Ano ang Sanhi ng Problema?
“ANG mga bansa ay nasasangkot sa isang geopulitikal na sagupaan ng kung sino ang unang susuko,” ulat ng The New York Times maaga ng taóng ito. Pinayagan ng Estados Unidos ang dolyar nito na bumaba nang bumaba kung ihahambing sa yen ng Haponés at sa mark ng Aleman dahil sa tumataas pang depisit sa kalakal. Kaya ang ulat ng Times ay nagpapatuloy: “Sinisikap ng bawat isa na pilitin ang iba na baguhin ang lokal na patakaran nito . . . [upang] gawing mas timbang ang pangangalakal.”
Bakit ang lumiliit na halaga ng dolyar ay hindi nagdala ng inaasahang pagsulong o pagbuti sa internasyonal na mga kaugnayan sa pangangalakal? Ano ang nagpapangyari sa Estados Unidos na patuloy na magtala ng gayon kalaking depisit sa kalakal? At bakit patuloy na tinatamasa ng mga bansang gaya ng Hapón at Kanlurang Alemanya ang dumaraming sobrang paninda laban sa Estados Unidos sa kabila ng tumataas na halaga ng kanilang pera?
Ito ang mga suliranin na sinisikap na mabuti na lutasin ng kilalang mga ekonomista sa buong daigdig. Sa anumang kaso, maliwanag na mayroon pang higit sa paglutas sa mga pighati ng pangangalakal ng daigdig kaysa pagbabago lamang sa halaga ng dolyar. Samantala, ang mga paratang at kontraparatang sa pagitan ng mga kasosyo sa pangangalakal ay umabot na sa maigting na kalagayan sa pulitikal at pangkabuhayang paraan.
Dumaraming Alitan sa Pangangalakal
Halimbawa, maraming tao sa Estados Unidos ang nakadarama na bagaman binuksan ng Estados Unidos ang mga pamilihan nito sa pangangalakal sa ibang bansa, ang ibang bansa—ang Hapón at, sa mas mababang antas, ang Kanlurang Alemanya at ang iba pa,—ay hindi tumugon. Sa halip, sabi nila, ang mga bansang ito ay gumamit ng hindi makatuwirang mga gawain sa pangangalakal upang itaguyod ang iniluluwas na kalakal at pangalagaan ang kanila mismong pamilihan buhat sa inaangkat na mga kalakal. Bunga nito, inaakala nila, na nawawala ang mga trabaho sa E.U. at ang mga kabuhayan ay nasisira. Ito ay lumikha ng hindi mumunting alitan, kapootan pa nga, sa pagitan ng Estados Unidos at ng kaniyang mga kasosyo sa pangangalakal.
At nariyan pa ang reklamo na binabayaran ng mga kompaniyang Haponés ang kanilang mga manggagawa ng mababang sahod, kung ihahambing sa mga manggagawa sa E.U., anupa’t kaya nilang ibaba ang kanilang presyo kaysa kanilang mga kakompetensiya sa ibang bansa. Sa kabilang dako, upang makapasok sa pamilihang Haponés, dapat pakitunguhan ng banyagang mga kompaniya ang tradisyunal at personal na mga kaugalian sa pangangalakal, ang masalimuot na sistema ng pamamahagi at buwis, ang magaling na mga pamantayan, ang hadlang sa wika, ang naiibigan at hindi naiibigan ng mga Haponés, at ang pag-aatubili na tanggapin ang mga paninda ng ibang bansa. Lahat ng ito, sabi ng mga negosyanteng banyaga, ay nag-iiwan sa kanila sa malaking disbentaha.
Ang gayong mga karaingan ay iniharap ng kalihim ng komersiyo ng E.U., si Malcolm Baldridge, nang sabihin niya sa isang talumpati sa isang lupon ng kilalang mga negosyanteng Haponés sa Tokyo: “Ang Hapón ay hindi maaaring patuloy na makipagkalakalan sa mga kasosyo nito sa pangangalakal salig sa dumaraming kalakal na iniluluwas at mabagal o hindi nagbabago sa pag-aangkat ng mga kalakal. Sa halos anumang paraan, ang Hapón ay may malaking kapangyarihan sa daigdig ng kabuhayan subalit hindi binabalikat ang pananagutan na kaagapay ng kapangyarihang iyon.”
