Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 11/22 p. 10-13
  • Mag-ingat! Mga Espiya sa Palibot!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mag-ingat! Mga Espiya sa Palibot!
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Balik sa Sistema ng Pag-iispiya
  • Mula sa Panahon ng Pag-iispiya
  • Kasakiman sa Salapi
  • Wala Nang mga Kasinungalingan, Wala Nang mga Espiya
  • Tiktik
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Itinago ni Rahab ang mga Tiktik
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
  • Ang Labindalawang Espiya
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Ang 12 Tiktik
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 11/22 p. 10-13

Mag-ingat! Mga Espiya sa Palibot!

BATID ng babae na ang kaniyang asawa ay isang espiya. Ipinapasa ng lalaki ang impormasyon sa isang banyagang kapangyarihan sa loob ng mga ilang taon. Ipinagmamayabang pa nga niya sa babae ang tungkol dito. Dapat kaya siyang magtungo sa mga pulis o manatiling tahimik? Ano ang gagawin mo sa ilalim ng gayong mga kalagayan? Ang katapatan ba sa simulain o sa iyong pamilya ang mangingibabaw? Kumusta naman ang tungkol sa takot sa iskandalo? Sa wakas, ipinagbigay-alam ng babae sa mga awtoridad. Subalit siya ay nagulat sa kaniyang nalaman.

Ang nabanggit ay isa sa napakaraming mga kuwento tungkol sa espiya na napalathala sa mga ulong balita kamakailan. Marahil ay magugunita mo ang sumusunod:

Norway, Enero 1984: Isang mataas na diplomatikong Norwego ang inaresto at pinaratangan ng pagpapasa ng lubhang sensitibong mga dokumento sa isang banyagang kapangyarihan.

India, Enero 1985: Mga opisyal ng gobyerno at mga negosyante ay pinigilan batay sa mga paratang na paglabag sa Official Secrets Act.

Pederal na Republika ng Alemanya, tag-araw ng 1985: Ilang pinaghihinalaang mga sekreta, pati na ang isang hepe ng kontra-espiya, ang umalis sa pangkat at sumanib sa German Democratic Republic.

Rusya at Britaniya, Setyembre 1985: Ang bawat bansa ay nagpaalis ng 31 mga diplomatiko, mga peryudista, at komersiyal na mga empleado ng kabilang bansa, na marami rito ay pinaratangan ng pag-iispiya.

Switzerland, Disyembre 1986: Mag-asawang pinaratangan ng pag-iispiya.

Pransiya, Marso 1987: Mga membro ng magkakaugnay na mga pangkat ng espiya ang inaresto sa hinalang pagbibigay ng lihim na impormasyon tungkol sa sentro sa kalawakan sa isang banyagang kapangyarihan.

Estados Unidos, Abril 1987: Mga Marine guard ng E.U. ay pinabalik mula sa Rusya, Austria, at Brazil para sa imbestigasyon tungkol sa mga paratang na pag-iispiya.

Binabaha ng mga report na gaya nito, marahil ikaw ay naiiwang hinuhulaan ang mga terminong gaya ng “moles” at “kontra-espiya.” Mayroon nga bang mas maraming espiya ngayon o mas marami lamang sa kanila ang nahuhuli? Personal na maapektuhan ka kaya nito? Maaaring makagulat sa iyo na malaman kung gaano nga sa daigdig ng pag-iispiya ang nakaaapekto sa iyong buhay.

Balik sa Sistema ng Pag-iispiya

Ang pagsilip sa nakalipas ay nagtuturo sa atin sa isang matagal nang pagsusosyo: ng pulitika at militar. Binibigyan-katuturan ng diksiyunaryong Webster ang pag-iispiya bilang “pag-iispiya sa pantanging mga sekreta ng bayan ng isang banyagang bansa o sa kanilang mga gawain o proyekto . . . ang pagtitipon ng [gayong] impormasyon . . . para sa pulitikal o militar na mga gamit.”

