pinakabantog na inapo ni Abraham, na ang ninunong ito, ang kaniyang anak na si Isaac, at ang kaniyang apong si Jacob ay makikita sa makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 22:31, 32) Ito’y magiging posible sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Gaya ng sinabi ni Jesus, lahat ng mga taong namatay na nasa alaalang mga libingan ay maririnig ang tinig ng Anak ng Diyos at magsisilabas. Ang kanilang kinabukasan pagkatapos niyan ay depende sa landasin ng pagkilos na kukunin nila.—Juan 5:28, 29; Apocalipsis 20:12-15.
14. Ano ang kailangang gawing patiuna alang-alang sa mga nakahanay para sa makalupang pagkabuhay-muli, at sinu-sino ang unang makikibahagi sa mga paghahandang ito?
14 Katakut-takot na mga paghahanda ang kinakailangang gawin para sa mga taong ibabangon mula sa libingan tungo sa buhay sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng “Walang-hanggang Ama.” Ang mga paghahandang ito ay kailangan munang isagawa ng mga makaliligtas sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Kung gaano karami ang “malaking pulutong” ng “ibang tupa” ng “Prinsipe ng Kapayapaan” sa panahong iyon ay hindi natin alam, subalit magkakaroon ng sapat para sa atas o gawaing iyon.
15. Ang marami ay maglilingkod sa anong pantanging kakayahan sa ilalim ng mapagkupkop na Ama ng sangkatauhan?
15 Ang Awit 45 ay ipinatutungkol sa “Prinsipe ng Kapayapaan” na ito bilang Hari, at yamang siya ang magiging “Walang-hanggang Ama” ng sangkatauhan, ang awit na ito ay nagsasabi tungkol sa kaniya: “Sa halip ng iyong mga ninuno ay magiging iyong mga anak, na siya mong gagawing mga prinsipe sa buong lupa.” (Awit 45:16) Subalit bago pa buhaying-muli ang tapat na “mga ninuno” na iyon, ang mga lalaking membro ng “malaking pulutong” ng mga makaliligtas sa Armagedon ay hihirangin sa gayong makaprinsipeng tungkulin. Libu-libo sa mga makaliligtas na ito sa Armagedon ay naglilingkod na bilang mga matatanda sa mahigit na 49,000 mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, pinangangasiwaan ang espirituwal na mga kapakanan ng kani-kanilang mga kongregasyon.
16. (a) Sa ilalim ng makaprinsipeng pangangasiwa, ang mga makaliligtas sa Armagedon ay maglilingkod sa anong gawain? (b) Anong mga katanungan ang bumabangon kung tungkol sa pagkakasunud-sunod ng bubuhaying-muling mga patay?
16 Sa ilalim ng makaprinsipeng pangangasiwa, ang mga makaliligtas sa Armagedon ay maglilingkod na may masigasig na pakikipagtulungan. Kung anong mga instruksiyon o tagubilin ang tatanggapin ng “mga prinsipe sa buong lupa” mula sa makalangit na “Prinsipe ng Kapayapaan” ay saka natin malalaman, na nagbibigay ng kapana-panabik na karanasan para sa lahat ng kanilang mga kapuwa makaliligtas sa Armagedon. Isip-isipin ang lahat ng mga kasuotang kinakailangang ihanda upang damtan ng angkop na kasuotan ang bubuhaying-muling mga patay! Isip-isipin ang lahat ng mga panustos na pagkain na kinakailangang ilaan o iimbak! Ang mga tirahan ay kinakailangan ding ihanda. Anong kapana-panabik na panahon iyon para sa lahat ng nakikibahagi sa gawaing paghahanda na ito! Sino kaya ang unang bubuhaying-muli? Una kayang bubuhaying-muli yaong mga nangamatay na huli at sa paatras na pagkakasunud-sunod ng pagtungo nila sa alaalang mga libingan? Ang mga martir kayang sina Abel at Enoc, na kinuha ng Diyos, gayundin sina Noe, Abraham, Isaac, Jacob, at lahat ng tapat na mga propeta, ay pantanging gagantimpalaan sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kanila nang una?
17. Sino ang titiyak sa pagkakasunud-sunod ng pagbuhay-muli sa mga patay sa lupa, at anong inihulang titulo tungkol sa kaniya ang nagpapahiwatig ng kaniyang kakayahan na hawakan ang kaniyang mga pananagutan?
17 Nalalaman at titiyakin ito ng “Prinsipe ng Kapayapaan.” At siya ay magkakaroon ng ganap na kakayahan sa mga pananagutan niya bilang ang bagong Ama ng tinubos na sangkatauhan. Isa pa sa inihulang titulo niya ang “Makapangyarihang Diyos.” Iyan ay nangangahulugan na siya ay magiging makapangyarihan, Isa na malakas. Ang pagpapatunay ng kaniyang pagka-Diyos ay magiging makapangyarihan sapagkat kaniyang bubuhaying-muli ang lahat ng tinubos na mga patay, aalalahanin ang kanilang indibiduwal na mga pangalan at ang kanilang mga personalidad. (Juan 5:28, 29; Gawa 10:42) Kayang-kaya niyang alisin ang lahat ng pinsala na ginawa ni Satanas na Diyablo sa loob ng nakalipas na 6,000 mga taon na pag-iral ng tao.
18. (a) Paano inalis ang pangangailangan kay Adan upang maging ninuno ni Jesu-Kristo? (b) Paanong si Jesus ay pinangyaring maging ang ikalawang ama ng mga anak ni Adan?
18 Ipinamana ng unang Adan ang kahatulan ng kamatayan sa lahat niyang mga anak. Si Adan ba ay naging ninuno ng taong si Jesu-Kristo? Hindi, si Jesus ay walang amang tao kundi siya’y ipinanganak ng isang birhen na dinala sa kaniyang sinapupunan ang puwersa-ng-buhay ni Jesus na inilipat ng Diyos mula sa espiritung dako. Kaya ang makasalang si Adan ay hindi naging ninuno ng makalupang Anak na iyon ng Diyos. Gayunman, ang ikalawang Adan ay naging isang espiritung nagbibigay-buhay. Sa kakayahang ito maaari niyang tuparin ang hula ni Isaias at maging ang “Walang-hanggang Ama” sa mga anak ng unang Adan, na kaniyang binibiling-muli at inaampon sa layunin na pagkalooban sila ng sakdal buhay tao sa isang lupang paraiso.
19. Ano ang magiging bagong kaugnayan ng Diyos na Jehova sa lahi ng tao, at anong pakana ni Satanas na Diyablo sa gayon ang mabibigo?
19 Sa gayong paraan ang makalangit na Ama ni Jesu-Kristo ay magiging makalangit na Lolo ng isinauling sambahayan ng tao. Sa kadahilanang ito ang sambahayan ng tao ay papasok sa isang bagong kaugnayan sa Maylikha ng langit at ng lupa. Malayong mangyari na si Jehova ay mabibigo sa kaniyang orihinal na layunin. Kaya bibiguin ni Jehova ang mapanira, masamang pakana ni Satanas na Diyablo. Malalaman ng lahat ng binili-muling sambahayan ng tao ang bagay na ito. Magiging anong kamangha-manghang araw nga iyon kapag ginampanan ni Jesu-Kristo ang pagkaama sa sambahayan ng tao upang arugain ang sangkatauhan sa Paraiso na isinauli sa lupa!