Ang Mesquite—Isang Matamis na Misteryo ng Buhay
Ang misteryo ay dumarating maaga sa buhay nito. Ang katamisan ay dumarating sa dakong huli.
“ANG mesquite ang tanging palumpong na ang mga ugat ay nakakaabot sa bahagi ng lupa na punô ng tubig water table). Subalit ang punla ng isang mesquite ay dapat ipadala ang ugat nito sa ibaba ng mga 9 na metro o higit pa na nagdaraan sa tuyong buhangin bago nito marating ang tubig na ito. Paano, kung gayon, nagagawa ito? Isa ito sa di-malutas na misteryo ng disyerto.” Ang magasing Scientific American ay nagsasabi na ang binabanggit nito ay ang mesquite sa Death Valley ng California.
Ang mga binhi ng mesquite mismo ay nakakatulong. Ito ay bihirang tumubo kung basta itatanim sa lupa. Subalit kung ang balat ng binhi ay kakanin ng mga hayop, ang buong binhi na dumaan sa panunaw ay madaling tumubo. Tinutunaw ng mga katas sa panunaw ng hayop ang balát ng binhi, pinapangyaring mabasa ang binhi at magsimula ang pagtubo. Kapag inilabas ng hayop, ang binhi ay mayroong panustos na dumi ng hayop na tumutulong sa paglaki ng punla. Isa pa, ang paglaki na iyon ay nakatuon sa punong-ugat—bahagya lamang paglaki ang nangyayari sa ibabaw ng lupa hanggang sa ang punong-ugat ay nakasumpong ng tubig 9 na metro o higit pa sa ilalim ng lupa.
Sa ibang disyerto ang mga pag-ulan doon ay maaaring makatulong, subalit sa Death Valley ang sukat ng pag-ulan na 3.43 centimetro sa loob ng isang taon ay bale wala. Kung paano nabubuhay roon ang mga punla samantalang ang mga punong-ugat ay humahaba ng 9 na metro o higit pa sa tuyong buhangin ay di-malutas na misteryo. Kahit na sa iba pang mga disyerto ang kamangha-manghang gawa ay pambihira, lalo na yamang ang ilang ugat ng mesquite ay bumababa ng 60 metro upang humanap ng tubig! Ang Sonoran Desert Museum sa Tucson, Arizona, ay nagsasabi tungkol sa isang minahan kung saan ang mga ugat ng mesquite ay nasumpungan sa lalim na 53 metro.
Subalit minsang matagpuan ng ugat ang tubig, ang halaman sa ibabaw ng lupa ay lumalaki. Kung saan maraming panustos na tubig sa ilalim ng lupa, ang puno ng mesquite ay maaaring umabot ng mahigit na 12 metro ang taas at 0.9 hanggang 1.2 metro sa diyametro. Ang ibang mga halaman sa disyerto ay maaaring malanta o mamatay sa panahon ng tagtuyot sa disyerto, subalit ang mesquite ay nananatiling luntian. Ang malalim na mga ugat nito ay umiinom ng tubig sa ilalim ng lupa na dala ng ulan at niyebe mula sa malayong kabundukan. Mayroon din itong habi ng mga ugat sa ibabaw na mula sa puno nito, at ito ang sumisipsip ng tubig mula sa dumaraang mga pag-ambon. Subalit ang mga punong-ugat na bumabaon nang malalim ang siyang napakahusay humanap ng mga imbakan ng tubig anupa’t ibinabaon ng mga manghuhukay ng poso ang kanilang mga poso na malapit dito.
Ang Docent Note Book para sa Sonoran Desert Museum ay nagbibigay ng impormasyong ito kung tungkol sa kapakinabangan ng mesquite:
“Noon ito ay malaking halaga bilang isang puno sa disyerto na ginagawang tabla. Ginagamit pa rin ito para sa mga poste sa bakod, bilang uling at gatong. (Matagal itong masunog at lumilikha ng mainit na apoy na nagdaragdag ng masarap na lasa sa iniluluto.) Ang mga arko ng biyolin ay kung minsan gawa sa ugat ng kahoy. Ang panloob na balat ng punong mesquite ay nagbibigay sa mga Indian at sa mga maninirahan ng materyal para sa paghahabi ng mga basket, magaspang na mga tela at medisina upang gamutin ang sarisaring sakit. Ang kola (gum) na lumalabas mula sa tangkay ay tinitipon at ipinagbibili upang gawing kendi (gum drops). [Nagbibigay ito] ng pandikit (upang idikit ang mga palayok).”