Ang mga Ganting-paratang
Itinuturo naman ng mga negosyanteng Haponés, sa kabilang dako, ang pakinabang-agad na kaisipan ng kaniyang katulad na mga negosyante sa E.U. Samantalang ang isang Haponés ay handang sundin ang isang pangmatagalang pangmalas, ang isang negosyante sa E.U. ay kailangang kumita agad upang masapatan ang kaniyang mga aksiyonista (stockholders). Halimbawa, noong 1970 kapuwa ang mga kompaniya ng E.U. at Haponés ay pumasok sa magastos na pananaliksik sa kung paano gagamitin ang laser sa pagpapatugtog ng mga plaka ng musika at sa paggawa ng mga pelikula. Hindi nagtagal, ang mga kompaniya sa E.U. ay umalis dahilan sa kakulangan ng mga resulta. Gayunman, isang kompaniyang Haponés ang nagpatuloy at naging pangunahing puwersa sa bilyon-dolyar na negosyo ng digital compact disc.
Isang mahalagang salik sa hindi pagkakatimbang ng kalakal, sang-ayon sa mga Haponés, ay sapagkat ang kanilang lipunan ay mahilig sa pag-iimpok, samantalang ang lipunan ng E.U. ay mahilig sa pagkunsumo. Sa katamtaman, ang mga Haponés ay nag-iimpok nang apat na beses na mas marami kaysa mga Amerikano, at ang kanilang kabuuang naimpok ay mahigit 30 porsiyento ng kanilang kabuuang produktong pambansa.
Karaniwan na, inaakala ng mga Haponés na ang kanilang pagiging mabili ay nakasalalay, hindi sa mas mababang halaga ng produksiyon, kundi sa mas mataas na produksiyon at mas mahusay na pagpapalakad. Isang Amerikanong nagmamasid ang nagsasabi na “ang produksiyon ng manggagawa sa limang pinakamalalaking kompaniya ng bakal sa Amerika, halimbawa, ay halos mas mababa ng tatlong ulit sa mga manggagawang Haponés. Iyan ay nangangahulugan na kung ang sahod sa dalawang bansa ay magkapareho, hindi pa rin ito maaaring makipagkompetensiya sa mga Haponés sa isang pamilihan na may malayang kompetisyon (free market). At sa bagay na iyan, hindi rin maaaring makipagkompetensiya ang mga Amerikanong manggagawa ng awto.”
Kung tungkol naman sa paratang na tinatanggihan nila ang pag-aangkat ng mga paninda ng ibang bansa, inaakala ng mga Haponés na ito ay hindi totoo. Sinasabi nila na sa tuwina’y tinatanggap nila ang inangkat na mga paninda basta ba iaangkop ng mga manggagawang banyaga ang kanilang mga produkto sa panlasa ng mga Haponés. Halimbawa, muling idinisenyo ng isang manggagawa ng laruan ng E.U. ang isang manika, ginagawan ito ng mas maliit na katawan, mas maikling mga paa, at matingkad-kayumangging mga mata. Ito’y nagbenta ng milyun-milyon. Gayundin naman, isang kompaniya ng soft-drink sa E.U. ang kumita ng 60 porsiyento sa pamilihan ng mga soft-drink sa Hapón sa paggawa sa soft-drink nito na mas matamis—kung ano ang naiibigan ng mga Haponés. Ang mga kompaniyang banyaga na gumagamit ng gayong mga estratehiya sa pagbibili ay naging lubhang matagumpay.
