Mumunting Bagay—Itinuturing Mo Ba Itong Mahalaga?
“LITTLE things mean a lot.” Gayon ang sabi ng mga salita ng isang kilalang awit. Kasuwato nito, ang pinakamatalinong Guro ng daigdig ay minsang nagsabi: “Ang taong tapat sa kakaunti ay tapat din naman sa marami.”—Lucas 16:10.
Oo, ang mumunting bagay ay maaaring maging napakahalaga. Sa katunayan, ang daigdig ay binubuo ng mumunting bagay. Gayunman, karaniwang hindi natin pinapansin o marahil ay winawalang-bahala ang mga ito dahil sa kanilang kaliitan.
Mumunting Bagay na Mahalaga
Isang napakaliit na bagay, na kung wala nito walang sinuman sa atin ang naririto, ay ang pertilisadong selulang itlog ng pagpaparami ng tao. Tinatawag ni Russell Colman, isang inhinyerong Australyano, ang nukleo nito na “marahil ang pinakakahanga-hangang makatuwirang kagamitang nakikilala sa sansinukob, binabago ang payak na panangkap tungo sa masalimuot at matalinong mga tao.”
Ang ating katawan ay binubuo ng 100 trilyong pagkaliliit na mga selula. Ang DNA ng bawat isa sa pagkaliliit na mga selulang ito ay naglalaman ng katutubong mga instruksiyon na kung bibigyan-kahulugan ay pupunô sa libu-libong inimprentang mga pahina!
At kumusta naman ang pagkaliit-liit na atomo, na dati’y inaakalang hindi maaaring hatiin? Ang pagkaliit-liit na blokeng ito sa pagtatayo ay binigyan-kahulugan bilang ang pinakamaliit na yunit ng isang elemento na pinananatili ang kemikal na pagkakakilanlan nito. Ang ubod ng liit na sentro nito na tinatawag na nukleo ay napaliligiran ng pagkaliit-liit na mga elektron, anupa’t ang atomo mismo ay hindi kukulanging 99.9999999999999 porsiyentong espasyo!
Kung ihahambing sa kilalang sansinukob, tayong mga tao ay napakaliit. Kung isasaalang-alang natin, halimbawa, na ang ating planetang Lupa ay 333,000 ulit na mas maliit kaysa ating araw, na, isa lamang karaniwang bituin sa isang di-mabilang na bilyun-bilyong galaksi sa napakalaking sansinukob, hindi ba tayo napaaalalahanan ng ating kaliitan?
Kahit na ang panahon mismo, bagaman walang wakas, ay maaaring hatiin sa maliliit na bahagi. Ang mga segundo ay binubuo ng mga milisegundo, ang mga segundo ay bumubuo ng mga minuto, ang mga minuto ay bumubuo ng mga oras, at patuloy pa hanggang sa mga yugto ng panahong walang takda, walang-hanggan. Sa mga paligsahan sa laro, kahit na ang bahagi ng isang segundo ay maaaring mangahulugan ng pagkatalo o pagkapanalo.
Kaligayahan sa Mumunting Bagay
Sa magkakaibigan, ang mumunting bagay ay mahalaga sapagkat ito’y nagpapatibay sa nagtatagal na mga kaugnayan. Sa pag-aasawa, kadalasan nang ang mumunting bagay—maalalahaning mga salita, sulyap, o gawa—ay malaki ang nagagawa upang panatilihing masigla at magiliw ang pagsasama. At, sa kabaligtaran, ang walang pagpapahalagang pagkaligta sa gayong “mumunting bagay” ay maaaring dumami, hanggang sa punto na ito’y pagmulan ng malaki, sumisira-ng-pag-aasawang mga problema.
Ang pananampalataya at katapatan, na sa ganang sarili’y mahahalagang katangian, ay madalas na ipinahahayag sa maliliit na paraan. Gayunman, isip-isipin ang malalaking gantimpala, kasiyahan, at kaligayahan na maaaring idulot ng maliliit na kapahayagang ito ng pagtitiwala at pagkamaaasahan.
Oo, ang mahahalagang bagay ay karaniwan nang nauugnay sa mumunting bagay. Mangyari pa, ang isang bagay man ay malaki o maliit ay relatibo at sinusukat sa kalakhang bahagi ng isa na gumagawa ng paghahambing. Gayumpaman, ito man ay mga kapahayagan ng pagmamahal, mga katangian sa ating pagkatao, o napakaliit na sangkap na sumusustini sa buhay, sa mapagpahalagang mga tao, talagang ‘little things do mean a lot.’
[Mga larawan sa pahina 17]
Mumunting paggalang na mahalaga