Labanan sa Pangangalakal—Kung Paano Ka Naaapektuhan Nito
ISANG misyonerong Amerikano sa Hapón ang tumanggap ng $2,000 mula sa kaniyang ina noong Nobyembre 1985 para sa isang bakasyon sa kanilang tahanan sa susunod na tag-araw. Kung ipinagpalit niya kaagad ang pera, tumanggap sana siya ng 400,000 yen, sa palitan ng pera na 200 yen sa isang dolyar. Sa halip, nagpasiya siyang maghintay hanggang sa siya ay handa nang bumili ng kaniyang tiket sa eruplano noong Hulyo 1986. Nang panahong iyon ang halaga ng palitan ay bumaba sa 160 yen sa isang dolyar, ang kaniyang pera ay nagkakahalaga lamang ng 320,000 yen. Naiwala niya ang 80,000 yen (halos $500, U.S.) sa pagtatabi ng kaniyang pera sa loob ng ilang buwan. Kung ano sana ang sapat para sa pamasahe niya at ng kaniyang asawa ay kinapos.
Hindi lamang ang internasyonal na mga manlalakbay ang apektado ng lumiliit na halaga ng dolyar ng E.U. Kung ikaw ay nakabili ng anumang paninda na inangkat mula sa Hapón o sa Kanlurang Europa kamakailan, malamang na nadama mo rin ang problema. Ipinakikita ng mga surbey na ang halaga ng inangkat na mga kotse, kamera, relo, at kahit na ang mga alak at mga keso, ay tumaas saanman mula sa 10 hanggang sa 20 porsiyento kaysa noong nakaraang taon. Halimbawa, ang isang magaling na kamerang yari sa Hapón na nabibili ng $400 noong Oktubre 1985, ay naibibenta ng $450 noong Hunyo 1986, isang 12.5 porsiyentong pagtaas. “Ang karagdagang pagbabago sa halaga ng palitan ay malamang na magbunga ng higit pang pagtaas ng halaga kaysa nakikita nating nangyayari sa ngayon,” sabi ng isang nagsusuri sa kalagayan ng pananalapi sa E.U.
Ang mas mataas na halaga sa mga mamimili ay isa lamang bahagi ng larawan. Ang mga industriya sa Hapón at sa Kanlurang Alemanya ay lubhang nahihirapan sa pagbaligtad ng kabuhayan o ekonomiya. Kahit na ang halaga ng kamerang iyon ay tumaas mula sa $400 tungo sa $450 sa perang Amerikano sa loob ng ilang buwan, sa katunayan ang halaga nito ay bumagsak mula sa 98,000 yen tungo sa 78,000 yen sa perang Hapón. Kaya, iniulat na isa sa pinakamalaking tagagawa ng elektrikal na mga gamit sa Hapón ay nalulugi ng $30 milyon sa tuwing bumababa ng isang yen ang dolyar. Ang epekto ay gayundin sa awto, bakal, tela, at iba pang mga kalakal na dumidepende sa iniluluwas na kalakal.
Upang manatiling mabili ang mga dambuhala sa industriya ay lubhang nagbawas ng halaga at pakinabang. Ang mas maliit na mga kompaniya na hindi kayang dalhin ang kawalan ay nabangkarote. Ang Mainichi Shimbun, ang nangungunang pahayagan ng Tokyo, ay nag-ulat na 292 mga kompaniya ang bumagsak sa pagitan ng Oktubre 1985 at Agosto 1986. Bunga nito, ang mga manggagawang Haponés ay tumanggap ng pinakamababang pagtaas ng sahod noong nakaraang taon sa loob ng 31 taon—isang katamtamang 4.5 porsiyento. At ang mga walang trabaho ay umabot sa 2.9 porsiyento ng mga manggagawa, ang pinakamataas mula noong 1953. Ikinatatakot na ang bilang “ay baka lumala pa tungo sa 7%-8%,” sang-ayon sa tagapangulo ng Japan Federation of Employers’ Associations.