Kabilang sa pinakaunang nag-organisa ng paniniktik ay ang mga Ehipsiyo. Ginamit ni Haring Thutmose III ang mga espiya upang maglusot ng 200 mga sundalo, na nasa loob ng tinahing mga sako ng arina, sa lunsod ng Jaffa. Noong mga 400 B.C.E., ang Intsik na si Sun Tzu ay sumulat ng isang aklat na tinawag na Ping Fa (Ang Sining ng Digmaan), kung saan idiniin niya ang kahalagahan ng mahusay na organisasyon ng paniniktik. Noong ika-15 siglo, ginamit ng mga bansang Europeo ang kanilang mga embahada sa banyagang mga kabisera para sa pag-iispiya. Ang diplomasya at pag-iispiya ay magkasamang kumalat sa ibayo ng mga hangganang Europeo. Pinaganda sa ngalan ng nasyonalismo, ang diplomasya at pag-iispiya ay lalong naging malapit sa isa’t isa.

Ang nasyonalismo ay lumaganap sa Europa at kasabay nito ang pangangailangan para sa mga hukbo, mga diplomatiko, at mga sekreta. Gumawa ng mga pamamaraan sa paggawa at pagsira ng mga kodigo. Ang pag-iispiya (pagtitipon at pagsusuri ng mga impormasyon) at kontra-espiya (paghadlang sa iba mula sa pagkuha ng lihim na impormasyon) ay naging magkahiwalay na bahagi ng sistema ng pag-iispiya. Si Cardinal de Richelieu (Pransiya) at si Federikong Dakila (Prussia) ay nag-organisa ng kilalang mga sistema sa pag-iispiya. Ang mga sangay ng pag-iispiya sa Britaniya ay minsan pang inorganisa ni Daniel Defoe, awtor ng Robinson Crusoe.

Gayunman, lahat ng mga pag-unlad ay pinawalang-saysay ng isang malaking hadlang: ang komunikasyon. Ang mga sekreta ay umaasa sa mga barko, kabayo, o mga kalapating nagdadala ng mensahe upang ihatid ang mga mensahe. Ang kalabang mga hukbo ay maaari pa ring magtipun-tipon nang malapit sa isa’t isa nang hindi nalalaman ito. Noong 1815 si Napoleon ay nakagawa ng maling mga konklusyon tungkol sa mga kilos ng mga hukbo ng kaaway mga ilang kilometro lamang ang layo. Natalo siya sa Waterloo at naiwala niya ang isang imperyo. Ang pag-iispiya ay binago nang dakong huli sa pamamagitan ng teknolohiya ng ating dantaon.

Mula sa Panahon ng Pag-iispiya

Ang dantaon na ito ng pag-aalitan ay nagbigay ng bagong mga hamon sa pag-iispiya. Mga sanga ng pag-iispiya ang lumaganap sa isang kapaligiran ng kawalang-tiwala. “Takot ang pinaka-buhay ng negosyo ng pag-iispiya,” sabi ng lingguhang babasahing Aleman na Der Spiegel. “Mientras mas mabuway ang kalagayan sa daigdig, nagiging mas tiwasay ang [pag-iispiya] bilang isang propesyon.” Bunga nito, “walang bansa sa lupa ang naniniwala na maaari itong magtagal nang walang pag-iispiya.” Ang pag-iispiya ay nabubuhay sa paghihinala at pinalalaganap ito; kaya ang napakaraming larangan sa pag-iispiya: estratihiko (nangangailangan ng magagaling na mga tagaplano), militar (hukbong sandatahan, hukbong pandagat, at hukbong panghimpapawid), ekonomiya, siyentipiko, heograpiko, at iba pa. Ang bawat isa ay nagdaragdag ng kaniyang bahagi sa palaisipan.

Tunay na pinalawak nga ng paniniktik ang mga sakop nito. Dati, ang karamihan ng lihim na mga impormasyon ay nasusumpungan sa kahabaan ng mga pasilyo ng pulitikal na kapangyarihan o sa loob ng mga kampong militar. Gayunman, ang pinagmumulan ng pambansang mga lihim ay lalong malawak ang pinagbabatayan. Bakit gayon?

Ang pagtatalaksan ng napakaraming sandata mula noong Digmaang Pandaigdig II ay nangangahulugan na ang ilang mga bansa ay gumagawa ng sopistikadong mga sandata. Subalit ang bansa na mayroon ding teknolohiya na gumawa ng napakabilis na mga disisyon o ang kakayahang itutok nang eksakto ang mga bomba nito ay maliwanag na siyang panalo. Ang kaalamang ito ay nasa mga kamay ng mga pabrikante ng lahat ng bagay mula sa mga bulitas hanggang sa mga larong video.