“Ang mesquite ay napakahalaga sa mga maninirahan at sa mga Indian. Kapag walang ani sila kapuwa ay nabubuhay sa pagkain ng (pinole) na mula sa balát ng binhi at mga binhi ng mesquite. Sa pakikipagbaka sa mga Apache, itinuring ng kabalyeriya ng E.U. ang mga balát ng binhi na napakahalaga bilang pagkain ng mga kabayo anupa’t sila’y nagbabayad ng 3 sentimo para sa isang libra ng balatong ng Mesquite . . . Ang mga balát ng binhi ay napakasustansiya, naglalaman ng 20 hanggang 30% asukal (dextrose, glucose at simpleng asukal). Mayaman din ito sa proteina (mas mataas kaysa soybeans).”
Kung Saan Pumapasok ang Tamis
Subalit mayroon pang gamit ang palumpong o punong mesquite. Mula sa tagsibol hanggang sa maagang tag-araw, ang mahaba, mataba, dilaw na mga bulaklak ay nakabitin sa puno na parang napakalaking higad. At ito ang dahilan na nagdaragdag ng katamisan sa misteryo ng buhay ng punong mesquite.
Si Ralph Lusby ay isang ikatlong-salinlahi na nag-aalaga ng pukyutan kung saan nananagana ang mesquite sa disyerto sa Arizona. Siya ay kinapanayam ng kabalitaan ng Gumising! at ganito ang komento niya:
Nakakita na ako ng mga punong mesquite na nakakakuha ng maraming tubig na tatlong beses namumulaklak sa isang panahon. Sa mabuting ani ng pulot-pukyutan na nakukuha ng mga pukyutan buhat sa bulaklak ng mesquite, ang aking mga pukyutan ay nagbibigay ng 85 hanggang 90 porsiyentong pulot mesquite, na may halong 10 hanggang 15 porsiyentong pulot-pukyutang cat’s-claw. Marami na akong natikmang pulot-pukyutan sa buong buhay ko, subalit ang mesquite ang pinakamasarap. Ito ang pinakasuwabe sa lahat ng pulot-pukyutan. Wala itong matinding lasa ng pulot-pukyutan pagkatapos mong kumain, kaya ito ay napakasarap na matamis. Ang mga taong hindi magustuhin sa pulot-pukyutan ay karaniwang nagugustuhan ang pulot-pukyutan na galing sa mesquite. Gayunman, sapagkat ito’y suwabe, kung ito ay hahaluan ng mas matapang na pulot-pukyutan ay maaaring daigin ang lasa nito. Isang taon na kami ng tatay ko ay naghalo ng isang galon ng dalandan sa sampung galon ng mesquite, at itong lahat ay naglasang pulot-pukyutang dalandan!
“Ang pinakamaraming ani ko ng pulot-pukyutang buhat sa mesquite ay mula sa Abril 20 hanggang Hunyo 10, sa katamtaman. Natatandaan ko na nang ang pambansang pamantayan ng pulot-pukyutan na nakukuha buhat sa mga bahay-pukyutan (halos 60,000 pukyutan) ay 19 hanggang 19.5 kilo ng pulot-pukyutan sa isang taon, ang aking mga pukyutan ay nagbibigay sa akin ng 53 kilo sa bawat bahay-pukyutan. Ang ilang mga tagapag-alaga ng pukyutan ay kuripot sa kanilang mga pukyutan, hindi nag-iiwan ng sapat na pukyutan para sa taglamig. Ako’y nag-iiwan ng 27 kilo sa bawat bahay-pukyutan. Kailangan din nila ng tubig. Sa ilang bahagi ng disyerto, ako’y nagdadala ng ilang 210-litrong mga dram upang gamitin sa pagpapainom at pagpapalamig sa bahay-pukyutan. Isang pangkat ng 40 mga bahay-pukyutan na mga 760 metro ang taas mula sa lupa ay gagamit ng 23 o 26 litro isang araw kung tag-init. Mahal ko ang aking mga pukyutan. Sinusustentuhan nila ako, at inaalagaan ko naman sila!”
Subalit ang mesquite taglay ang katamisan nito ang siyang nangangalaga sa tao at sa pukyutan. Ito rin ay nagbibigay ng isang misteryo para pag-isipan ng tao, at pumupukaw ng pagpapasalamat sa puso niyaong nagpapahalaga sa Maylikha nito.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
Walang alinlangan na maraming di-kilala at di-alam na mga paraan tungkol sa punong mesquite ang nananatiling pambihira. Subalit ngayon ang araw ay lumulubog sa panahong ito ng paggawa ng pulot-pukyutan, at minsan pang ginampanan ng mesquite ang mahalagang papel nito sa ekolohiya ng disyerto. Hindi na magtatagal magsisimula na ang malakas na mga pag-ulan. Pagkatapos ang punong ito sa disyerto ay hindi lalago, upang muling mabuhay sa susunod na tagsibol upang tulungan ang mapagpasalamat na mga pukyutan na gumawa ng natatanging pulot-pukyutan sa kagalakan ng tao at ng mga hayop.
[Larawan sa pahina 17]
Itinuturo ng tagapag-alaga ng pukyutan ang reynang pukyutan
Malapitang-kuha ng pukyutan ng mesquite