Ang iba pa nga sa Hapón ay nag-aakala na ang buong ideya tungkol sa kalugihan sa pangangalakal ay pinalalaki ng Estados Unidos upang alisin ang sisi sa kanilang sariling mahinang paggawa. Yamang ang populasyon ng Hapón ay kalahati lamang ng populasyon ng Estados Unidos, sinasabi nila, na malamang na hindi makukunsumo ng mga Haponés ang kasindami ng mga panindang galing sa E.U. na gaya ng makukunsumong mga panindang Haponés ng mga Amerikano. Higit pa riyan, inaakala nila na ang bilang na kadalasang sinisipi ay nakalilito sapagkat hindi nito isinasama ang halaga ng mga paninda at mga paglilingkod na ibinibenta ng mga kompaniya sa Hapón na pag-aari o kontrolado ng E.U. Isang kompaniyang kinukunsulta ay nag-uulat na mayroong 3,000 gayong mga negosyo sa Hapón, at na noong 1984 ang nangungunang 300 sa kanila ay nagbili ng 44 na bilyong dolyar na halaga ng mga produkto sa Hapón.
Ang paglilipat na ito ng negosyo ng E.U. sa ibang bansa upang samantalahin ang murang paggawa o trabaho ay nagpapalala sa hindi pagkakatimbang sa kalakal. Parami nang parami, ang mga TV, computer, kotse, at iba pang produkto na may etiketang E.U. ang ginagawa sa Hapón, Mexico, Taiwan, at sa ibang dako, at ang mga ito ay ipinagbibili sa pamilihan sa E.U. Ito’y hindi lamang nangangahulugan ng kawalan ng mga trabaho sa E.U., sabi ng mga Haponés, kundi ng mataas ding bilang ng mga “inangkat na kalakal.”
Kaya wari ngang ang bawat panig ay may makatuwirang dahilan para magreklamo laban sa isa o bigyang-matuwid ang sarili nitong mga kilos. Gayunman, samantalang ang gayong mga paratang at ganting-paratang ay patuloy na pumapailanglang, kaunti lamang ang palatandaan na ang labanan sa pangangalakal, o ang hindi pagkakatimbang sa kálakalán, ay humuhupa. Marahil tinitingnan lamang ng mga bansa ang mga sintomas. Ang tunay na sanhi ng maigting na mga kaugnayan sa pangangalakal ay mas malalim ang pagkakaugat.
Ang Tunay na Dahilan?
Ipagpalagay nang mas maraming paninda ang dadaloy mula sa isang estado tungo sa iba pang estado sa Estados Unidos o mula sa isang distrito tungo sa iba pang distrito sa Hapón. Lilikha ba iyan ng isang labanan sa pangangalakal o isang krisis sa kabuhayan? Hindi. Ito’y dahilan sa ang mga mamimili ay hindi nag-iintindi kung saan nanggagaling ang mga produkto basta ba nakukuha nila ang mahusay na uri sa mababang halaga. Ano, kung gayon, ang gumagawa ng kaibahan pagdating sa internasyonal na pangangalakal?
“Nasyonalismong pangkabuhayan” ang tawag dito ng Asahi Shimbun, isang pangunahing pahayagang Haponés. Sa halip na mabahala tungkol sa kalusugan ng kabuhayan ng daigdig, ang bawat bansa ay pangunahin nang nababahala sa sarili nitong kapakanan. “Ang pagkaunawang Haponés na tanging ang mga produktong yari sa Hapón ang mataas ang uri . . . ay malalim ang pagkakaugat at pundamental,” sabi ng hepe ng American Telephone and Telegraph International sa Tokyo. Gayundin ang masasabi sa mga Amerikano, mga Aleman, mga Britano, at iba pang tao. Ang mga bansa ay nababaha-bahagi sa maraming paraan.
Sa katunayan, ang mga suliranin sa pangangalakal at ang lumiliit na halaga ng dolyar ay mga sintomas ng isang sistema na sinasalot ng digmaan, karahasan, nasyonalismo, masakim na ambisyon, at, higit sa lahat, ng kawalang pag-asa. Mayroon bang sinuman na makapag-aalis sa daigdig ng mahirap na mga sagabal na ito at ipanumbalik ang kalusugan hindi lamang sa kabuhayan ng daigdig kundi sa bawat aspekto rin naman ng ating buhay?
[Larawan sa pahina 7]
Maaari kayang ang mas maraming produksiyon ng mga manggagawang Haponés ay nagpapangyari ng kalugihan o depisit sa pangangalakal sa Hapón?