Daan-daang mga kompaniya at angaw-angaw na mga empleado sa gayon ang naging mga target para sa pag-iispiya sa industriya. Sa Estados Unidos lamang, mahigit na apat na milyon katao ang may kabatiran sa mga 20 milyong lihim na mga dokumento. Ang trabaho mo ba’y may kaugnayan sa tinatawag na sensitibong impormasyon o kaya ay ang isang membro ng pamilya? Ang impormasyon ay baka mahalaga sa isa na naghahanap ng lihim na impormasyon.

Iyon ang mga panalunan ng labanan sa paniniktik. Ang sistema ng pag-iispiya na ginagastusan nang malaki na mahusay na nakapagpapalusot ng impormasyon sa ibang bansa ay may premyo. Oo, ang mga pagkilos ng pag-iispiya ay maaaring makatipid ng malaking halaga ng salapi. Subalit ang mga ito ay kumukunsumo rin ng pagkalaki-laking badyet. Sinisipi ng rebista sa aklat ng The Sunday Times ang isang tantiya na ang halaga ng pandaigdig na pag-iispiya ay umaabot sa nakalilitong $29 bilyon isang taon. Sinasabing ito’y nag-eempleo ng mahigit na isang milyon katao. Kahit na ang badyet ng United Nations ay pagkaliit-liit kung ihahambing diyan. Iniuulat ng Weltalmanach ni Fischer na iyon ay wala pang $1 bilyon at 40,000 ang nakatala sa listahan ng mga sumusuweldo. Ang pagkalaki-laking gastos sa pag-iispiya ay kinukuha mula sa mga pondo ng bayan, sa mga buwis na ibinabayad mo.

Kasakiman sa Salapi

Isinasagawa ng mga sekreta ang kanilang trabaho dahil sa simulain, para sa bansa o sa ideolohiya. Halimbawa, si Oleg Penkovsky, isang bantog na espiya noong 1960’s, ay sinasabing nagbigay ng impormasyon sa Kanluran tungkol sa kalagayang militar ng Rusya noong panahon ng krisis sa missile sa Cuba. Pagkatapos ay isinulat ng Der Spiegel na ginawa niya ito dahil sa kaniyang mga mithiin sa pulitika at nagsabi pa: “Minsan lamang siya tumanggap ng salapi. Siya’y binigyan ng 3,000 rubles (kuwartang Ruso) [noo’y nagkakahalaga ng mga $3,330] para sa mga pagkakagastos, na 2,000 nito ang isinauli niya.”

Ang mga espiya ngayon ay mayroong mas imbing mga motibo. Ganito ang sulat ng Time: “Ang pinakabagong mga komberte sa pag-iispiya ay hindi gaanong nag-iintindi tungkol sa pulitika, at bihirang masilo sa pamamagitan ng pangunguwalta na ginagamitan ng pananakot. Karaniwan na, sila ay alin sa hirap na hirap o sakim sa salapi.”

“Ang publiko ay hindi na nag-iintindi tungkol sa mga lihim,” sulat ng The Sunday Times, “ipinagpapalagay na ang mga ito ay pawang naihayag na noon pa.” Bakit ang pagguhong ito sa paggalang ng publiko sa mga bagay na lihim? Ang ilan ay dahilan sa inilalabas ng ilang nangungunang mga pulitiko ang mga sekreto sa media alang-alang sa kanilang personal na pakinabang. At marami pang iba ang gumaya. Sa isang pagtatalo kamakailan sa pagitan ng dalawang mga ministro ng gobyerno sa Britaniya, inilathala ng isa ang mga sipi ng isang lihim na liham upang ipahiya yaong isa.

Sa kasong nabanggit kanina sa simula, ipinagkanulo ng asawang lalaki hindi lamang ang kaniyang amo kundi rin naman ang kaniyang pamilya. Lingid sa kaniyang maybahay, isinangkot niya ang kanila mismong anak na lalaki sa pag-iispiya. Sila kapuwa ay nakulong.