Resulta ng Hindi Timbang na Kálakalán
Subalit bakit lumiit ang halaga ng dolyar? Sa maikling sabi, ito’y dahilan sa labanan sa pangangalakal sa napakahigpit ang kompetisyon na daigdig ng internasyonal na negosyo. Nagawa ng ibang bansa na magluwas ng mas maraming paninda kaysa kanilang inaangkat, na nagbubunga ng isang sobrang paninda (trade surplus). Ang Canada, halimbawa, ay may taunang sobrang paninda na $18.6 bilyon, at ang Hapón ay nagluwas ng mga panindang nagkakahalaga ng $82.7 bilyon na higit kaysa panindang inangkat nito noong 1986.
Sa kabilang panig, ang mga bansang kagaya ng Estados Unidos ay nag-aangkat ngayon ng mas maraming paninda kaysa iniluluwas nila. Madaling maunawaan kung ano ang ginagawa ng kalagayang ito sa ekonomiya ng bansa. Ang resultang depisit o kalugihan sa kalakal ay lumilikha ng maselan na mga suliranin sa kawalan ng trabaho at lumilikha ng matinding dagok sa katatagan ng kabuhayan nito.
Natatalos na ang kabuhayan ng daigdig ay lubhang dumidepende sa katatagan ng ekonomiya ng E.U., ang mga ministro sa kabuhayan at maimpluwensiyang mga tao sa daigdig ng pagbabangko sa limang nangungunang industriyal na mga bansa ay nagtipon noong Setyembre 1985 at sumang-ayon na ibaba ang halaga ng dolyar ng E.U. kung ihahambing sa pangunahing mga pera ng daigdig. Ang ideya ay na dahil sa mas mababang halaga ng dolyar, ang mga panindang galing sa Estados Unidos ay magiging mas mura at mas mabili sa ibang bansa. Pasisiglahin nito ang kalakal na iniluluwas ng E.U. Sa Amerika, ang kahilingan sa mga panindang inangkat ay hihina, yamang ang mga ito ngayon ay magiging mas mahal. Ang pangwakas na resulta, mangyari pa, ay bawasan ang depisit o kalugihan sa kalakal ng E.U.
Sapol nang simulan ang plano, ang halaga ng dolyar ng E.U. ay bumaba ng halos 20 porsiyento kung ihahambing sa mark, yen, franc, at iba pang pangunahing pananalapi. Subalit napagtagumpayan ba nito ang hindi pagkakatimbang sa pangangalakal? “Sa kabila ng mga pagbabago sa halaga ng palitan, ang dalawahang-panig (bilateral) na depisit o kalugihan sa pangangalakal ay hindi mababawasan sa taóng ito,” sabi ni Malcolm Baldridge, kalihim ng komersiyo ng E.U., sa isang talumpati sa mga lider ng negosyo at pamahalaan ng Hapón noong nakaraang taon.
Oo, ang mga panindang inangkat ay patuloy na magiging kaakit-akit sa mga mamimili sa E.U. na gaya ng dati. Ipinakikita ng mga report na halos kasindami ng mga awtong yari sa Hapón, halimbawa, ang inangkat ng Estados Unidos noong 1986 na gaya noong 1985. Yamang ang presyo ng bawat awto ay tumaas, subalit ang kabuuang bilang ng inangkat na awto ay nanatiling halos pareho, ang pangwakas na resulta ay na ang halaga sa dolyar ng mga inangkat ay patuloy na tumataas sa halip na bumaba. Ang depisit o kalugihan sa kalakal ng E.U. ay lumukso mula sa kabuuang $118 bilyon noong 1985 tungo sa napakataas na $175 bilyon noong 1986, halos sangkatlo ng pagkalaki-laking kalugihang ito ay sa pangangalakal sa Hapón!
Ang nangyayari sa Hapón at sa Estados Unidos ay siya ring nangyayari sa iba pang dako. Ang labanan sa pangangalakal ay nakaaapekto sa ating lahat. Ano ang sanhi nito? Ano ang magagawa rito? At mayroon bang namamalaging lunas?
[Larawan sa pahina 3]
Bakit ang halaga ng isang magaling na kamerang Haponés ay tumaas mula $400 tungo sa $450 sa pera ng E.U. sa loob lamang ng ilang buwan?