Inilalarawan ng mga aklat at mga pelikula ang daigdig ng pag-iispiya na may mga bayaning kayumanggi, mga minikamera, at lihim na mga tipanan. Ibinabalita ng mga pahayagan ang pagkakatuklas sa pinakahuling mole, yaon ay, isang sekreta na nakakasingit sa pag-iispiya ng kalaban at nakakapasok hanggang sa mahalagang puwesto. Ang paglalarawang ito ng media ay lubusang malayo sa katotohanan. Ang mga mole at mga minikamera ay ginagamit subalit bihirang-bihira lamang. Ang pagtitipon ng impormasyon para sa paniniktik ay karaniwang isang matagal at nakapapagod na gawain. Nagsasangkot ito ng matagal at panayang pag-aaral ng mga babasahin tungkol sa kalakal at pananalapi o mga magasin tungkol sa siyensiya upang makakuha ng animo’y walang halagang mga detalye na kung pagsasama-samahin ay bubuo ng isang mahalagang impormasyon. Gayunman, ang ibang mga tao ay naaakit pa rin sa daigdig ng pag-iispiya sa paghahangad ng kapana-panabik na mga bagay.

Wala Nang mga Kasinungalingan, Wala Nang mga Espiya

Ang sistema ng pag-iispiya ay naghahagis ng malawak na anino, nilalambungan pa nga ang mga buhay ng mga tagalabas. Pinagbabayaran nila ito. Sila’y namumuhay sa kapaligiran ng paghihinala na pinalalaganap nito at nakikinabang mula rito. Sinisikap nilang mamuhay sa kaakit-akit na larawan nito. Ang matalinong landasin para sa mga Kristiyano ay lubusang iwasan ang masakim, di-tapat, at imoral na daigdig ng pag-iispiya.​—Ihambing ang 1 Timoteo 6:7-10; Colosas 3:5-10.

Anong laking kaibahan nga ng mga bagay kung tayo ay mayroon lamang isang pandaigdig na pamahalaan na mag-aalis sa nasyonalismo upang pagkaisahin ang mga mamamayan, hindi paghiwa-hiwalayin sila! Napakagaling nga kung ang mga opisyal ay nagbibigay ng maningning na halimbawa sa pagkamapagkakatiwalaan at karangalan at kung ang pag-ibig, hindi ang takot, ang umiiral! Lahat ng iyan ang siya mismong gagawin ng Kaharian ng Diyos.​—Apocalipsis 7:9, 10, 16, 17; 2 Pedro 3:13.

[Kahon sa pahina 12]

Ano Naman ang Tungkol sa mga Espiya sa Bibliya?

Ang katagang “paniniktik” ay kilala sa Ehipto at Canaan noong ika-18 siglo B.C.E. sa pinakahuli. Si Jose, na noo’y punong administrador ng pagkain sa Ehipto, ay gumamit ng isang dayà upang malaman ang mga motibo ng kaniyang sampung mga kapatid sa ama, iginigiit na sila ay mga tiktik.​—Genesis, kabanata 42.

Pagkalipas ng mahigit na dalawang daang taon, si Moises ay sumang-ayon sa kahilingan ng mga Israelita at nagsugo ng 12 lalaki upang tiktikan ang lupain ng Canaan.​—Bilang, kabanata 13; Deuteronomio 1:22-25.

Sinugo ni Josue ang mga Israelita upang tingnan ang mga lunsod ng Jerico at Ai bago ang bawat pakikidigma.​—Josue 2:1; 7:2.

Ang isang tiktik o espiya ay inaasahan na kaniyang titingnang mainam ang lupain upang kumuha ng impormasyon tungkol dito. Ang salitang Hebreo na isinaling “espiya” ay naglalarawan sa isa na naglalakad-lakad, minamasdang mainam ang nakikita niya.

Pansinin na nang ninais ng tribo ni Jose ang mga detalye tungkol sa lunsod ng Bethel bago sakupin ito, gumamit sila ng mga espiya. (Hukom 1:22, 23) Sinasabi sa atin ng iba’t ibang salin ng Bibliya na sila ay “nagsugo ng mga tagamanman” (The Living Bible), “nagmanman sila” (The Jerusalem Bible), o “nagsugo sila ng mga lalaki upang magmanman” (Moffatt).

Kaya, ang pag-iispiya na binabanggit sa Bibliya ay malayung-malayo sa lubhang imoral na daigdig ng pag-iispiya sa ngayon.

[Larawan sa pahina 11]

Si Napoleon ay nakagawa ng maling mga konklusyon. Natalo siya sa Waterloo at naiwala niya ang isang imperyo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share